KABANATA 19
“Patuloy Kang Magsalita at Huwag Kang Manahimik”
Nagtrabaho si Pablo pero inuna niya ang kaniyang ministeryo
Batay sa Gawa 18:1-22
1-3. Ano ang pakay ni apostol Pablo sa Corinto, at anong mga hamon ang napapaharap sa kaniya?
MAGTATAPOS na ang 50 C.E. Si apostol Pablo ay nasa Corinto, isang maunlad na sentro ng kalakalan, kung saan maraming naninirahang Griego, Romano, at Judio.a Subalit hindi nagpunta roon si Pablo para mamilí o magbenta ng anumang produkto o para magtrabaho. Mas mahalaga pa kaysa rito ang pakay niya sa Corinto—ang magpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos. Pero kailangan ni Pablo ng matutuluyan, at ayaw naman niyang maging pabigat sa iba. Ayaw niyang isipin ng iba na ginagawa niyang dahilan ang Salita ng Diyos para sustentuhan siya. Ano kaya ang gagawin niya?
2 May alam na trabaho si Pablo—paggawa ng tolda. Hindi madali ang gawaing ito, pero handa siyang magtrabaho nang mano-mano para masuportahan ang kaniyang sarili. Makakakita kaya siya ng trabaho sa abalang lunsod na ito? May matutuluyan kaya siya? Sa kabila ng mga hamong ito, hindi pinabayaan ni Pablo ang kaniyang pangunahing gawain, ang ministeryo.
3 Gaya ng makikita natin, nagtagal si Pablo sa Corinto at naging mabunga ang kaniyang ministeryo. Anong mga aral ang matututuhan natin kay Pablo noong siya’y nasa Corinto? Paano makatutulong sa atin ang mga ito para lubusang makapagpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos sa ating teritoryo?
“Pare-pareho Silang Gumagawa ng Tolda” (Gawa 18:1-4)
4, 5. (a) Saan nanuluyan si Pablo habang siya’y nasa Corinto, at ano ang naging trabaho niya? (b) Bakit marunong gumawa ng tolda si Pablo?
4 Di-nagtagal pagkarating ni Pablo sa Corinto, may nakilala siyang isang mag-asawang mapagpatuloy—isang likas na Judiong nagngangalang Aquila at ang asawa nitong si Priscila, o Prisca. Lumipat ang mag-asawang ito sa Corinto dahil “pinaalis ni [Emperador] Claudio ang lahat ng Judio sa Roma.” (Gawa 18:1, 2) Pinatuloy nina Aquila at Priscila si Pablo sa kanilang bahay at isinama siya sa kanilang trabaho. Mababasa natin: “Dahil pare-pareho silang gumagawa ng tolda, tumuloy siya sa bahay nila at nagtrabahong kasama nila.” (Gawa 18:3) Ang bahay ng mabait na mag-asawang ito ang naging tuluyan ni Pablo habang siya’y nangangaral sa Corinto. Malamang na doon isinulat ni Pablo ang ilan sa mga liham na naging bahagi ng kanon ng Bibliya.b
5 Paanong naging manggagawa ng tolda si Pablo samantalang naturuan siya “sa paanan ni Gamaliel”? (Gawa 22:3) Lumilitaw na hindi ikinahihiya ng mga Judio noong unang siglo na turuan ang kanilang mga anak ng isang kasanayan, kahit pa tumanggap ang mga ito ng mas mataas na edukasyon. Malamang na bata pa si Pablo, marunong na siyang gumawa ng tolda dahil mula siya sa Tarso ng Cilicia, na kilala sa telang cilicium na ginagamit sa paggawa ng tolda. Ano ba ang trabaho ng isang manggagawa ng tolda? Puwedeng siya ang humahabi ng mismong telang pantolda o ang gumugupit at tumatahi ng magaspang at matigas na telang ito. Kaya hindi talaga biro ang paggawa ng tolda.
6, 7. (a) Ano ang pananaw ni Pablo sa kaniyang trabaho, at bakit masasabing gayundin ang naging pananaw nina Aquila at Priscila? (b) Paano tinutularan ng mga Kristiyano sa ngayon ang halimbawa nina Pablo, Aquila, at Priscila?
6 Hindi pangunahin kay Pablo ang paggawa ng tolda. Ginamit lang niya ang kasanayang ito para suportahan ang sarili niya habang inihahayag ang mabuting balita “nang walang bayad.” (2 Cor. 11:7) Kumusta naman ang pananaw nina Aquila at Priscila sa trabaho nila? Bilang mga Kristiyano, tiyak na hindi rin ito pangunahin sa kanila, gaya ni Pablo. Sa katunayan, nang umalis si Pablo sa Corinto patungong Efeso noong 52 C.E., sumunod sa kaniya sina Aquila at Priscila. Naging pulungan ng kongregasyon ang bahay nila roon. (1 Cor. 16:19) Nang maglaon, ang mag-asawa ay bumalik sa Roma, at muli, sa Efeso. Inuna ng masigasig na mag-asawang ito ang Kaharian at bukal sa loob nilang pinaglingkuran ang mga kapatid, kung kaya nagpasalamat sa kanila “ang lahat ng kongregasyon ng ibang mga bansa.”—Roma 16:3-5; 2 Tim. 4:19.
7 Tinutularan ng mga Kristiyano sa ngayon ang halimbawa nina Pablo, Aquila, at Priscila. Nagtatrabaho rin ang masisigasig na ministro sa ngayon “para hindi mapabigatan” ang iba. (1 Tes. 2:9) Kapuri-puri ang maraming buong-panahong mamamahayag ng Kaharian na nagtatrabaho lang nang part-time o tumatanggap ng sideline para masuportahan ang kanilang pangunahing gawain, ang ministeryong Kristiyano. Gaya nina Aquila at Priscila, maraming lingkod ni Jehova ang nagpapatulóy sa mga tagapangasiwa ng sirkito. Alam nilang nakapagpapatibay ang ‘pagiging mapagpatuloy.’—Roma 12:13.
“Marami sa mga Taga-Corinto . . . ang Nanampalataya” (Gawa 18:5-8)
8, 9. Ano ang naging tugon ni Pablo nang salansangin siya ng mga Judio, at saan na ngayon siya nangaral?
8 Para kay Pablo, nagtatrabaho lamang siya upang masuportahan ang kaniyang ministeryo. Kaya naman nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia na may dalang saganang paglalaan, “naging abalang-abala si Pablo sa pangangaral ng salita [‘iniukol ang buo niyang panahon sa pangangaral,’ Magandang Balita Biblia].” (Gawa 18:5; 2 Cor. 11:9) Pero matinding pagsalansang ang sumalubong sa kaniya. Para ipakitang wala na siyang pananagutan sa mga Judiong mananalansang na tumatanggi sa nagliligtas-buhay na mensahe tungkol kay Kristo, pinagpag ni Pablo ang damit niya at sinabi: “Kasalanan ninyo anuman ang mangyari sa inyo. Ako ay malinis. Ngayon, pupunta na ako sa mga tao ng ibang mga bansa.”—Gawa 18:6; Ezek. 3:18, 19.
9 Saan na ngayon mangangaral si Pablo? Tinanggap siya ng isang lalaking nagngangalang Titio Justo, malamang na isang proselitang Judio na ang bahay ay katabi lamang ng sinagoga. Kaya lumipat si Pablo mula sa sinagoga papunta sa bahay ni Justo. (Gawa 18:7) Nakatira pa rin si Pablo kina Aquila at Priscila habang nasa Corinto siya, pero sa bahay ni Justo karaniwang nangangaral sa mga tao ang apostol.
10. Bakit masasabing hindi lamang sa mga tao ng ibang mga bansa determinadong mangaral si Pablo?
10 Nang sabihin ni Pablo na paroroon na siya sa mga tao ng ibang mga bansa, nangangahulugan ba ito na binale-wala na niya ang lahat ng Judio at proselitang Judio, kahit na yaong mga tumatanggap sa kaniyang mensahe? Hindi naman. Halimbawa, “si Crispo, ang punong opisyal ng sinagoga, ay sumampalataya sa Panginoon, pati na ang buong sambahayan niya.” Lumilitaw na marami rin sa mga kasamahan ni Crispo sa sinagoga ang nanampalataya, dahil sinasabi ng Bibliya: “Marami sa mga taga-Corinto na nakarinig ng mabuting balita ang nanampalataya at nabautismuhan.” (Gawa 18:8) Kaya naging pulungan ng bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano sa Corinto ang bahay ni Titio Justo. Kung ayon sa istilo ni Lucas isinulat ang ulat na ito ng Mga Gawa—samakatuwid nga, ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari—kung gayon, nakumberte ang mga Judio o proselitang iyon matapos ipagpag ni Pablo ang kaniyang damit. Maliwanag na ipinapakita ng pangyayaring ito na marunong makibagay ang apostol sa iba’t ibang kalagayan.
11. Paano tinutularan ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon si Pablo sa kanilang pangangaral sa mga miyembro ng Sangkakristiyanuhan?
11 Sa maraming lupain sa ngayon, matagal nang nakatatag ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan at malaki ang impluwensiya ng mga ito sa kanilang mga miyembro. Marami nang nakumberte ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ang mga nag-aangking Kristiyano ay madalas na alipin ng tradisyon, gaya ng mga Judio sa Corinto noong unang siglo. Pero tulad ni Pablo, tayong mga Saksi ni Jehova ay masigasig na nangangaral sa mga taong ito, anupat tinutulungan silang magkaroon ng tamang kaunawaan sa Kasulatan. Hindi tayo sumusuko kahit salansangin nila tayo o pag-usigin pa nga ng mga lider ng kanilang relihiyon. Maaaring kabilang sa “[masisigasig] sa paglilingkod sa Diyos, pero hindi ayon sa tumpak na kaalaman” ang maraming maaamo na kailangan nating hanapin at masumpungan.—Roma 10:2.
“Marami ang Mananampalataya sa Akin sa Lunsod na Ito” (Gawa 18:9-17)
12. Ano ang tiniyak ng Panginoon kay Pablo?
12 Kung nagkaroon man ng alinlangan si Pablo na ipagpatuloy ang kaniyang ministeryo sa Corinto, malamang na naglaho ito noong gabing magpakita sa kaniya sa isang pangitain ang Panginoong Jesus at magsabi: “Huwag kang matakot. Patuloy kang magsalita at huwag kang manahimik, dahil ako ay sumasaiyo at walang mananakit sa iyo na ikapapahamak mo; dahil marami ang mananampalataya sa akin sa lunsod na ito.” (Gawa 18:9, 10) Nakapagpapatibay nga ang pangitaing iyon! Ang Panginoon mismo ang tumiyak kay Pablo na hindi siya mapipinsala at na maraming karapat-dapat sa lunsod. Ano ang tugon ni Pablo sa pangitaing iyon? Mababasa natin: “Nanatili siya roon nang isang taon at anim na buwan habang itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.”—Gawa 18:11.
13. Anong eksena ang malamang na nanariwa sa alaala ni Pablo habang papalapit sa luklukan ng paghatol, pero bakit siya makaaasang hindi ito mangyayari sa kaniya?
13 Pagkalipas ng mga isang-taóng pamamalagi sa Corinto, tumanggap si Pablo ng higit pang katibayan ng suporta ng Panginoon. “Sinugod ng mga Judio si Pablo at nagkaisa silang dalhin ito sa luklukan ng paghatol,” na tinatawag na beʹma. (Gawa 18:12) Ipinapalagay ng ilan na ang beʹma ay isang mataas na platapormang gawa sa asul at puting marmol na inukitan sa palibot bilang dekorasyon nito, at malamang na malapit ito sa sentro ng pamilihan ng Corinto. Puwedeng magtipon ang maraming tao sa maluwang na espasyo sa harapan ng beʹma. Ipinahihiwatig ng natuklasan ng mga arkeologo na ang “luklukan ng paghatol” ay posibleng ilang hakbang lamang mula sa sinagoga, kung gayon, malapit din sa bahay ni Justo. Habang papalapit sa beʹma, malamang na nanariwa sa alaala ni Pablo ang eksena habang binabato si Esteban, na tinutukoy rin bilang ang unang Kristiyanong martir. Si Pablo ang dating Saul na “pabor . . . sa pagpatay kay Esteban.” (Gawa 8:1) Sasapitin din kaya ni Pablo ang sinapit ni Esteban? Hindi, sapagkat pinangakuan siya: “Walang . . . makapananakit sa iyo.”—Gawa 18:10, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
14, 15. (a) Ano ang naging paratang ng mga Judio kay Pablo, at bakit tinapos agad ni Galio ang kaso laban sa kaniya? (b) Ano ang nangyari kay Sostenes, at ano ang posibleng kinalabasan nito?
14 Ano ang nangyari noong naroroon na si Pablo sa luklukan ng paghatol? Ang mahistradong nanunungkulan dito ay ang proconsul ng Acaya na si Galio—ang nakatatandang kapatid ng pilosopong Romano na si Seneca. Ganito ang paratang ng mga Judio kay Pablo: “Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas.” (Gawa 18:13) Gustong palabasin ng mga Judio na ilegal ang pangungumberteng ginagawa ni Pablo. Pero nakita ni Galio na si Pablo ay hindi nakagawa ng anumang “pagkakasala o mabigat na krimen.” (Gawa 18:14) Walang plano si Galio na makisawsaw sa gulo ng mga Judio. Aba, hindi pa man nakapagsasalita si Pablo, tinapos na ni Galio ang kaso! Galit na galit ang mga nag-aakusa at ang napagdiskitahan nila ay si Sostenes, na siyang naging kahalili marahil ni Crispo bilang punong opisyal ng sinagoga. Sinunggaban nila si Sostenes “at binugbog sa harap ng luklukan ng paghatol.”—Gawa 18:17.
15 Bakit hindi inawat ni Galio ang mga tao sa pagbugbog kay Sostenes? Baka inakala ni Galio na si Sostenes ang lider ng mga nang-umog kay Pablo kaya tama lang na iyon ang napala niya. Anuman ang tunay na dahilan, posibleng nakabuti ang nangyari. Sa unang liham ni Pablo sa kongregasyon ng Corinto, na isinulat makalipas ang ilang taon, may tinukoy siyang kapatid na nagngangalang Sostenes. (1 Cor. 1:1, 2) Ito rin kaya ang Sostenes na binugbog sa Corinto? Kung siya nga, malamang na nakatulong sa kaniya ang masaklap na karanasang iyon para maging Kristiyano.
16. Paano makatutulong sa atin sa ngayon ang mga sinabi ng Panginoon na “patuloy kang magsalita at huwag kang manahimik, dahil ako ay sumasaiyo” para patuloy na makapangaral?
16 Kung natatandaan pa natin, matapos tanggihan ng mga Judio ang pangangaral ni Pablo, saka lamang tiniyak sa kaniya ng Panginoong Jesus: “Huwag kang matakot. Patuloy kang magsalita at huwag kang manahimik, dahil ako ay sumasaiyo.” (Gawa 18:9, 10) Makakabuting alalahanin ang mga salitang iyan, lalo na kapag tinatanggihan ang ating mensahe. Huwag na huwag nating kalilimutan na si Jehova ay nakababasa ng puso at inilalapit niya sa kaniya ang mga tapat-puso. (1 Sam. 16:7; Juan 6:44) Malaking pampatibay nga ito sa atin para manatiling abala sa ministeryo! Daan-daang libo ang nababautismuhan taon-taon—daan-daan araw-araw. Para sa mga sumusunod sa utos na “gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa,” tiniyak ni Jesus: “Makakasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.”—Mat. 28:19, 20.
“Kung Loloobin ni Jehova” (Gawa 18:18-22)
17, 18. Ano kaya ang malamang na binabalik-balikan ni Pablo habang naglalayag siya patungong Efeso?
17 Hindi tayo sigurado kung ang naging tugon ni Galio sa mga nag-akusa kay Pablo ay nagdulot ng isang yugto ng kapayapaan para sa bagong-tatag na kongregasyon sa Corinto. Pero ang sigurado, si Pablo ay nanatili “nang ilang araw pa” bago siya nagpaalam sa mga kapatid sa Corinto. Noong tagsibol ng 52 C.E., nagplano siyang maglayag patungong Sirya mula sa daungan ng Cencrea, mga 11 kilometro sa silangan ng Corinto. Pero bago umalis si Pablo sa Cencrea, “pinagupitan niya nang maikli ang buhok niya . . . dahil sa panata niya.”c (Gawa 18:18) Pagkatapos, isinama niya sina Aquila at Priscila at naglayag sila sa Dagat Aegeano patungong Efeso sa Asia Minor.
18 Habang naglalayag si Pablo mula sa Cencrea, malamang na binabalik-balikan niya ang mga nangyari sa kaniya sa Corinto. Napakarami niyang magagandang alaala na nagdulot sa kaniya ng masidhing kasiyahan. Naging mabunga ang kaniyang 18-buwang ministeryo doon. Naitatag ang unang kongregasyon sa Corinto, at sa bahay ni Justo idinaos ang mga pagpupulong nito. Kabilang sa mga naging mananampalataya si Justo, si Crispo at ang kaniyang sambahayan, at marami pang iba. Mahal na mahal ni Pablo ang mga bagong mananampalatayang iyon dahil siya ang nakatulong sa kanila para maging mga Kristiyano. Sa kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto, sila ang tinukoy ni Pablo na liham ng rekomendasyon na nakasulat sa kaniyang puso. Hindi ba’t napapamahal din sa atin ang mga natutulungan nating yumakap sa tunay na pagsamba? Nakapagpapataba nga ng puso na makita ang gayong buháy na “mga liham ng rekomendasyon”!—2 Cor. 3:1-3.
19, 20. Ano ang ginawa ni Pablo pagdating na pagdating niya sa Efeso, at ano ang matututuhan natin sa kaniya tungkol sa pag-abot ng espirituwal na mga tunguhin?
19 Pagdating na pagdating ni Pablo sa Efeso, naging abala na siya sa ministeryo. “Pumasok siya sa sinagoga at nangatuwiran sa mga Judio.” (Gawa 18:19) Sa pagkakataong ito, hindi nagtagal si Pablo sa Efeso. Pinakiusapan siyang manatili nang mas matagal, ‘pero tumanggi siya.’ Nang magpaalam siya, sinabi niya sa mga taga-Efeso: “Kung loloobin ni Jehova, babalik ako sa inyo.” (Gawa 18:20, 21) Tiyak na alam ni Pablo na malaki pa ang gawain sa Efeso. May plano sanang bumalik ang apostol, pero ipinaubaya na lang niya kay Jehova ang mga bagay-bagay. Napakagandang halimbawa! Kung gusto nating maabot ang ating espirituwal na mga tunguhin, kailangan tayong kumilos. Pero dapat na lagi tayong umasa kay Jehova at magsikap na sundin ang kalooban niya.—Sant. 4:15.
20 Iniwan ni Pablo sina Aquila at Priscila sa Efeso, at naglayag siya patungong Cesarea. Lumilitaw na ‘pumunta’ siya sa Jerusalem at kinumusta ang kongregasyon doon. (Tingnan ang study note sa Gawa 18:22, nwtsty.) Pagkatapos, umuwi na si Pablo sa Antioquia ng Sirya. Tagumpay ang kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero! Ano naman kaya ang naghihintay sa kaniya sa huling paglalakbay niya bilang misyonero?
a Tingnan ang kahong “Corinto—Tulay sa Dalawang Dagat.”
b Tingnan ang kahong “Mga Liham ni Pablo na Naglaan ng Pampatibay.”
c Tingnan ang kahong “Ang Panata ni Pablo.”