Ang Hamon ng Pagsunod sa Kaniyang mga Yapak
“Sapagkat si Kristo ay nagtiis alang-alang sa inyo at iniwanan kayo ng sariling halimbawa niya, upang kayo ay sumunod sa kaniyang mga yapak.”—1 PEDRO 2:21, Phillips.
1, 2. (a) Ano ang maaaring maging isang tunay na hamon, at bakit interesado rito ang mga Kristiyano? (b) Anong mga tanong ang ibinabangon dito?
IKAW ba’y nakapaglakad na sa buhanginan sa tabing-dagat o bumagtas sa isang bukid na nalalatagan ng niyebe at nabighani ka sa sunud-sunod na mga yapak na naiwan ng isang tao na naglakad doon nang una sa iyo? Pumili ka pa mandin kaya ng sunud-sunod na mga yapak at sinubukan mong sundin ang mga iyon, anupa’t tinitingnan mo kung kabagay na kabagay iyon ng mga bakas ng iyong sariling yapak? Kung gayon, natuklasan mo na hindi madali iyon. Ang totoo, ang maingat na pagsunod sa mga yapak ng iba—maging sa literal man o sa makatalinghagang paraan—ay isang tunay na hamon. Gayunman, sapagkat tinatawag nating mga Kristiyano ang ating sarili, ating ipinakikilala ang ating pagnanasa na iyang-iyan ang gawin, na buong ingat na sumunod sa mga yapak ni Kristo.
2 Handa ka bang gumugol ng lakas na kinakailangan upang matugunan nang matagumpay ang hamong ito? Higit sa riyan, ikaw ba ay determinado na gawin iyan, anuman ang mangyari? Kung gayon, dahil sa lubusang pagkaunawa sa mga hirap ng pagsunod sa literal na mga yapak ikaw ay magiging higit na matagumpay sa pagsunod sa makatalinghagang mga yapak ni Kristo.
Matutong Umayon
3. Bakit ang pagsunod sa yapak ng iba ay sa simula waring di-natural?
3 Bawat isa ay may kani-kaniyang paraan ng paglakad. Halimbawa, ang haba ng hakbang ay iba-iba sa bawat isa, at gayundin ang anggulo ng bagsak ng paa ng isang tao. Ang mga daliri ng kaniyang paa ay marahil nakaturo nang diretso sa harap, o maaaring pabagu-bago ng anggulo, baka ang isang anggulo ay lalong litaw sa isang paa kaysa roon sa kabilang paa. Nakikita mo na ba ang hamon? Upang maingat na makasunod sa yapak ng isang tao, kailangang ang haba ng iyong hakbang at ang posisyon ng iyong paa ay dapat na kaayon ng sa kaniya. Sa simula ito ay magiging waring di-natural, subalit kailangang gawin. Wala nang ibang paraan.
4. Bakit ang pagsunod sa mga yapak ni Jesus ay isang natatanging hamon?
4 Ang paraan ng paglakad ni Kristo, sa makatalinghagang pangungusap, ay pambihira, palibhasa sa mga tao noong panahon niya, siya lamang ang taong sakdal, “isa na hindi nakakilala ng kasalanan.” (2 Corinto 5:21) Yamang ang mga tao ay likas na mga di-sakdal na makasalanan, ang paglakad sa yapak ni Jesus ay hindi siyang kanilang karaniwang paraan ng paglakad. Sa mga Kristiyano sa Corinto ay ipinaalaala ito ni Pablo, na ang sabi: “Sapagkat kayo’y makalaman pa. Sapagkat samantalang sa inyo’y may panibugho at pagtatalu-talo, hindi baga kayo makalaman at hindi baga kayo nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao?” Ang hilig na manibugho at magtalu-talo, “mga gawa ng laman,” ay karaniwan na para sa di-sakdal na mga tao, ngunit si Jesus ay lumakad sa daan ng pag-ibig, at ang “pag-ibig ay hindi naninibugho, . . . hindi nayayamot.” Samakatuwid ang paglakad sa mga yapak ni Jesus ay naghaharap ng hamon na lalong higit na malaki kaysa kung tayo ay hihilingan lamang na sumunod sa mga yapak ng isang taong di-sakdal.—1 Corinto 3:3; 13:4, 5; Galacia 5:19, 20; tingnan din ang Efeso 5:2, 8.
5, 6. (a) Bakit maraming mga tao ang bigo ng pagsunod sa mga yapak ni Kristo, na umakay kay Pablo na magbigay ng anong payo? (b) Paanong ang mga tao ay hinihimok na lumakad sa mga yapak ni Kristo sa ngayon, at ano ang resulta para sa kanila?
5 Bukod sa di-kasakdalan, ang kawalang-alam sa kalooban ng Diyos ay maaaring makahadlang din sa isang tao sa paglakad sa mga yapak ni Kristo. Kaya naman ipinayo ni Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso na huwag nang “lumakad na gaya ng mga bansa sa kawalang-kawawaan ng kanilang mga isip, samantalang nasa kadiliman sila ng pag-iisip, at hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos, dahil sa kanilang kawalang-alam, dahil sa kawalan ng pakiramdam ng kanilang mga puso.”—Efeso 4:17, 18.
6 Sa pamamagitan ng gawaing pangangaral ng Kaharian, ang mga tao sa ngayon ay hinihimok na huminto na sa kanilang karaniwang paraan, na walang alam sa mga layunin ng Diyos, nasa kadiliman ng pag-iisip, pinakikilos ng mga pusong walang pakiramdam na ang layuni’y makarating sa mga tunguhing walang kawawaan. Sila’y hinihimok na umayon sa sakdal na halimbawa ni Kristo, na “lumakad na kaisa niya,” sa ganoo’y “binibihag ang bawat kaisipan upang gawing masunurin sa Kristo.” (Colosas 2:6, 7; 2 Corinto 10:5) Ang mga taong handang tumugon sa hamong ito ay matatag sa kanilang pananampalataya. Sa patuloy na pamimihasa ng paglakad ayon sa lakad ni Kristo, iyon ay unti-unting nagiging madali para sa kanila.
7. Anong katiyakan mayroon tayo na, bagama’t malimit na ito’y isang hamon, posible naman ang sumunod sa mga yapak ni Jesus?
7 Gayunman, malimit na ito’y isang hamon. Ang pagkakaiba ng isang sakdal na nilikha at ng isang di-sakdal na nilikha ay malaki. Kaya naman ang di-sakdal na mga nilikha ay kailangang gumawa ng malalaking pagbabago upang makapagsikap na sumunod sa isang sakdal na halimbawa. Ang ibang mga tao, dahilan marahil sa pagmamana o sa kapaligiran, ay mas nahihirapan kaysa iba na umayon sa isang Kristiyanong paraan ng buhay. Subalit si Jehova ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na sinuman na talagang handang magsumikap ay makagagawa nito. “Para sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay-lakas sa akin,” ang sabi ni apostol Pablo. (Filipos 4:13; tingnan din ang 2 Corinto 4:7; 12:9.) Iyan ay totoo tungkol sa lahat ng Kristiyano.
Magbigay-Pansin
8, 9. (a) Bakit kailangang magbigay ng buong pansin at magbuhos ng buong pag-iisip sa pagsunod sa mga yapak ng iba? (b) Ang pagsunod sa anong payo ng Bibliya ang tutulong sa atin upang tayo’y huwag mapalihis ng pagsunod sa mga yapak ni Jesus?
8 Hindi tayo makasusunod sa literal na mga yapak nang hindi tayo maingat na nakatingin sa kung saan tayo yayapak. Kung ang ating mata ay pagala-gala—nakatutok sa mga bagay na nangyayari sa palibot natin o sa iba pang mga bagay—tayo ay malamang na magkabisala sa ating pagyapak sa malao’t madali. Malibang sa tayo’y magbigay ng buong pansin at magbuhos ng buong pag-iisip, tayo ay malilihis sa mga bakas ng yapak na dapat nating sundin. Samakatuwid, sa tuwina’y kailangan na tayo’y maging mapagbantay, lalung-lalo na pagka mayroong mga biglaang ingay o iba pang di-inaasahang pang-abala na maaaring maglihis sa kinatututukan ng ating isip.—Ihambing ang Job 18:10, 11.
9 Sa isang makatalinghagang paraan, ito ay totoo rin naman sa mga sumusunod sa mga yapak ni Jesus. Si Jesus ay nagbabala sa kaniyang mga tagasunod na matamang bigyang pansin ang kanilang sarili, sapagkat baka ang kanilang mga puso’y “malugmok sa katakawan at sa kalasingan at sa pagsusumakit ukol sa buhay na ito.” (Lucas 21:34) Ginagamit ni Satanas ang pang-araw-araw na mga pang-abalang ito upang ang ating mga mata ay maalis sa pagsunod sa mga yapak ni Jesus. Siya’y mabilis at huhulihin tayo sa mga sandaling hindi tayo nagbabantay at kaniyang sinasamantala ang di-inaasahang mga pagkakataon, tulad halimbawa ng pananalansang, sakit, o kakapusan sa pananalapi. Upang masiguro natin na tayo’y “huwag maanod,” kailangang “magbigay tayo ng higit kaysa karaniwang pansin sa mga bagay na pinakikinggan natin,” sa ibang pananalita, panatilihin na ang ating mga mata ay buong ingat na nakatutok sa mga yapak ni Kristo higit kailanman.—Hebreo 2:1; tingnan din ang 1 Juan 2:15-17.
Huwag Lilihis
10. (a) Ano ang panganib pagka may iba-ibang mga bakas ng mga yapak na bumabagtas sa mga bakas na ating sinusundan? (b) May kaugnayan sa espirituwalidad, bakit mapanganib ang mga resulta ng pagsunod sa mga maling yapak?
10 Sa isang siksikang dalampasigan, baka doo’y maraming parehas ng mga yapak sa namamasa-masang buhanginan, at ang ilang mga bakas ng yapak ay baka bumabagtas sa mga bakas na ating sinusundan. Maraming bakas ng yapak ang baka, sa biglang tingin, pare-pareho. Anong pagkahala-halaga nga na masiguro natin na tayo’y sumusunod sa mga tamang yapak! Kung hindi gayon ay baka tayo maligaw at mapapunta sa maling patutunguhan. May kaugnayan sa espirituwalidad, ito’y maaaring magkaroon ng malubhang resulta. Ang panganib sa pagsunod sa mga yapak na marahil tinging siyang tamang mga yapak ngunit sa totoo’y hindi naman ay ipinakikita sa kawikaan na nagbibigay-babala: “May daan na tila matuwid sa paningin ng tao, ngunit ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan pagkatapos.”—Kawikaan 16:25.
11. Anong babala ang ibinigay ni Pablo sa mga unang Kristiyano, na nagpapakita ng anong halimbawa para kanino sa ngayon?
11 Dahilan sa mismong tunay na panganib na ito, si Pablo ay napilitan na magbigay-babala sa kaniyang mga kapatid sa sinaunang kongregasyong Kristiyano: “Ako’y namamangha na kaydali ninyong nagsilipat sa ibang uri ng mabuting balita at hiwalay sa Kaniya na tumawag sa inyo sa di-sana-nararapat na awa ni Kristo. . . . Mayroong mga ilan diyan na sa inyo’y lumiligalig at ibig na pasamain ang mabuting balita tungkol sa Kristo. . . . Kung sinuman ay nangangaral sa inyo ng mabuting balita na iba kaysa inyong tinanggap na, siya’y itakwil ninyo.” (Galacia 1:6-9) Bilang pagtulad sa halimbawa ni Pablo, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nagbibigay-babala sa atin tungkol sa mga apostata at sa mga nagkukunwaring mga kapatid na naglalatag, wika nga, ng mga maling bakas ng yapak. Ang mga tunay na Kristiyano ay walang nais na lumihis sa landas na inilagay ni Kristo sa harap nila at ang Diyos ang siyang pumapatnubay.—Awit 44:18.
12. (a) Paano tutulong sa atin ang 2 Timoteo 1:13 upang maiwasan natin na tayo’y iligaw para sumunod sa mga huwad na yapak? (b) Ano ang pagkakakilanlan sa mga ibang uri ng mabuting balita?
12 Sa pamamagitan ng pagbibigay ng matamang pansin sa mapagkakakilanlang tanda ng mga yapak ni Kristo, iniiwasan natin na tayo’y iligaw. Ang tumpak na kaalaman tungkol kay Jesus, tungkol sa kaniyang mga turo, at tungkol sa paraan ng pag-andar ng kongregasyong Kristiyano ay tumutulong sa atin upang makilala “ang uliran ng magagaling na salita” na nagbibigay sa atin ng proteksiyon buhat sa mga taong “nagpapasamá sa mabuting balita tungkol sa Kristo.” (2 Timoteo 1:13) Ang mga ibang uri ng umano’y mabuting balita—sa katunayan, huwad na mga bakas ng yapak—ay hindi bumabagay sa uliran ng katotohanan. Ito’y nagpapangit lamang ng hitsura, ang larawan ay nawawala sa pagkapokus. Imbis na liwanagin ang saligang mga katotohanan at mga simulain ng Bibliya, ito’y sumasalungat pa roon. Imbis na tayo’y patibayin-loob sa higit na paglilingkuran kay Jehova, pinababagal pa tayo. Ang kanilang mensahe ay hindi positibo at hindi lumuluwalhati sa pangalan at organisasyon ni Jehova; ito’y negatibo, humahanap ng kasiraan, at mapamintas. Tiyak na tiyak, hindi ito ang mga yapak na ibig nating sundin.
Manatili sa Tamang Bilis
13. Paano nasasangkot ang bilis kung tayo’y sumusunod sa mga yapak ng iba?
13 Pagka tayo’y naglalakad, ang haba ng ating hakbang ay depende ang isang bahagi sa bilis ng ating paglakad. Pangkaraniwan, mientras mabilis tayong lumakad, lalong mahaba ang ating hakbang; mientras mabagal tayong lumakad, lalo namang maikli ang hakbang natin. Samakatuwid, mas madali na sumunod tayo sa literal na mga yapak ng isang tao kung ang ating bilis sa paglakad ay ibabagay natin sa kaniyang bilis. Sa ganoon ding paraan, upang tayo’y matagumpay na makalakad ayon sa makasagisag na mga yapak ng ating Lider, si Jesu-Kristo, tayo’y kailangang manatiling bumabagay sa kaniyang bilis ng paglakad.
14. (a) Sa paanong hindi natin matutularan marahil ang bilis ng lakad ni Jesus? (b) Bakit kamangmangan na subuking magmabilis pa kaysa “tapat at maingat na alipin”?
14 Ang hindi pagsabay sa bilis ng paglakad ni Kristo ay mangangahulugan ng alin sa dalawang bagay. Tayo’y lumalakad nang mas mabilis, nagpapauna sa “tapat at maingat na alipin” na ginagamit ni Jesus upang tuparin ang layunin ni Jehova, o dili kaya’y napag-iiwanan tayo sa pagsunod sa pangunguna ng ‘alipin.’ (Mateo 24:45-47) Bilang halimbawa nitong una, noong nakalipas na mga panahon may mga Kristiyano na naging mainipin tungkol sa mga pagbabago o pagpapakinis sa doktrina o sa organisasyon na inaakala nilang kinakailangan at dapat na sanang nagawa noon pa. Palibhasa’y naghihinanakit dahilan sa inaakala nilang mabagal ang pagkilos ng mga bagay-bagay, sila’y humiwalay sa bayan ni Jehova. Anong laking kamangmangan at anong laking kaiklian ng isip! Malimit ang mismong bagay na lumigalig sa kanila ay nabago noong bandang huli—sa takdang panahon ni Jehova.—Kawikaan 19:2; Eclesiastes 7:8, 9.
15. Paanong si Haring David at si Jesus ay mabubuting halimbawa ng pananatili sa tamang bilis?
15 Ang landasin ng karunungan ay ang hintayin na si Jehova ang kumilos imbis na subuking idikta kung gaano kabilis dapat mangyari ang mga bagay-bagay. Ang sinaunang si Haring David ay nagpakita ng wastong halimbawa. Siya’y tumanggi na makipagsabwatan laban kay Haring Saul sa isang pagtatangka na angkinin ang paghahari bago dumating ang takdang panahon ni Jehova na ibigay ito sa kaniya. (1 Samuel 24:1-15) Gayundin naman, natalos ng “Anak ni David,” si Jesus, na siya’y kailangang maghintay upang lubusang matamo ang kaniyang makalangit na paghahari. Batid niya ang makahulang mga salita na kapit sa kaniya: “Maupo ka sa aking kanan hanggang sa aking gawing tuntungan mo ang iyong mga kaaway.” Kaya nang isang grupo ng mga Judio ang ibig na “sunggaban siya upang gawin siyang hari,” agad umurong si Jesus. (Mateo 21:9; Awit 110:1; Juan 6:15) Makalipas ang mga 30 taon, sang-ayon sa Hebreo 10:12, 13, hinihintay pa rin noon ni Jesus ang kaniyang paghahari. Sa katunayan, siya’y naghintay nang halos 19 na siglo bago iniluklok bilang matuwid na Hari ng Kaharian ng Diyos nang ito’y matatag noong 1914.
16. (a) Ipaghalimbawa kung paano tayo ay marahil kumikilos nang mas mabagal kaysa nararapat nating ikilos. (b) Ano ang layunin ng pagtitiis ni Jehova, at paano dapat nating iwasan ang pag-aabuso sa pagtitiis na iyan?
16 Datapuwat, ang hindi pananatili sa wastong bilis ay maaaring mangahulugan din ng pagmamabagal, nahuhuli. Kung gayon, pagka ipinakikita ng Salita ng Diyos na kailangan tayong gumawa ng pagbabago sa ating buhay, tayo ba’y kumikilos nang walang pagpapaliban? O tayo ba ay nangangatuwiran na yamang ang Diyos ay matiisin, maaari nating ipagpaliban ang gayong mga pagbabago hanggang sa may bandang huli na, baka umaasa tayo na iyon ay magagawang mas madali sa panahong iyon? Totoo, si Jehova ay matiisin. Subalit ito’y hindi dahilan upang tayo’y maging maluwag tungkol sa paggawa ng kinakailangang mga pagbabago. Bagkus, “siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya ibig na ang sinuman ay mapahamak kundi ang ibig niya’y magsisi ang lahat.” (2 Pedro 3:9, 15) Lalong maigi, kung gayon, na tularan ang salmista na nagsabi: “Ako’y nagmadali, at hindi ako nagmabagal ng pagsunod sa iyong mga utos.”—Awit 119:60.
17. Tungkol sa pananatili sa tamang bilis, ano ang kaugnayan nito sa pangangaral, na umaakay sa atin na tanungin ng ano ang ating sarili?
17 Sa pagkamabagal ay maaaring kasangkot din ang pangangaral ng Kaharian. Sang-ayon sa Mateo 25, si Jesus sa kasalukuyan ay humahatol sa sangkatauhan, ibinubukod “ang mga tupa” sa “mga kambing.” Ang malaking bahagi nito ay nagaganap sa pamamagitan ng pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14; 25:31-33; Apocalipsis 14:6, 7) Ang panahong takda sa paggawa ng pagbubukud-bukod na ito ay tunay na limitado. (Mateo 24:34) Habang ang natitirang panahon ay paikli nang paikli, inaasahan nating pabibilisin ni Jesus ang gawain. Sa paggawa ng gayon, siya’y kumikilos bilang isang instrumento ng Diyos, na, sa pagtukoy sa gawaing pagtitipon, ay nangangako: “Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.” (Isaias 60:22) Bilang mga kamanggagawa ng Diyos, na maingat na sumusunod sa mga yapak ng kaniyang Anak, atin bang pinabibilis ang ating pagsasagawa ng pangangaral ng Kaharian sa sukdulan na ipinahihintulot ng ating pisikal na kalagayan at maka-Kasulatang mga pananagutan? Ipinakikita ng mga ulat ng paglilingkod sa larangan na milyun-milyong mga Saksi ni Jehova ang gumagawa ng ganiyan!
Iwasan ang Labis na Pagtitiwala, Labanan ang Panghihina ng Loob
18. Bakit baka ang isang tao’y magkaroon ng labis na pagtitiwala, at paano nagbababala ang Bibliya tungkol sa panganib na ito?
18 Mientras tayo’y matagal na nagtitiyaga sa pagsunod sa mga yapak ng sinuman, lalo nating nakakasanayan ang kaniyang paraan ng paglakad. Subalit, kung tayo’y magiging kampante, sa malao’t madali ay magkakamali tayo ng hakbang. Kung gayon, sa pagsunod sa makasagisag na mga yapak ni Jesus, kailangang kilalanin natin ang panganib ng pagiging labis na mapagtiwala, na nagiging pabaya at umaasa sa ating sariling lakas at mga kakayahan, anupa’t inaakala na kabisadung-kabisado natin ang kaniyang sakdal na paraan ng paglakad. Ang karanasan ni Pedro na nakasulat sa Lucas 22:54-62 ay nagsisilbing isang napapanahong babala. Idiniriin din nito ang katotohanan na sinasabi sa 1 Corinto 10:12: “Ang may akalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka mabuwal.”
19. (a) Ano ang nangyayari sa bawat Kristiyano paminsan-minsan? (Santiago 3:2) (b) Paano natin dapat malasin ang mga salita ni Pablo sa Roma 7:19, 24?
19 Dahilan sa di-kasakdalan, ang bawat Kristiyano ay magkakamali ng hakbang paminsan-minsan. Baka ang pagkakamaling ito ay maliit lamang, halos hindi mapansin ng iba. O kaya naman ay baka ito isang halatang-halatang pagsala sa pamantayan na anupa’t ito’y makikita ng lahat. Sa alinman diyan, anong laking kaaliwan na alalahanin ang ganitong ginawang pag-amin ni Pablo: “Sapagkat ang mabuti na aking ibig ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko ibig ay siya kong ginagawa sa tuwina. Miserableng tao nga ako!” (Roma 7:19, 24) Mangyari pa, ang mga salitang ito ay hindi dapat ituring na isang dahilan para sa paggawa ng masama. Bagkus, ang mga ito ay pampatibay-loob sa nakatalagang mga Kristiyano na nakikipagpunyagi sa mga di-kasakdalan nila, at tumutulong sa kanila na manatili sa kanilang pagsisikap na harapin ang hamon ng paglakad sa sakdal na mga yapak ni Jesus.
20. (a) Paano tayo tinutulungan ng Kawikaan 24:16 sa ating pagtakbo sa takbuhan sa buhay? (b) Tayo’y dapat maging determinado na gawin ang ano?
20 “Ang matuwid ay baka mabuwal nang kahit makapito, at tunay na siya’y babangon,” ang sabi ng Kawikaan 24:16. Sa ating takbuhan ukol sa buhay, walang sinuman na dapat mag-isip na siya’y dapat nang magbitiw. Ang takbuhang ito ay katulad ng isang marathon, isang takbuhan para sa mga matiisin, hindi ito isang daang yardang dash. Ang bahagyang-bahagyang pagkabisala ng isang mananakbo ay posibling-posible na magbigay sa kaniya ng pagkatalo sa takbuhan. Subalit, ang mananakbo sa marathon, kahit na siya matisod, ay may panahon pa na makahabol at makarating sa finish line. Kaya kung sakaling ikaw ay magkabisala at ibulalas mo, “Miserableng tao nga ako!” alalahanin mo na mayroon ka pang panahon na makahabol. Mayroon ka pang pagkakataon na bumawi upang makasunod sa mga yapak ng iyong Lider, si Jesu-Kristo. Walang dahilan na mawalan ng pag-asa! Walang dahilan na sumuko! Maging determinado ka, sa tulong ng Diyos, na pagtagumpayan mo ang hamon na ‘sumunod nang maingat sa mga yapak ni Jesus.’—1 Pedro 2:21.
Bakit ang mga Kristiyano’y kailangan na
◻ matutong umayon?
◻ magbuhos ng buong pansin?
◻ isaisip ang uliran ng katotohanan?
◻ manatili sa tamang bilis?
◻ iwasan ang labis na pagtitiwala?
◻ labanan ang panghihina ng loob?
[Larawan sa pahina 15]
Sa pagpapako ng mata sa kaniyang tunguhin, ang matuwid ay tiyak na babangon