MAHIKA AT PANGGAGAWAY
Mga lihim na sining at mahiwagang kapangyarihan na ipinapalagay na ginagamit sa pagsasagawa ng mga bagay na kahima-himala. Nauugnay ito sa espiritistikong kapangyarihan ng okultismo.
Sinasabi na ang “black” magic ay binubuo ng mga orasyon, pantanging mga sumpa, at ng “evil eye” na nagdudulot ng pinsala sa mga kaaway ng isa. Samantala, ang “white” magic, ayon sa mga nagsasagawa nito, ay nakalilikha ng mabuting resulta dahil kinokontra nito ang bisa ng mga orasyon at mga sumpa. Sa gitna ng ilang sinaunang mga tao, ipinagbawal ang “black” magic at pinarurusahan ito ng kamatayan. Subalit higit pa ang ginagawa ng Bibliya dahil ipinagbabawal nito ang bawat anyo ng espiritistikong mahika. (Lev 19:26; Deu 18:9-14) Sa pamamagitan ng mga pormula sa mahika, na nakukuha raw sa pamamagitan ng kahima-himalang kaalaman at karunungan, sinisikap ng nagsasagawa nito na impluwensiyahan ang mga tao at baguhin ang mga mangyayari sa hinaharap. Sa bagay na ito, magkaiba ang mahika at ang panghuhula [divination] dahil sinisikap lamang ng manghuhula na tuklasin ang mga mangyayari sa hinaharap sa halip na impluwensiyahan o baguhin ang mga iyon.—Tingnan ang PANGHUHULA.
Ang panggagaway na ginagamitan ng mahika ay salig sa paniniwala na ang masasamang espiritu ay maaaring hikayating umalis o pumasok sa isang tao, na maaari silang dayain at linlangin, at na maaari silang hulihin o ikulong sa isang piraso ng kahoy o isang imaheng luwad. Halimbawa, sinasabing sa pamamagitan ng paggawa ng mahiwagang mga landas ng pulot-pukyutan o iba pang kaayaayang mga bagay, ang mga demonyo ay maaaring pasunurin sa kagustuhan ng mahiko.
Dahil sa mga paniniwalang ito, nabuo ang isang tusong pangkat ng mga mahikong saserdote na kumokontrol sa buhay ng mga taong-bayan, anupat nangingikil ng malalaking halaga mula sa kanilang mga nasasakupan at nag-aangkin na mayroon silang kahima-himalang kapangyarihang nakahihigit sa taglay ng mga demonyo. Napaniwala ang mga taong-bayan na kayang pasunurin ng mga manggagaway na ito ang mga demonyo ngunit walang kapangyarihan ang mga demonyo laban sa mga manggagaway.
Ang mga espiritistikong gawain na ito, na binansagang mga siyensiya, ay inimbento at ginamit ng sinaunang mga Caldeo ng Babilonia. Noong ikawalong siglo B.C.E., sinabi ni Isaias na naglipana sa Babilonya ng panahon niya ang lahat ng uri ng panggagaway. (Isa 47:12-15) Pagkaraan ng mahigit sa isang siglo, noong mga araw ni Daniel, bahagi pa rin ng korte ng Babilonya ang mga mahikong saserdote. (Dan 1:20; 2:2, 10, 27; 4:7; 5:11) Ang pananalitang “mga mahikong saserdote” ay isang literal at tuwirang salin ng Hebreo.
Takót na takót ang mga Babilonyo sa mga taong may pisikal na depormidad na kung tawagi’y mga mangkukulam, sa paniniwalang gumagamit ng “black” magic ang mga ito. Samantala, sinasabi na mga saserdote naman ang mga dalubhasa sa “white” magic. Naniniwala sila na ang bulong na binigkas ng isang saserdote at nagpagaling sa isang taong may sakit ay maaaring pumatay sa taong iyon kung bibigkasin naman ng isang mangkukulam.
Nang mangalat ang mga tao sa buong lupa matapos guluhin ang mga wika sa Babel, posibleng dala nila ang ilang konsepto ng mga sining ng mahika. (Gen 11:8, 9) Sa ngayon, milyun-milyon ang nagsasagawa ng mahika ng mantra, samakatuwid nga, ang mistikong pormula, himno, o panalanging ginagamit sa panggagayuma sa popular na Hinduismo. Ang mga mahikong saserdote, mga doktor kulam, mga albularyo, at lahat ng uri ng manggagaway ay matatagpuan sa maraming lugar sa buong daigdig, kung paanong palasak ang mga ito sa gitna ng mga Ehipsiyo noong ika-18 siglo B.C.E., noong mga araw ni Jose. (Gen 41:8, 24) Mahigit na dalawang siglo pagkatapos maipagbili sa pagkaalipin si Jose, waring natularan ng mga mahikong saserdote ng Ehipto ang unang tatlong himalang ginawa ni Moises. (Exo 7:11, 22; 8:7) Ngunit hindi sila makapagpalabas ng mga niknik, anupat napilitan silang aminin na iyon ay “daliri ng Diyos!” Hindi rin nila nahadlangan ang pagtubo ng salot ng mga bukol sa kanilang sarili.—Exo 8:18, 19; 9:11.
Hinahatulan ng Bibliya. Natatangi ang Bibliya sa mga akda ng ibang sinaunang mga tao sapagkat hinahatulan nito ang mahihiwagang kapangyarihan at mga sining ng mahika. Hindi nito inirerekomenda ang “white” magic upang pawalang-bisa ang mga orasyon ng “black” magic. Sa halip, pinasisigla nito ang pananampalataya, panalangin, at pagtitiwala kay Jehova bilang proteksiyon laban sa di-nakikitang “balakyot na mga puwersang espiritu” at sa lahat ng kanilang mga gawain, lakip na ang mahika. (Efe 6:11-18) Sa Mga Awit, ang mga matuwid ay nananalanging mailigtas sa kasamaan; tinuruan naman tayo ni Jesus na manalangin upang mailigtas “mula sa isa na balakyot.” (Mat 6:13) Samantala, ang Talmud at ang Koran ay nagbibigay-daan sa pamahiin at takot. Ang Apokripal na aklat ng Tobit ay naglalaman ng kakatwang mga talata tungkol sa panggagaway na ginagamitan ng mahika.—Tobit 6:5, 8, 9, 19; 8:2, 3; 11:8-15; 12:3; tingnan ang APOKRIPA (Tobit).
Samakatuwid, ibang-iba ang bansang Israel sa mga kapanahon nito, at upang manatiling gayon, binigyan sila ni Jehova ng espesipikong mga kautusan hinggil sa mga may matalik na kaugnayan sa okultismo. “Huwag mong pananatilihing buháy ang isang babaing manggagaway.” (Exo 22:18) “Huwag kayong magsasagawa ng mahika.” “Kung tungkol sa isang lalaki o isang babae na may espiritung sumasanib o espiritu ng panghuhula, sila ay papatayin nang walang pagsala.” (Lev 19:26; 20:27) “Huwag masusumpungan sa iyo . . . ang mahiko o ang sinumang naghahanap ng mga tanda o ang manggagaway, o ang isa na nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto o ang sinumang sumasangguni sa espiritista.”—Deu 18:10-14.
Ipinahayag din ng propeta ni Jehova na lilipulin ng Diyos ang lahat niyaong mga nagsasagawa ng mga panggagaway. (Mik 5:12) Ang mga indibiduwal na gaya nina Saul, Jezebel, at Manases, na tumalikod kay Jehova at bumaling sa iba’t ibang uri ng panggagaway, ay mga halimbawang hindi dapat tularan.—1Sa 28:7; 2Ha 9:22; 2Cr 33:1, 2, 6.
Sinasabi rin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na laganap ang mga manggagaway sa Imperyo ng Roma noong panahon ni Jesus at ng mga apostol. Sa pulo ng Ciprus, may isang manggagaway na nagngangalang Bar-Jesus na tinuligsa ni Pablo dahil siya’y “punô ng bawat uri ng pandaraya at bawat uri ng kabuktutan, . . . anak ng Diyablo.” (Gaw 13:6-11) Gayunman, may mga iba, gaya ni Simon ng Samaria, na huminto sa kanilang mga gawaing pagmamahika at yumakap sa Kristiyanismo. (Gaw 8:5, 9-13) Noong isang pagkakataon sa Efeso, “tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng mahika ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat. At tinuos nila nang sama-sama ang halaga ng mga iyon at nasumpungang nagkakahalaga ng limampung libong piraso ng pilak [kung denario, $37,200].” (Gaw 19:18, 19) Nang sumulat siya sa mga nasa Galacia, inilakip ng apostol na si Pablo ang espiritistikong okultismo sa “mga gawa ng laman,” anupat binabalaan niya sila “na yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Gal 5:19-21) Nasa labas ng maluwalhating Kahariang iyon ang lahat ng mga nagpapatuloy sa maka-Babilonyang mga gawain na ito. (Apo 21:8; 22:15) Silang lahat ay pupuksain kasama ng Babilonyang Dakila, na napabantog dahil iniligaw niya ang mga bansa sa pamamagitan ng kaniyang mga panggagaway.—Apo 18:23; tingnan ang KAPANGYARIHAN, MAKAPANGYARIHANG MGA GAWA (Responsable sa paggamit ng kapangyarihan).