Mga Gawa ng mga Apostol
4 Habang ang dalawa ay nakikipag-usap sa mga tao, biglang dumating ang mga saserdote, ang kapitan ng templo,+ at ang mga Saduceo.+ 2 Naiinis sila dahil tinuturuan ng mga apostol ang mga tao at hayagang sinasabi ang tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus.*+ 3 Kaya hinuli nila ang mga ito at ikinulong+ hanggang kinabukasan, dahil gabi na noon. 4 Pero marami sa mga nakinig ang nanampalataya, at ang mga lalaki ay umabot nang mga 5,000.+
5 Kinabukasan, nagtipon-tipon sa Jerusalem ang kanilang mga tagapamahala, matatandang lalaki, at mga eskriba, 6 kasama si Anas+ na punong saserdote, si Caifas,+ si Juan, si Alejandro, at ang lahat ng kamag-anak ng punong saserdote. 7 Pinatayo nila sina Pedro at Juan sa gitna nila at tinanong: “Sino ang nagbigay sa inyo ng awtoridad na gawin ito?”*+ 8 Kaya sumagot si Pedro, na puspos ng banal na espiritu:+
“Mga tagapamahala ng bayan at matatandang lalaki, 9 kung nililitis ninyo kami ngayon dahil sa mabuting bagay na ginawa namin sa isang lumpo,+ at gusto ninyong malaman kung sino ang nagpagaling* sa kaniya, 10 ipinaaalam namin sa inyong lahat at sa buong bayang Israel na ang taong ito ay gumaling sa ngalan ni Jesu-Kristo na Nazareno,+ na ipinako ninyo sa tulos+ pero binuhay-muli ng Diyos.*+ Dahil sa kaniya,* ang taong ito ay nakatayo ngayon sa harap ninyo. 11 Siya ‘ang bato na winalang-halaga ninyong mga tagapagtayo pero naging pangunahing batong-panulok.’+ 12 Isa pa, wala nang ibang tagapagligtas, dahil walang ibang pangalan+ sa ibabaw ng lupa* na ibinigay sa mga tao na ikaliligtas natin.”+
13 Nang makita nila ang katapangan nina Pedro at Juan at malaman nilang hindi nakapag-aral at pangkaraniwan ang mga taong ito,+ gulat na gulat sila. At naalaala nilang ang mga ito ay kasama noon ni Jesus.+ 14 Habang nakatingin sila sa taong pinagaling na nakatayong kasama ng mga ito,+ wala silang masabi.+ 15 Kaya pinalabas nila ang mga ito mula sa bulwagan ng Sanedrin, at nag-usap-usap sila. 16 Sinabi nila: “Ano ang gagawin natin sa mga lalaking ito?+ Talagang kapansin-pansin ang himalang* ginawa nila. Alam ito ng lahat ng taga-Jerusalem,+ at hindi natin puwedeng sabihin na hindi ito totoo. 17 Pero para huwag na itong kumalat pa, pagbantaan natin sila at utusang huwag nang makipag-usap sa iba tungkol sa pangalang ito.”+
18 Kaya tinawag nila ang mga ito at inutusang huwag nang magsalita o magturo tungkol sa pangalan ni Jesus. 19 Pero sinabi nina Pedro at Juan: “Kung sa tingin ninyo ay tama sa paningin ng Diyos na makinig kami sa inyo sa halip na sa Diyos, nasa sa inyo iyon.+ 20 Pero kami, hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.” 21 Pinagbantaan nila ulit ang dalawang alagad, pero pinalaya rin nila ang mga ito dahil wala silang makitang basehan para parusahan ang mga ito at takot din sila sa mga tao,+ dahil niluluwalhati ng mga tao ang Diyos sa nangyari. 22 Ang lalaking ito na napagaling sa himala ay mahigit 40 taóng gulang na.
23 Pagkalaya ng dalawang alagad, pinuntahan nila ang mga kapananampalataya nila at ikinuwento ang sinabi sa kanila ng mga punong saserdote at matatandang lalaki. 24 Pagkarinig nito, sama-sama silang nanalangin sa Diyos:
“Kataas-taasang Panginoon, ikaw ang gumawa ng langit, lupa, dagat, at lahat ng naroon,+ 25 at sa pamamagitan ng banal na espiritu, sinabi mo sa pamamagitan ng iyong lingkod at ninuno naming si David:+ ‘Bakit nagkakagulo ang mga bansa at ang mga bayan ay nag-iisip* ng walang-katuturang mga bagay? 26 Ang mga hari sa lupa ay tumindig at ang mga tagapamahala ay nagkaisa* laban kay Jehova at sa kaniyang pinili.’+ 27 At nagtipon nga sa lunsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato+ kasama ang mga tao ng ibang mga bansa at ang mga Israelita para kalabanin ang iyong banal na lingkod na si Jesus, na iyong pinili.+ 28 Nagtipon sila para gawin ang inihula mo. Nangyari ang mga ito dahil sa iyong kapangyarihan* at layunin.+ 29 At ngayon, Jehova, bigyang-pansin mo ang mga banta nila, at tulungan mo ang iyong mga alipin na patuloy na ihayag ang iyong salita nang walang takot, 30 at patuloy mong gamitin ang iyong kapangyarihan para magpagaling at gumawa ng mga tanda at kamangha-manghang mga bagay+ sa pamamagitan ng pangalan ng iyong banal na lingkod na si Jesus.”+
31 At pagkatapos nilang magsumamo, nayanig ang lugar na pinagtitipunan nila, at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu+ at walang takot nilang inihayag ang salita ng Diyos.+
32 At nagkakaisa ang puso at isip ng lahat ng nanampalataya, at walang isa man sa kanila ang nag-isip na ang mga pag-aari niya ay para lang sa sarili niya, kundi ibinabahagi nila sa isa’t isa ang anumang taglay nila.+ 33 At ang mga apostol ay patuloy na nagbigay ng napakahusay na patotoo tungkol sa pagkabuhay-muli ng Panginoong Jesus,+ at silang lahat ay saganang pinagpala ng walang-kapantay na kabaitan. 34 Sa katunayan, walang isa man sa kanila ang kinapos,+ dahil ibinebenta ng lahat ng may mga bukid o bahay ang mga pag-aari nilang ito, 35 at dinadala nila sa mga apostol ang napagbentahan.+ Pagkatapos, ipinamamahagi ito sa lahat ayon sa pangangailangan ng bawat isa.+ 36 At si Jose, na tinatawag din ng mga apostol na Bernabe+ (na kapag isinalin ay “Anak ng Kaaliwan”), isang Levita, isang katutubo ng Ciprus, 37 ay may isang lupain. Ibinenta niya ito at dinala ang pera sa mga apostol.+