PILOSOPIYA
Ang salitang Griego na phi·lo·so·phiʹa ay literal na nangangahulugang “pag-ibig sa karunungan.” Sa makabagong paggamit, ang terminong ito ay may kaugnayan sa mga pagsisikap ng tao na maunawaan at maipaliwanag sa pamamagitan ng makatuwirang pag-iisip at espekulasyon ang kabuuan ng karanasan ng tao, lakip na ang saligang mga dahilan at mga simulain ng realidad.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga salitang Griego para sa “pilosopiya” at “pilosopo” ay tig-isang beses lamang lumilitaw. (Col 2:8; Gaw 17:18) Maliwanag na noong sumulat si Pablo sa kongregasyon ng Colosas sa Asia Minor, ang ilan doon ay nanganganib na maapektuhan ng “pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao.” Laganap na laganap noon ang mga pilosopiyang Griego. Ngunit ipinakikita ng konteksto ng Colosas 2:8 na ang lalo nang ikinababahala ni Pablo ay ang mga tagapagtaguyod ng Judaismo na muling humihimok sa mga Kristiyano na tuparin ang Kautusang Mosaiko lakip na ang kahilingan nito na pagtutuli, mga araw ng kapistahan, at pag-iwas sa ilang uri ng pagkain. (Col 2:11, 16, 17) Hindi tutol si Pablo sa kaalaman, yamang ipinanalangin niya na mapuspos nito ang mga Kristiyano. Ngunit, gaya ng ipinakita niya, dapat pahalagahan ng isa ang papel ni Jesu-Kristo sa katuparan ng layunin ng Diyos upang matamo ng isang iyon ang tunay na karunungan at tumpak na kaalaman. (Col 1:9, 10; 2:2, 3) Dapat na mag-ingat ang mga taga-Colosas dahil baka may sinumang tumangay sa kanila bilang nasila sa pamamagitan ng mapanghikayat na mga argumento kaayon ng takbo ng pag-iisip o pangmalas ng tao. Ang gayong pilosopiya ay bahagi ng “panimulang mga bagay [stoi·kheiʹa] ng sanlibutan,” samakatuwid nga, ang mga simulain o pangunahing mga sangkap at nag-uudyok na mga salik ng sanlibutan, “at hindi ayon kay Kristo.”—Col 2:4, 8.
Noong nasa Atenas si Pablo, minsan ay nakaharap niya ang ‘mga pilosopong Epicureo at Estoico.’ (Gaw 17:18) Tinawag nilang ‘daldalero’ ang apostol, anupat ginamit ang salitang Griego na sper·mo·loʹgos, na literal na tumutukoy sa isang ibon na tumutuka ng mga binhi. Ang salitang ito ay maaari ring mangahulugan ng isang tao na namumulot ng pira-pirasong kaalaman at pagkatapos ay inuulit-ulit niya ang mga ito sa magulong paraan. Hinamak ng mga pilosopong iyon si Pablo at ang kaniyang mensahe. Pangunahin na, itinuturo ng pilosopiyang Epicureo na ang pagtatamo ng kaluguran, partikular na ang mental na kaluguran, ang siyang pangunahing pakinabang sa buhay (1Co 15:32); bagaman kinikilala nito ang pag-iral ng mga diyos, ipinaliliwanag nito na ang mga iyon ay walang kaugnayan sa buhay ng mga tao at hindi nila dapat pag-ukulan ng pansin. Itinatampok naman ng pilosopiya ng mga Estoico ang kapalaran o likas na tadhana; diumano, ang isa ay dapat magkaroon ng mataas na antas ng kagalingan ngunit dapat din niyang pagsikapang huwag makadama ng kirot o kaluguran. Kapuwa ang mga Epicureo at ang mga Estoico ay hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. Sa pahayag ni Pablo sa harap ng gayong mga tao, pinatingkad niya ang kaugnayan at pananagutan ng indibiduwal sa Maylalang at iniugnay niya ang mga ito sa pagkabuhay-muli ni Kristo at sa “garantiya” na inilaan nito sa mga tao. Gayunman, para sa mga Griegong naghahanap ng “karunungan,” ang mensahe tungkol kay Kristo ay “kamangmangan” (1Co 1:22, 23), at nang banggitin ni Pablo ang pagkabuhay-muli, marami sa mga nakikinig sa kaniya ang nagsimulang manlibak, bagaman ang ilan ay naging mga mananampalataya.—Gaw 17:22-34.
Sa kaniyang kinasihang mga liham, maraming beses na idiniin ni Pablo na ang karunungan at ang may-kabulaanang tinatawag na kaalaman ng sanlibutan ay kamangmangan sa Diyos at dapat iwasan ng mga Kristiyano.—1Co 1:18-31; 2:6-8, 13; 3:18-20; 1Ti 6:20.