Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Isang Misyon ng Awa sa Judea
MGA ilang linggo ang aga sa panahon ng Kapistahan ng Pagtatalaga sa Jerusalem, pinurbahan ng mga Judio na patayin si Jesus. Kaya’t siya’y naglakbay pahilaga, marahil sa isang lugar na hindi malayo sa Dagat ng Galilea.
Kamakailan, siya’y patimog uli patungo sa gawi ng Jerusalem, nangangaral habang daan sa mga nayon ng Perea, isang distritong nasa gawing silangan ng Ilog Jordan. Katatapos lamang niyang isaysay ang ilustrasyon tungkol sa taong mayaman at kay Lasaro. Ngayon ay nagpapatuloy siya ng pagtuturo sa kaniyang mga alagad ng mga bagay na kaniyang itinuro una pa nang siya’y nasa Galilea.
Kaniyang sinabi, halimbawa, na mas mabuti pa sa isang tao “kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang gilingang bato at siya’y ihagis sa dagat” kaysa siya’y katisuran ng isa sa “maliliit na ito” ng Diyos. Kaniyang idiniriin ang pangangailangan ng pagpapatawad, na nagpapaliwanag: “Kahit na [ang isang kapatid] ay makapitong magkasala sa isang araw laban sa iyo at makapitong magbalik sa iyo, na sasabihin: ‘Pinagsisisihan ko,’ patawarin mo siya.”
Nang hilingin ng mga alagad, “Bigyan mo kami ng higit pang pananampalataya,” si Jesus ay sumagot: “Kung magkaroon kayo ng pananampalatayang kasinlaki ng isang butil ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka at matanim ka sa dagat!’ at ito’y tatalima sa inyo.” Kaya’t kahit na ang bahagyang pananampalataya ay makagaganap ng dakilang mga bagay.
Pagkatapos, si Jesus ay naglalahad ng isang kalagayan sa tunay na buhay na nagpapakita ng tamang saloobin ng isang lingkod ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat. “Sino sa inyo ang may isang aliping nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa,” ang sabi ni Jesus, “na pagbabalik niyang galing sa bukid ay magsasabi sa kaniya, ‘Parito ka agad at maupo ka sa mesa’? Bagkus, hindi baga kaniyang sasabihin sa kaniya, ‘Ipaghanda mo ako ng mahahapunan, at magbigkis ka at paglingkuran mo ako hanggang sa ako’y makakain at makainom, at pagkatapos ay saka ka kumain at uminom’? Magpapasalamat baga siya sa alipin sapagkat ginawa niya ang mga bagay na iniutos sa kaniya? Gayundin naman kayo, pagka nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na sa inyo’y iniutos, sabihin ninyo, ‘Kami’y mga aliping walang-kabuluhan. Ginawa namin ang katungkulang gawin namin.’” Samakatuwid, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi dapat mag-isip na ginagawan nila ng pabor ang Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa kaniya. Bagkus, laging aalalahanin nila ang pribilehiyo na taglay nila na pagsamba sa kaniya bilang pinagkakatiwalaang mga kaanib sa kaniyang sambahayan.
Maliwanag na hindi nagtagal pagkatapos na ibigay ang paghahalimbawang ito saka dumating ang isang mensahero. Siya’y pinapunta roon ni Maria at ni Marta, mga kapatid ni Lasaro, na naninirahan sa Betania ng Judea. “Panginoon, narito! siyang iyong minamahal ay maysakit,” ang sabi ng sinugo.
Ang tugon ni Jesus: “Ang sakit na ito’y hindi sa ikamamatay, kundi sa ikaluluwalhati ng Diyos, upang ang Anak ng Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan nito.” Pagkatapos nang siya’y mamalaging dalawang araw sa dating kinaroroonan niya, sinabi ni Jesus sa kaniyang alagad: “Tayo nang muli sa Judea.” Subalit, kanilang ipinaalaala sa kaniya: “Rabi, nitong kamakailan lamang ay pinagsisikapan kang batuhin ng mga Judio, at muli ka na namang pupunta roon?”
“Hindi baga ang araw ay may labindalawang oras?” ang tanong ni Jesus. “Kung ang isang tao’y lumalakad samantalang araw siya’y hindi natitisod, sapagkat nakikita niya ang ilaw ng sanlibutang ito. Ngunit kung ang isang tao’y lumalakad samantalang gabi, siya’y natitisod, sapagkat wala siyang ilaw.”
Maliwanag na ang ibig sabihin ni Jesus ay na ‘ang oras ng maghapon,’ o ang panahon na itinakda ng Diyos para sa kaniyang ministeryo sa lupa, ay hindi pa natatapos, at kung gayon, walang sinuman ang maaaring manakit sa kaniya. Kailangang lubusang gamitin niya ang maikling panahon ng “araw” na natitira pa para sa kaniya, yamang pagkatapos ay darating ang “gabi” pagka pinaslang na siya ng kaniyang mga kaaway.
At isinusog pa ni Jesus: “Si Lasaro na aking kaibigan ay namamahinga, ngunit ako’y paroroon upang gisingin ko siya sa pagkatulog.”
Marahil sa pag-aakalang si Lasaro ay namamahinga sa pagkatulog at na ito’y isang positibong tanda na siya’y magigising, ang mga alagad ay tumugon: “Panginoon, kung siya’y namamahinga, siya’y gagaling.”
Nang magkagayo’y sinabi sa kanila ni Jesus nang tahasan: “Si Lasaro ay patay, at ikinagagalak ko dahil sa inyo rin na ako’y wala roon, upang kayo’y magsipaniwala. Gayunma’y tayo na sa kaniya.”
Sa pagkatanto na maaaring patayin si Jesus sa Judea, gayunma’y sa paghahangad na alalayan siya, si Tomas ay nagsabi sa kaniyang mga kapuwa alagad: “Tayo’y magsiparoon din naman, upang tayo’y mangamatay na kasama niya.” Kaya’t bagaman nanganganib ang kanilang buhay, ang mga alagad ay sumama kay Jesus sa kaniyang misyon ng awa sa pagpunta sa Judea. Lucas 13:22; 17:1-10; Juan 10:22, 31, 40-42; 11:1-16.
◆ Saan ba nangangaral si Jesus kamakailan?
◆ Anong mga turo ang inulit ni Jesus, at anong kalagayan sa tunay na buhay ang kaniyang inilahad upang ipaghalimbawa ang anong punto?
◆ Anong balita ang tinanggap ni Jesus, at ano ang ibig niyang sabihin sa pananalitang “araw” at “gabi”?
◆ Ano ba ang ibig sabihin ni Tomas nang kaniyang sabihin, ‘Pumaroon tayo upang tayo’y mangamatay na kasama niya’?