ARALIN 48
May Pangangatuwirang Paraan
TAYO ay nagpapasalamat dahil sa mga pagbabago na idinulot sa ating buhay ng Salita ng Diyos, at nais nating makinabang din ang iba. Bukod dito, nalalaman natin na ang pagtugon ng mga tao sa mabuting balita ay makaaapekto sa kanilang pag-asa sa hinaharap. (Mat. 7:13, 14; Juan 12:48) Marubdob ang ating pagnanais na sila ay tumanggap ng katotohanan. Gayunman, ang ating matibay na pananalig at sigasig ay kailangang lakipan ng kaunawaan upang matamo ang pinakamabuting resulta.
Ang pagsasabi ng nakasasakit na katotohanan na naglalantad sa maling paniniwala ng isang tao, kahit na iyon ay sinusuhayan pa ng mahabang listahan ng mga teksto sa Kasulatan, ay karaniwan nang hindi madaling tanggapin. Halimbawa, kung basta babatikusin ang mga popular na selebrasyon dahil sa pagkakaroon ng paganong pinagmulan, maaaring hindi nito mabago kung ano ang paniniwala ng kausap mo hinggil dito. Ang isang may pangangatuwirang paraan ay kadalasang higit na nagiging matagumpay. Ano ang nasasangkot sa pagiging makatuwiran?
Ang Kasulatan ay nagsasabi sa atin na “ang karunungan mula sa itaas . . . ay mapayapa, makatuwiran.” (Sant. 3:17) Ang Griegong salita rito na isinaling “makatuwiran” ay literal na nangangahulugang “mapagparaya.” Ang ilan ay nagsalin nito na “makonsiderasyon,” “mahinahon,” o “mapagpigil.” Pansinin na ang pagkamakatuwiran ay iniuugnay sa pagiging mapayapa. Sa Tito 3:2, ito ay binanggit kasama ng kahinahunan at ipinakita ang kaibahan nito sa pagiging palaaway. Ang Filipos 4:5 ay humihimok sa atin na ipakilala ang ating “pagkamakatuwiran.” Isinasaalang-alang ng isang taong makatuwiran ang pinagmulan, mga kalagayan, at damdamin ng kaniyang kausap. Siya ay handang magparaya kung angkop na gawin iyon. Ang pakikitungo sa iba sa gayong paraan ay nakatutulong upang mabuksan ang kanilang isip at puso anupat sila’y mas handang makinig kapag tayo ay nakikipagkatuwiranan sa kanila mula sa Kasulatan.
Kung Saan Magsisimula. Ang istoryador na si Lucas ay nag-ulat na noong si apostol Pablo ay nasa Tesalonica, ginamit niya ang Kasulatan, “na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa at bumangon mula sa mga patay.” (Gawa 17:2, 3) Kapansin-pansin na ginawa ito ni Pablo sa isang Judiong sinagoga. Ang kaniyang kinakausap ay kumikilala sa Hebreong Kasulatan bilang isang awtoridad. Angkop lamang na magpasimula sa isang bagay na tinatanggap nila.
Nang si Pablo ay magsalita sa mga Griego sa Areopago sa Atenas, hindi siya nagsimula sa mga pagtukoy sa Kasulatan. Sa halip, nagsimula siya sa mga bagay na kanilang nalalaman at tinatanggap, at ginamit niya ang mga ito upang akayin sila na isaalang-alang ang Maylalang at ang Kaniyang mga layunin.—Gawa 17:22-31.
Sa makabagong panahon, bilyun-bilyon ang hindi kumikilala sa Bibliya bilang awtoridad sa kanilang buhay. Subalit ang buhay ng halos lahat ay apektado ng mahihirap na kalagayan sa kasalukuyang sistema ng mga bagay. Ang mga tao ay naghahangad ng mas mabuting bagay. Kung ipakikita mo muna ang pagkabahala sa kung ano ang bumabagabag sa kanila at pagkatapos ay ipakikita kung paano ipinaliliwanag ito ng Bibliya, ang gayong makatuwirang paraan ay maaaring mag-udyok sa kanila na makinig sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa layunin ng Diyos para sa sangkatauhan.
Maaaring kasali sa pamana na naipasa sa isang estudyante sa Bibliya ng kaniyang mga magulang ang ilang relihiyosong paniniwala at mga kostumbre. Ngayon, natututuhan ng estudyante na ang gayong mga paniniwala at mga kostumbre ay hindi nakalulugod sa Diyos, at kaniyang itinakwil ang mga iyon bilang pagsunod sa turo ng Bibliya. Paano ipaliliwanag ng estudyante ang desisyon niya sa kaniyang mga magulang? Maaari nilang madama na dahil sa pagtatakwil niya sa kanilang relihiyosong pamana sa kaniya, sila ay itinatakwil na rin niya. Maaaring ipasiya ng estudyante sa Bibliya na bago niya sikaping ipaliwanag mula sa Bibliya ang saligan ng kaniyang desisyon, kailangan muna niyang tiyakin sa kaniyang mga magulang na sila’y minamahal at iginagalang pa rin niya.
Kung Kailan Magpaparaya. Si Jehova mismo, bagaman may ganap na awtoridad upang mag-utos, ay nagpapakita ng namumukod-tanging pagkamakatuwiran. Nang inililigtas si Lot at ang kaniyang sambahayan mula sa Sodoma, hinimok sila ng mga anghel ni Jehova: “Tumakas ka patungo sa bulubunduking pook dahil baka malipol ka!” Subalit, nakiusap si Lot: “Pakisuyo, huwag ganiyan, Jehova!” Siya ay nagmakaawa na pahintulutang tumakas sa Zoar. Si Jehova ay nagpakita ng konsiderasyon kay Lot sa pagpapahintulot sa kaniya na gawin iyon; kaya nang wasakin ang iba pang lunsod, hindi napahamak ang Zoar. Gayunman, nang maglaon, sinunod ni Lot ang orihinal na tagubilin ni Jehova at siya’y lumipat sa bulubunduking pook. (Gen. 19:17-30) Alam ni Jehova na tama ang kaniyang paraan, subalit matiyaga siyang nagpakita ng konsiderasyon hanggang sa iyon ay maunawaan ni Lot.
Upang matagumpay na mapakitunguhan ang iba, kailangan din nating maging makatuwiran. Maaaring kumbinsido tayo na mali ang ating kausap, at maaaring nasa isip natin ang mabibigat na argumento na magpapatunay nito. Subalit kung minsan ay mas mabuting hindi igiit ang mga iyon. Ang pagkamakatuwiran ay hindi nangangahulugan na ikokompromiso ang mga pamantayan ni Jehova. Baka mas mabuti pang pasalamatan na lamang ang kausap sa pagpapahayag ng kaniyang pangmalas o palampasin na lamang ang ilang maling pananalita upang maituon mo ang pansin sa isang bagay na magdudulot ng higit na kabutihan. Kahit na tinutuligsa niya ang iyong pinaniniwalaan, huwag magkaroon ng labis-labis na reaksiyon. Maaari mong itanong sa kaniya kung bakit gayon ang kaniyang nadarama. Makinig na mabuti sa kaniyang tugon. Maipauunawa nito sa iyo kung ano ang kaniyang iniisip. Mailalatag din nito ang pundasyon para sa isang nakapagpapatibay na pag-uusap sa hinaharap.—Kaw. 16:23; 19:11.
Si Jehova ay nagkaloob sa mga tao ng kakayahang pumili. Hinayaan niya na gamitin nila ang kakayahang iyon, bagaman maaaring hindi nila gamitin iyon nang may katalinuhan. Bilang tagapagsalita ni Jehova, isinaysay ni Josue ang mga naging pakikitungo ni Jehova sa Israel. Subalit pagkatapos ay sinabi niya: “Kung masama sa inyong paningin ang maglingkod kay Jehova, piliin ninyo ngayon para sa inyong sarili kung sino ang paglilingkuran ninyo, kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabilang ibayo ng Ilog o ang mga diyos ng mga Amorita na sa kanilang lupain ay nananahanan kayo. Ngunit kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.” (Jos. 24:15) Ang atas natin sa ngayon ay ang magbigay ng “patotoo,” at nagsasalita tayo nang may pananalig, subalit hindi natin sinisikap na pilitin ang iba na maniwala. (Mat. 24:14) Maaari silang pumili, at hindi natin ipinagkakait sa kanila ang karapatang iyon.
Magbangon ng mga Tanong. Si Jesus ay nagbigay ng namumukod-tanging halimbawa sa pakikipagkatuwiranan sa mga tao. Isinaalang-alang niya ang kanilang pinagmulan at gumamit ng mga ilustrasyon na madali nilang matatanggap. Mabisa rin niyang ginamit ang mga tanong. Ito ay nagbigay sa iba ng pagkakataong ipahayag ang kanilang pangmalas at isiwalat kung ano ang nasa puso nila. Ito ay nagpasigla rin sa kanila na mangatuwiran sa mga puntong isinasaalang-alang.
Isang lalaking bihasa sa Kautusan ang nagtanong kay Jesus: “Guro, ano ang gagawin ko upang ako ay magmana ng buhay na walang hanggan?” Maaari siyang sagutin kaagad ni Jesus. Subalit inanyayahan niya ang lalaki na ipahayag ang kaniyang sariling opinyon. “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Paano mo binabasa?” Tama ang sagot ng lalaki. Ang pagbibigay ba niya ng tamang sagot ay tumapos na sa pag-uusap na iyon? Tunay na hindi. Hinayaan ni Jesus na magpatuloy ang lalaki, at ang isang tanong na ibinangon mismo ng lalaki ay nagpakita na sinisikap niyang patunayan na siya ay matuwid. Siya ay nagtanong: “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” Sa halip na magbigay ng isang katuturan, na marahil ay tututulan ng lalaki dahil sa umiiral na saloobin ng mga Judio sa mga Gentil at mga Samaritano, inanyayahan siya ni Jesus na mangatuwiran batay sa isang ilustrasyon. Ito ay tungkol sa isang madamaying Samaritano na tumulong sa isang manlalakbay na ninakawan at sinaktan, samantalang hindi ito tinulungan ng isang saserdote at ng isang Levita. Sa pamamagitan ng isang simpleng tanong, tiniyak ni Jesus na nakuha ng lalaki ang punto. Ang ginamit na pangangatuwiran ni Jesus ay nagpangyari na ang salitang “kapuwa” ay magkaroon ng kahulugan sa lalaking ito sa paraang hindi pa niya kailanman naunawaan. (Luc. 10:25-37) Kay inam na halimbawa upang tularan! Sa halip na ikaw na lamang ang magsalita, na waring ikaw ang nag-iisip para sa iyong may-bahay, pag-aralan kung paano gagamit ng mataktikang mga tanong at mga ilustrasyon upang pasiglahin ang iyong mga tagapakinig na mag-isip.
Mangatuwiran. Nang magsalita si apostol Pablo sa sinagoga sa Tesalonica, higit pa ang kaniyang ginawa kaysa sa bumasa lamang mula sa isang awtoridad na tinatanggap ng kaniyang tagapakinig. Iniulat ni Lucas na si Pablo ay nagpaliwanag, nagpatunay, at gumawa ng pagkakapit sa kaniyang binasa. Bilang resulta, “ang ilan sa kanila ay naging mga mananampalataya at sumama kina Pablo at Silas.”—Gawa 17:1-4.
Sinuman ang iyong maging tagapakinig, ang gayong may pangangatuwirang paraan ay maaaring maging kapaki-pakinabang. Iyon ay totoo kapag nagpapatotoo ka sa mga kamag-anak, nagsasalita sa mga kamanggagawa o mga kamag-aral, nakikipag-usap sa mga estranghero sa iyong pangmadlang pagpapatotoo, nagdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, o nagpapahayag sa kongregasyon. Kapag nagbabasa ka ng isang kasulatan, maaaring maliwanag sa iyo ang kahulugan nito subalit marahil ay hindi gayon sa iba. Ang iyong paliwanag o ang iyong pagkakapit ay maaaring maging parang dogmatikong paggigiit. Ang pagpili at pagpapaliwanag ng ilang susing pananalita sa kasulatan ay makatutulong kaya? Makapaghaharap ka ba ng sumusuportang katibayan, marahil mula sa konteksto o mula sa iba pang kasulatan na tumatalakay sa paksang iyon? Ang isa kayang ilustrasyon ay magpapakita na makatuwiran ang iyong sinabi? Ang mga tanong kaya ay makatutulong sa iyong tagapakinig na mangatuwiran sa bagay na iyon? Ang gayong may pangangatuwirang paraan ay mag-iiwan ng kanais-nais na impresyon at magbibigay sa iba ng maraming mapag-iisipan.