MIRA, II
Isang pangunahing lunsod sa probinsiya ng Licia. Ang Mira ay malapit sa baybayin ng TK Asia Minor at nasa isang burol na mga 3 km (2 mi) mula sa pampang ng ilog ng Andracus. Ang lugar na ito ay kilala ngayon bilang Demre. Lumilitaw na saklaw ng sinaunang pangalang Mira kapuwa ang lunsod at ang magandang daungan nito.
Bilang isang bilanggo na patungong Roma, ang apostol na si Pablo ay naglayag mula sa Cesarea, dumaan sa Sidon, at dumating sa Mira. Doon, siya at ang kaniyang mga kasamahan ay kinailangang lumipat sa isang barkong mula sa Alejandria na may lulang mga butil at maglalayag patungong Italya. (Gaw 27:1-6, 38) Ang Mira ay nasa mismong H ng Alejandria kung kaya maaaring kasama ito sa regular na ruta ng mga barkong galing sa Ehipsiyong lunsod na iyon. O kaya naman, maaaring dahil sa pasalungat na hangin (Gaw 27:4, 7) ay napilitang magbago ng direksiyon ang barkong mula sa Alejandria at dumaong ito sa Mira.
Sa Gawa 21:1, ang ilang sinaunang teksto ay nagdagdag ng “at Mira” pagkatapos ng “Patara.” (Tingnan ang mga tlb sa JB, NE, RS.) Bagaman hindi naman ito salungat sa ibang bahagi ng ulat, walang sapat na katibayan upang matiyak kung ang pangalang Mira ay aktuwal na lumitaw sa orihinal na manuskrito.