Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Patuloy na Pagtuturo Noong Ikapitong Araw
Hindi pa natatapos ang huling araw ng Kapistahan ng mga Tabernakulo, ang ikapitong araw. Si Jesus ay nagtuturo noon sa bahagi ng templo na tinatawag na “ang kabang-yaman.” Ito’y maliwanag na naroroon sa lugar na tinatawag na Looban ng mga Babae na kung saan mayroong mga kaban na roon inihuhulog ng mga tao ang kanilang mga abuloy.
Gabi-gabi noong panahon ng kapistahan, mayroong isang pantanging ilaw na nakasindi sa lugar na ito ng templo. Apat na pagkalalaking mga kandelero ang itinayo roon, bawat isa’y may apat na malalaking palanggana na punó ng langis. Ang liwanag na nanggagaling sa 16 na mga palangganang ito ng nagniningas na langis ay sapat-sapat upang tanglawan ang kapaligiran hanggang sa isang malayong distansiya kung gabi. Ang ngayo’y sinasabi ni Jesus ay marahil nagpapagunita sa kaniyang mga tagapakinig ng ilaw na ito. “Ako ang ilaw ng sanlibutan,” ang pahayag ni Jesus. “Ang sumusunod sa akin ay sa anumang paraan hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.”
Tumutol ang mga Fariseo: “Nagpapatotoo ka tungkol sa iyong sarili; hindi totoo ang patotoo mo.”
Bilang sagot ay tumugon si Jesus: “Bagaman ako’y nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay totoo, sapagkat nalalaman ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako paroroon. Datapuwat hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling at kung saan ako paroroon.” Kaniyang isinusog pa: “Ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin.”
“Saan naroroon ang iyong Ama?” ang ibig malaman ng mga Fariseo.
“Hindi ninyo ako nakikilala ni ang aking Ama man,” ang sagot ni Jesus. “Kung ako’y inyong nakikilala, makikilala rin ninyo ang aking Ama.” Bagama’t gusto pa rin ng mga Fariseo na maaresto si Jesus, walang sinuman na gumalaw sa kaniya.
“Ako’y yayaon,” ang muling sabi ni Jesus. “Sa aking paroroonan ay hindi kayo makaparoroon.”
Dito nagsimulang mamangha ang mga Judio: “Siya kaya’y magpapakamatay? Sapagkat sinabi niya: ‘Sa aking paroroonan ay hindi kayo makaparoroon.’”
“Kayo’y mga tagaibaba,” ang paliwanag ni Jesus. “Ako’y tagaitaas. Kayo’y tagasanlibutang ito; ako’y hindi tagasanlibutang ito.” Pagkatapos ay isinusog niya: “Kung kayo’y hindi nagsisipaniwala na ako nga siya, kayo’y mamamatay sa inyong mga kasalanan.”
Mangyari pa, ang tinutukoy ni Jesus ay ang kaniyang buhay bago siya naging tao at ang katotohanan na siya ang ipinangakong Mesiyas, o Kristo. Gayumpaman, sila’y nagtanong, tiyak na taglay ang malaking paghamak: “Sino ka?”
Sa harap ng kanilang pagtanggi, si Jesus ay sumagot: “Bakit nga ba ako nagsasalita sa inyo?” Gayunman ay nagpatuloy siya ng pagsasabi: “Ang nagsugo sa akin ay totoo, at ang mismong mga bagay na narinig ko sa kaniya ang sinasalita ko sa sanlibutan.” Si Jesus ay nagpatuloy pa: “Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga iyon, at wala akong ginagawa sa ganang aking sarili; kundi sinasalita ko ang mga bagay na ito ayon sa itinuro sa akin ng Ama. At ang nagsugo sa akin ay sumasaakin; hindi niya ako binayaang nag-iisa, sapagkat ginagawa kong lagi ang mga bagay na nakalulugod sa kaniya.”
Nang sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito, marami ang sumampalataya sa kaniya. Sa mga ito ay sinabi niya: “Kung kayo’y magsisipanatili sa aking salita, tunay nga kayong mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
“Kami’y mga binhi ni Abraham,” ang sagot ng kaniyang mga mananalansang, “at kami’y hindi pa nagiging alipin ng sinuman. Paano ngang sinasabi mo, ‘Kayo’y magiging laya’?”
Bagama’t ang mga Judio ay malimit na nasasakop ng mga banyaga, hindi nila kinikilala ang sinumang maniniil bilang panginoon. Ayaw nilang patawag na mga alipin. Subalit tinukoy ni Jesus na sila ay tunay ngang mga alipin. Sa anong paraan? “Katotohanang, katotohanang sinasabi ko sa inyo,” ang sabi ni Jesus, “ang bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan.”
Dahil sa pagtangging aminin na sila’y alipin ng kasalanan ang mga Judio ay napapalagay sa isang mapanganib na katayuan. “Ang alipin ay hindi namamalagi sa sambahayan magpakailanman,” ang sabi ni Jesus. “Ang anak ay namamalagi roon magpakailanman.” Yamang ang isang alipin ay walang mga karapatan sa pagmamana, baka siya mapasapanganib na paalisin anumang oras. Tanging ang anak na aktuwal na ipinanganak o inampon sa sambahayan ang nananatili “magpakailanman,” na ang ibig sabihin, habang siya’y nabubuhay.
“Kaya nga kung palayain kayo ng Anak,” ang patuloy pa ni Jesus, “kayo’y magiging tunay na malaya.” Samakatuwid, ang katotohanan na nagpapalaya sa mga tao ay ang katotohanan tungkol sa Anak, si Jesu-Kristo. Sa pamamagitan lamang ng hain ng kaniyang sakdal na buhay bilang isang tao lalaya ang sinuman sa nagdudulot-kamatayang kasalanan. Juan 8:12-36.
◆ Saan nagtuturo si Jesus noong ikapitong araw? Ano ang nagaganap doon kung gabi, at paano ito may kaugnayan sa turo ni Jesus?
◆ Ano ang sinasabi ni Jesus tungkol sa kaniyang pinanggalingan, at ano ang dapat na isiwalat nito tungkol sa kung sino siya?
◆ Paanong ang mga Judio ay alipin, subalit anong katotohanan ang magpapalaya sa kanila?