PANGITAIN
Tanawin o pangyayaring inilalagay sa isip ng isang tao, maaaring sa araw o sa gabi, kadalasa’y sa di-pangkaraniwang paraan, at kung minsan, habang siya’y nasa kawalan ng diwa o kaya’y nananaginip. (Gaw 10:3; Gen 46:2) Kalimitan, mahirap matukoy ang pagkakaiba ng mga pangitain at ng mga panaginip na inilalarawan sa Bibliya, at kung minsa’y magkasama ang mga ito.
Kapag ang isang tao ay tumanggap ng pangitain mula sa Diyos habang siya’y gising, waring inilalagay iyon sa kaniyang may-malay na isip. Pagkatapos, maaari niyang alalahanin iyon at ilarawan o isulat gamit ang kaniyang sariling pananalita. May ilang indibiduwal, gaya nina Daniel at Nabucodonosor, na nagkaroon ng ‘mga pangitain sa gabi.’ Sa ganitong mga kaso, lumilitaw na ang pangitain ay inilagay sa walang-malay na isip ng isa habang siya’y natutulog.
Kawalan ng Diwa. Ito’y isang kalagayan ng matinding konsentrasyon o isang kalagayan kung saan ang isa ay parang natutulog. Lumilitaw na may mga pagkakataong ang espiritu ng Diyos ay naglagay sa isip ng isang tao ng isang larawan hinggil sa layunin ng Diyos o isang pangitain habang siya’y nasa ganitong kalagayan. Sa Kristiyanong Kasulatan, ang salitang Griego na isinalin bilang ‘kawalan ng diwa’ ay ekʹsta·sis. Literal itong nangangahulugan ng pagsasaisantabi o pag-aalis ng isang bagay mula sa kinalalagyan nito. Sa makasagisag na diwa, ito’y nangangahulugang alisin ang isip mula sa normal na kalagayan. Ang isang indibiduwal na nasa kawalan ng diwa ay walang kamalayan sa kaniyang aktuwal na kapaligiran at nasa kalagayang tumanggap ng pangitain.—Gaw 22:17, 18.
Katiyakan ng Pagsang-ayon ng Diyos. May mga pangitain na ibinigay ng Diyos upang isiwalat sa kaniyang mga lingkod kung paano siya makikitungo sa kanila at bilang katiyakan na sumasakanila ang kaniyang pagsang-ayon. Dumating ang salita ni Jehova kay Abram (Abraham) sa isang pangitain, at ganito ang katiyakang ibinigay sa patriyarka: “Huwag kang matakot, Abram. Ako ay kalasag para sa iyo. Ang iyong gantimpala ay magiging napakalaki.” (Gen 15:1) Pagkatapos ay nakipagtipan si Jehova kay Abraham. (Gen 15:2-21) Pagkaraan ng ilang panahon, nakipag-usap ang Diyos kay Jacob sa mga pangitain sa gabi at sinabihan siya na huwag matakot na bumaba sa Ehipto, sapagkat doon ay gagawin siya ng Diyos na isang dakilang bansa at sa dakong huli ay iaahon Niya siya mula sa lupaing iyon.—Gen 46:1-4; ihambing ang 2Sa 7:1-17; 1Cr 17:1-15.
Tagubilin sa Pagtupad ng Layunin ng Diyos. Ang ilang pangitain mula sa Diyos ay nagbigay ng mga tagubilin hinggil sa pagsasagawa ng kalooban ni Jehova. Pagkatapos magpakita kay Saul ng Tarso ang niluwalhating si Jesu-Kristo, at bagaman si Saul ay pansamantalang nabulag, nakita niya sa pangitain ang isang lalaki na nagngangalang Ananias na nagpatong ng mga kamay nito sa kaniya upang manumbalik ang kaniyang paningin. Sa pamamagitan din ng isang pangitain, si Ananias ay tinagubilinang pumunta sa mismong bahay na kinaroroonan ni Saul sa Damasco.—Gaw 9:1-19.
Sa Cesarea noong 36 C.E., ang taimtim na Gentil na si Cornelio ay tumanggap ng isang pangitain kung saan sinabihan siya ng isang anghel na magsugo ng mga lalaki sa Jope at ipatawag si Simon Pedro. (Gaw 10:1-8) Sa Jope, si Pedro ay nawala sa kaniyang diwa at sa isang pangitain ay nakita niyang bumababa mula sa langit ang isang sisidlan na may iba’t ibang maruruming hayop. Sa ganitong paraan, ipinaunawa sa apostol na huwag niyang ituring na marungis ang mga bagay na nilinis na ng Diyos. Inihanda nito si Pedro para pasimulan ang gawaing pangangaral ng mabuting balita sa di-tuling mga Gentil.—Gaw 10:9-23; 11:5-12.
Sa pamamagitan din ng mga pangitain, tumanggap si Pablo ng bigay-Diyos na mga tagubilin hinggil sa pangangaral. Sa Troas, noong ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, isang gabi ay nagkaroon ang apostol ng isang pangitain hinggil sa isang lalaking taga-Macedonia na namamanhik: “Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.” (Gaw 16:8-12) Nang maglaon, dahil sa isang nakapagpapatibay na pangitain sa gabi kung saan nakipag-usap sa kaniya ang Panginoon, ang apostol ay nanatili sa Corinto nang isang taon at anim na buwan upang magturo ng Salita ng Diyos.—Gaw 18:8-11.
Hula. Ang ilang pangitain mula sa Diyos ay makahula o tumutulong sa nakakita na mabigyang-pakahulugan ang mga hulang ibinigay sa pamamagitan ng mga pangitain at mga panaginip. Ang propetang si Daniel ay “nagkaroon ng unawa sa lahat ng uri ng pangitain at panaginip.” (Dan 1:17) Sa “isang pangitain sa gabi,” isiniwalat ng Diyos kay Daniel ang nilalaman at kahulugan ng panaginip ni Haring Nabucodonosor tungkol sa isang pagkalaki-laking imahen na lumalarawan sa mga kapangyarihang pandaigdig.—Dan 2:19, 28; ihambing ang Dan 4:5, 10, 13, 20-22.
Sa isang makahulang panaginip at sa “mga pangitain sa gabi,” nakakita si Daniel ng apat na ubod-laking hayop na umaahon mula sa dagat. Ipinahiwatig nito na may apat na “hari” na tatayo mula sa lupa. (Dan 7:1-3, 17) Nagkapribilehiyo rin ang propeta na makita sa pangitain “ang isang gaya ng anak ng tao” na tumanggap ng pamamahala, dangal, at kaharian mula sa Sinauna sa mga Araw.—Dan 7:13, 14.
Tumanggap din ng mga pangitain mula sa Diyos ang mga manunulat ng Bibliya na gaya nina Isaias (1:1; 6:1-13), Amos (7:1-9, 12; 8:1, 2), at Ezekiel (1:1). Ang kinasihan at makahulang kapahayagan ni Obadias laban sa Edom ay nagsisimula sa mga salitang: “Ang pangitain ni Obadias.” (Ob 1) Inilalahad naman ng “pangitain ni Nahum” ang kapahayagan laban sa Nineve.—Na 1:1.
Ang aklat ng Apocalipsis ay naglalaman ng sunud-sunod na mga pangitaing nakita ng matanda nang apostol na si Juan. Tamang-tama ang Griegong pangalan ng aklat, A·po·kaʹly·psis, na nangangahulugang “Paglalantad” o “Pagbubunyag,” sapagkat ang Apocalipsis ay naglalantad ng mga bagay-bagay at nagbubunyag ng mga mangyayari sa malayong hinaharap ng panahong isulat ito.—Apo 1:1, tlb sa Rbi8.
Mga Bulaang Pangitain. Bago mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., sinasalita ng mga bulaang propeta ng lunsod na iyon “ang pangitain ng kanilang sariling puso,” anupat ang kanilang mga mensahe ay hindi nagmula kay Jehova. (Jer 23:16) Yamang wala silang pangitain mula kay Jehova, walang kabuluhan ang mga pangitaing nakita nila. (Pan 2:9, 14) Dahil nagsalita sila ng kabulaanan at ‘nagpangitain ng kasinungalingan,’ si Jehova ay laban sa kanila.—Eze 13.
Inihula na may mga Makakakita ng mga Pangitain. Kabaligtaran ng mga bulaang pangitain, at bilang karagdagan sa bigay-Diyos na mga pangitaing natalakay na, kinasihan ng Diyos si Joel upang ihula na sa ilalim ng impluwensiya ng espiritu ng Diyos, ang mga kabataang lalaki ay ‘makakakita ng mga pangitain.’ (Joe 2:28) Ipinakita ni Pedro na natupad ito noong araw ng Pentecostes 33 C.E., nang ipagkaloob ang banal na espiritu sa mga tagasunod ni Jesu-Kristo at makahimala nilang ipinahayag sa maraming wika ang “mariringal na mga bagay ng Diyos.”—Gaw 2:1-4, 11, 15-17.