PISIDIA
Isang loobang rehiyon ng timugang Asia Minor. Ito ay isang bulubunduking seksiyon, na sumaklaw sa kanluraning bahagi ng Kabundukan ng Taurus, nasa H ito ng Pamfilia at T ng Frigia ng Galacia, anupat ang Caria at ang Licia ay nasa K nito at ang Licaonia naman ay nasa S. Pinaniniwalaan na ang rehiyong ito ay mga 190 km (120 mi) mula sa S hanggang sa K at may lapad na mga 80 km (50 mi). Marami itong matatayog na tagaytay na may pagi-pagitang mga libis at mga ilog sa bundok; mayroon itong mga kagubatan at mga pastulan.
Ang mga tao ng Pisidia ay mababangis at paladigma, anupat ang mga tribo ay may mga pangkat ng magnanakaw. Mahirap supilin ang mga taong-bundok na ito at hindi sila madaling naimpluwensiyahan ng kulturang Heleniko o Romano. Iniatas ng mga Romano sa hari ng Galacia na si Amyntas ang pagsupil sa kanila, ngunit namatay siya bago niya ito maisagawa. Ang Pisidia ay naging bahagi ng Romanong probinsiya ng Galacia noong 25 B.C.E., at noong 6 B.C.E., nilagyan ng mga garison ang mga kolonya sa lugar na ito upang mapanatiling nasusupil ang mga tao. Ang mga kolonyang ito ay pinangasiwaan mula sa Antioquia, isang lunsod na malapit sa hanggahan sa pagitan ng Pisidia at Frigia. (Tingnan ang ANTIOQUIA Blg. 2.) Noong 74 C.E., ang timugang bahagi ng Pisidia ay isinanib sa Pamfilia at Licia upang maging isang Romanong probinsiya. Ang hilagaang seksiyon ay nanatiling bahagi ng probinsiya ng Galacia hanggang sa isama ito, pagkaraan ng panahong apostoliko, sa isang bagong probinsiya na may pangalang Pisidia.
Ang apostol na si Pablo ay dumaan sa Pisidia noong kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero, anupat naglakbay siya mula sa baybaying Pamfilia at nagdaan sa kabundukan patungo sa Antioquia ng Pisidia. (Gaw 13:13, 14) Dumaan din siya sa Pisidia sa kaniyang paglalakbay pabalik. (Gaw 14:21, 24) Maaaring ang mga bandido at ang rumaragasang mga ilog sa bundok sa dakong iyon ang isang saligan ng pananalita ni Pablo na nahantad siya “sa mga panganib sa mga ilog, sa mga panganib sa mga tulisan.”—2Co 11:26.