Deuteronomio
6 “Ito ang mga utos, tuntunin, at hudisyal na pasiya na ibinigay ng Diyos ninyong si Jehova para ituro ko sa inyo, para masunod ninyo ang mga iyon pagdating ninyo sa lupain na magiging pag-aari ninyo, 2 para matakot kayo sa Diyos ninyong si Jehova at matupad ninyo habambuhay ang lahat ng kaniyang batas at utos na ibinibigay ko sa inyo—sa inyo at sa inyong anak at apo+—para mabuhay kayo nang mahaba.+ 3 At makinig kayo, O Israel, at sundin ninyong mabuti ang mga iyon, para mapabuti kayo at maging isang napakalaking bayan* sa lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan, gaya ng ipinangako sa inyo ni Jehova, ang Diyos ng inyong mga ninuno.
4 “Makinig kayo, O Israel: Si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova.+ 5 Dapat ninyong ibigin ang Diyos ninyong si Jehova nang inyong buong puso, buong kaluluwa,*+ at buong lakas.*+ 6 Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa inyo ngayon ay dapat na nasa puso ninyo, 7 at itanim ninyo ito sa puso ng* mga anak ninyo,+ at kausapin ninyo sila tungkol dito kapag nakaupo kayo sa inyong bahay, kapag naglalakad sa daan, kapag nakahiga, at kapag bumabangon.+ 8 Lagi ninyo itong alalahanin na para bang nakatali ito sa inyong kamay at sa inyong noo.*+ 9 Isulat ninyo ito sa mga poste ng pinto ng inyong bahay at sa mga pintuang-daan.
10 “Kapag dinala kayo ng Diyos ninyong si Jehova sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob+—malalaki at magagandang lunsod na hindi kayo ang nagtayo,+ 11 mga bahay na punô ng iba’t ibang magagandang bagay na hindi ninyo pinagpaguran, mga imbakan ng tubig na hindi kayo ang naghukay, mga ubasan at mga punong olibo na hindi kayo ang nagtanim—at nakakain na kayo at nabusog,+ 12 bantayan ninyo ang sarili ninyo dahil baka makalimutan ninyo si Jehova,+ na naglabas sa inyo sa Ehipto, kung saan kayo naging mga alipin.* 13 Ang Diyos ninyong si Jehova ang dapat ninyong katakutan+ at paglingkuran,+ at sa kaniyang pangalan kayo dapat manumpa.+ 14 Huwag kayong susunod sa ibang mga diyos, sa alinmang diyos ng mga bayang nakapalibot sa inyo,+ 15 dahil ang Diyos ninyong si Jehova na nasa gitna ninyo ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.*+ Kapag ginawa ninyo iyan, lalagablab ang galit ng Diyos ninyong si Jehova+ at lilipulin niya kayo sa ibabaw ng lupa.+
16 “Huwag ninyong susubukin ang Diyos ninyong si Jehova+ gaya ng ginawa ninyo sa Masah.+ 17 Masikap ninyong tuparin ang mga utos ng Diyos ninyong si Jehova at ang kaniyang mga paalaala at tuntunin na iniutos niyang sundin ninyo. 18 Gawin ninyo kung ano ang tama at mabuti sa paningin ni Jehova, para mapabuti kayo at makuha ninyo ang magandang lupaing ipinangako ni Jehova sa mga ninuno ninyo,+ 19 sa pamamagitan ng pagtataboy sa lahat ng inyong kaaway mula sa harap ninyo, gaya ng ipinangako ni Jehova.+
20 “Pagdating ng panahon, kapag itinanong ng anak ninyo, ‘Bakit ibinigay ng Diyos nating si Jehova ang mga paalaala, tuntunin, at hudisyal na pasiyang ito?’ 21 sabihin ninyo sa anak ninyo, ‘Naging mga alipin kami ng Paraon sa Ehipto, pero inilabas kami ni Jehova sa Ehipto gamit ang makapangyarihang kamay niya. 22 Gumawa si Jehova sa harap namin ng maraming tanda at himala, na dakila at kapaha-pahamak, laban sa Ehipto,+ sa Paraon, at sa buong sambahayan niya.+ 23 Inilabas niya kami roon para dalhin dito at ibigay sa amin ang lupaing ipinangako niya sa mga ninuno natin.+ 24 At iniutos ni Jehova na sundin namin ang lahat ng tuntuning ito at matakot sa Diyos nating si Jehova para lagi tayong mapabuti+ at manatiling buháy+ gaya ngayon. 25 At ituturing tayong matuwid kung masikap nating tutuparin ang lahat ng utos na ito bilang pagsunod sa* Diyos nating si Jehova, gaya ng iniutos niya sa atin.’+