FRIGIA
Isang bansa o rehiyon sa gitnang Asia Minor. Dahil lubhang nagpabagu-bago ang heograpikong mga hangganan ng Frigia sa paglipas ng mga taon, mahirap tiyakin ang lugar na sinaklaw nito malibang tumukoy ng isang espesipikong yugto. Noong unang siglo, ang “Frigia” ay isang loobang lugar na nasa mga Romanong probinsiya ng Galacia at Asia, anupat saklaw nito ang matalampas na lupain sa H ng Kabundukan ng Taurus, mula sa Ilog Halys sa S hanggang sa matataas na libis ng mga ilog ng Hermus at ng Maeander sa K. Sa kaniyang mga paglalakbay, ang apostol na si Pablo ay dumaan sa ilang bahagi ng Frigia nang mga dalawang beses.—Gaw 16:6; 18:23; 19:1.
Ipinapalagay ng karamihan na ang mga Frigiano ay nandayuhan mula sa Tracia noong pagtatapos ng ikalawang milenyo B.C.E. at nakontrol nila ang malaking bahagi ng gitna at kanluraning Asia Minor sa H ng Kabundukan ng Taurus, mula sa Ilog Halys hanggang sa Dagat Aegeano. Ipinakikita ng arkeolohikal na katibayan na ang Gordium ang kanilang kabisera at si Haring Midas ang isa sa kanilang prominenteng mga tagapamahala. Ang isang kapansin-pansing aspekto ng relihiyon ng mga tao ng sinaunang Frigia ay ang pagsamba sa inang-diyosa (si Rhea Cybele).
Ang kanluraning bahagi ng Frigia ay napasailalim ng kontrol ng mga haring Attalid ng Pergamo. Ang kahariang ito ang naging Romanong probinsiya ng Asia, ngunit ang TS bahagi ay kadalasang tinutukoy bilang Frigia ng Asia. (Tingnan ang ASIA.) Pinamahalaan ng hari ng Galacia ang mas silanganing seksiyon ng Frigia, at nang bandang huli ay naging isang bahagi ito ng Romanong probinsiya ng Galacia. Kung minsan, ang silanganing seksiyong ito ay tinatawag na Frigia ng Galacia; ito ay nasa H ng Pisidia at HK ng Licaonia. Depende sa punto de vista ng manunulat at sa yugto ng panahong nasasangkot, ang Antioquia at Iconio ay maaaring tawaging mga lunsod ng Frigia, bagaman kadalasang iniuugnay ang Antioquia sa Pisidia, at ang Iconio naman sa Licaonia.—Gaw 13:14; tingnan ang ANTIOQUIA Blg. 2; ICONIO.
Kabilang sa populasyon ng Frigia ang maraming Judio, yamang pinasigla silang mamayan dito ng mga tagapamahalang Seleucido sa Sirya. Ayon kay Josephus, inilipat ni Antiochus III (223-187 B.C.E.) ang “dalawang libong pamilyang Judio kasama ang kanilang mga kagamitan mula sa Mesopotamia at Babilonia” patungong Lydia at Frigia upang pumayapa ang mga kalagayan sa gitna ng mapaghimagsik na mga tao roon. (Jewish Antiquities, XII, 149 [iii, 4]) At maliwanag na patuloy na dumami ang mga Judio sa Asia Minor sa ilalim ng mga Romano. Noong Pentecostes 33 C.E., may mga Judio sa Jerusalem na nagmula sa “distrito ng Asia, at sa Frigia at sa Pamfilia.”—Gaw 2:9, 10.
Noong kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero, si Pablo at ang kaniyang mga kasamahan, sa pagdaan nila sa Cilicia at Licaonia patungong HK, ay ‘lumibot sa Frigia at sa lupain ng Galacia, sapagkat pinagbawalan sila ng banal na espiritu na salitain ang salita sa distrito ng Asia.’ (Gaw 15:41; 16:1-6) Kaya pumasok sila sa silanganing bahagi ng matandang Frigia (na noong panahon ni Pablo ay ang Frigia ng Galacia), ngunit sa halip na patuloy na pumakanluran at dumaan sa probinsiya ng Asia (na kinaroroonan ng Frigia ng Asia), pumahilaga sila patungo sa probinsiya ng Bitinia at saka pumakanluran patungong Troas.
Noong kaniyang ikatlong paglalakbay, binagtas ni Pablo ang Frigia ng Galacia at ang Frigia ng Asia. Nilisan niya ang Antioquia ng Pisidia at “lumibot [siya] sa iba’t ibang dako sa lupain ng Galacia at Frigia.” (Gaw 18:23) Binabanggit din ng ulat na “lumibot si Pablo sa mga loobang bahagi at bumaba sa Efeso” sa Baybaying Aegeano. (Gaw 19:1) Waring hindi siya naglakbay sa pangunahing lansangan na patungong Efeso, kung saan lulusong siya sa libis ng Ilog Lycus at daraan sa tabi ng mga lunsod ng Frigia ng Laodicea, Colosas, at Hierapolis (Col 2:1; 4:13), kundi sa halip ay naglakbay siya sa isang mas direktang ruta pahilaga.—Tingnan ang COLOSAS.