KABANATA 16
“Pumunta Ka sa Macedonia”
Nagdudulot ng mga pagpapala ang pagtanggap ng atas at pagharap sa pag-uusig nang may kagalakan
Batay sa Gawa 16:6-40
1-3. (a) Paano ginabayan ng banal na espiritu si Pablo at ang kaniyang mga kasama? (b) Anong mga pangyayari ang isasaalang-alang natin?
ISANG grupo ng mga babae ang umalis sa lunsod ng Filipos, sa Macedonia. Di-nagtagal, nakarating sila sa makitid na ilog ng Gangites. Gaya ng nakaugalian nila, umuupo sila sa may tabing-ilog upang manalangin sa Diyos ng Israel. Nakamasid sa kanila si Jehova.—2 Cro. 16:9; Awit 65:2.
2 Samantala, mahigit 800 kilometro sa silangan ng Filipos, isang grupo naman ng mga lalaki ang umalis sa lunsod ng Listra, sa timugang Galacia. Pagkalipas ng ilang araw, nakarating sila sa patag na lansangang gawa ng mga Romano, patungong kanluran sa pinakamataong rehiyon ng distrito ng Asia. Nananabik ang mga lalaking iyon—sina Pablo, Silas, at Timoteo—na tahakin ang lansangang ito para makadalaw sa Efeso at sa iba pang lunsod kung saan libo-libo ang kailangang makarinig tungkol kay Kristo. Subalit bago pa man sila magsimulang maglakbay, pinigilan sila ng banal na espiritu—kung paano, walang nakaaalam. Pinagbawalan silang mangaral sa Asia. Bakit? Nais akayin ni Jesus—sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos—ang grupo ni Pablo patungo sa dulo ng Asia Minor, patawid ng Dagat Aegeano, hanggang sa pampang ng maliit na ilog na iyon ng Gangites.
3 May matututuhan tayong mga aral kung paano ginabayan ni Jesus sina Pablo sa naiibang paglalakbay na iyon patungong Macedonia. Kaya balikan natin ang ilan sa mga pangyayaring naganap noong ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, na nagsimula noong mga 49 C.E.
“Ipinatawag Kami ng Diyos” (Gawa 16:6-15)
4, 5. (a) Ano ang nangyari sa grupo ni Pablo nang malapit na sila sa Bitinia? (b) Anong pasiya ang ginawa ng mga alagad, at ano ang naging resulta?
4 Palibhasa’y pinigilang mangaral sa Asia, si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay nag-iba ng direksiyon at naglakbay pahilaga upang mangaral sa mga lunsod sa Bitinia. Para makarating doon, posibleng kinailangan nilang maglakad nang ilang araw sa mabatong daan sa pagitan ng Frigia at Galacia, mga rehiyong walang gaanong naninirahan. Pero nang malapit na sila sa Bitinia, ginamit muli ni Jesus ang banal na espiritu upang pigilan sila. (Gawa 16:6, 7) Sa pagkakataong ito, malamang na litong-lito na ang grupo ni Pablo. Alam nila kung ano ang ipangangaral at kung paano mangangaral, pero hindi nila alam kung saan sila mangangaral. Kinatok nila, wika nga, ang pintong papasók sa Asia—pero hindi ito bumukas. Kinatok nila ang pintong papasók sa Bitinia—hindi rin ito bumukas. Pero determinado pa rin si Pablo na makasumpong ng isang pintong bubukas para sa kanila. Gumawa sila ng isang pasiyang tila hindi praktikal. Naglakad sila pakanluran nang 550 kilometro, na nilalampasan ang lahat ng lunsod hanggang sa makarating sila sa daungan ng Troas, ang nagsisilbing pintong papasók sa Macedonia. (Gawa 16:8) Sa ikatlong pagkakataon, muling kumatok si Pablo, at—sa wakas!—bumukas ang pinto.
5 Ganito ang ulat ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas, na sumama sa grupo ni Pablo papuntang Troas, hinggil sa nangyari: “Kinagabihan, nakakita si Pablo ng pangitain—isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo sa harap niya at hinihimok siya: ‘Pumunta ka sa Macedonia at tulungan mo kami.’ Pagkakita niya sa pangitain, sinikap naming makapunta sa Macedonia, dahil iniisip naming ipinatawag kami ng Diyos para sabihin sa kanila ang mabuting balita.”a (Gawa 16:9, 10) Sa wakas, nalaman din ni Pablo kung saan sila mangangaral. Mabuti na lang at hindi siya sumuko! Agad na naglayag ang apat na lalaki patungong Macedonia.
6, 7. (a) Anong aral ang matututuhan natin sa mga nangyari noong naglalakbay si Pablo? (b) Anong katiyakan ang makukuha natin sa karanasan ni Pablo?
6 Anong aral ang matututuhan natin sa ulat na iyan? Pansinin: Saka lang nakialam ang espiritu ng Diyos matapos magpasiya si Pablo na pumunta sa Asia, saka lang nagbigay si Jesus ng direksiyon noong malapit na si Pablo sa Bitinia, at saka lang inutusan ni Jesus si Pablo na pumunta sa Macedonia matapos nitong marating ang Troas. Sa ngayon, maaaring sa ganitong paraan din tayo ginagabayan ni Jesus, bilang siyang Ulo ng kongregasyon. (Col. 1:18) Halimbawa, baka matagal-tagal na nating pinag-iisipang magpayunir o lumipat sa isang lugar kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Gayunman, maaaring saka lang tayo gagabayan ni Jesus, sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos, matapos tayong gumawa ng partikular na mga hakbang para maabot ang ating tunguhin. Bakit? Pag-isipan ang halimbawang ito: Maililiko lamang ng drayber ang kaniyang sasakyan pakaliwa o pakanan kung tumatakbo na ito. Sa katulad na paraan, saka lamang tayo gagabayan ni Jesus sa pagpapalawak ng ating ministeryo kung kumikilos na tayo—kung talagang nagsisikap tayong gawin ito.
7 Subalit paano kung hindi agad magbunga ang ating pagsisikap? Susuko na ba tayo, anupat iniisip na hindi naman tayo ginagabayan ng espiritu ng Diyos? Hindi. Tandaan, dumanas din si Pablo ng mga kabiguan. Pero patuloy siyang naghanap hanggang sa nakasumpong siya ng isang pintong nakabukas. Makakatiyak tayo na kung patuloy tayong magsisikap sa paghahanap ng “isang malaking pinto na umaakay sa gawain,” gagantimpalaan din tayo.—1 Cor. 16:9.
8. (a) Ilarawan ang lunsod ng Filipos. (b) Anong masayang pangyayari ang ibinunga ng pangangaral ni Pablo sa lugar “kung saan . . . nagtitipon ang mga tao para manalangin”?
8 Pagdating sa distrito ng Macedonia, naglakbay ang grupo ni Pablo patungo sa Filipos—isang lunsod kung saan ipinagmamalaki ng mga naninirahan ang kanilang pagkamamamayang Romano. Para sa mga retiradong sundalong Romano na naninirahan doon, ang kolonya ng Filipos ay tila isang maliit na Italya—isang munting Roma sa gitna ng Macedonia. Sa labas ng pintuang-daan ng lunsod, sa tabi ng makitid na ilog, nakasumpong ang mga misyonero ng isang lugar “kung saan iniisip [nilang] nagtitipon ang mga tao para manalangin.”b Pagsapit ng Sabbath, pumunta sila roon at nadatnan nila ang ilang babaeng naroon para sumamba sa Diyos. Umupo ang mga alagad at nakipag-usap sa mga ito. Isang babaeng nagngangalang Lydia ang “nakikinig [at] binuksan ni Jehova ang puso niya.” Naantig nang husto si Lydia sa kaniyang natutuhan mula sa mga misyonero kaya nagpabautismo siya at ang sambahayan niya. Pagkatapos, inanyayahan niya si Pablo at ang mga kasama nito na tumuloy sa kaniyang bahay.c—Gawa 16:13-15.
9. Paano tinutularan ng marami sa ngayon si Pablo, at ano ang mga pagpapala nito?
9 Isip-isipin na lamang ang kagalakang idinulot nang mabautismuhan si Lydia! Tiyak na laking pasasalamat ni Pablo at tinanggap niya ang paanyayang ‘pumunta sa Macedonia’ at ipinasiya ni Jehova na gamitin siya at ang kaniyang mga kasama para magsilbing sagot sa panalangin ng mga babaeng iyon na may takot sa Diyos! Sa ngayon, maraming kapatid—bata’t matanda, may asawa o wala—ang lumilipat din sa mga lugar kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Oo nga’t napapaharap sila sa mga pagsubok, pero bale-wala iyon kapag nakasusumpong sila ng mga taong gaya ni Lydia, na yumayakap sa mga katotohanan sa Bibliya. Makagagawa ka ba ng mga pagbabago na tutulong sa iyo para “pumunta” sa teritoryo kung saan mas malaki ang pangangailangan? May mga pagpapalang naghihintay sa iyo. Tingnan ang halimbawa ni Aaron, isang kapatid na mahigit 20 taóng gulang. Lumipat siya sa isang bansa sa Central America upang maglingkod doon. Tulad ng marami, ganito ang naranasan niya: “Nakatulong sa akin ang paglilingkod sa ibang lupain para sumulong sa espirituwal at higit na mapalapít kay Jehova. At mabunga ang ministeryo dito—walo ang Bible study ko!”
“Nagkaisa Laban sa Kanila ang mga Tao” (Gawa 16:16-24)
10. Ano ang ginawa ng mga demonyo para baligtarin ang mga pangyayari?
10 Tiyak na galit na galit si Satanas dahil nagsimulang tumubo ang katotohanan sa isang lugar sa daigdig kung saan siya at ang kaniyang mga demonyo ay may malaking impluwensiya. Hindi nga nakapagtatakang isipin na gagawa ng paraan ang mga demonyo para baligtarin ang mga pangyayari! Habang patuloy sa pagdalaw ang grupo ni Pablo sa lugar kung saan nagtitipon ang mga tao para manalangin, isang alilang babae, na sinasapian ng demonyo at pinagkakakitaan ng mga amo niya dahil sa panghuhula niya, ang sunod nang sunod sa kanila at sumisigaw: “Ang mga lalaking ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos at inihahayag nila sa inyo ang daan ng kaligtasan.” Malamang na minaniobra ng demonyo ang babae na isigaw ang mga salitang iyon para palabasing iisa ang pinagmumulan ng kaniyang hula at ng mga turo ni Pablo. Sa ganitong paraan, maililihis ang pansin ng mga nagmamasid mula sa mga tunay na tagasunod ni Kristo. Subalit pinatahimik ni Pablo ang babae sa pamamagitan ng pagpapalayas sa demonyo.—Gawa 16:16-18.
11. Nang mapalayas ang demonyo sa babae, ano ang nangyari kina Pablo at Silas?
11 Galit na galit ang mga amo ng alilang babae nang malaman nilang hindi na nila ito mapagkakakitaan. Kinaladkad nila sina Pablo at Silas papunta sa pamilihan para litisin ng mga mahistrado—mga opisyal na kumakatawan sa Roma. Sinamantala ng mga among iyon ang pagtatangi at pagkamakabayan ng mga hukom, na para bang sinasabi: ‘Ginugulo tayo ng mga Judiong ito sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga kaugaliang hindi natin matatanggap dahil mga Romano tayo.’ May resulta agad ang reklamo nila. “Nagkaisa laban [kina Pablo at Silas] ang mga tao [sa pamilihan],” at iniutos ng mga mahistrado na “pagpapaluin sila.” Pagkatapos, kinaladkad sina Pablo at Silas papasók ng bilangguan. Dinala sila ng tagapagbilanggo sa pinakaloob ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pangawan. (Gawa 16:19-24) Nang isara ng tagapagbilanggo ang pinto, nabalot ng pusikit na kadiliman ang buong selda anupat halos hindi na makita nina Pablo at Silas ang isa’t isa. Pero nakamasid si Jehova.—Awit 139:12.
12. (a) Ano ang pananaw ng mga alagad ni Kristo sa pag-uusig, at bakit? (b) Anong mga anyo ng pagsalansang ang ginagamit pa rin ni Satanas at ng kaniyang mga kampon?
12 Mga ilang taon bago nito, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Pag-uusigin . . . nila kayo.” (Juan 15:20) Kaya nang tumawid sa Macedonia ang grupo ni Pablo, nakahanda sila sa anumang pagsalansang. Nang sumiklab ang pag-uusig, alam nilang dahil ito sa galit ni Satanas at hindi dahil pinaparusahan sila ni Jehova. Sa ngayon, ginagamit pa rin ng mga kampon ni Satanas ang mga pamamaraang ginamit nila noon sa Filipos. Sinisiraan tayo ng mga mananalansang, sa paaralan man o pinagtatrabahuhan, anupat nagiging mitsa ng pagsalansang. Sa ilang lupain, kinakasuhan tayo ng mga relihiyosong mananalansang na sa diwa’y nagsasabi: ‘Ginugulo tayo ng mga Saksing ito sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga kaugaliang hindi natin matatanggap dahil sa ating kinamulatang relihiyon.’ Sa ilang lugar naman, binubugbog at ibinibilanggo ang ating mga kapananampalataya. Subalit nakamasid si Jehova.—1 Ped. 3:12.
“Binautismuhan . . . Agad” (Gawa 16:25-34)
13. Ano ang nagpakilos sa tagapagbilanggo na magtanong: “Ano ang dapat kong gawin para maligtas?”
13 Malamang na napakatindi ng hirap na dinanas nina Pablo at Silas nang araw na iyon. Pero pagsapit ng hatinggabi, nakabawi na sila mula sa pambubugbog sa kanila anupat sila ay “nananalangin . . . at umaawit ng papuri sa Diyos.” Walang ano-ano, niyanig ng isang lindol ang bilangguan! Nagising ang tagapagbilanggo at nang makita niyang bukás ang mga pinto, nangamba siyang nakatakas na ang mga bilanggo. Palibhasa’y alam niyang paparusahan siya dahil hinayaan niya silang makatakas, “hinugot niya ang kaniyang espada para magpakamatay.” Pero sumigaw si Pablo: “Huwag mong saktan ang sarili mo! Narito kaming lahat!” Nagtanong ang nagitlang tagapagbilanggo: “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin para maligtas?” Hindi siya maililigtas nina Pablo at Silas; si Jesus lamang ang makapagliligtas sa kaniya. Kaya ganito ang isinagot nila: “Maniwala ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka.”—Gawa 16:25-31.
14. (a) Anong tulong ang ibinigay nina Pablo at Silas sa tagapagbilanggo? (b) Paano pinagpala sina Pablo at Silas dahil sa pagharap nila sa pag-uusig nang may kagalakan?
14 Taimtim ba ang tagapagbilanggo sa kaniyang tanong? Hindi pinag-alinlanganan ni Pablo ang kataimtiman ng lalaking iyon. Isang Gentil ang tagapagbilanggo kaya hindi ito pamilyar sa Kasulatan. Bago maging Kristiyano, kailangan muna niyang matutuhan at tanggapin ang pangunahing mga katotohanan sa Kasulatan. Kaya gumugol ng panahon sina Pablo at Silas upang sabihin sa kaniya “ang salita ni Jehova.” Palibhasa’y buhos na buhos sa pagtuturo ng Kasulatan, nakalimutan na nila ang kirot na idinulot ng mga hampas na natanggap nila. Subalit napansin ng tagapagbilanggo ang malalalim na sugat sa kanilang likod, kaya nilinis niya ang mga ito. Pagkatapos, siya at ang kaniyang sambahayan ay “binautismuhan . . . agad.” Isa nga itong pagpapala para kina Pablo at Silas dahil sa pagharap nila sa pag-uusig nang may kagalakan!—Gawa 16:32-34.
15. (a) Paano tinutularan ng maraming Saksi sa ngayon ang halimbawa nina Pablo at Silas? (b) Bakit dapat tayong patuloy na dumalaw sa mga tao sa ating teritoryo?
15 Gaya nina Pablo at Silas, marami ring Saksi sa ngayon, na nakabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya, ang patuloy na nangangaral ng mabuting balita at nagtatamo ng maiinam na resulta. Halimbawa, sa isang lupain na dating bawal ang gawain, may pagkakataong 40 porsiyento ng lahat ng Saksi roon ang nakaalam ng katotohanan tungkol kay Jehova habang nasa bilangguan! (Isa. 54:17) Pansinin din na saka lamang humingi ng tulong ang tagapagbilanggo matapos magkaroon ng lindol. Sa katulad na paraan, ang ilang indibidwal sa ngayon na hindi tumutugon sa mensahe ng Kaharian ay posibleng saka lamang tumugon matapos na biglang mayanig ang kanilang mundo, wika nga, ng isang nakapipighating pangyayari. Sa pamamagitan ng patuloy na pagdalaw sa mga naninirahan sa ating teritoryo, tinitiyak natin sa kanila na handa tayong tumulong sa kanila.
“Ngayon, Gusto Nila Kaming Palayasin Nang Palihim?” (Gawa 16:35-40)
16. Ano ang nangyari isang araw matapos pagpapaluin sina Pablo at Silas?
16 Kinaumagahan matapos silang pagpapaluin, ipinag-utos ng mga mahistrado na palayain sina Pablo at Silas. Pero sinabi ni Pablo: “Hayagan nila kaming pinagpapalo nang hindi pa nahahatulan, kahit mga Romano kami, at itinapon nila kami sa bilangguan. At ngayon, gusto nila kaming palayasin nang palihim? Hindi puwede! Sila mismo ang pumunta rito at maglabas sa amin.” Nang malaman ng mga mahistrado na mamamayang Romano pala ang dalawang lalaking ito, “natakot” sila, dahil nalabag nila ang karapatan ng mga lalaking ito.d Nabaligtad ang mga pangyayari. Pinagpapalo nila ang mga alagad sa harap ng maraming tao; pero ngayon, kailangan nilang humingi ng paumanhin sa harap ng maraming tao. Pinakiusapan nila sina Pablo at Silas na lisanin ang Filipos. Sumunod naman ang dalawang alagad, pero bago sila umalis, pinatibay muna nila ang lumalaking grupo ng bagong mga alagad.
17. Anong mahalagang aral ang malamang na natutuhan noon ng bagong mga alagad mula sa pagtitiis nina Pablo at Silas?
17 Makaiiwas sana sina Pablo at Silas na pagpapaluin kung ipinaalám lamang nila agad ang kanilang pagkamamamayang Romano. (Gawa 22:25, 26) Pero baka isipin naman ng mga alagad sa Filipos na ginagamit ng mga lalaking ito ang kanilang katayuan para makaiwas sa pagdurusa bilang mga tagasunod ni Kristo. Ano kaya ang magiging epekto nito sa pananampalataya ng mga alagad na hindi naman mamamayang Romano? Siyempre pa, hindi sila mapoprotektahan ng batas mula sa pamamalo. Kaya sa pamamagitan ng pagtitiis sa parusa, ipinakita nina Pablo at Silas sa mga bagong mananampalataya na makapaninindigang matatag ang mga tagasunod ni Kristo sa ilalim ng pag-uusig. Karagdagan pa, nang ipaalám na nina Pablo at Silas ang kanilang pagkamamamayang Romano at igiit na kilalanin ito ng batas, nadiin ang mga mahistrado sa nagawa nilang paglabag sa batas. Maaaring makatulong ang legal na basehang ito para hindi nila maltratuhin ang mga kapananampalataya ni Pablo at sa paanuman ay mahadlangan ang gayong mga pagsalansang sa hinaharap.
18. (a) Paano tinutularan ng mga tagapangasiwang Kristiyano sa ngayon si Pablo? (b) Paano natin ‘ipinagtatanggol at legal na itinatatag ang mabuting balita’ sa ating panahon?
18 Sa ngayon, nangunguna rin ang mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano sa pamamagitan ng kanilang halimbawa. Handa nilang gawin ang anumang bagay na inaasahan nila sa kanilang kapananampalataya. Tulad ni Pablo, iniisip din nating mabuti kung paano at kung kailan natin gagamitin ang ating legal na mga karapatan para maprotektahan tayo. Kung kailangan, dumudulog tayo sa mababa, mataas, at maging sa internasyonal na mga hukuman para maprotektahan tayo ng batas habang isinasagawa natin ang ating pagsamba. Ang tunguhin natin ay, hindi ang gumawa ng pagbabago sa lipunan, kundi ang ‘ipagtanggol at legal na itatag ang mabuting balita,’ gaya ng isinulat ni Pablo sa kongregasyon sa Filipos mga 10 taon matapos siyang mabilanggo roon. (Fil. 1:7) Anuman ang kalabasan ng gayong mga kaso, tulad nina Pablo, determinado pa rin tayong patuloy na “sabihin . . . ang mabuting balita” saanman tayo akayin ng espiritu ng Diyos.—Gawa 16:10.
a Tingnan ang kahong “Si Lucas—Ang Manunulat ng Mga Gawa.”
b Posibleng pinagbawalan ang mga Judio na magtayo ng sinagoga sa Filipos dahil maraming beteranong sundalo sa lunsod na iyon. Isa pa, kailangan ng 10 o higit pang mga lalaking Judio sa lunsod para makapagtayo ng isang sinagoga, pero posibleng hindi man lang umabot sa bilang na iyon ang mga lalaking Judio roon.
c Tingnan ang kahong “Si Lydia—Ang Nagtitinda ng Purpura.”
d Ayon sa batas ng Roma, ang bawat mamamayan nito ay dapat na dumaan muna sa tamang proseso ng paglilitis at hindi puwedeng parusahan sa publiko hangga’t hindi napapatunayang nagkasala.