Ano ang Sinasabi ng Bibliya Hinggil sa Diyos at kay Jesus?
KUNG babasahin ang Bibliya mula sa simula hanggang katapusan nang walang patiunang ideya hinggil sa Trinidad, mabubuo kaya ng mambabasa ang ideyang ito sa ganang sarili? Talagang hindi.
Ang maliwanag na mauunawaan ng walang-kinikilingang mambabasa ay na ang Diyos lamang ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylikha, hiwalay at natatangi sa sinoman, at na si Jesus, maging bago naging tao, ay hiwalay at natatangi din, nilikha, at nasasakop ng Diyos.
Ang Diyos ay Iisa, Hindi Tatlo
MONOTEYISMO ang tawag sa turo ng Bibliya na ang Diyos ay iisa. At ipinahiwatig ni L. L. Paine, propesor ng kasaysayang eklesiastikal, na ang monoteyismo sa pinakadalisay na anyo ay hindi magpapahintulot ng Trinidad: “Ang Matandang Tipan ay lubhang mahigpit sa pagiging monoteyistiko. Ang Diyos ay isang bukod na persona. Ang paniwala na masusumpungan dito ang isang trinidad . . . ay lubusang walang saligan.”
Nagkaroon ba ng paglihis sa monoteyismo nang dumating si Jesus sa lupa? Sumasagot si Paine: “Sa puntong ito ay walang pagkalagot ang Matandang Tipan at ang Bago. Patuloy ang tradisyon ng monoteyismo. Si Jesus ay isang Judio, sinanay ng mga magulang na Judio sa Matandang Tipan. Ang buod ng turo niya ay Judio; oo, isang bagong ebanghelyo, subalit hindi isang bagong teolohiya. . . . At ang dakilang tema ng Judiong monoteyismo ay pinaniwalaan niya: ‘Dinggin mo, O Israel, ang Panginoon nating Diyos ay isang Panginoon.’”
Ang mga salitang ito ay nasa Deuteronomio 6:4. Ganito ang mababasa sa Katolikong New Jerusalem Bible (NJB): “Makinig ka, Israel: si Yahweh na ating Diyos ay isa, ang tanging Yahweh.”a Sa balarila ng talata, ang salitang “isa” ay walang pantukoy sa maramihang bilang kaya ito ay talagang nangangahulugan ng isa lamang indibiduwal.
Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay hindi rin nagpahiwatig ng anomang pagbabago sa kalikasan ng Diyos kahit na noong manaog sa lupa si Jesus. Sumulat siya: “Ang Diyos ay iisa.”—Galacia 3:20; tingnan din ang 1 Corinto 8:4-6.
Sa buong Bibliya ang Diyos ay libulibong beses tinutukoy na isang persona. Kapag nagsasalita siya, yao’y bilang di-nababahaging indibiduwal. Napakalinaw ng Bibliya sa bagay na ito. Sinasabi nga ng Diyos. “Ako si Jehova. Iyan ang aking pangalan; at sa kaninomang iba ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian.” (Isaias 42:8) “Ako si Yahweh na inyong Diyos . . . Huwag kayong magkakaroon ng ibang diyos liban sa akin.” (Amin ang italiko.)—Exodo 20:2, 3, JB.
Bakit lahat ng kinasihang manunulat sa Bibliya ay tutukoy sa Diyos bilang isang persona kung siya’y talagang tatlong persona? Ano ang silbi nito, kung hindi iligaw lamang ang tao? Tiyak, kung ang Diyos ay tatlong persona, iuutos niya sa mga manunulat na linawin ito nang husto upang huwag magkaroon ng alinlangan. Kahit papaano ito ang gagawin ng mga manunulat ng mga Kristiyanong Kasulatang Griyego na personal na nakasama ng sariling anak ng Diyos. Subalit ito’y hindi nila ginawa.
Sa halip, buong-linaw na ipinakita ng mga manunulat ng Bibliya na ang Diyos ay isang Persona—isang pantangi, hindi-nahahating Diyos na walang kapantay: “Ako si Jehova, at wala nang iba. Liban sa akin ay walang Diyos.” (Isaias 45:5) “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataastaasan sa buong lupa.”—Awit 83:18.
Hindi Isang Maramihang Diyos
SI JESUS ay tumukoy sa Diyos bilang “iisang Diyos na tunay.” (Juan 17:3) Kailanma’y hindi niya tinukoy ang Diyos bilang isa na may maramihang persona. Kaya sa buong Bibliya ay walang tinutukoy na Makapangyarihan-sa-lahat kundi si Jehova lamang. Kung hindi, ay mapawawalang-bisa nito ang salitang “makapangyarihan-sa-lahat.” Si Jesus ni ang banal na espiritu ay hindi kailanman tinutukoy nang ganito, yamang si Jehova lamang ang kataastaasan. Sa Genesis 17:1 ay ipinapahayag niya: “Ako ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” At ang Exodo 18:11 ay nagsasabi: “Si Jehova ay lalong dakila kaysa lahat ng ibang diyos.”
Sa mga Kasulatang Hebreo, ang salitang ʼeloh’ah (diyos) ay may dalawang maramihang anyo, ʼelo·himʹ (mga diyos) at ʼelo·hehʹ (mga diyos ng). Ang maramihang anyong ito ay karaniwang tumutukoy kay Jehova, kaya ang mga ito ay isinasalin nang isahan bilang “Diyos.” Ang maramihang anyong ito ay nagpapahiwatig ba ng Trinidad? Hindi nga. Sinasabi ni William Smith sa A Dictionary of the Bible: “Hindi na halos itinataguyod ng mga iskolar ang kakatwang ideya na ang [ʼelo·himʹ] ay tumutukoy sa trinidad ng mga persona sa pagka-Diyos. Maaaring ito ang tinatawag ng mga guro ng balarila na pangmaramihan ng kamahalan, o kaya ito ay pahiwatig ng kabuuan ng banal na kalakasan, ang suma total ng mga kapangyarihan na ipinamamalas ng Diyos.”
Sinasabi ng The American Journal of Semitic Languages and Literatures hinggil sa ʼelo·himʹ: “Ito ay malimit isalin kaugnay ng isahang pandiwang panaguri, at may isahang pang-uring katangian.” Bilang paglalarawan, ang pamagat na ʼelo·himʹ ay 35 ulit mag-isang lumilitaw sa ulat ng paglalang, at sa tuwina ay nasa isahang bilang ang pandiwa na naglalarawan sa sinabi at ginawa ng Diyos. (Genesis 1:1-2:4) Kaya, ganito ang pasiya ng lathalain: “Kung gayon, ang [ʼelo·himʹ] ay dapat ipaliwanag na nasa pangmaramihan na nagbibigay-diin, at nagpapahiwatig ng kadakilaan at kamahalan.”
Ang ʼelo·himʹ ay nangangahulugan, hindi ng “mga persona,” kundi ng “mga diyos.” Kaya nagiging politeyista, mga mananamba sa mahigit sa isang Diyos, ang mga nangangatuwiran na ang salitang ito ay nagpapahiwatig ng Trinidad. Bakit? Sapagkat mangangahulugan ito na may tatlong diyos sa Trinidad. Subalit halos lahat ng mga nagtataguyod ng Trinidad ay tumatanggi sa paniwala na ang Trinidad ay binubuo ng tatlong magkakahiwalay na diyos.
Ginagamit din ng Bibliya ang mga salitang ʼelo·himʹ at ʼelo·hehʹ kapag tumutukoy sa maraming huwad na idolong diyos. (Exodo 12:12; 20:23) Ngunit kung minsan maaari itong tumukoy sa isa lamang huwad na diyos, gaya nang tukuyin ng mga Filisteo ang “diyos [ʼelo·hehʹ] nilang si Dagon.” (Hukom 16:23, 24) Si Baal ay tinawag na “isang diyos [ʼelo·himʹ].” (1 Hari 18:27) Karagdagan pa, ang kataga ay ginagamit din sa tao. (Awit 82:1, 6) Sinabi kay Moises na siya ay magiging “Diyos” [ʼelo·himʹ] kina Aaron at Faraon.—Exodo 4:16; 7:1.
Maliwanag na ang pakakapit ng mga titulong ʼelo·himʹ at ʼelo·hehʹ sa mga diyusdiyosan, at maging sa tao, ay hindi pahiwatig na ang tinutukoy ay isang maramihang diyos; ni ang pagkakapit ng ʼelo·himʹ at ʼelo·hehʹ kay Jehova ay nangangahulugan na siya ay higit sa isang persona, lalo na kung isasaalang-alang ang patotoo ng buong Bibliya sa paksang ito.
Si Jesus ay Hiwalay na Nilikha
NANG nasa lupa, si Jesus ay tao, at sakdal siya sapagkat Diyos mismo ang naglipat ng puwersa ng buhay ni Jesus sa bahay-bata ni Maria. (Mateo 1:18-25) Ngunit hindi ito ang naging pasimula niya. Siya mismo ang nagsabi na siya ay “nanaog mula sa langit.” (Juan 3:13) Kaya likas lamang na sabihin niya sa kaniyang mga alagad nang dakong huli: “Ano nga kung makita ninyo ang Anak ng tao [si Jesus] na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan?”—Juan 6:62, NJB.
Kaya, dati nang umiiral si Jesus sa langit bago manaog sa lupa. Ngunit bilang isa ba sa mga persona ng tatluhang pagka-Diyos na pawang makapangyarihan-sa-lahat, walang-hanggan? Hindi, sapagkat malinaw na ipinakikita ng Bibliya na bago naging tao, si Jesus ay isang espiritung nilikha, gaya ng mga anghel na mga espiritung nilikha ng Diyos. Kapuwa ang mga anghel at si Jesus ay hindi umiral bago lalangin.
Si Jesus, bago naging tao, ay “panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15, NJB) Siya ang “pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Apocalipsis 3:14, RS, edisyong Katoliko). Ang “pasimula” [Griyego, ar·kheʹ] ay hindi wastong maipangangahulugan na si Jesus ang ‘tagapagpasimula’ ng paglalang ng Diyos. Sa kaniyang mga sulat sa Bibliya, mahigit na 20 beses gumamit si Juan ng iba’t-ibang anyo ng salitang Griyego na ar·kheʹ at ang mga ito ay laging may saligang kahulugan na “pasimula.” Oo, si Jesus ay nilikha ng Diyos bilang pasimula ng hindi nakikitang mga lalang ng Diyos.
Pansinin kung papaanong ang mga pagtukoy na ito sa pasimula ni Jesus ay nakakasuwato ng mga salitang binigkas ng makalarawang “Karunungan” sa aklat ng Bibliya na Kawikaan: “Nilalang ako ni Yahweh, ang unang bunga ng kaniyang kayarian, bago pa ang pinakamatanda sa kaniyang mga likha. Bago naitatag ang mga bundok, bago ang mga burol, ako’y naisilang na; bago niya gawin ang lupa, ang kabukiran, at ang mga unang sangkap ng daigdig.” (Kawikaan 8:12, 22, 25, 26, NJB) Bagaman ang “Karunungan” ay kumakatawan sa isa na nilalang ng Diyos, karamihan ng mga iskolar ay sumasang-ayon na ito’y aktuwal na talinghaga hinggil kay Jesus bilang espiritung nilikha nang hindi pa siya nagiging tao.
Bilang ang “Karunungan” noong hindi pa nagiging tao, si Jesus ay nagsabi na siya ay “kasiping [ng Diyos], isang dalubhasang manggagawa.” (Kawikaan 8:30, JB) Kasuwato ng pagiging dalubhasang manggagawa, sinasabi ng Colosas 1:16 hinggil kay Jesus na “sa pamamagitan niya ay nilalang ng Diyos ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa.”—Today’s English Version (TEV).
Kaya ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa tulong ng dalubhasang manggagawang ito, ang kaniyang junior partner, wika nga. Ganito ang ginagawang suma ng Bibliya: “Sapagkat may isang Diyos, ang Ama, na mula sa kaniya ang lahat ng bagay . . . at isang Panginoon, si Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng bagay.” (Amin ang italiko.)—1 Corinto 8:6, RS, edisyong Katoliko.
Walang alinlangan na sa dalubhasang manggagawang ito sinabi ng Diyos: “Lalangin natin ang tao sa ating larawan.” (Genesis 1:26) Inaangkin ng iba na ang “atin” at “natin” sa pangungusap na ito ay nagpapahiwatig ng Trinidad. Ngunit kung sasabihin ninyo na ‘Gumawa tayo ng isang bagay para sa ating sarili,’ walang magsasabi na ito ay nangangahulugan na maraming persona ang magkakasama sa loob ninyo. Ang gusto ninyong sabihin ay na dalawa o higit pang mga indibiduwal ay gagawang magkasama sa isang proyekto. Kaya nang gamitin ng Diyos ang “atin” at “natin,” nakikipag-usap lamang siya sa isang indibiduwal, ang kaniyang unang espiritung nilikha, ang dalubhasang manggagawa, si Jesus nang hindi pa nagiging tao.
Matutukso ba ang Diyos?
SA MATEO 4:1, sinasabi na si Jesus ay “tinukso ng Diyablo.” Matapos ipakita kay Jesus “ang lahat ng kaharian sa lupa at ang kaluwalhatian ng mga ito,” sinabi ni Satanas: “Lahat ay ibibigay ko sa iyo kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.” (Mateo 4:8, 9) Sinikap ni Satanas na sirain ang katapatan ni Jesus sa Diyos.
Papaano ito magiging pagsubok sa katapatan kung si Jesus ang Diyos? Makapaghihimagsik ba ang Diyos laban sa sarili? Hindi, ngunit ang mga anghel at ang tao ay makapaghihimagsik sa Diyos at ginawa nga nila ito. Magiging makabuluhan lamang ang tukso kung si Jesus ay hindi Diyos, kundi isang hiwalay na indibiduwal na may malayang pasiya, at makapagtataksil kung pipiliin niya, gaya ng magagawa ng isang anghel o tao.
Sa kabilang dako, mahirap gunigunihin na ang Diyos ay magkakasala at magtataksil sa sarili. “Sakdal ang kaniyang gawa . . . Isang Diyos na tapat, . . . matuwid at makatarungan siya.” (Deuteronomio 32:4) Kaya kung si Jesus ang Diyos, hindi siya maaaring matukso.—Santiago 1:13.
Palibhasa hindi Diyos, maaaring magtaksil si Jesus. Ngunit siya ay nanatiling tapat, at nagsabi: “Lumayo ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘si Jehovang iyong Diyos ang dapat sambahin, at siya lamang ang dapat pag-ukulan ng banal na paglilingkod.’”—Mateo 4:10.
Gaano ang Halaga ng Pantubos?
ANG isa sa pangunahing dahilan ng pagparito ni Jesus sa lupa ay tuwiran ding nauugnay sa Trinidad. Sinasabi ng Bibliya: “May isang Diyos, at isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Kristo Jesus, na ibinigay ang sarili bilang katapat na pantubos para sa lahat.”—1 Timoteo 2:5, 6.
Si Jesus, walang labis at walang kulang sa pagiging sakdal na tao, ay naging pantubos na katapat nang naiwala ni Adan—ang karapatan sa sakdal na buhay-tao sa lupa. Kaya si Jesus ay matuwid na tukuyin ni apostol Pablo na “huling Adan”, at sinabi din niya sa kontekstong yaon: “Kung papaanong kay Adan ang lahat ay namamatay, kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” (1 Corinto 15:22, 45) Sakdal na buhay ni Jesus ang “katapat na pantubos” na hinihiling ng banal na katarungan—walang labis, walang kulang. Maging sa hustisya ng tao ang saligang simulain ay ang pagbabayad ng halagang katapat ng pagkakasala.
Gayumpaman, kung si Jesus ay bahagi ng pagka-Diyos, ang halaga ng pantubos ay hihigit pa sa hinihiling ng Batas ng Diyos. (Exodo 21:23-25; Levitico 24:19-21) Ang nagkasala sa Eden ay isang sakdal na tao, si Adan, hindi Diyos. Kaya ang pantubos, upang lubusang makasuwato ng katarungan ng Diyos, ay dapat na yaong katumbas—isang sakdal na tao, “ang huling Adan.” Kaya, nang isugo siya sa lupa bilang pantubos, si Jesus ay ginawa ng Diyos sa paraang tutugon sa katarungan, hindi diyos na nagkatawang tao, hindi diyos-na-tao, kundi isang sakdal na tao, “mas mababa kaysa mga anghel.” (Hebreo 2:9; ihambing ang Awit 8:5, 6.) Papaanong magiging mas mababa sa anghel ang isang bahagi ng pagka-Diyos na makapangyarihan-sa-lahat—Ama, Anak, o banal na espiritu?
Papaanong ang “Bugtong na Anak”?
SINASABI ng Bibliya na si Jesus ay “bugtong na anak” ng Diyos. (Juan 1:14; 3:16, 18; 1 Juan 4:9) Sinasabi ng mga Trinitaryo na yamang ang Diyos ay walang-simula, ang Anak ng Diyos ay wala ring pasimula. Mayroon bang anak na kasing-edad din ng kaniyang Ama?
Inaangkin ng mga Trinitaryo na sa kalagayan ni Jesus, ang pagiging “bugtong na anak” ay naiiba sa kahulugan ng diksiyonaryo sa “pag-aanak,” na nangangahulugang “mag-anak bilang ama.” (Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary) Sinasabi nila na sa kalagayan ni Jesus ito ay may “diwa ng walang pinagmulang relasyon,” isang uri ng ugnayan ng nag-iisang anak na walang ama. (Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words) Makatuwiran ba ito para sa inyo? Ang isa ba ay magiging ama kung hindi siya nagkaanak?
Isa pa, bakit ginagamit ng Bibliya ang mismong salitang Griyego para sa “bugtong na anak” (gaya ng walang-paliwanag na pag-amin ni Vine) upang ilarawan ang relasyon ni Isaac kay Abraham? Sinasabi ng Hebreo 11:17 na si Isaac ay “bugtong na anak” ni Abraham. Tiyak na sa kalagayan ni Isaac, siya ang bugtong na anak sa normal na kahulugan, hindi kapantay sa panahon o katayuan ng kaniyang ama.
Ang saligang salitang Griyego para sa “bugtong na anak” na ginamit kina Jesus at Isaac ay ang mo·no·ge·nesʹ, mula sa moʹnos, na nangangahulugang “tangi,” at giʹno·mai, salitang ugat na nangangahulugang “lumuwal,” “maging (magsimulang umiral),” ayon sa Exhaustive Concordance ni Strong. Kaya, ang mo·no·ge·nesʹ ay may katuturan na: “Tanging anak, bugtong, a.b. nag-iisang anak.”—A Greek and English Lexicon of the New Testament, ni E. Robinson.
Sinasabi ng Theological Dictionary of the New Testament, sa pamamatnugot ni Gerhard Kittel: “Ang [mo·no·ge·nesʹ] ay may kahulugan na ‘nag-iisang supling,’ a.b., walang mga kapatid na lalaki o babae.” Sinasabi din ng aklat na ito na sa Juan 1:18; 3:16, 18; at 1 Juan 4:9, “ang relasyon ni Jesus ay hindi basta inihahambing sa nag-iisang anak at ng kaniyang ama. Ito ay ang relasyon ng bugtong na anak sa Ama.”
Kaya si Jesus, ang bugtong na Anak, ay may pasimula sa buhay. At ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay matuwid na tawagin bilang Nag-anak sa kaniya, o Ama, sa diwa rin na ang isang makalupang ama, gaya ni Abraham, ay nagkakaanak. (Hebreo 11:17) Kaya, kapag ang Diyos ay tinukoy ng Bibliya bilang “Ama” ni Jesus, totoo ang sinasabi nito—na sila ay dalawang magkahiwalay na indibiduwal. Ang Diyos ang senior (nakatatanda). Si Jesus ang junior (nakababata)—sa panahon, katayuan, kapangyarihan, at kaalaman.
Kung isasaalang-alang na hindi lamang si Jesus ang espiritung anak na nilalang ng Diyos sa langit, nagiging maliwanag kung bakit ang katagang “bugtong na Anak” ay ginagamit sa kalagayan niya. Hindi mabilang na iba pang espiritung nilikha, mga anghel, ay tinatawag ding “mga anak ng Diyos,” gaya ni Adan, sapagkat ang kanilang puwersa ng buhay ay nagmula sa Diyos na Jehova, ang Bukal, o Pinagmumulan, ng buhay. (Job 38:7; Awit 36:9; Lucas 3:38) Subalit lahat ng ito ay nilikha sa pamamagitan ng “bugtong na Anak,” na siyang tanging tuwirang inianak ng Diyos.—Colosas 1:15-17.
Si Jesus ba ay Itinuring na Diyos?
BAGAMAN sa Bibliya si Jesus ay malimit tawagin na Anak ng Diyos, noong unang siglo ni isa ay walang nag-akala na siya’y Diyos-Anak. Maging ang mga demonyo, na “sumasampalatayang iisa ang Diyos,” ay nakababatid mula sa karanasan nila sa daigdig ng mga espiritu na si Jesus ay hindi ang Diyos. Kaya wasto ang pagtukoy nila kay Jesus bilang hiwalay na “Anak ng Diyos.” (Santiago 2:19; Mateo 8:29) At nang mamatay si Jesus, kumbinsido ang mga paganong kawal Romano sa narinig nila sa mga alagad kaya hindi nila sinabi na si Jesus ang Diyos, kundi “tiyak na ito nga ang Anak ng Diyos.”—Mateo 27:54.
Kaya, ang pariralang “Anak ng Diyos” ay tumutukoy kay Jesus bilang hiwalay na nilikha, hindi isang bahagi ng Trinidad. Bilang Anak ng Diyos, hindi siya ang mismong Diyos, sapagkat sinasabi ng Juan 1:18: “Walang sinomang nakakita sa Diyos.”—RS, edisyong Katoliko.
Si Jesus ay itinuring ng mga alagad bilang “tagapamagitan sa Diyos at sa tao,” hindi bilang ang Diyos mismo. (1 Timoteo 2:5) Yamang ang tagapamagitan ay nangangahulugan ng isa na hiwalay sa mga dapat pagkasunduin, magiging salungat para kay Jesus na maging kaisa ng alinman sa mga partidong sinisikap niyang papagkasunduin. Ito ay magiging pagpapanggap lamang sa kaniyang bahagi.
Ang Bibliya ay maliwanag at hindi nagbabago tungkol sa kaugnayan ng Diyos kay Jesus. Si Jehova lamang ang Makapangyarihan-sa-lahat. Tuwiran niyang nilikha si Jesus bago ito naging tao. Kaya, si Jesus ay may pasimula at hindi kailanman maaaring makapantay ng Diyos sa kapangyarihan at kawalang-hanggan.
[Mga talababa]
a Ang pangalan ng Diyos ay mababasa bilang “Yahweh” sa ibang salin, at “Jehova” naman sa iba.
[Blurb sa pahina 14]
Palibhasa’y nilalang ng Diyos, si Jesus ay nasa pangalawang dako kung sa panahon, kapangyarihan at kaalaman
[Larawan sa pahina 15]
Sinabi ni Jesus na siya ay umiral bago naging tao, sapagkat siya’y nilikha ng Diyos bilang pasimula ng di-nakikitang mga lalang ng Diyos