KABANATA 65
Nagtuturo Habang Naglalakbay Patungo sa Jerusalem
MATEO 8:19-22 LUCAS 9:51-62 JUAN 7:2-10
ANG TINGIN NG MGA KAPATID NI JESUS SA KANIYA
GAANO KAHALAGA ANG PAGLILINGKOD SA KAHARIAN?
Matagal-tagal nang nakapokus sa Galilea ang ministeryo ni Jesus. Mas nakinig sa kaniya ang mga tagaroon kaysa mga taga-Judea. Noong nasa Jerusalem siya at pagalingin ang isang lalaki sa araw ng Sabbath, “mas tumindi ang kagustuhan ng mga Judio na mapatay siya.”—Juan 5:18; 7:1.
Taglagas na ng 32 C.E., at malapit na ang Kapistahan ng mga Tabernakulo (o, Kubol). Pitong araw na ipinagdiriwang ang kapistahang ito, na sinusundan ng espesyal na pagtitipon sa ikawalong araw. Ang kapistahan ay tanda ng pagtatapos ng taon ng pagsasaka at panahon ng malaking pagsasaya at pasasalamat.
Sinabi kay Jesus ng mga kapatid niyang sina Santiago, Simon, Jose, at Hudas: “Pumunta ka sa Judea.” Ang Jerusalem ang sentro ng pagsamba sa kanilang bansa. Kapag ipinagdiriwang ang tatlong taunang kapistahan, punô ng tao ang lunsod. Ang katuwiran ng mga kapatid ni Jesus: “Walang sinumang gumagawa ng anumang bagay sa lihim kung gusto niyang makilala ng mga tao. Kaya ipakita mo sa lahat ng tao ang mga bagay na ginagawa mo.”—Juan 7:3, 4.
Ang totoo, ang apat na kapatid niyang ito ay “hindi nananampalataya sa kaniya” na siya ang Mesiyas. Pero gusto nilang makita ng mga tao sa kapistahan ang mga himala ni Jesus. Alam ni Jesus na delikado ito kaya sinabi niya: “Walang dahilan ang sanlibutan para magalit sa inyo, pero galít ito sa akin, dahil nagpapatotoo ako na napakasama ng mga gawa nito. Pumunta kayo sa kapistahan; hindi ako pupunta sa kapistahang ito, dahil hindi pa ito ang tamang panahon para sa akin.”—Juan 7:5-8.
Ilang araw pagkaalis ng mga kapatid ni Jesus kasabay ng marami, si Jesus at ang mga alagad ay umalis lingid sa kaalaman ng mga tao. Sa Samaria sila dumaan imbes na sa karaniwang dinadaanan malapit sa Ilog Jordan. Kailangan nila ng matutuluyan sa Samaria kaya nagpauna si Jesus ng mga mensahero para maghanda. Sa isang lugar doon, ayaw silang patuluyin ng mga tao o pagpakitaan ng karaniwang pagkamapagpatuloy dahil papunta si Jesus sa Jerusalem para sa kapistahang Judio. Nagalit sina Santiago at Juan: “Panginoon, gusto mo bang magpababa kami ng apoy mula sa langit para mamatay silang lahat?” (Lucas 9:54) Sinaway sila ni Jesus, at nagpatuloy sila sa paglalakbay.
Habang nasa daan, isang eskriba ang nagsabi kay Jesus: “Guro, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” Sumagot si Jesus: “Ang mga asong-gubat ay may lungga at ang mga ibon sa langit ay may pugad, pero ang Anak ng tao ay walang sariling bahay na matulugan.” (Mateo 8:19, 20) Ipinapakita ni Jesus na daranas ng paghihirap ang eskriba kung magiging tagasunod niya ito. Pero tila mapagmataas ang eskriba para tanggapin ang ganitong buhay. Maitatanong ng bawat isa sa atin, ‘Handa ko ba talagang sundan si Jesus anuman ang mangyari?’
Sa isa pang lalaki, sinabi ni Jesus: “Maging tagasunod kita.” Sumagot ito: “Panginoon, puwede bang umuwi muna ako at ilibing ang aking ama?” Alam ni Jesus ang kalagayan ng lalaki kaya sinabi niya: “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay, at ihayag mo saanman ang Kaharian ng Diyos.” (Lucas 9:59, 60) Lumilitaw na buháy pa ang ama ng lalaki kasi kung hindi, wala sana siya roon para makipag-usap kay Jesus. Hindi siya handang unahin ang Kaharian ng Diyos.
Habang palapit sa Jerusalem, isa pang lalaki ang nagsabi kay Jesus: “Susunod ako sa iyo, Panginoon, pero pahintulutan mo muna akong magpaalam sa mga kasama ko sa bahay.” Sumagot si Jesus: “Ang sinumang tumitingin sa mga bagay na nasa likuran habang nag-aararo ay hindi karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos.”—Lucas 9:61, 62.
Para maging tunay na alagad ni Jesus, dapat magpokus ang isa sa paglilingkod sa Kaharian. Kung hindi titingin nang deretso sa harapan ang nag-aararo, magiging liko-liko ang tudling. Kung ibababa naman niya ang araro para tumingin sa likuran, maaantala ang gawain. Sa katulad na paraan, ang tumitingin sa lumang sistemang ito ng mga bagay ay maaaring malihis sa daan tungo sa buhay na walang hanggan.