Ang Edukasyon Noong mga Panahon ng Bibliya
“Inyong ituturo rin ito sa inyong mga anak.”—DEUTERONOMIO 11:19.
1. Ano ang nagpapakita na si Jehova ay interesado sa edukasyon ng kaniyang mga lingkod?
SI Jehova ang Dakilang Edukador. Kailanman ay hindi niya pinabayaan na ang kaniyang mga lingkod ay nasa kawalang-alam. Sa tuwina ay handa siyang sila’y bahaginan ng kaalaman. Kaniyang itinuturo sa kanila ang kaniyang kalooban at ang kaniyang mga daan. Sa di-mabilang na libu-libong taon ang kaniyang bugtong na Anak ay nasa kaniyang tabi, patuluyang natututo bilang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos. (Kawikaan 8:30) Nang siya’y nasa lupa sinabi ni Jesus: “Kung papaano tinuruan ako ng Ama ganoon ko sinasalita ang mga bagay na ito.” (Juan 8:28) Sa pagbanggit sa Diyos bilang ang Walang-katulad na Edukador, si Elihu ay nagtanong: “Sino ang tagapagturo na gaya niya?” (Job 36:22) Si Jehova ay tinukoy ni propeta Isaias na ang “Dakilang Tagapagturo” ng Kaniyang bayan at humula: “Lahat mong mga anak ay tuturuan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.” (Isaias 30:20; 54:13) Walang alinlangan, nais ni Jehova na ang kaniyang intelihenteng mga nilalang ay may kamuwangan at edukado.
Ang Edukasyon Noong Panahon ng mga Patriyarka
2, 3. (a) Papaano minalas ng tapat na mga patriyarka ang edukasyon ng kanilang mga anak, at anong tagubilin ang ibinigay ni Jehova kay Abraham? (b) Anong dakilang layunin ang nasa likod ng tagubilin na turuan ang supling ni Abraham?
2 Isa sa pangunahing tungkulin ng ulo ng pamilya noong panahon ng mga patriyarka ay ang pagtuturo sa kaniyang mga anak at sa kaniyang sambahayan. Para sa mga lingkod ng Diyos ang pagtuturo sa kanilang mga anak ay isang tungkuling relihiyoso. Sinabi ni Jehova tungkol sa kaniyang lingkod na si Abraham: “Siya’y aking kinilala upang siya ay mag-utos sa kaniyang mga anak at sa kaniyang sambahayan pagkamatay niya upang kanilang maingatan ang daan ni Jehova upang gumawa ng katuwiran at kahatulan; upang tuparin ni Jehova kay Abraham ang kaniyang ipinangako tungkol sa kaniya.”—Genesis 18:19.
3 Ang kinasihang pangungusap na ito ay nagpapakita na itinuring ni Jehova na lubhang mahalaga ang edukasyon. Hiniling ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob na turuan ang kanilang mga sambahayan sa Kaniyang mga daan ng katuwiran at kahatulan upang ang hinaharap na mga salinlahi ay makalakad sa daan ni Jehova. Sa gayon, tutupdin ni Jehova ang kaniyang mga pangako tungkol sa binhi ni Abraham at sa pagpapala “sa lahat ng bansa sa lupa.”—Genesis 18:18; 22:17, 18.
Ang Sistema ng Edukasyon sa Israel
4, 5. (a) Ano ang ipinagkaiba ng sistema ng edukasyon ng Israel buhat sa sistema ng ibang mga bansa? (b) Ano pang mahalagang pagkakaiba ang binabalangkas sa Encyclopaedia Judaica, at ano ang tiyak na dahilan ng pagkakaibang ito?
4 Ang Encyclopaedia Judaica ay nagsasabi: “Ang Bibliya ang pangunahing pinagkukunan para sa pag-unawa ng sistema ng edukasyon sa sinaunang Israel.” Ginamit ni Jehova si Moises bilang unang taong guro sa Israel. (Deuteronomio 1:3, 5; 4:5) Itinuro ni Moises ang mga salitang ibinigay sa kaniya ni Jehova. (Exodo 24:3) Kung gayon, sa aktuwal, ang Diyos ang pangunahing Edukador ng Israel. Ipinakikita ito mismo na ang sistema ng edukasyon sa Israel ay naiiba sa sistema ng ibang mga bansa.
5 Ang reperensiya ring iyan ay nagsasabi: “Ang mataas na edukasyon o pagkatuto sa aklat sa Mesopotamia at Ehipto ay pormal at limitado lamang sa mga eskriba, na waring hindi siyang sinusunod sa Israel. Ang pagkakaiba ay tiyak na dahilan sa mas simpleng sistema ng abakadang ginagamit sa pagsulat ng mga Hebreo. . . . Ang kahalagahan ng pagsulat ng abakada sa kasaysayan ng edukasyon ay hindi dapat kaligtaan. Ito ang pasimula ng paghiwalay sa tradisyunal na mga kultura ng mga eskriba ng Ehipto, Mesopotamia, at Canaan noong ikalawang milenyo. Ang karunungang bumasa at sumulat ay hindi na siyang palatandaan at tanging katangian ng isang uri ng propesyonal na mga eskriba at mga saserdote, na may kasanayan sa mahirap intindihin na cuneiform at hieroglyphic na mga sulat.”
6. Ano ang patotoo ng Bibliya na sa mismong pasimula ng kanilang kasaysayan, ang mga Israelita ay isang bayan na marunong bumasa at sumulat?
6 Ang Bibliya ay nagpapatotoo na ang mga Israelita ay isang bayan na marunong bumasa at sumulat. Bago pa sila pumasok sa Lupang Pangako, sila’y sinabihan na isulat sa mga poste ng kanilang mga pinto at sa kanilang mga pintuang daan ang kautusan ni Jehova. (Deuteronomio 6:1, 9; 11:20; 27:1-3) Bagaman ang utos na ito ay tiyak na makatalinghaga, tunay na hindi magkakaroon iyon ng kabuluhan sa karaniwang Israelita kung siya’y hindi marunong bumasa at sumulat. Ang mga kasulatan na gaya ng Josue 18:9 at Hukom 8:14 ay nagpapakita na ang iba bukod sa mga lider na katulad ni Moises at ni Josue ay maalam sumulat matagal pa bago itinatag ang monarkiya sa Israel.—Exodo 34:27; Josue 24:26.
Mga Paraan ng Pagtuturo
7. (a) Ayon sa Kasulatan, sino ang nagbigay sa mga batang Israelita ng kanilang saligang edukasyon? (b) Anong impormasyon ang ibinibigay ng isang iskolar sa Bibliya na Pranses?
7 Sa Israel, ang mga anak ay tinuturuan ng ama at ng ina sa pinakamaagang edad. (Deuteronomio 11:18, 19; Kawikaan 1:8; 31:26) Sa Pranses na Dictionnaire de la Bible, ang iskolar ng Bibliya na si E. Mangenot ay sumulat: “Sa sandaling siya’y nakapagsasalita na, ang bata ay natututo ng ilang talata buhat sa Kautusan. Uulitin ng kaniyang ina ang isang talata; pagka kaniyang alam na ito, siya’y bibigyan ng isa pa. Sa pagtagal, ang nasusulat na teksto ng mga talata na saulado na nila ay ilalagay sa kamay ng mga bata. Sa ganoon, sila’y tinuturuan ng pagbasa, at pagka sila’y lumalaki na, magpapatuloy sila sa kanilang pag-aaral ng relihiyon sa pamamagitan ng pagbabasa at pagbubulay-bulay sa kautusan ng Panginoon.”
8. (a) Anong pangunahing paraan ng pagtuturo ang ginamit sa Israel, subalit taglay ang anong mahalagang katangian? (b) Anong mga tulong sa pagsasaulo ang ginamit?
8 Ito’y nagpapahiwatig na ang isang pangunahing paraan ng pagtuturo na ginamit ay ang pagkatuto ng mga bagay sa pamamagitan ng pagsasaulo. Ang mga bagay na natutuhan tungkol sa mga kautusan ni Jehova at sa kaniyang mga pakikitungo sa kaniyang bayan ay kailangang tumagos sa puso. (Deuteronomio 6:6, 7) Ang mga ito ay kailangang bulay-bulayin. (Awit 77:11, 12) Upang matulungan ang kabataan at matanda na magsaulo, gumamit ng sari-saring tulong sa pagsasaulo. Kasali na rito ang abakadang akrostiko, sunud-sunod na mga talata sa isang awit pasimula sa isang naiibang letra, inayos ayon sa abakada (gaya ng Kawikaan 31:10-31); ang alliteration (mga salitang nagsisimula sa parehong letra o tunog); at ang paggamit ng mga numero, tulad niyaong ginamit sa huling kalahati ng Kawikaan kabanata 30. Kapuna-puna, ang Gezer Calendar, isa sa pinakamatandang halimbawa ng sinaunang sulat Hebreo, ay inaakala ng ilang iskolar na isang pagsasanay ng pagsasaulo ng isang batang lalaking nag-aaral.
Ang Pinag-aaralang Kurso
9. (a) Ano ang isang mahalagang bahagi ng pinag-aaralang kurso ng mga batang Israelita? (b) Ano ang sinasabi ng isang ensayklopidiya ng Bibliya tungkol sa pagtuturo may kaugnayan sa taunang kapistahan?
9 Ang edukasyon sa Israel ay hindi limitado sa pagkatuto lamang na bumasa at sumulat. Ang isang mahalagang asignaturang itinuturo ay ang kasaysayan. Ang pagkatuto ng kamangha-manghang gawa ni Jehova sa pagpapala sa kaniyang bayan ay isang mahalagang bahagi ng edukasyon. Ang makasaysayang pangyayaring ito’y kailangang ituro sa sali’t saling lahi. (Deuteronomio 4:9, 10; Awit 78:1-7) Ang selebrasyon ng taunang mga kapistahan ay nagbigay ng isang mainam na pagkakataon upang maturuan ng ulo ng pamilya ang kaniyang mga anak. (Exodo 13:14; Levitico 23:37-43) Tungkol dito ang The International Standard Bible Encyclopedia ay nagsasabi: “Sa pamamagitan ng pagtuturo ng ama sa tahanan at sa kaniyang pagpapaliwanag tungkol sa kahulugan ng mga kapistahan, ang mga batang Hebreo ay tinuruan kung papaano inihayag ng Diyos ang Kaniyang sarili sa kanila noong nakalipas, kung papaano sila mamumuhay sa kasalukuyan, at ano ang mga pangako ng Diyos tungkol sa hinaharap ng Kaniyang bayan.”
10. Anong praktikal na pagsasanay ang ibinibigay sa mga batang babae? sa mga batang lalaki?
10 Sa pagtuturo ng mga magulang ay kasali ang praktikal na pagsasanay. Ang mga batang babae ay tinuturuan ng mga gawaing-bahay. Sa huling kabanata ng Kawikaan ay makikita na ang mga ito ay marami at sari-sari; kasali na ang pagkikidkid ng istambre, paghabi, pagluluto, pangangalakal, at pangkalahatang pamamanihala sa sambahayan. Ang mga batang lalaki karaniwan na ay tinuturuan ng hanapbuhay ng kanilang ama, maging sa pagsasaka man o sa ibang mga hanapbuhay o gawain. Noong bandang huli may mga Judiong rabi na nagsasabi: “Ang hindi nagtuturo sa kaniyang anak ng kapaki-pakinabang na hanapbuhay ay nagpapalaki sa kaniya na maging isang magnanakaw.”
11. Ano ang nagpapakita ng pinagbabatayang layunin ng edukasyon sa Israel, at anong aral ang taglay nito para sa mga kabataan sa ngayon?
11 Ang espirituwal na lalim ng mga paraan ng pagtuturo na ginamit sa Israel ay makikita sa buong aklat ng mga Kawikaan. Ipinakikita niyaon na ang layunin ay upang turuan ang “mga musmos” ng dakilang mga bagay na gaya ng karunungan, disiplina, kaunawaan, matalinong unawa, kahatulan, talino, kaalaman, at kakayahang umisip—lahat ng ito sa “takot kay Jehova.” (Kawikaan 1:1-7; 2:1-14) Idiniriin nito ang mga motibo na dapat pumukaw sa isang lingkod ng Diyos na Jehova sa ngayon na pasulungin ang kaniyang edukasyon.
Mga Saserdote, Levita, at Propeta
12. Sino bukod sa mga magulang ang may bahagi sa pagtuturo sa mga mamamayan ng Israel, at ano ang saligang kahulugan ng Hebreong salita na isinaling “kautusan”?
12 Samantalang ang saligang edukasyon ay inilalaan ng mga magulang, si Jehova ay nagbigay ng higit pang edukasyon sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng mga saserdote, ang mga Levita na hindi mga saserdote, at ang mga propeta. Sa kaniyang pangkatapusang pagbasbas sa tribo ni Levi, sinabi ni Moises: “Turuan nila ang Jacob ng iyong mga kahatulan at ang Israel ng iyong kautusan.” (Deuteronomio 33:8, 10) Dapat maalaman, ang salitang “kautusan” sa Hebreo (toh·rahʹ) ay galing sa isang ugat na ang anyong pandiwa ay nangangahulugang “ipakita,” “ituro,” “ipaalam.” Ang Encyclopaedia Judaica ay nagsasabi: “Ang kahulugan ng salitang [torah] ay samakatuwid ‘pagtuturo,’ ‘doktrina,’ o ‘instruksiyon.’ ”
13. Bakit ang Batas ng Israel ay naiiba sa sistema ng mga batas ng ibang mga bansa?
13 Ito ay naghiwalay rin sa Israel sa mga ibang bansa at maging sa modernong mga bansa. Ang pulitikal na mga bansa sa ngayon ay may kalipunan ng mga batas na isang munting bahagi lamang ang alam ng pangkalahatang populasyon. Pagka ang mga tao ay lumihis sa batas, sila’y nagbabayad nang malaki sa mga abogado upang ipagtanggol sila. Ang mga paaralan ng batas ay para sa mga espesyalista. Subalit, sa Israel ang Batas ay siyang paraan ng Diyos ng pagsasabi sa kaniyang bayan kung papaano nais niyang siya’y sambahin nila at mamuhay na kaayon ng kaniyang kalooban. Di-gaya ng ibang mga kodigo ng batas, kasali roon ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. (Levitico 19:18; Deuteronomio 6:5) Ang Batas ay hindi isang walang buhay na aklat ng mga kautusan. Taglay nito ang doktrina, turo, at mga aral sa isang paraan ng buhay na kailangang matutuhan.
14. Ano ang isang dahilan kung bakit itinakwil ni Jehova ang mga saserdoteng Levitico? (Malakias 2:7, 8)
14 Habang sila’y tapat, ang mga saserdote at ang mga Levita ay tumupad sa kanilang pananagutan na turuan ang bayan. Ngunit kadalasan, pinababayaan ng mga saserdote ang kanilang tungkulin na turuan ang mga mamamayan. Ang kakulangang ito ng pagtuturo sa Batas ng Diyos ay hahantong sa kalagim-lagim na resulta para sa kapuwa mga saserdote at mga mamamayan. Noong ikawalong siglo B.C.E., humula si Jehova: “Ang aking bayan ay tiyak na mapatatahimik, dahilan sa kawalan ng kaalaman. Sapagkat ikaw ay nagtakwil ng kaalaman, akin namang itatakwil ka upang ikaw ay huwag maging saserdote ko; at yamang iyong patuloy na nililimot ang kautusan ng iyong Diyos, akin namang kalilimutan ang iyong mga anak, ako nga.”—Oseas 4:6.
15. (a) Bukod sa mga saserdote, sino pa ang ibinangon ni Jehova bilang mga guro sa Israel, at ano ang isinulat ng isang iskolar ng Bibliya tungkol sa kanilang bahagi bilang mga edukador? (b) Ano sa wakas ang nangyari sa Israel at sa Juda dahilan sa kanilang itinakwil ang kaalaman ni Jehova at ang kaniyang mga daan?
15 Bukod sa mga saserdote, si Jehova ay nagbangon ng mga propeta bilang mga edukador. Ating mababasa: “Patuloy na nagbabala si Jehova sa Israel at sa Juda sa pamamagitan ng lahat ng kaniyang mga propeta at ng bawat tagakita, na nagsasabi: ‘Iwan ninyo ang inyong masasamang lakad at sundin ang aking mga utos, ang aking mga palatuntunan, ayon sa buong kautusan na iniutos ko sa inyong mga ninuno at aking ipinadala sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta.’ ” (2 Hari 17:13) Tungkol sa bahagi ng mga propeta na mga edukador, ang Pranses na iskolar sa Bibliya na si Roland de Vaux ay sumulat: “Ang mga propeta rin ay may tungkulin na turuan ang bayan; ito ay kasinghalaga rin ng kanilang gawain na hulaan ang hinaharap. At ang makahulang inspirasyon ay nagbigay sa kanilang pangangaral ng awtoridad ng salita ng Diyos. Tiyak na sa ilalim ng monarkiya ang mga propeta ay panrelihiyon at pangmoral na mga guro ng bayan; at maisususog natin, ang pinakamagaling sa lahat ng kanilang mga guro, kung hindi man laging pinakikinggan.” Dahilan sa kakulangan ng tumpak na edukasyon ng mga saserdote at ng mga Levita lakip na ang hindi pakikinig ng mga propeta ni Jehova, tinalikdan ng mga Israelita ang mga daan ni Jehova. Ang Samaria ay nahulog sa kamay ng mga Asiryo noong 740 B.C.E., at ang Jerusalem at ang kaniyang templo ay winasak ng mga Babiloniko noong 607 B.C.E.
Edukasyon sa Panahon ng Pagkabihag at Pagkatapos
16, 17. (a) Sa anong kurso sa pag-aaral sapilitang isinailalim si Daniel at ang kaniyang tatlong kasama? (b) Ano ang tumulong sa kanila upang sumailalim ng edukasyong Babilonikong ito at manatili pa ring tapat kay Jehova?
16 Mga sampung taon bago mawasak ang Jerusalem, si Haring Jehoiachin at ang isang grupo ng mga prinsipe at ng mga mahal na tao ay dinalang bihag sa Babilonya ni Haring Nabucodonosor. (2 Hari 24:15) Kabilang sa kanila si Daniel at ang tatlo pang mga kabataang maharlika. (Daniel 1:3, 6) Iniutos ni Nabucodonosor na silang apat ay turuan sa isang pantanging tatlong-taóng kurso sa pagsasanay sa “pagsulat at sa wika ng mga Caldeo.” Bukod dito, sila’y binigyan ng “araw-araw na bahagi buhat sa masasarap na pagkain ng hari at sa kaniyang iniinom na alak.” (Daniel 1:4, 5) Ito ay posibleng mangyari bunga ng ilang kadahilanan. Malamang, ang kurso sa pag-aaral ay hindi lamang tatlong taóng pag-aaral ng wika. Ang terminong “mga Caldeo” sa talatang ito ay inaakala ng iba na tumutukoy, “hindi sa mga Babiloniko bilang isang bayan, kundi sa uring edukado.” (The Soncino Books of the Bible) Sa kaniyang komentaryo sa Daniel, sinasabi ni C. F. Keil: “Si Daniel at ang kaniyang mga kasama ay tuturuan sa karunungan ng mga saserdoteng Caldeo at marurunong na tao, na itinuturo sa mga paaralan ng Babilonya.” Ang bahagi ng pagkain buhat sa hari ay naghantad din sa kanila sa paglabag sa ibinabawal ng Kautusan ni Moises na kanin. Papaano sila nakitungo tungkol dito?
17 Bilang kumakatawan sa apat na maharlikang kabataan na mga Judio, niliwanag ni Daniel sa pasimula pa lamang na sila’y hindi kakain o iinom ng anuman na labag sa kanilang budhi. (Daniel 1:8, 11-13) Pinagpala ni Jehova ang matatag na paninindigan nito at pinalambot ang puso ng Babilonikong opisyal na nangangasiwa. (Daniel 1:9, 14-16) Kung tungkol naman sa kanilang mga pinag-aaralan, ang sumunod na mga pangyayari sa buhay ng apat na kabataang Hebreo ay lubusang nagpatunay na ang kanilang sapilitang tatlong-taóng kursong pinag-aralan sa kulturang Babiloniko ay hindi humila sa kanila na sirain ang kanilang mahigpit na kaugnayan kay Jehova at sa dalisay na pagsamba sa kaniya. (Daniel, kabanata 3 at 6) Pinangyari ni Jehova na sila’y makalampas na walang bahagya man lamang pinsala buhat sa puwersahang tatlong-taóng pagkababad na ito sa Babilonikong mataas na pinag-aralan. “Kung tungkol sa mga batang ito, sa kanilang apat, sila’y binigyan ng tunay na Diyos ng kaalaman at matalinong unawa sa lahat ng kasulatan at karunungan; at si Daniel mismo ay nagkaroon ng unawa sa lahat ng uri ng pangitain at mga panaginip. At kung tungkol sa bawat bagay ng karunungan at kaunawaan na itinanong sa kanila ng hari, kaniyang natuklasan na sila’y makasampung mas magaling kaysa lahat ng mahikong mga saserdote at mga manghuhula sa buong kaharian niya.”—Daniel 1:17, 20.
18. Anong gawaing pagtuturo ang isinagawa sa Juda pagkatapos ng pagkabihag sa Babilonya?
18 Matapos ang pagkabihag sa Babilonya, isang dakilang gawaing pagtuturo ang isinagawa ni Ezra, isang saserdote na “naghanda ng kaniyang puso na kumunsulta sa kautusan ni Jehova at sundin iyon at turuan ang Israel ng mga palatuntunan at mga kahatulan.” (Ezra 7:10) Dito siya ay tinulungan ng tapat na mga Levita, na “nagpapaliwanag ng kautusan sa bayan.” (Nehemias 8:7) Si Ezra ay iskolar ng Bibliya at “isang dalubhasang tagakopya,” o eskriba. (Ezra 7:6) Noong kaniyang kaarawan ay napatanyag ang mga eskriba bilang isang uri.
Mga Paaralan ng mga Rabi
19. Anong uri ng mga edukador ang lumitaw sa Israel pagsapit ng panahon ng pagparito ni Jesus sa lupa, at sa anong mahalagang mga dahilan kung kaya siya at ang kaniyang mga alagad ay hindi nag-aral sa matataas na paaralang Judio?
19 Pagsapit nang panahon ng pagparito ni Jesus sa lupa, ang mga eskriba ay naging isang pinakamataas na uri ng mga guro, mahigpit ang kapit sa mga tradisyon kaysa tunay na mga turo ng Salita ng Diyos. Gusto nilang sila’y tawaging “Rabi,” na naging isang titulong pandangal na ang ibig sabihin ay “Aking Dakilang (Ekselenteng) Isa.” (Mateo 23:6, 7, talababa) Sa Kasulatang Griego Kristiyano, ang mga eskriba ay kalimitang kaugnay ng mga Fariseo, na ang iba rito ay mga guro rin ng Kautusan. (Gawa 5:34) Inakusahan ni Jesus ang kapuwa mga grupong iyan ng pagwawalang-kabuluhan sa Salita ng Diyos dahilan sa kanilang tradisyon at pagtuturo ng “mga utos ng tao bilang doktrina.” (Mateo 15:1, 6, 9) Hindi nga kataka-taka na si Jesus ni ang karamihan man ng kaniyang mga alagad ay hindi nag-aral sa mga paaralan ng Rabi.—Juan 7:14, 15; Gawa 4:13; 22:3.
20. Ano ang ipinakita sa atin ng pagrerepasong ito ng edukasyon noong mga panahon ng Bibliya, at ano ang nagpapakita na ang mga lingkod ni Jehova ay nangangailangan ng edukasyon?
20 Ang pagrerepasong ito ng edukasyon noong mga panahon ng Bibliya ay nagpakita na si Jehova ang Dakilang Tagapagturo ng kaniyang bayan. Sa pamamagitan ni Moises, ang Diyos ay nag-organisa ng isang mahusay na sistema ng edukasyon sa Israel. Subalit pagkalipas ng mahabang panahon, isang sistema ng mataas na edukasyong Judio ang umunlad na nagturo ng mga bagay na labag sa Salita ng Diyos. Bagaman si Jesus ay hindi nag-aral sa gayong mga paaralang Judio, gayunman, siya ay isang walang-katulad na Guro. (Mateo 7:28, 29; 23:8; Juan 13:13) Siya’y nagbigay rin ng utos sa kaniyang mga alagad na magturo, hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay. (Mateo 28:19, 20) Upang magawa ito, sila ay kailangang maging mabubuting guro at sa gayo’y mangangailangan ng edukasyon. Kaya papaano mamalasin ng tunay na mga Kristiyano ang edukasyon sa ngayon? Ang tanong na ito ay susuriin sa susunod na artikulo.
Isang Pagsubok Kung Natatandaan Pa
◻ Bakit tayo makasisiguro na si Jehova ay interesado sa edukasyon ng kaniyang mga lingkod?
◻ Sa anong mga paraan naiiba ang sistema ng edukasyon ng Israel sa sistema ng ibang bansa?
◻ Anong edukasyon ang ibinigay sa mga batang Israelita?
◻ Anong mga paraan ng pagtuturo ang ginamit sa Israel?
◻ Bakit si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay hindi nag-aral sa matataas na paaralan ng mga Judio?
[Larawan sa pahina 14]
Sa sapilitang edukasyon sa Babilonya si Daniel at ang kaniyang mga kasama ay hindi naihiwalay kay Jehova