Reinkarnasyon
Kahulugan: Ang paniniwala na ang isa ay isinisilang na muli sa isa o higit pang sunud-sunod na pag-iral, maaaring bilang tao o hayop. Kadalasan ang sinasabing isinisilang-muli sa ibang katawan ay ang di-materyal na “kaluluwa.” Hindi itinuturo ng Bibliya.
Kung nadarama mo na parang dati nang pamilyar sa iyo ang mga bagong kakilala o dako, ito ba’y nagpapatunay na totoo ang reinkarnasyon?
Nangyari ba sa iyo na dalawang taong parehong nabubuhay ay naipagkamali mo sa isa’t isa? Marami ang nagkaroon ng gayong karanasan. Bakit? Sapagka’t may mga taong magkatulad ang ugali o halos magkamukha pa rin. Kaya ang pagkadama na dati mong kilala ang isang tao bagama’t noon mo lamang nakita ay hindi talagang nagpapatunay na siya’y nakilala mo sa di-umano’y naging unang buhay mo noon, hindi ba?
Bakit maaaring parang pamilyar sa iyo ang isang bahay o isang bayan samantalang noon ka pa lamang nakarating doon? Iyon ba’y sapagka’t doon ka nakatira sa nauna mong buhay? Maraming bahay ang itinatayo na may magkakahawig na disenyo. Ang muwebles na ginagamit kahit sa magkakalayong mga lunsod ay maaaring ginawa mula sa magkakahawig na mga plano. At hindi ba totoo na ang mga tanawin sa ilang magkakalayong mga dako ay halos magkakatulad? Kaya, madaling mauunawaan kung bakit parang pamilyar sa iyo ang ilang mga bagay, at hindi kailangang isipin na ito’y dahil sa reinkarnasyon.
Kapag naalaala mo ang nakaraang buhay sa ibang panahon at dako sa ilalim ng hipnotismo, ito ba’y nagpapatunay na totoo ang reinkarnasyon?
Sa ilalim ng hipnosis, maraming impormasyong nakaimbak sa utak ang nailalabas. Pinalalabas ng mga hipnotista ang mga bagay na hindi karaniwang naaalaala. Subali’t, saan nanggagaling ang mga alaalang ito? Marahil ay may nabasa kang libro, may napanood na pelikula, o may natutuhan hinggil sa ilang mga tao sa telebisyon. Kung inilagay mo ang inyong sarili sa dako ng mga taong ito, maaaring lumikha ito ng mariing impresyon sa iyo, anupa’t para bagang ito’y sarili mong karanasan. Ang anomang aktuwal mong ginawa ay maaaring napakatagal na kung kaya’t nakalimutan mo na, nguni’t sa ilalim ng hipnosis ang karanasang ito ay maaaring ibalik sa alaala na para bang “ibang buhay” ang nagugunita mo. Subali’t, kung totoo iyon, hindi ba dapat na lahat ng tao ang may gayong mga alaala? Nguni’t hindi lahat ay gayon. Kapansinpansin na dumarami ang mga korte suprema ng mga estado sa Estados Unidos na ayaw tanggapin ang anomang patotoo na ibinigay sa ilalim ng hipnotismo. Noong 1980 ang Korte Suprema ng Minnesota ay nagpahayag na “ipinahihiwatig ng pinaka-mahusay na katibayan na hindi kayang sabihin ng sinomang eksperto kung baga ang alaalang ibinalik sa pamamagitan ng hipnosis, o kahit bahagi man lamang sa alaalang iyon, ay katotohanan, kabulaanan, o kaya’y kathang-isip lamang—likha ng guni-guni lamang. Ang gayong mga resulta ay hindi maaaring pagkatiwalaan bilang makasiyentipikong kawastuan.” (State v. Mack, 292 N.W.2d 764) Ang isa pa ring salik sa hindi pagiging mapagkakatiwalaan nito ay ang impluwensiya ng mga mungkahing ibinibigay ng hipnotista sa hinipnotismo.
Ang paniniwala ba sa reinkarnasyon ay pinatutunayan ng Bibliya?
Ipinahihiwatig ba ng Mateo 17:12, 13 na totoo ang reinkarnasyon?
Mat. 17:12, 13: “[Sinabi ni Jesus:] ‘Naparito na si Elias, at hindi nila siya nakilala, kundi ginawa nila sa kaniya ang ayon sa anomang kanilang inibig. Sa ganito ring paraan magbabata sa kanilang mga kamay ang Anak ng tao.’ Nang magkagayo’y napag-unawa ng mga alagad na si Juan Bautista ang sinasabi niya sa kanila.”
Ibig bang sabihin nito na si Juan Bautista ay si Elias na isinilang-muli? Nang si Juan ay tanungin ng mga Judiong saserdote, “Ikaw baga’y si Elias?” siya’y sumagot, “Hindi.” (Juan 1:21) Ano kung gayon ang ibig sabihin ni Jesus? Gaya ng inihula ng anghel ni Jehova, si Juan ay nauna sa Mesiyas ni Jehova “na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papagbaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak at ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid, upang ipaglaan si Jehova ng isang nahahandang bayan.” (Luc. 1:17) Kaya si Juan Bautista ay tumutupad sa hula dahil sa pagsasagawa ng gawaing tulad niyaong sa propetang Elias.—Mal. 4:5, 6.
May hiwatig ba ng reinkarnasyon sa salaysay ng Juan 9:1, 2?
Juan 9:1, 2: “At sa pagdaraan niya [ni Jesus] ay nakita niya ang isang lalaking bulag mula sa kaniyang kapanganakan. At tinanong siya ng kaniyang mga alagad: ‘Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito o ang kaniyang mga magulang, upang siya’y ipanganak na bulag?’ ”
Posible ba na ang mga alagad na ito ay naimpluwensiyahan ng paniniwala ng mga Judiong Pariseo, na nagsasabi na “ang kaluluwa ng mabubuting tao lamang ang inililipat sa ibang mga katawan”? (Wars of the Jews, Josephus, Aklat II, kab. VIII, par. 14) Hindi gayon, sapagka’t ipinakikita ng kanilang tanong na hindi nila siya itinuturing na ‘mabuting tao.’ Ang higit na makatuwirang paliwanag ay na ang mga alagad ni Jesus ay naniniwala sa mga Kasulatan at batid nila na ang kaluluwa ay namamatay. Nguni’t, yamang may buhay ang isang sanggol kahit nasa bahay-bata at ipinaglihi sa kasalanan, baka naisip nila kung baga nagkasala ang di-pa-naisisilang na sanggol na ito, na siyang naging dahilan ng pagkabulag niya. Gayumpaman, ang sagot ni Jesus ay hindi umalalay maging sa reinkarnasyon o sa ideya na nagkakasala ang isang sanggol na nasa bahay-bata ng kaniyang ina. Si Jesus mismo ay sumagot: “Hindi nagkasala ang taong ito ni ang kaniyang mga magulang man.” (Juan 9:3) Alam ni Jesus na, dahil sa tayo’y mga supling ni Adan, nagmana tayo ng mga kahinaan at di-kasakdalan ng tao. Upang gamitin ang okasyong yaon sa ikaluluwalhati ng Diyos, pinagaling ni Jesus ang lalaking bulag.
Ang turo ba ng Bibliya hinggil sa kaluluwa at kamatayan ay umaalalay sa reinkarnasyon?
Sinasabi ng Genesis 2:7: “At hinubog ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at hiningahan ang mga butas ng kaniyang ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.” Pansinin na ang tao mismo ang siyang kaluluwa; ang kaluluwa ay hindi espirituwal, na hiwalay at nakabukod sa katawan. “Ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.” (Ezek. 18:4, 20) At ang isang taong patay ay tinutukoy na isang “patay na kaluluwa.” (Bil. 6:6) Pagkamatay, “ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya’y nagbabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:4) Kaya pagka namamatay ang isang tao, ang buong persona ang namamatay; walang naiiwang nabubuhay na bahagi na maaaring lumipat sa ibang katawan. (Ukol sa karagdagang detalye, tingnan ang mga paksang “Kaluluwa” at “Kamatayan.”)
Ecles. 3:19: “Ang nangyayari sa mga anak ng tao ay nangyayari sa mga hayop, samakatuwid baga’y isang bagay ang nangyayari sa kanila. Kung paanong namamatay ang hayop, gayon namamatay ang tao.” (Gaya ng sa tao, walang anomang naiiwang buháy pagkamatay ng isang hayop. Walang anomang natitira upang isilang-muli sa ibang katawan.)
Ecles. 9:10: “Anomang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan, sapagka’t walang gawa ni katha ni kaalaman ni karunungan man sa Sheol, ang dakong iyong paroroonan.” (Ang mga patay ay tumutungo, hindi sa ibang katawan, kundi sa Sheol, ang karaniwang libingan ng sangkatauhan.)
Ano ang pagkakaiba ng reinkarnasyon at ng pag-asang iniaalok ng Bibliya?
Reinkarnasyon: Ayon sa paniwalang ito, pagkamatay ng isang tao, ang kaluluwa, ang “tunay na katauhan,” ay lumilipat tungo sa isang higit na mabuting pag-iral kung ang isa’y namuhay nang may kabutihan, o maaaring tungo sa pag-iral bilang isang hayop kung ang rekord niya ay may higit na kasamaan kaysa kabutihan. Ayon sa turong ito, sa bawa’t muling pagsilang ang indibiduwal ay bumabalik sa sistema ring ito ng mga bagay, kung saan siya’y mapapaharap sa higit pang pagdurusa at sa wakas ay kamatayan. Ang sunud-sunod na mga muling-pagsilang na ito ay itinuturing na parang walang katapusan. Iyon nga ba ang kinabukasang naghihintay sa inyo? May mga naniniwala na ang tanging paraan upang matakasan ito ay sa pamamagitan ng pagsugpo sa lahat ng pagnanasa ukol sa mga bagay na kanaisnais sa isa. Tungo saan ba sila tumatakas? Tungo sa sinasabi ng iba na walang malay na buhay.
Bibliya: Ayon sa Bibliya, ang kaluluwa ang siyang buong persona. Kahit nakagawa ng masasamang bagay noong nakaraan ang isang tao, kung siya’y magsisi at magbago ng kaniyang mga daan, patatawarin siya ng Diyos na Jehova. (Awit 103:12, 13) Pagkamatay ng isang tao, walang nananatiling buháy. Ang kamatayan ay katulad ng mahimbing na pagtulog na walang panaginip. Magkakaroon ng isang pagkabuhay-muli ng mga patay. Hindi ito isang reinkarnasyon kundi ang pagsasauli sa buhay ng personalidad ring iyon. (Gawa 24:15) Para sa karamihan, ito’y magiging pagkabuhay-muli tungo sa buhay sa lupa. Magaganap ito pagkatapos wakasan ng Diyos ang kasalukuyang balakyot na sistema. Ang sakit, pagdurusa, at kahit ang kamatayan ay lilipas na. (Dan. 2:44; Apoc. 21:3, 4) Iyon ba’y isang pag-asang gusto ninyong higit na pag-aralan, upang suriin ang mga dahilan kung bakit ito’y mapananaligan?
Kung May Magsasabi—
‘Naniniwala ako sa reinkarnasyon’
Maaari kayong sumagot: ‘Inaasahan ninyo na ito’y magdudulot ng isang lalong mabuting buhay, hindi ba? . . . Kung gayon, gusto ba ninyong mabuhay sa isang daigdig na kagaya ng inilalarawan dito sa Apocalipsis 21:1-5?’
O maaari ninyong sabihin: ‘Mabuti’t binanggit ninyo iyon. Subali’t, ganito ba mula’t sapol ang inyong paniniwala? . . . Ano ang nag-udyok sa inyo na baguhin ang dati ninyong paniniwala?’ (Saka maaaring gamitin ang mga ideya sa ilalim ng uluhan sa pahina 357.)
Isa pang posibilidad: ‘Marami ang aking nakausap na may gayon ding paniniwala. Siyanga pala, Bakit sa palagay ninyo’y kailangan ang reinkarnasyon?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Natatandaan ba ninyo ang lahat ng detalye ng sinasabi ninyong naunang mga buhay ninyo? . . . Nguni’t hindi ba kailangan ito kung ang layunin ay upang sumulong ang isang tao at ituwid ang dati niyang mga pagkakamali?’ (2) Kung sabihin ng tao na isang kabutihan na tayo’y nakalilimot, maaari ninyong itanong: ‘Subali’t sa palagay ba ninyo ang pagiging malilimutin ay nakakabuti sa isang tao sa pang-araw-araw na buhay? At saka, kung sa bawa’t 70 taon ay kalilimutan natin ang lahat ng ating natutuhan, matutulungan ba tayong sumulong?’ (3) Kung sabihin ng tao na yaon lamang mabubuting tao ang isinisilang muli bilang tao, maaari ninyong itanong: ‘Kung totoo iyon, bakit patuloy na lumalala ang mga kalagayan sa daigdig? . . . Ipinakikita ng Bibliya kung papaano magkakaroon ng tunay na pagsulong sa ating kaarawan. (Dan. 2:44)’