Pinakakain ang Marami sa Pamamagitan ng Iilan
“Pagkatapos na pagputul-putulin ang mga tinapay, ipinamahagi [ni Jesus] ang mga iyon sa mga alagad, ang mga alagad naman sa mga pulutong.”—MAT. 14:19.
1-3. Ilarawan kung paano pinakain ni Jesus ang isang malaking pulutong malapit sa Betsaida. (Tingnan ang larawan sa pahinang ito.)
GUNIGUNIHIN ang eksena. (Basahin ang Mateo 14:14-21.) Malapit na noon ang Paskuwa ng 32 C.E. Isang pulutong ng mga 5,000 lalaki, bukod pa sa mga babae at bata, ang sumunod kay Jesus at sa kaniyang mga alagad sa isang liblib na lugar malapit sa Betsaida, isang nayon sa hilagang baybayin ng Dagat ng Galilea.
2 Nang makita ni Jesus ang pulutong, nahabag siya sa kanila, kaya pinagaling niya ang mga maysakit at tinuruan niya sila ng maraming bagay tungkol sa Kaharian ng Diyos. Pagkagat ng dilim, sinabi ng mga alagad kay Jesus na payaunin ang mga tao para bumili ng pagkain sa kalapit na mga nayon. Pero sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Tiyak na nagtaka sila sa sinabi niya dahil imposibleng magkasya ang pagkaing mayroon sila—limang tinapay at dalawang maliliit na isda.
3 Dahil sa awa, gumawa si Jesus ng himala—ang tanging himala na pare-parehong iniulat ng apat na manunulat ng Ebanghelyo. (Mar. 6:35-44; Luc. 9:10-17; Juan 6:1-13) Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na paupuin sa damuhan ang pulutong nang tig-50 o tig-100 bawat grupo. Matapos manalangin, pinagputul-putol niya ang tinapay at hinati-hati ang isda. Pagkatapos, sa halip na siya mismo ang magbigay ng pagkain sa mga tao, ipinamahagi ito ni Jesus “sa mga alagad, ang mga alagad naman sa mga pulutong.” Napakaraming sumobrang pagkain! Pansinin: Libu-libo ang pinakain ni Jesus sa pamamagitan ng iilan—ang kaniyang mga alagad.a
4. (a) Para kay Jesus, anong uri ng pagkain ang mas mahalagang ilaan, at bakit? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito at sa susunod na artikulo?
4 Pero mas mahalaga kay Jesus ang paglalaan ng espirituwal na pagkain sa kaniyang mga tagasunod. Alam niya na ang espirituwal na pagkain, ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos, ay umaakay sa buhay na walang hanggan. (Juan 6:26, 27; 17:3) Udyok din ng awa, gaya noong pakainin niya ang pulutong ng tinapay at isda, gumugol si Jesus ng maraming oras para personal na turuan ang kaniyang mga tagasunod. (Mar. 6:34) Pero alam niyang maikli lang ang panahon niya rito sa lupa at na babalik siya sa langit. (Mat. 16:21; Juan 14:12) Mula sa langit, paano paglalaanan ni Jesus ng espirituwal na pagkain ang kaniyang mga tagasunod dito sa lupa? Gaya rin ng ginawa niya noon—pakakainin niya ang marami sa pamamagitan ng iilan. Pero sino ang iilan na magpapakain? Tingnan natin kung paano ginamit ni Jesus ang iilan para pakainin ang maraming pinahirang tagasunod niya noong unang siglo. Pagkatapos, sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang tanong na napakahalaga sa bawat isa sa atin: Paano natin makikilala ang iilan na ginagamit ni Kristo para pakainin tayo ngayon?
PINILI NI JESUS ANG IILAN
5, 6. (a) Anong mabigat na desisyon ang ginawa ni Jesus para matiyak na mapapakaing mabuti sa espirituwal ang kaniyang mga tagasunod pagkamatay niya? (b) Paano inihanda ni Jesus ang kaniyang mga apostol sa isang napakahalagang gawain pagkamatay niya?
5 Tinitiyak ng isang responsableng ulo ng pamilya na mapangangalagaan ang kaniyang pamilya sakaling mamatay siya. Sa katulad na paraan, gumawa si Jesus—na magiging Ulo ng kongregasyong Kristiyano—ng mga kaayusan para matiyak na mapangangalagaan sa espirituwal ang kaniyang mga tagasunod pagkamatay niya. (Efe. 1:22) Halimbawa, mga dalawang taon bago siya mamatay, isang mabigat na desisyon ang ginawa ni Jesus. Pumili siya ng mga unang gagamitin niya para pakainin ang marami. Pag-isipan ang nangyari.
6 Matapos manalangin nang buong gabi, tinipon ni Jesus ang kaniyang mga alagad at pumili sa kanila ng 12 apostol. (Luc. 6:12-16) Sa sumunod na dalawang taon, naging napakalapít niya sa 12. Tinuruan niya sila sa pamamagitan ng salita at halimbawa. Alam niyang marami pa silang dapat matutuhan; sa katunayan, ang tawag pa rin sa kanila ay mga “alagad,” o mag-aarál. (Mat. 11:1; 20:17) Binigyan niya sila ng mahahalagang payo at puspusang pagsasanay sa ministeryo. (Mat. 10:1-42; 20:20-23; Luc. 8:1; 9:52-55) Maliwanag na inihahanda niya sila sa isang napakahalagang gawain pagkamatay niya at pagbalik sa langit.
7. Paano ipinahiwatig ni Jesus kung ano ang magiging priyoridad ng mga apostol?
7 Ano ang magiging papel ng mga apostol? Habang papalapit ang Pentecostes 33 C.E., naging malinaw na ang mga apostol ay gaganap ng “katungkulan ng pangangasiwa.” (Gawa 1:20) Pero ano ang magiging priyoridad nila? Matapos buhaying muli si Jesus, ipinahiwatig niya ito nang kausapin niya si apostol Pedro. (Basahin ang Juan 21:1, 2, 15-17.) Sa harap ng iba pang mga apostol, sinabi ni Jesus kay Pedro: “Pakainin mo ang aking maliliit na tupa.” Sa gayon, ipinakita ni Jesus na kabilang ang kaniyang mga apostol sa iilan na gagamitin niya para paglaanan ng espirituwal na pagkain ang marami. Talaga ngang mahal na mahal ni Jesus ang kaniyang “maliliit na tupa”!b
PAGPAPAKAIN SA MARAMI MULA PENTECOSTES PATULOY
8. Paano ipinakita ng mga bagong mananampalataya noong Pentecostes na malinaw sa kanila kung sino ang ginagamit ni Kristo?
8 Mula noong Pentecostes 33 C.E., ginamit ng binuhay-muling si Kristo ang kaniyang mga apostol bilang instrumento para pakainin ang iba pa niyang mga pinahirang alagad. (Basahin ang Gawa 2:41, 42.) Malinaw sa mga Judio at proselita na naging pinahirang Kristiyano noong araw na iyon kung sino ang ginagamit ni Kristo. Taglay ang lubos na pagtitiwala, “patuloy nilang iniukol ang kanilang sarili,” o nanatili silang tapat, sa “turo ng mga apostol.” Ang mga bagong mananampalataya ay gutóm sa espirituwal na pagkain, at alam na alam nila kung saan ito makukuha. Umasa sila sa mga apostol para ipaliwanag sa kanila ang mga sinabi at ginawa ni Jesus at linawin ang mga kasulatan tungkol sa kaniya.c—Gawa 2:22-36.
9. Paano ipinakita ng mga apostol na nanatili silang nakapokus sa kanilang responsibilidad na pakainin ang mga tupa ni Jesus?
9 Nanatiling nakapokus ang mga apostol sa kanilang responsibilidad na pakainin ang mga tupa ni Jesus. Halimbawa, pansinin kung paano nila inasikaso ang isang sensitibong isyu na puwedeng pagmulan ng pagkakabaha-bahagi sa bagong-tatag na kongregasyon. Kapansin-pansin na tungkol din ito sa pagkain—materyal na pagkain. Napapabayaan ang mga balong nagsasalita ng Griego sa pang-araw-araw na pamamahagi ng pagkain, pero hindi ang mga balong nagsasalita ng Hebreo. Paano ito nilutas ng mga apostol? Ang “labindalawa” ay nag-atas ng pitong kuwalipikadong kapatid para pangasiwaan ang ‘mahalagang gawain,’ ang pamamahagi ng pagkain. Malamang na karamihan sa mga apostol ay tumulong sa pamamahagi ng pagkain noong makahimalang pakainin ni Jesus ang pulutong. Pero nakita nila na ang priyoridad nila ngayon ay paglalaan ng espirituwal na pagkain sa mga kongregasyon. Kaya nagpokus sila sa “ministeryo ng salita.”—Gawa 6:1-6.
10. Paano ginamit ni Kristo ang mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem?
10 Noong 49 C.E., may lupong tagapamahala na binubuo ng natitirang mga apostol at ng ilang kuwalipikadong matatanda. Tinukoy sila sa Bibliya bilang “mga apostol at matatandang lalaki” sa Jerusalem. (Basahin ang Gawa 15:1, 2.) Bilang Ulo ng kongregasyon, ginamit ni Kristo ang maliit na grupong ito ng mga kuwalipikadong lalaki para lumutas ng mga isyung may kaugnayan sa doktrina at mangasiwa sa pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita ng Kaharian.—Gawa 15:6-29; 21:17-19; Col. 1:18.
11, 12. (a) Ano ang katunayan na pinagpala ni Jehova ang kaayusang ginamit ng kaniyang Anak para pakainin ang mga kongregasyon noong unang siglo? (b) Paano naging malinaw kung sino ang ginagamit ni Kristo sa espirituwal na pagpapakain?
11 Pinagpala ba ni Jehova ang kaayusang ginamit ng kaniyang Anak para pakainin ang mga kongregasyon noong unang siglo? Oo! Paano natin nalaman? Ganito ang iniulat sa aklat ng Mga Gawa: “Habang naglalakbay sila [si apostol Pablo at ang kaniyang mga kasama] sa mga lunsod ay dinadala nila sa mga naroroon ang mga tuntunin na naipasiya ng mga apostol at ng matatandang lalaki na nasa Jerusalem upang tuparin nila. Dahil nga rito, ang mga kongregasyon ay patuloy na napatatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw.” (Gawa 16:4, 5) Pansinin na ang mga kongregasyong iyon ay sumulong dahil sa kanilang tapat na pakikipagtulungan sa lupong tagapamahala sa Jerusalem. Hindi ba’t isang katunayan iyan na pinagpala ni Jehova ang kaayusang ginamit ng kaniyang Anak para pakainin ang mga kongregasyon? Tandaan na posible lang ang espirituwal na pagsulong kung may pagpapala ni Jehova.—Kaw. 10:22; 1 Cor. 3:6, 7.
12 Nakita natin kung paano pinakain ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: Pinakain niya ang marami sa pamamagitan ng iilan. Malinaw kung sino ang ginamit niya noon sa espirituwal na pagpapakain. Kitang-kita ang katibayan na ang mga apostol—ang orihinal na mga miyembro ng lupong tagapamahala—ay sinusuportahan ng Diyos. “Sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol ay maraming mga tanda at mga palatandaan ang patuloy na naganap sa gitna ng mga tao,” ang sabi sa Gawa 5:12.d Kaya walang naging Kristiyano noon ang magtatanong, ‘Sino nga ba talaga ang ginagamit ni Kristo para pakainin ang kaniyang mga tupa?’ Pero sa pagtatapos ng unang siglo, nagbago ang sitwasyon.
NANG DUMAMI ANG PANIRANG-DAMO AT KAUNTI LANG ANG TRIGO
13, 14. (a) Anong babala ang ibinigay ni Jesus, at kailan ito nagsimulang matupad? (b) Ano ang dalawang pagmumulan ng panganib? (Tingnan ang talababa.)
13 Inihula ni Jesus na ang Kristiyanong kongregasyon ay manganganib. Alalahanin na sa makahulang ilustrasyon tungkol sa trigo at panirang-damo, nagbabala si Jesus na ang bagong-tanim na bukid ng trigo (mga pinahirang Kristiyano) ay mahahasikan ng panirang-damo (mga huwad na Kristiyano). Sinabi niya na ang dalawang grupong ito ay hahayaang tumubo nang magkasama hanggang sa pag-aani, na darating sa “katapusan ng isang sistema ng mga bagay.” (Mat. 13:24-30, 36-43) Di-nagtagal, natupad ang mga sinabi ni Jesus.e
14 Nagsimulang lumitaw ang apostasya noong unang siglo, pero ‘nagsilbing pamigil’ sa impluwensiya ng mga huwad na turo ang mga tapat na apostol ni Jesus. (2 Tes. 2:3, 6, 7) Gayunman, pagkamatay ng huling apostol, nag-ugat at lumago ang apostasya habang tumutubong magkasama ang trigo at panirang-damo sa loob ng maraming siglo. Nang panahon ding iyon, dumami ang panirang-damo at kaunti lang ang trigo. Walang partikular na organisadong instrumento noon na naglalaan ng espirituwal na pagkain. Pero magbabago ang sitwasyon. Ang tanong ay, Kailan?
PANAHON NG PAG-AANI—SINO ANG MAGPAPAKAIN?
15, 16. Ano ang ibinunga ng masikap na pag-aaral ng mga Estudyante ng Bibliya? Anong tanong ang bumabangon?
15 Noong papatapos na ang panahon ng pagtubo ng trigo at panirang-damo, may mga naging interesado sa katotohanan ng Bibliya. Alalahanin na noong dekada ng 1870, isang maliit na grupong taimtim na naghahanap ng katotohanan ang nagtipun-tipon at bumuo ng mga klase sa Bibliya na hiwalay sa panirang-damo o mga huwad na Kristiyano na nasa mga simbahan at sekta ng Sangkakristiyanuhan. Palibhasa’y mapagpakumbaba at bukás ang isip, ang taimtim na mga Estudyante ng Bibliya na iyon, gaya ng tawag nila sa kanilang sarili, ay maingat at may-pananalanging nagsaliksik sa Kasulatan.—Mat. 11:25.
16 Nagbunga ang masikap na pag-aaral ng mga Estudyante ng Bibliya. Inilantad ng tapat na mga lalaki’t babaing ito ang mga maling doktrina at pinalaganap ang espirituwal na katotohanan; naglathala sila at namahagi ng mga salig-Bibliyang literatura. Maraming nagugutom at nauuhaw sa katotohanan ang naantig at nakumbinsi sa kanilang gawain. Kaya bumabangon ang isang tanong: Ang mga Estudyante ng Bibliya ba noong mga taon bago ang 1914 ang inatasan ni Kristo para pakainin ang kaniyang mga tupa? Hindi. Panahon pa noon ng pagtubo ng trigo at panirang-damo, at hindi pa handa ang grupong gagamitin ni Kristo para maglaan ng espirituwal na pagkain. Hindi pa panahon para ibukod ang mga huwad na Kristiyano mula sa mga tunay na Kristiyano.
17. Anong mahahalagang pangyayari ang nagsimulang maganap noong 1914?
17 Gaya ng napag-aralan natin sa nakaraang artikulo, nagsimula ang panahon ng pag-aani noong 1914. Sa taóng iyon, nagsimulang maganap ang ilang mahahalagang pangyayari. Iniluklok si Jesus bilang Hari, at nagsimula ang mga huling araw. (Apoc. 11:15) Mula 1914 hanggang sa mga unang buwan ng 1919, siniyasat at nilinis ni Jesus at ng kaniyang Ama ang espirituwal na templo.f (Mal. 3:1-4) Pagkatapos, noong 1919, nagsimula na ang pagtitipon sa trigo. Ito na ba ang panahon para mag-atas si Kristo ng isang organisadong instrumento na maglalaan ng espirituwal na pagkain? Oo!
18. Anong pag-aatas ang inihula ni Jesus na gagawin niya? Anong mahalagang tanong ang bumangon sa pasimula ng mga huling araw?
18 Sa kaniyang hula tungkol sa panahon ng kawakasan, inihula ni Jesus na mayroon siyang aatasang instrumento na maglalaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mat. 24:45-47) Aling instrumento iyon? Gaya ng ginawa ni Jesus noong unang siglo, muli niyang pakakainin ang marami sa pamamagitan ng iilan. Pero sa pasimula ng mga huling araw, ang mahalagang tanong ay, Sino ang iilan na iyon? Iyan at ang iba pang mga tanong tungkol sa hula ni Jesus ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
a Parapo 3: Sa isa pang pagkakataon, nang makahimalang pakainin ni Jesus ang 4,000 lalaki, bukod pa sa mga babae at bata, muli niyang ibinigay ang pagkain “sa mga alagad, ang mga alagad naman sa mga pulutong.”—Mat. 15:32-38.
b Parapo 7: Noong panahon ni Pedro, ang lahat ng “maliliit na tupa” na pakakainin ay may makalangit na pag-asa.
c Parapo 8: Yamang ang mga bagong mananampalataya ay ‘patuloy na nag-ukol ng kanilang sarili sa turo ng mga apostol,’ ipinakikita nito na ang mga apostol ay regular na nagtuturo. Ang ilan sa mga turo ng mga apostol ay permanenteng nakaulat sa kinasihang mga aklat na bahagi ngayon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.
d Parapo 12: Tumanggap din ng makahimalang mga kaloob ng espiritu ang ilang Kristiyano na hindi apostol. Pero lumilitaw na kadalasan, ipinapasa ito ng isang apostol o ipinagkakaloob habang presente ang isang apostol.—Gawa 8:14-18; 10:44, 45.
e Parapo 13: Ipinakikita ng sinabi ni apostol Pablo sa Gawa 20:29, 30 na dalawa ang pagmumulan ng panganib. Una, may mga huwad na Kristiyano (“panirang-damo”) na “papasok sa gitna” ng mga tunay na Kristiyano. Ikalawa, mula mismo sa mga tunay na Kristiyano, ang ilan ay magiging apostata at magsasalita ng “mga bagay na pilipit.”