Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Hindi kaya ikinompromiso ni apostol Pablo ang kaniyang Kristiyanong pananampalataya nang sabihin niya sa harap ng Sanedrin: “Ako ay isang Pariseo”?
Upang maunawaan ang sinabi ni Pablo sa Gawa 23:6, kailangan nating isaalang-alang ang konteksto nito.
Matapos umugin ng mga Judio sa Jerusalem, nagsalita si Pablo sa mga tao. Sinabi niyang siya’y “nag-aral sa [Jerusalem] sa paanan ni Gamaliel, tinuruan ayon sa kahigpitan ng Kautusan ng mga ninuno.” Bagaman pansamantalang nakinig ang mga tao sa kaniyang pagtatanggol, tumindi ang kanilang galit nang bandang huli kung kaya dinala na ng guwardiyang kumandante ng militar si Pablo sa himpilan ng mga kawal. Nang hahampasin na sana siya, sinabi ni Pablo: “Matuwid bang hagupitin ninyo ang isang tao na isang Romano at hindi pa nahahatulan?”—Gawa 21:27–22:29.
Kinabukasan, dinala ng kumandante si Pablo sa harap ng mataas na hukuman ng mga Judio, ang Sanedrin. Pinagmasdan silang mabuti ni Pablo at nakita niya na ang Sanedrin ay binubuo ng mga Saduceo at Pariseo. Pagkaraan ay sinabi niya: “Mga lalaki, mga kapatid, ako ay isang Pariseo, isang anak ng mga Pariseo. Tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli ng mga patay ay hinahatulan ako.” Dahil dito, bumangon ang di-pagkakasundo sa pagitan ng mga Pariseo at mga Saduceo, “sapagkat sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay-muli ni anghel man ni espiritu, ngunit hayagang sinasabi ng mga Pariseo ang lahat ng mga iyon.” Ang ilan na kabilang sa pangkat ng mga Pariseo ay mainitang nakipagtalo: “Wala kaming masumpungang anumang kamalian sa taong ito.”—Gawa 23:6-10.
Yamang kilala bilang isang napakasigasig na Kristiyano, hindi layunin ni Pablo na kumbinsihin ang Sanedrin na siya’y isang aktibong Pariseo. Tiyak na hindi tatanggapin ng naroroong mga Pariseo ang mga nakikipagkompromiso o naninira. Kung gayon, may pantanging kahulugan ang sinabi ni Pablo tungkol sa pagiging Pariseo niya, at naunawaan ng naroroong mga Pariseo ang mga salita ni Pablo sa gayong konteksto.
Sa pagsasabing siya’y hinahatulan tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli ng mga patay, maliwanag na ang ibig sabihin ni Pablo ay na sa bagay na ito siya nakakatulad ng mga Pariseo. Anumang kontrobersiya mayroon sa paksang ito, si Pablo ay maaaring iugnay sa mga Pariseo sa halip na sa mga Saduceo, na hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli.
Ang paniniwala ni Pablo bilang Kristiyano ay hindi salungat sa paniniwala ng mga Pariseo sa mga bagay na may kinalaman sa pagkabuhay-muli, mga anghel, at ilang bahagi ng Kautusan. (Filipos 3:5) Kaya batay sa mga salik na ito, puwedeng iugnay ni Pablo ang kaniyang sarili sa mga Pariseo, at iyon naman mismo ang pagkaunawa ng mga naroroon sa Sanedrin sa kaniyang sinabi. Samakatuwid, ginamit lamang niya ang kaniyang dating pinagmulan upang harapin ang di-patas na mataas na hukuman ng mga Judio.
Gayunman, ang pinakamalaking katibayan na hindi ikinompromiso ni Pablo ang kaniyang pananampalataya ay ang patuloy na pagsang-ayon ni Jehova sa kaniya. Nang gabing iyon matapos sabihin ni Pablo na siya’y Pariseo, sinabi ni Jesus: “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paanong lubusan mong pinatototohanan ang mga bagay tungkol sa akin sa Jerusalem, gayon ka rin magpapatotoo sa Roma.” Yamang taglay ni Pablo ang pagsang-ayon ng Diyos, masasabi nating hindi ikinompromiso ni Pablo ang kaniyang Kristiyanong pananampalataya.—Gawa 23:11.