“Sa Bahay-Bahay”
“SA ARAW-ARAW sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang lubay na pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:42) Malimit na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang tekstong ito at yaong nasa Gawa 20:20 upang patunayan ang batayan sa Kasulatan ng kanilang gawaing pangangaral sa bahay-bahay. Gayunman, sa Alemanya, may mga kritiko ang mga Saksi ni Jehova na humamon sa paraan ng pagkasalin ng New World Translation sa mga talatang ito, anupa’t sinasabi nila na mali ang pagkasalin nito sa orihinal na Griego.
Ang ganiyan bang mga sabi-sabi ay may katuwiran? Wala. Unang-una, di-kukulangin sa anim na iba pang mga salin ng Bibliya sa wikang Aleman ang ganiyan din ang pagkasalin sa mga talatang ito. Kabilang na riyan ang rebisadong Zürcher Bibel at ang mga “Bagong Tipan” ni Rupert Storr, Franz Sigge, at Jakob Schäfer (rebisado ni N. Adler). Maraming saling Ingles ang nakakatulad din.
Ang Alemang iskolar na si Hans Bruns ay nagbigay-matuwid sa kaniyang salin na, “sa bahay-bahay,” sa Gawa 5:42, na ang sabi: “Sang-ayon sa orihinal na teksto, waring sila’y nagbahay-bahay.” Oo, ang kat’ oiʹkon, na orihinal na pananalita sa tekstong ito ay hindi ginagamit sa diwang pang-abay (“sa tahanan”) kundi sa isang diwang pamamahagi, literal na nangangahulugang “ayon sa bahay.” (Ang anyong pangmaramihan, na kat’ oiʹkous, na nangangahulugang “ayon sa mga bahay,” ay makikita sa Gawa 20:20.) Ang ibang iskolar, tulad ni Heinz Schürmann, ay nagpapatunay sa pagkasalin ng mga pananalitang ito na taglay ang diwang pamamahagi. Sang-ayon kay Horst Balz at Gerhard Schneider, mga tagapaglathala ng isang tagapagpaliwanag na diksiyunario sa Bagong Tipan, ang pananalitang ito ay maisasalin na “sunud-sunod na bahay.” Ang ilang reperensiya sa Ingles ay may ganiyang paliwanag tungkol sa talatang ito.
Kung gayon, minsan pa na nananaig ang New World Translation sa mga pagsalakay ng mga kritiko. Lalong mahalaga, maliwanag na may matibay na batayan sa Bibliya ang ministeryo ng pagbabahay-bahay. (Ihambing ang Mateo 10:11-14; 24:14.) Ang mga Saksi ni Jehova ay may pribilehiyo na gayahin ang kanilang mga katulad sa bagay na ito noong unang siglo.