“Iniibig Mo Ba Ako Nang Higit Kaysa sa mga Ito?”
“Simon na anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa sa mga ito?”—JUAN 21:15.
1, 2. Pagkatapos mangisda nang magdamag, ano ang natutuhan ni Pedro?
MAGDAMAG na nangingisda sa Dagat ng Galilea ang pito sa mga tagasunod ni Jesus pero wala silang nahuli. Mula sa dalampasigan, inoobserbahan sila ng binuhay-muling si Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “‘Ihagis ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at may masusumpungan kayo.’ Nang magkagayon ay inihagis nila iyon, ngunit hindi na nila makayang hatakin iyon dahil sa dami ng mga isda.”—Juan 21:1-6.
2 Pagkatapos silang pakainin ni Jesus ng agahan, tumingin siya kay Simon Pedro at sinabi: “Simon na anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa sa mga ito?” Ano ang tinutukoy ni Jesus? Malapít sa puso ni Pedro ang pangingisda. Kaya malamang na tinatanong siya ni Jesus kung ano talaga ang matimbang sa puso niya. Mas mahal ba niya ang mga isda at ang hanapbuhay na pangingisda kaysa kay Jesus at sa mga turo niya? Sumagot si Pedro: “Panginoon, alam mong may pagmamahal ako sa iyo.” (Juan 21:15) Talagang pinatunayan iyan ni Pedro. Mula nang araw na iyon, ipinakita niya ang kaniyang pag-ibig kay Kristo sa pagiging abala sa paggawa ng mga alagad, at naging haligi siya sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano.
3. Sa anong mga panganib dapat mag-ingat ang mga Kristiyano?
3 Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus kay Pedro? Kailangan tayong mag-ingat na huwag lumamig ang ating pag-ibig kay Kristo at mailihis tayo mula sa interes ng Kaharian. Alam ni Jesus ang mga problemang kaakibat ng kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay. Sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa manghahasik, sinabi ni Jesus na may mga tatanggap sa “salita ng kaharian” at susulong sa simula pero “ang kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan” ay ‘sasakal sa salita.’ (Mat. 13:19-22; Mar. 4:19) Kung hindi tayo mag-iingat, baka makaapekto sa puso natin ang pang-araw-araw na kabalisahan at magmabagal tayo sa espirituwal. Kaya nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay.”—Luc. 21:34.
4. Paano natin masusuri kung gaano kalalim ang pag-ibig natin kay Kristo? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
4 Gaya ng ginawa ni Pedro matapos niyang makausap ang binuhay-muling si Jesus, pinatutunayan natin kung gaano kalalim ang pag-ibig natin kay Kristo sa pamamagitan ng pag-una sa gawaing ibinigay sa atin. Paano tayo makatitiyak na patuloy nating nagagawa iyan? Sa pana-panahon, tanungin ang sarili: ‘Ano talaga ang matimbang sa puso ko? Ano talaga ang nagpapasaya sa akin—mga karaniwang gawain sa sanlibutan o espirituwal na mga gawain?’ Para masagot iyan, talakayin natin ang tatlong aspekto sa ating buhay na kailangang ilagay sa tamang lugar para huwag manghina ang ating pag-ibig kay Kristo at sa espirituwal na mga bagay—sekular na trabaho, paglilibang, at materyal na mga bagay.
ILAGAY SA TAMANG LUGAR ANG SEKULAR NA TRABAHO
5. Ano ang makakasulatang responsibilidad ng mga ulo ng pamilya?
5 Para kay Pedro, hindi lang libangan ang pangingisda—ito ang hanapbuhay niya. Kinikilala ng mga ulo ng pamilya ang kanilang makakasulatang responsibilidad na ilaan ang materyal na pangangailangan ng kanilang pamilya. (1 Tim. 5:8) Kailangan nilang magtrabahong mabuti para magampanan iyan. Pero sa mga huling araw na ito, ang sekular na trabaho ay kadalasan nang nagiging sanhi ng kabalisahan.
6. Bakit nakaka-stress ang sekular na trabaho sa ngayon?
6 Sa ngayon, matindi ang kompetisyon para sa limitadong trabahong mapapasukan. Dahil dito, maraming empleado ang nagtatrabaho nang mas maraming oras kahit maliit lang ang suweldo. At dahil pinipilit silang dagdagan ang kanilang produksiyon, marami ang naii-stress, nasasagad, at nagkakasakit pa nga. Ang mga empleadong ayaw gumawa ng gayong mga sakripisyo para sa kompanya ay nanganganib mawalan ng trabaho.
7, 8. (a) Kanino muna tayo dapat maging matapat? (b) Anong mahalagang aral ang natutuhan ng isang brother sa Thailand tungkol sa kaniyang trabaho?
7 Bilang mga Kristiyano, dapat muna tayong maging matapat sa Diyos na Jehova bago sa employer natin. (Luc. 10:27) Kailangan ang sekular na trabaho para mapaglaanan ang ating materyal na pangangailangan at masuportahan ang ating ministeryo. Pero kung hindi tayo mag-iingat, baka makahadlang ito sa pagsamba natin. Halimbawa, ikinuwento ng isang brother sa Thailand: “Gustong-gusto ko ang trabaho kong pagre-repair ng mga computer, pero maraming oras ang ginugugol ko rito. Kaya halos wala na akong panahon sa espirituwal na mga bagay. Nakita ko na para mauna ko ang Kaharian, kailangan kong magbago ng trabaho.” Ano ang ginawa niya?
8 “Matapos magplano nang mga isang taon,” ang paliwanag niya, “pinili kong maglako ng ice cream. Sa umpisa, kinakapos ako sa pinansiyal at nasiraan ng loob. Kapag nakikita ko ang mga dati kong katrabaho, pinagtatawanan nila ako at tinatanong kung bakit mas gusto kong magbenta ng ice cream kaysa magtrabaho sa mga computer sa air-conditioned na lugar. Nanalangin ako kay Jehova at hiniling sa kaniya na tulungan akong makayanan ang sitwasyon ko at maabot ang tunguhin kong magkaroon ng mas maraming panahon sa espirituwal na mga gawain. Di-nagtagal, gumanda ang mga kalagayan. Nakuha ko ang panlasa ng mga kostumer ko at naging mas mahusay ako sa paggawa ng ice cream. Nauubos na ang paninda kong ice cream araw-araw. Ang totoo, mas kumita pa ako sa ice cream kaysa sa computer. Naging mas masaya ako dahil hindi na ako tensiyonado gaya noon sa dati kong trabaho. At ang pinakamahalaga sa lahat, naging mas malapít ako kay Jehova.”—Basahin ang Mateo 5:3, 6.
9. Paano natin mapananatili ang balanseng pananaw sa sekular na trabaho?
9 Ang kasipagan ay isang makadiyos na katangian, at nagdudulot ng kasiyahan ang pagtatrabaho nang mabuti. (Kaw. 12:14) Pero gaya ng natutuhan ng brother sa Thailand, kailangang ilagay sa tamang lugar ang sekular na trabaho. Sinabi ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito [pangunahing materyal na pangangailangan] ay idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:33) Para malaman kung balanse ang pananaw natin sa sekular na mga bagay at sa espirituwal na mga pananagutan, tanungin ang sarili: ‘Mas nasisiyahan ba ako sa trabaho ko samantalang itinuturing kong pangkaraniwan at rutin na lang ang aking espirituwal na mga gawain?’ Ang pagbubulay-bulay sa pananaw natin tungkol sa ating sekular at espirituwal na mga gawain ay tutulong para malaman kung ano talaga ang matimbang sa puso natin.
10. Anong mahalagang aral ang itinuro ni Jesus tungkol sa pagtatakda ng mga priyoridad?
10 Itinuro ni Jesus ang pamantayan kung paano magiging balanse sa sekular at espirituwal na mga gawain. Sa isang pagkakataon, bumisita siya sa tahanan nina Maria at Marta. Habang natataranta si Marta sa paghahanda ng pagkain, si Maria naman ay naupo sa paanan ni Jesus at nakinig sa kaniya. Nang magreklamo si Marta dahil hindi siya tinutulungan ni Maria, sinabi ni Jesus kay Marta: “Pinili ni Maria ang mabuting bahagi, at hindi ito kukunin sa kaniya.” (Luc. 10:38-42) Tinuruan ni Jesus si Marta ng mahalagang aral. Para hindi tayo mailihis ng sekular na mga bagay at para mapatunayan ang ating pag-ibig kay Kristo, dapat nating patuloy na piliin “ang mabuting bahagi”—gawing priyoridad ang espirituwal na mga bagay.
ANG PANANAW NATIN SA PAGLILIBANG
11. Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pagpapahinga at pagrerelaks?
11 Paminsan-minsan, kailangan nating magpahinga at magrelaks dahil sa maraming trabaho at gawain. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Sa tao ay wala nang mas mabuti kundi ang kumain siya at uminom nga at magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pagpapagal.” (Ecles. 2:24) Alam ni Jesus na may panahong kailangan ang pagpapahinga. Minsan, pagkatapos ng puspusang kampanya ng pangangaral, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Halikayo, kayo mismo, nang sarilinan sa isang liblib na dako at magpahinga nang kaunti.”—Mar. 6:31, 32.
12. Bakit tayo dapat mag-ingat pagdating sa paglilibang? Magbigay ng halimbawa.
12 Totoo, kailangan din natin ang paglilibang. Pero mapanganib kung dito na lang tayo nakapokus. Noong unang siglo, marami ang may saloobing “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.” (1 Cor. 15:32) Laganap din sa mundo ngayon ang ganiyang saloobin. Halimbawa, ilang taon na ang nakararaan, isang kabataang lalaki sa Western Europe ang nagsimulang dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Pero dahil sa sobrang hilig sa paglilibang, huminto siya sa pakikisama sa bayan ni Jehova. Nang maglaon, nakita niya na puro problema at pagkadismaya ang dulot ng labis na paglilibang. Kaya muli siyang nakipag-aral ng Bibliya, at di-nagtagal, naging kuwalipikado siya na maging mamamahayag ng mabuting balita. Pagkatapos ng kaniyang bautismo, sinabi niya: “Ang pinagsisisihan ko lang ay na maraming panahon ang sinayang ko bago ko nakita na di-hamak na mas maligayang maglingkod kay Jehova kaysa ubusin ang panahon sa mga libangang iniaalok ng sanlibutan.”
13. (a) Ilarawan ang mga panganib na nauugnay sa paglilibang. (b) Ano ang tutulong sa atin na mapanatili ang balanseng pananaw sa paglilibang?
13 Ang layunin ng paglilibang ay para makapagrelaks at makapagpahinga. Kung gayon, gaano karaming panahon ang dapat nating gugulin dito? Pansinin ang paghahambing na ito: Marami sa atin ang mahilig sa matatamis, gaya ng cake at candy. Pero alam natin na kung lagi tayong kakain ng matamis, makasasamâ ito sa ating kalusugan. Kaya naman, masustansiyang pagkain ang dapat na maging pangunahin sa atin. Sa katulad na paraan, kung lagi na lang tayong naglilibang, hihina ang ating espirituwalidad. Para maiwasan iyan, kailangan nating regular na makibahagi sa mga gawaing pang-Kaharian. Paano natin malalaman kung balanse ang pananaw natin sa paglilibang? Puwede tayong pumili ng isang linggo at ilista kung ilang oras ang ginugugol natin sa espirituwal na mga gawain, gaya ng pagdalo sa mga pulong, pakikibahagi sa ministeryo, at personal at pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Pagkatapos, ikumpara natin iyan sa dami ng oras na ginugol natin nang linggo ring iyon sa mga libangan, gaya ng sports, hobby, panonood ng telebisyon, o paglalaro ng video game. Ano ang ipinakikita ng paghahambing na iyan? Kailangan ba nating bawasan ang pagkain ng “matatamis”?—Basahin ang Efeso 5:15, 16.
14. Ano ang dapat nating maging gabay sa pagpili ng libangan?
14 Ang mga indibiduwal at ulo ng pamilya ay malayang pumili ng libangang gusto nila, basta kasuwato ito ng mga tagubilin ni Jehova ayon sa mga simulain ng Bibliya.a “Kaloob ng Diyos” ang malinis na paglilibang. (Ecles. 3:12, 13) Siyempre pa, baka iba-iba ang gusto natin. (Gal. 6:4, 5) Anuman ang pipiliin nating libangan, gusto natin itong ilagay sa tamang lugar. Sinabi ni Jesus: “Kung nasaan ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.” (Mat. 6:21) Ang pag-ibig natin kay Jesus ang magpapakilos sa atin na ipokus ang ating isip, salita, at gawa sa mga gawaing pang-Kaharian sa halip na sa pang-araw-araw na mga gawain.—Fil. 1:9, 10.
LABANAN ANG MATERYALISMO
15, 16. (a) Paano maaaring masilo ng materyalismo ang isang Kristiyano? (b) Anong matalinong payo ang ibinigay ni Jesus tungkol sa materyal na mga bagay?
15 Sa ngayon, marami ang naghahangad ng pinakabagong istilo ng pananamit, gadyet, at iba pa. Kaya kailangang regular na suriin ng bawat Kristiyano ang kaniyang sarili at itanong: ‘Mas mahalaga na ba sa akin ang materyal na mga bagay kung kaya gumugugol ako ng mas maraming panahon sa pagre-research o pag-iisip tungkol sa pinakabagong kotse o damit kaysa sa paghahanda sa mga pulong? Nauubos na ba ang panahon ko sa pang-araw-araw na mga gawain kung kaya kaunting panahon na lang ang natitira para sa pananalangin o pagbabasa ng Bibliya?’ Kung makita natin na natatabunan na ng pag-ibig sa materyal na mga bagay ang ating pag-ibig kay Kristo, dapat nating pag-isipan ang sinabi ni Jesus: “Magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan.” (Luc. 12:15) Bakit?
16 Sinabi ni Jesus na “walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon.” Sinabi pa niya: “Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” Totoo iyan dahil ang dalawang “panginoon” na ito ay parehong humihiling ng bukod-tanging debosyon. “Alinman sa kapopootan [natin] ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan [tayo] sa isa at hahamakin ang ikalawa,” ang sabi ni Jesus. (Mat. 6:24) Dahil hindi tayo sakdal, kailangan nating patuloy na labanan ang “pagnanasa ng ating laman,” kasama na ang materyalismo.—Efe. 2:3.
17. (a) Bakit nahihirapang magkaroon ng balanseng pananaw sa materyal na mga bagay ang mga taong makalaman ang pag-iisip? (b) Ano ang tutulong sa atin na labanan ang materyalismo?
17 Ang mga taong makalaman ang pag-iisip ay nahihirapang magkaroon ng balanseng pananaw sa materyal na mga bagay. Bakit? Dahil naging mapurol ang kanilang espirituwal na pandama. (Basahin ang 1 Corinto 2:14.) Kapag lumabo na ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa, mas nahihirapan silang makilala ang tama at ang mali. (Heb. 5:11-14) Dahil dito, ang ilan ay nagkakaroon ng di-makontrol na pagnanasa sa materyal na mga bagay—na hindi kailanman masasapatan. (Ecles. 5:10) Mabuti na lang, mayroon tayong panlaban sa materyalismo: ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, na kailangang basahin nang regular. (1 Ped. 2:2) Kung paanong napalakas si Jesus ng pagbubulay-bulay sa katotohanan para tanggihan ang tukso, malalabanan din natin ang materyalismo kung ikakapit natin ang mga simulain sa Bibliya. (Mat. 4:8-10) Sa paggawa nito, maipakikita natin kay Jesus na mas iniibig natin siya kaysa sa anumang materyal na bagay.
18. Ano ang determinasyon mo?
18 Nang tanungin ni Jesus si Pedro: “Iniibig mo ba ako nang higit kaysa sa mga ito?” ipinaalaala niya kay Pedro na kailangan nitong unahin sa buhay niya ang espirituwal na mga bagay. Si Pedro, na ang pangalan ay nangangahulugang “Isang Piraso ng Bato,” ay talagang namuhay ayon sa kaniyang pangalan dahil nagpakita siya ng tulad-batong mga katangian. (Gawa 4:5-20) Determinado rin tayong panatilihing masidhi ang ating pag-ibig kay Kristo, at ilagay sa tamang lugar ang sekular na trabaho, paglilibang, at materyal na mga bagay. Makita sana sa mga pagpili natin na katulad tayo ni Pedro, na nagsabi kay Jesus: “Panginoon, alam mong may pagmamahal ako sa iyo.”
a Tingnan ang artikulong “Kapaki-pakinabang Ba ang Iyong Paglilibang?” sa Ang Bantayan, Oktubre 15, 2011, p. 9-12, par. 6-15.