Nakalulugod ba sa Diyos ang Debosyon sa mga Relikya?
ANG dugo ni “San Gennaro,” sinasabing nagiging likido karaniwan nang tatlong beses sa isang taon, ay isa sa maraming mga relikyang relihiyoso. Gayundin ang Lambong ng Turin, na diumano’y siyang ibinalot sa katawan ni Jesu-Kristo. Kabilang sa mga relikyang iniuugnay kay Jesus ay yaong ipinagpapalagay na hinigaan niyang pasabsaban (sa isang malaking basilika sa Roma), ang kaniyang aklat sa pagbaybay, at mahigit na isang libong pako na sinasabing ginamit nang siya’y patayin! Kasali pa rin sa relihiyosong mga relikya ang kung ilang mga ulo ni Juan Bautista at, sa iba’t ibang lugar sa Europa, apat na mga katawang sinasabing yaong kay “Santa Lucia.”
Kabilang sa mga siyudad na lalong higit na tanyag sa mga relikya ay ang Trier, Alemanya, na kung saan isa sa maraming “banal na mga tunika”—ang walang-tahing mga panloob na kasuotang isinuot ni Jesu-Kristo—ay nakatago. Sa Siyudad Vaticano mismo ay mahigit na isang libong relikya ang matatagpuan sa isang natatanging taguan. Literal na libu-libong relihiyosong mga relikya ang iniingatan sa simbahan ni “Santa Ursula” sa Cologne, Alemanya. Maaari pang patuloy na pahabain ang listahan. Aba, sa Italya lamang, mayroong 2,468 diumano’y mga dakong banal na may relihiyosong mga relikya!
Ang debosyon sa mga relikya ay pinaniniwalaan na nagsimula noong ikaapat na siglo ng ating Common Era, pati na rin ang pagsamba sa mga “santo.” Sa mga kadahilanang relihiyoso, ekonomiko, at maging pulitikal man, ang bilang ng mga relikya ay patuloy na naragdagan sa paglakad ng daan-daang taon, anupat libu-libo ang umiiral ngayon. Ang Ikalawang Konsilyo ng Vaticano ang muling nagpatibay na “sang-ayon sa tradisyon nito, ang Simbahan ay nag-uukol ng debosyon sa mga santo at nagpaparangal sa kanilang tunay na mga relikya at sa kanilang mga imahen.” (Constitution “Sacrosanctum Concilium” sulla sacra Liturgia, sa I Documenti del Concilio Vaticano II, 1980, Edizioni Paoline) “Ang dakilang mga relikya, pati na rin iyong pinararangalan bilang pinatutungkulan ng debosyon ng napakaraming mga tao,” ay binabanggit sa Codex Iuris Canonici (Kodigo ng Batas ng Simbahan) na binuo ni Juan Paulo II noong 1983. (Canon 1190) Ang mga Anglikano at ang mga miyembro ng mga simbahang Ortodokso ay nagpaparangal din sa mga relikya.
Yamang napakaraming ipinagpapalagay na mga pako na ginamit sa pagkabayubay ni Kristo at mga ulo ni Juan Bautista na umiiral, maliwanag na ang mga relikyang relihiyoso ay kadalasang palsipikado. Halimbawa, ang pagpepetsa ng radiocarbon ay nagpatunay na palsipikado ang Lambong ng Turin. Kapuna-puna, noong nagaganap ang mainitang debate tungkol dito noong 1988, ang kilalang tagapagmasid ng Vaticano na si Marco Tosatti ay nagtanong: “Kung ang siyentipikong pagsusuri na ginamit sa Lambong ay ikakapit sa ibang mga bagay na pinag-uukulan ng debosyon ng madla, ano ang magiging hatol?”
Maliwanag, walang matalinong tao na magnanais sumamba sa isang huwad na relikya. Subalit iyan ba ang tanging dahilan na dapat isaalang-alang?
Ano ba ang Sinasabi ng Bibliya?
Hindi sinasabi ng Bibliya na ang bayan na pinagpala ng Diyos, ang sinaunang mga Israelita, ay sumamba sa relihiyosong mga relikya samantalang nasa pagkaalipin sa Ehipto. Totoo, ang patriyarkang si Jacob ay namatay sa Ehipto at ang kaniyang mga labí ay dinala sa lupain ng Canaan para doon ilibing ‘sa yungib na nasa parang ng Machpelah.’ Ang kaniyang anak na si Jose ay namatay din sa Ehipto, at ang kaniyang mga buto nang bandang huli ay dinala sa Canaan para doon ilibing. (Genesis 49:29-33; 50:1-14, 22-26; Exodo 13:19) Gayunman, ang Kasulatan ay hindi nagbibigay ng anumang pahiwatig na ang mga Israelita ay sumamba kailanman sa mga labí ni Jacob at ni Jose bilang relihiyosong mga relikya.
Isaalang-alang din naman, ang nangyari sa kaso ni propeta Moises. Sa ilalim ng pamamatnubay ng Diyos, siya ang nanguna sa mga Israelita nang may 40 taon. Pagkatapos, sa edad na 120, siya’y umakyat sa Bundok Nebo, tinanaw ang Lupang Pangako, at saka namatay. Si Miguel na arkanghel ay nakipagtalo sa Diyablo tungkol sa katawan ni Moises, at si Satanas ay nabigo sa anumang posibleng pagtatangka na gamitin iyon upang masilo ang mga Israelita sa pagsamba sa mga relikya. (Judas 9) Bagaman mauunawaan kung bakit nila ipinamighati ang pagkamatay ni Moises, hindi nila kailanman sinamba ang kaniyang mga labí. Sa katunayan, pinangyari ng Diyos na huwag mangyari ang gayong bagay sa pamamagitan ng paglilibing kay Moises sa isang libingang walang anumang tanda sa isang lugar na hindi alam ng tao.—Deuteronomio 34:1-8.
Ang ilang nagtataguyod sa pagsamba sa mga relikya ay bumabanggit sa 2 Hari 13:21, na nagsasabi: “At nangyari, samantalang kanilang inililibing ang isang lalaki, na, narito, kanilang natanaw ang isang pulutong ng mga mandarambong. At kapagdaka ang lalaki ay kanilang inihagis sa libingan ni Eliseo [na propeta] at nagsialis. Nang masagi ng tao ang mga buto ni Eliseo, siya’y agad nabuhay at tumayo sa kaniyang mga paa.” Ito ay isang himala tungkol sa walang-buhay na mga buto ng isa sa mga propeta ng Diyos. Ngunit si Eliseo ay patay na at “walang kamalayan” noong mga sandali ng himala. (Eclesiastes 9:5, 10) Samakatuwid, ang pagkabuhay-muling ito ay masasabi na likha ng kapangyarihan ng Diyos na Jehova na maghimala, at isinagawa ito sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. Mapapansin din na hindi sinasabi ng Kasulatan na ang mga buto ni Eliseo ay sinamba kailanman.
Ang iba sa Sangkakristiyanuhan ay nagtataguyod ng debosyon sa mga relikya dahilan sa sinasabi sa Gawa 19:11, 12, na kung saan ating mababasa: “At patuloy na gumawa ang Diyos ng pambihirang mga himala sa pamamagitan ng mga kamay ni [apostol] Pablo, anupat kahit mga panyo at mga tapî na mapadait sa kaniyang katawan at mapadait naman sa mga taong may sakit, ang kanilang mga sakit ay nawawala, at nagsisilabas ang mga masasamang espiritu.” Pakisuyong pansinin na ang Diyos ang gumawa ng pambihirang mga himalang iyon sa pamamagitan ni Pablo. Hindi ang apostol mismo ang gumawa ng gayong mga himala sa ganang sarili niya, at siya’y hindi kailanman tumanggap ng pagsamba buhat sa sinumang tao.—Gawa 14:8-18.
Labag sa Turo ng Bibliya
Ang totoo, ang debosyon sa relihiyosong mga relikya ay labag sa maraming turo ng Bibliya. Halimbawa, ang di-maihihiwalay na sangkap ng gayong debosyon ay ang paniniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao. Angaw-angaw na debotadong mga miyembro ng relihiyon ang naniniwala na ang mga kaluluwa ng lahat ng ginawang mga “santo” at sinasamba ay nabubuhay sa langit. Ang taimtim na mga taong ito ay nananalangin sa gayong mga “santo,” humihingi na sila’y bigyan ng proteksiyon at ang mga ito ang mamagitan sa Diyos para sa mga taong nananalangin. Sa katunayan, ayon sa isang aklat-relihiyoso, ang mga Katoliko ay naniniwalang ang mga relikya “ang may kapangyarihan na mamagitan sa Diyos para sa Santo.”
Gayunman, ayon sa Bibliya, ang kaluluwa ng tao ay may kamatayan. Ang mga tao ay walang kaluluwa sa loob nila na hindi namamatay at maaaring manatiling buháy na hiwalay sa katawan pagkamatay. Bagkus, ang Kasulatan ay nagsasabi: “At nilalang ng Diyos na Jehova ang tao sa alabok ng lupa at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.” (Genesis 2:7) Sa halip na ituro na ang mga tao ay may mga kaluluwang walang kamatayan, sinasabi ng Bibliya: “Ang kaluluwa na nagkakasala—iyan mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Ito’y kumakapit sa lahat ng tao—kasali na yaong nang bandang huli ay ginawang mga “santo”—sapagkat lahat tayo ay nagmana ng kasalanan at kamatayan sa unang tao na si Adan.—Roma 5:12.
Ang debosyon sa mga “santo” ay dapat iwasan sapagkat sila’y hindi kailanman binigyang karapatang mamagitan sa Diyos para kaninuman. Ang Diyos na Jehova ay nagtakda na tanging ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang makagagawa nito. Si apostol Pablo ay nagsabi na si Jesus ay “hindi lamang namatay alang-alang sa atin—siya’y bumangon sa mga patay, at doon siya nakatayo sa kanan ng Diyos at namamanhikan alang-alang sa atin.”—Roma 8:34, The Jerusalem Bible; ihambing ang Juan 14:6, 14.
Ang isa pang dahilan upang umiwas ng pagsamba sa mga “santo” at relihiyosong mga relikya na kaugnay nila ay salig sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa idolatriya. Isa sa Sampung Utos na ibinigay sa mga Israelita ay nagsasabi: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anumang anyong nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran sila o mahihikayat ka mang maglingkod sa kanila, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay isang Diyos na humihingi ng bukod-tanging debosyon.” (Exodo 20:4, 5) Makalipas ang daan-daang taon, sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Mga minamahal, magsitakas kayo buhat sa idolatriya.” (1 Corinto 10:14) Gayundin naman, si apostol Juan ay sumulat: “Mumunting mga anak, ingatan ang inyong sarili buhat sa mga idolo.”—1 Juan 5:21.
Samakatuwid, ang debosyon sa ginawang mga “santo” at sa relihiyosong mga relikya, ay walang patotoo sa Bibliya. Gayunman, ang ibang mga tao ay nagnanais na mayroong isang bagay na itinuturing na banal na nakikita at nahihipo at ipinagpapalagay na nakapagliligtas. Totoo naman, marami ang may paniwala na ang relihiyosong mga relikya ay isang nakikitang pangkatnig sa isang kadena na nasa pagitan ng langit at lupa. Pakisuyong bulay-bulayin ang puntong ito sandali.
Hindi sa pamamagitan ng pagkakita at pagkahipo ng relihiyosong mga relikya kumikilos ang isang tao kasuwato ng mga sinabi ni Jesus tungkol sa pagsamba na nais ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Dumarating ang oras, at ngayon na, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat talaga ngang ang mga gayon ang hinahanap ng Ama na sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay isang Espiritu, at yaong sumasamba sa kaniya ay kinakailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Ang Diyos na Jehova ay “isang Espiritu,” na di-nakikita ng mga mata ng tao. Upang masamba siya “sa espiritu” ang kailangang maging motibo ng ating banal na paglilingkod sa Diyos ay udyok ng isang pusong puspos ng pag-ibig at pananampalataya. (Mateo 22:37-40; Galacia 2:16) Tayo’y hindi makasasamba sa Diyos ‘sa katotohanan’ sa pamamagitan ng debosyon sa mga relikya kundi tanging sa pamamagitan ng pagtanggi sa relihiyosong mga kasinungalingan, na natututuhan ang kaniyang kalooban gaya ng nahahayag sa Bibliya, at pagsasagawa niyaon.
Samakatuwid, hindi kataka-taka na inamin ng iskolar na si James Bentley na ‘ang sinaunang mga Hebreo ay hindi nagsasagawa ng mga debosyon sa mga relikya.’ Sinasabi rin niya na noong apat na siglo sa pagitan ng kamatayan ni Esteban at ng pagkahukay sa kaniyang katawan ni Lucian, ang pagkakilala ng mga Kristiyano sa mga relikya ay lubusang nabago. Subalit, nang sumapit ang ikalimang siglo C.E., ang apostatang Sangkakristiyanuhan ay hindi na sumusunod sa malinaw na mga turo ng Bibliya tungkol sa idolatriya, sa kalagayan ng mga patay, at sa papel na ginagampanan ni Jesu-Kristo bilang isa na “namamanhik alang-alang sa atin.”—Roma 8:34; Eclesiastes 9:5; Juan 11:11-14.
Kung nais natin na makalugod sa Diyos ang ating pagsamba, tiyakin natin na ito’y walang kaugnayan sa anumang anyo ng idolatriya. Upang tanggapin niya, ang ating pagsamba ay kailangang magtungo sa Maylikha, ang Diyos na Jehova, hindi sa anumang relikya o nilalang. (Roma 1:24, 25; Apocalipsis 19:10) Tayo’y kailangan ding kumuha ng tumpak na kaalaman sa Bibliya at makabuo ng isang matatag na pananampalataya. (Roma 10:17; Hebreo 11:6) At kung tayo’y lumalakad sa daan ng tunay na pagsamba, tayo’y kikilos kasuwato ng napakaraming patotoo sa Kasulatan na nagpapatunay na hindi nakalulugod sa Diyos ang debosyon sa mga relikya.
[Larawan sa pahina 5]
Ang mga buto ni Eliseo ay hindi sinamba bagaman ang mga ito’y may kaugnayan sa isang pagkabuhay-muli