Mga Gawa ng mga Apostol
18 Pagkatapos, umalis siya sa Atenas at pumunta sa Corinto. 2 At nakilala niya ang Judiong si Aquila,+ isang katutubo ng Ponto na kamakailan lang dumating mula sa Italya kasama ang asawa nitong si Priscila, dahil pinaalis ni Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Kaya pumunta siya sa kanila, 3 at dahil pare-pareho silang gumagawa ng tolda, tumuloy siya sa bahay nila at nagtrabahong kasama nila.+ 4 Tuwing sabbath, nagpapahayag siya sa sinagoga+ at hinihikayat niya ang mga Judio at Griego.
5 Nang makarating sina Silas+ at Timoteo+ mula sa Macedonia, naging abalang-abala si Pablo sa pangangaral ng salita para patunayan sa mga Judio na si Jesus ang Kristo.+ 6 Pero dahil patuloy nila siyang kinokontra at pinagsasalitaan nang may pang-aabuso, pinagpag niya ang damit niya+ at sinabi sa kanila: “Kasalanan ninyo anuman ang mangyari sa inyo.+ Ako ay malinis.+ Ngayon, pupunta na ako sa mga tao ng ibang mga bansa.”+ 7 Kaya mula roon ay lumipat siya sa bahay ni Titio Justo, isang mananamba ng Diyos, na ang bahay ay katabi ng sinagoga. 8 Pero si Crispo,+ ang punong opisyal ng sinagoga, ay sumampalataya sa Panginoon, pati na ang buong sambahayan niya. At marami sa mga taga-Corinto na nakarinig ng mabuting balita ang nanampalataya at nabautismuhan. 9 Isang gabi, sinabi rin ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain: “Huwag kang matakot. Patuloy kang magsalita at huwag kang manahimik, 10 dahil ako ay sumasaiyo+ at walang mananakit sa iyo na ikapapahamak mo; dahil marami ang mananampalataya sa akin sa lunsod na ito.” 11 Kaya nanatili siya roon nang isang taon at anim na buwan habang itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.
12 Noong si Galio ang proconsul ng Acaya, sinugod ng mga Judio si Pablo at nagkaisa silang dalhin ito sa luklukan ng paghatol. 13 Sinabi nila: “Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas.”+ 14 Pero noong magsasalita na si Pablo, sinabi ni Galio sa mga Judio: “Kung tungkol nga ito sa isang pagkakasala o mabigat na krimen, O mga Judio, may dahilan ako para pakinggan kayo. 15 Pero kung ang isyu ay tungkol lang sa mga salita, pangalan, at sarili ninyong kautusan,+ kayo na ang bahala riyan. Ayokong humatol sa mga bagay na iyan.” 16 At pinaalis niya sila sa luklukan ng paghatol. 17 Kaya sinunggaban nilang lahat si Sostenes,+ ang punong opisyal ng sinagoga, at binugbog sa harap ng luklukan ng paghatol. Pero hindi nakialam si Galio.
18 Pagkatapos manatili roon nang ilang araw pa, nagpaalam si Pablo sa mga kapatid at naglayag papuntang Sirya, kasama sina Priscila at Aquila. Pinagupitan niya nang maikli ang buhok niya sa Cencrea+ dahil sa panata niya. 19 Kaya nakarating sila sa Efeso, at iniwan niya muna sila; pumasok siya sa sinagoga at nangatuwiran sa mga Judio.+ 20 Paulit-ulit nilang hiniling na manatili siya nang mas matagal, pero tumatanggi siya. 21 Nagpaalam siya sa kanila, at sinabi niya: “Kung loloobin ni Jehova, babalik ako sa inyo.” At naglayag siya mula sa Efeso 22 papuntang Cesarea.+ Pinuntahan niya ang kongregasyon at kinumusta ito, at saka siya pumunta sa Antioquia.+
23 Pagkatapos manatili roon nang ilang panahon, umalis siya at pumunta sa iba’t ibang lugar sa Galacia at Frigia+ at pinatibay ang lahat ng alagad.+
24 At si Apolos,+ isang Judio na katutubo ng Alejandria, ay dumating sa Efeso; mahusay siyang magsalita at maraming alam sa Kasulatan. 25 Naturuan siya tungkol sa daan ni Jehova, at habang nag-aalab ang sigasig niya dahil sa espiritu, siya ay nagsasalita at nagtuturo nang tama tungkol kay Jesus, pero bautismo lang ni Juan+ ang alam niya. 26 Buong tapang siyang nagsasalita sa sinagoga, at nang marinig siya nina Priscila at Aquila,+ isinama nila siya at ipinaliwanag sa kaniya nang mas malinaw* ang daan ng Diyos. 27 At dahil gusto niyang pumunta sa Acaya, sinulatan ng mga kapatid ang mga alagad at sinabing malugod nila siyang tanggapin. Noong naroon na siya, malaki ang naitulong niya sa mga naging mananampalataya dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos; 28 dahil hayagan at buong sigasig niyang pinatunayan na mali ang mga Judio at ipinakita mula sa Kasulatan na si Jesus ang Kristo.+