“Umaapela Ako kay Cesar!”
SINUNGGABAN ng mga mang-uumog ang isang lalaking walang kalaban-laban at sinimulan siyang bugbugin. Sa palagay nila ay karapat-dapat siyang mamatay. Nang ang lalaki ay tiyak na mapapatay na ng mga mang-uumog, ang mga kawal ay dumating at inagaw nang may kahirapan ang biktima mula sa marahas na pulutong. Ang lalaki ay si apostol Pablo. Ang mga sumalakay sa kaniya ay mga Judio na galít na galít na tumututol sa pangangaral ni Pablo at inaakusahan siya na dinudungisan niya ang templo. Ang kaniyang mga tagapagligtas ay mga Romano, sa pangunguna ng kanilang kumandante, si Claudio Lisias. Sa kalituhan, si Pablo ay dinakip bilang isang pinaghihinalaang kriminal.
Binuod ng huling pitong kabanata ng aklat ng Mga Gawa ang kaso na nagsimula sa pagdakip na iyon. Ang pagkaunawa sa kaalaman ni Pablo sa batas, ang mga paratang laban sa kaniya, ang kaniyang pagtatanggol, at ang pamamaraan ng mga Romano sa pagpaparusa ay nagbibigay sa atin ng higit na unawa sa mga kabanatang ito.
Sa Pangangalaga ni Claudio Lisias
Kalakip sa mga tungkulin ni Claudio Lisias ay panatilihin ang katiwasayan sa Jerusalem. Ang nakatataas sa kaniya, ang Romanong gobernador ng Judea, ay naninirahan sa Cesarea. Ang pagkilos ni Lisias sa kaso ni Pablo ay maaaring unawain bilang proteksiyon sa isang indibiduwal mula sa karahasan at pagbilanggo sa isang manggugulo ng kapayapaan. Ang pagtugon ng mga Judio ang nagpakilos kay Lisias na dalhin ang kaniyang bilanggo sa kuwartel ng mga sundalo sa Tore ng Antonia.—Gawa 21:27–22:24.
Kailangang malaman ni Lisias kung ano ang nagawa ni Pablo. Noong nagaganap ang malaking kaguluhan, wala siyang napag-alaman. Kaya wala nang kuskós-balungos, iniutos niya na si Pablo ay ‘siyasatin sa pamamagitan ng panghahagupit, upang malaman niya kung bakit sumisigaw sila laban kay Pablo.’ (Gawa 22:24) Ito ay isang karaniwang pamamaraan upang makakuha ng ebidensiya mula sa mga kriminal, alipin, at iba pa na may mababang ranggo. Maaaring epektibo ang panghagupit (flagrum) sa layuning iyan, subalit ito’y isang nakapanghihilakbot na instrumento. Ang ilan sa mga panghagupit na ito ay may kasamang mga bolang metal na nakalawit sa mga tanikala. Ang iba naman ay may mga taling balat na nilagyan ng matatalas na buto at mga piraso ng metal. Ito’y nagdudulot ng napakakirot na mga sugat, na pumupunit sa laman sa maliliit na piraso.
Sa puntong iyon, inihayag ni Pablo ang kaniyang pagkamamamayang Romano. Ang isang Romano na hindi pa nahatulan ay hindi maaaring hagupitin, kaya ang sinabi ni Pablo tungkol sa kaniyang mga karapatan ay may kagyat na epekto. Maaaring maalis sa puwesto ang isang opisyal na Romano dahil sa pagmamalupit o pagpaparusa sa isang mamamayang Romano. Mauunawaan naman, mula noon, si Pablo ay itinuring na isang di-pangkaraniwang bilanggo, isa na maaaring tumanggap ng mga bisita.—Gawa 22:25-29; 23:16, 17.
Palibhasa’y di-nakatitiyak sa mga paratang, dinala ni Lisias si Pablo sa harap ng Sanedrin upang maipaliwanag ang malaking kaguluhan. Ngunit pinasiklab ni Pablo ang isang kontrobersiya nang sabihin niya na siya’y hinatulan dahil sa isyu ng pagkabuhay-muli. Ang di-pagkakasundo ay napakalubha anupat natakot si Lisias na baka pagluluray-lurayin si Pablo, at muling napilitan si Lisias na agawin siya mula sa galít na mga Judio.—Gawa 22:30–23:10.
Hindi ibig ni Lisias na managot sa kamatayan ng isang mamamayang Romano. Kaya, nang mabatid ang isang pakanang pagpatay, karaka-raka niyang ipinadala ang kaniyang bilanggo sa Cesarea. Hinihiling ng legal na mga pamamaraan na isama ang mga ulat na nagsasaad sa kaso ng mga bilanggo kapag ipinadala ang mga ito sa nakatataas na mga awtoridad ng hukuman. Kalakip sa mga ulat na ito ang mga resulta ng unang mga pagsisiyasat, ang mga dahilan sa ginawang hakbang, at ang kuru-kuro ng imbestigador sa kaso. Iniulat ni Lisias na si Pablo ay ‘inakusahan may kinalaman sa mga katanungan tungkol sa Kautusan ng mga Judio, hindi ng isang bagay na karapat-dapat sa kamatayan o sa mga gapos,’ at inutusan niya ang mga tagapag-akusa ni Pablo na iharap ang kanilang mga reklamo sa prokurador, si Felix.—Gawa 23:29, 30.
Nabigo si Gobernador Felix na Magbaba ng Hatol
Ang hurisdiksiyon ng lalawigan ay nakasalig sa kapangyarihan at awtoridad ni Felix. Maaari niyang sundin ang lokal na kaugalian kung gusto niya o sundin ang itinakdang batas sa isang kriminal—na kapit sa mga prominenteng miyembro ng lipunan at mga opisyal ng pamahalaan. Iyon ay kilalá bilang ang ordo, o talaan. Maaari din niyang gamitin ang extra ordinem na hurisdiksiyon, upang mapagpasiyahan ang anumang krimen. Ang isang gobernador ng lalawigan ay inaasahan na ‘isasaalang-alang hindi ang kung ano ang ginawa sa Roma, kundi kung ano ang dapat na gawin sa pangkalahatan.’ Kaya, malaki ang nakasalalay sa kaniyang paghatol.
Hindi lahat ng mga detalye ng batas ng sinaunang Roma ay hayag, ngunit ang kaso ni Pablo ay itinuturing “na isang huwarang ulat ng panlalawigang batas sa pagpaparusa sa pamamaraang extra ordinem.” Ang gobernador, na tinutulungan ng mga tagapayo, ay makikinig sa mga paratang ng pribadong mga indibiduwal. Ang nasasakdal ay tatawagin upang harapin ang kaniyang tagapag-akusa, at maaari niyang ipagtanggol ang kaniyang sarili, ngunit tungkulin ng nagsasakdal na patunayan ang kaniyang mga paratang. Ipinapataw ng mahistrado ang anumang kaparusahan na inaakala niyang angkop. Maaari siyang magpasiya kaagad o ipagpaliban ang paghatol nang walang takdang panahon, na sa kalagayang iyon ang nasasakdal ay ibibilanggo. “Walang alinlangan,” ang sabi ng iskolar na si Henry Cadbury, “na sa pagtataglay ng gayong lubos na kapangyarihan, ang prokurador ay nasa kalagayan na magbigay-daan sa ‘hindi nararapat na impluwensiya’ at tumanggap ng suhol—alinman upang magpawalang-sala, upang magparusa, o kaya’y ipagpaliban muna ang paghatol.”
Sa harap ni Felix, pormal na inakusahan ng mataas na saserdoteng si Ananias, ng matatandang lalaki ng mga Judio, at ni Tertulo si Pablo na ‘isang salot na nagsulsol ng mga sedisyon sa gitna ng mga Judio.’ Sinabi nila na siya ang pasimuno ng “sekta ng mga Nazareno” at na tinangka niyang lapastanganin ang templo.—Gawa 24:1-6.
Inakala ng unang mga sumalakay kay Pablo na inakay niya ang Gentil na pinanganlang Trofimo sa looban na para lamang sa mga Judio.a (Gawa 21:28, 29) Ang totoo, ang sinasabing pumasok ng walang pahintulot ay si Trofimo. Ngunit kung binigyang-kahulugan ng mga Judio ang di-umano’y pagkilos ni Pablo bilang pagtulong sa pagkakamali, ito rin ay maaaring malasin na isang kasalanan na may parusang kamatayan. At ang Roma ay waring pumayag na kilalanin ang parusang kamatayan para sa krimeng ito. Kaya kung ang dumakip kay Pablo ay ang mga pulis na Judio sa templo sa halip na si Lisias, maaaring nilitis na siya at hinatulan ng Sanedrin nang walang suliranin.
Ang mga Judio ay nangatuwiran na ang itinuturo ni Pablo ay hindi Judaismo, o isang legal na relihiyon (religio licita). Sa halip, iyon ay dapat ituring na ilegal, at subersibo pa nga.
Sinabi rin nila na si Pablo ay “nagsusulsol ng mga sedisyon sa gitna ng lahat ng mga Judio sa lahat ng dako ng tinatahanang lupa.” (Gawa 24:5) Katatapos pa lamang tuligsain noon ni Emperador Claudio ang mga Judio sa Alexandria dahil sa “panunulsol ng isang pansansinukob na salot sa buong daigdig.” Kapansin-pansin ang pagkakahawig. “Ganitung-ganito ang ipinaratang sa isang Judio noong Principate (Pamamahala) ni Claudio o nang unang mga taon ni Nero,” sabi ng istoryador na si A. N. Sherwin-White. “Sinisikap ng mga Judio na himukin ang gobernador na malasin ang pangangaral ni Pablo na katumbas ng paglikha ng mga kaguluhang sibil sa lahat ng mamamayang Judio sa Imperyo. Alam nila na ang mga gobernador ay ayaw humatol sa relihiyosong mga paratang lamang kung kaya sinikap nilang lagyan ng bahid ng pulitika ang relihiyosong paratang.”
Ipinagtanggol ni Pablo ang kaniyang sarili sa bawat punto. ‘Hindi ako nagpasimula ng kaguluhan. Totoo, kasapi ako sa tinatawag nilang “sekta,” ngunit nagpapahiwatig ito ng pagtupad sa mga alituntunin ng mga Judio. Ang ilang mga Judio sa Asia ang pumukaw ng kaguluhan. Kung may sumbong sila, dapat ay naririto sila upang gawin ito.’ Sadyang pinagaan ni Pablo ang mga paratang tungo sa isang relihiyosong pagtatalo sa gitna ng mga Judio, na tungkol dito ay walang gaanong nalalaman ang Roma. Palibhasa’y nag-iingat na huwag mayamot ang dati nang maligalig na mga Judio, ipinagpaliban ni Felix ang paglilitis, sa gayo’y halos nagawa niyang pansamantalang patigilin ang paghatol. Si Pablo ay hindi ibinigay sa mga Judio, na nag-aangkin na may kakayahan, ni nahatulan man siya ayon sa batas ng mga Romano, ni pinalaya siya. Si Felix ay hindi maaaring pilitin na magbaba ng hatol, at maliban pa sa pagnanais na makamit ang pabor ng mga Judio, may iba pa siyang motibo sa pagpapaliban—umaasa siya na susuhulan siya ni Pablo.—Gawa 24:10-19, 26.b
Ang Malaking Pagbabago sa Ilalim ni Porcio Festo
Sa Jerusalem pagkalipas ng dalawang taon, inulit muli ng mga Judio ang kanilang mga paratang sa pagdating ni Porcio Festo, ang bagong gobernador, na hinihiling na si Pablo ay ibigay sa kanilang hurisdiksiyon. Ngunit si Festo ay buong katigasang tumugon: “Hindi pamamaraang Romano na ibigay ang sinumang tao bilang pabor bago makaharap ng taong akusado nang mukhaan ang mga tagapag-akusa sa kaniya at magkaroon ng pagkakataong magsalita bilang pagtatanggol sa kaniyang sarili may kinalaman sa reklamo.” Sinabi ng istoryador na si Harry W. Tajra: “Agad nakita ni Festo na isang paghatol nang walang paglilitis ang pinaplano laban sa isang mamamayang Romano.” Kaya ang mga Judio ay inutusan na iharap ang kanilang kaso sa Cesarea.—Gawa 25:1-6, 16.
Doon ay iginiit ng mga Judio na si Pablo ay ‘hindi na dapat pang mabuhay,’ gayunman wala silang iniharap na katibayan, at napag-unawa ni Festo na si Pablo ay walang nagawang anuman na karapat-dapat sa kamatayan. “Mayroon lamang silang ilang pakikipagtalo sa kaniya may kinalaman sa kanilang sariling pagsamba sa bathala at may kinalaman sa isang Jesus na patay na ngunit patuloy na iginigiit ni Pablo na buháy,” ang paliwanag ni Festo sa isa pang opisyal.—Gawa 25:7, 18, 19, 24, 25.
Maliwanag na si Pablo ay inosente sa anumang pulitikal na paratang, subalit sa relihiyosong pagtatalo, ang mga Judio ay malamang na nangatuwirang ang hukuman nila ang tanging may kakayahan na lumitis nito. Pupunta kaya si Pablo sa Jerusalem ukol sa paghatol sa mga bagay na ito? Tinanong ni Festo si Pablo kung ibig niyang gawin yaon, ngunit sa katunayan iyon ay di-angkop na panukala. Ang pagbabalik ng kaso sa Jerusalem kung saan ang mga nag-aakusa ang magiging mga hukom ay mangangahulugang si Pablo ay isusuko sa mga Judio. “Nakatayo ako sa harap ng luklukan ng paghatol ni Cesar, kung saan ako dapat hatulan,” ang sabi ni Pablo. “Wala akong ginawang anumang mali sa mga Judio . . . Walang sinumang tao ang makapagbibigay sa akin sa kanila bilang pabor. Umaapela ako kay Cesar!”—Gawa 25:10, 11, 20.
Sinuspinde ng gayong pananalitang binigkas ng isang Romano ang lahat ng hurisdiksiyong panlalawigan. Ang kaniyang karapatan na umapela (provocatio) ay “mapananaligan, komprehensibo, at epektibo.” Kaya pagkatapos na sumangguni sa kaniyang mga tagapayo hinggil sa teknikalidad, ipinahayag ni Festo: “Kay Cesar ka umapela; kay Cesar ka paroroon.”—Gawa 25:12.
Si Festo ay natuwa na mawala si Pablo sa kaniyang pananagutan. Tulad ng kaniyang inamin kay Herodes Agripa II mga ilang araw pagkaraan, ang kaso ay nakagulo sa isipan niya. Sa gayon ay kinailangan ni Festo na gumawa ng ulat ng kaso para sa emperador, ngunit para kay Festo, ang mga paratang ay nagsasangkot ng masalimuot na batas ng mga Judio na mahirap maintindihan. Gayunman, si Agripa ay eksperto sa gayong mga bagay, kaya nang magpahayag na siya’y interesado, agad siyang hinilingan na tumulong sa paggawa ng sulat. Nang hindi maunawaan ang sumunod na pahayag ni Pablo sa harap ni Agripa, si Festo ay sumigaw: “Nababaliw ka, Pablo! Itinutulak ka ng malaking kaalaman tungo sa kabaliwan!” Ngunit ito’y lubos na nauunawaan ni Agripa. “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano,” ang sabi niya. Anuman ang kanilang nadama tungkol sa mga argumento ni Pablo, nagkasundo sina Festo at Agripa na si Pablo ay inosente at maaaring napalaya na sana kung hindi siya umapela kay Cesar.—Gawa 25:13-27; 26:24-32.
Ang Wakas ng Isang Hudisyal na Paglalakbay
Pagdating sa Roma, ipinatawag ni Pablo ang mga pangunahing lalaki ng mga Judio hindi lamang upang mangaral sa kanila kundi upang malaman din kung ano ang nalalaman nila tungkol sa kaniya. Ito’y maaaring magsiwalat ng mga intensiyon ng kaniyang mga tagausig. Karaniwan na para sa mga awtoridad sa Jerusalem na hingin ang tulong ng mga Romanong Judio sa paglilitis ng isang kaso, ngunit nabalitaan ni Pablo na wala silang mga tagubilin tungkol sa kaniya. Samantalang naghihintay ng paglilitis, pinahintulutan si Pablo na umupa ng isang bahay at mangaral nang malaya. Ang gayong kaluwagan ay maaaring mangahulugan na sa opinyon ng mga Romano, si Pablo ay isang inosenteng tao.—Gawa 28:17-31.
Si Pablo ay nanatiling nakakulong nang dalawa pang taon. Bakit? Walang ibinibigay na detalye ang Bibliya. Ang isang umaapela ay kadalasang ikinukulong hanggang sa magpakita ang kaniyang mga tagausig upang maghabla, ngunit marahil ang mga Judio sa Jerusalem, palibhasa’y kinikilala ang kahinaan ng kanilang kaso, ay hindi kailanman dumating. Marahil ang pinakamabisang paraan upang patahimikin si Pablo hangga’t maaari ay ang hindi pagsipot. Anuman ang dahilan, lumilitaw na humarap si Pablo kay Nero, ipinahayag na inosente, at sa wakas ay pinalaya upang maipagpatuloy ang kaniyang gawaing misyonero—mga limang taon pagkaraan ng pagdakip sa kaniya.—Gawa 27:24.
Ang mga kalaban ng katotohanan ay matagal nang ‘kumakatha ng kasamaan sa pamamagitan ng batas’ upang hadlangan ang Kristiyanong gawaing pangangaral. Hindi natin dapat pagtakhan ito. Sinabi ni Jesus: “Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” (Awit 94:20, King James Version; Juan 15:20) Gayunman, ginagarantiyahan din sa atin ni Jesus ang kalayaan na ipahayag sa buong sanlibutan ang mabuting balita. (Mateo 24:14) Kaya, kung paano nilabanan ni apostol Pablo ang pag-uusig at pagsalansang, ‘ipinagtatanggol at legal na itinatatag [ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon] ang mabuting balita.’—Filipos 1:7.
[Mga talababa]
a Isang magarbong balustradang bato, na may tatlong siko ang taas, ang naghihiwalay sa Looban ng mga Gentil mula sa pinakaloob na looban. Sa mga pagitan ng pader na ito ay may mga babala, ang ilan ay sa Griego at ang ilan ay sa Latin: “Huwag pahintulutang pumasok ang mga banyaga sa loob ng hangganan at bakuran sa palibot ng santuwaryo. Sinuman ang mahuli ay mananagot sa kaniyang magiging kamatayan.”
b Siyempre pa, ito ay ilegal. Ang isang reperensiya ay nagsasabi: “Sa ilalim ng batas sa pangingikil, ang Lex Repetundarum, sinuman na nasa katungkulan ng kapangyarihan o pamamahala ay pinagbabawalan na humingi o tumanggap ng suhol para igapos man o kalagan ang isang tao, hatulan o hindi o kaya’y palayain ang isang bilanggo.”