Paglutas Magpakailanman sa Pansansinukob na Isyu
“Si Jehova mismo sa iyong kanang kamay ang tiyak na dudurog sa mga hari sa araw ng kaniyang galit.”—AWIT 110:5.
1, 2. Noong taóng 70 C.E., anong pangyayari ang maaaring naging dahilan ng pag-aalinlangan sa pansansinukob na soberanya ng Diyos na Jehova, ngunit noon, ay kanino ibinaling ng Diyos na Jehova ang kaniyang pansin?
ANG pansansinukob na soberanya ng Maylikha ng langit at lupa ang pangunahing isyu na nakaharap sa mga tao at sa mga anghel. Di-magtatagal, ang isyu ay lulutasin magpakailanman, ngunit sa loob ng maraming daan-daang taon si Jehova ay hinamon ng kaniyang mga kaaway sa kaniyang pagkasoberano. Totoo, ang pagkapuksa ng lunsod ng Jerusalem noong 70 C.E. kasama na ang kaniyang templo na inialay kay Jehova ay maaaring naging dahilan ng pag-aalinlangan sa pansansinukob na soberanya ng Maylikha. Gayunman, may makatuwirang dahilan kung bakit noon ay hindi minarapat ni Jehova na maging isang mandirigmang Diyos alang-alang sa likas na Israel.
2 Ano ba ang dahilan? Noon ang kaniyang pansin ay ibinaling ng Diyos na Jehova sa isang bagong bansa, isang espirituwal na Israel, “ang Israel ng Diyos,” gaya ng tawag ni apostol Pablo sa kongregasyon ni Jesu-Kristo. (Galacia 6:16) Ngunit, sa buong panahon ng tinatawag na Panahong Kristiyano, ang espirituwal na Israel ay hindi ipinakipagbaka ni Jehova bilang isang mandirigmang Diyos sa katulad na paraan nang kaniyang ipakipagbaka ang likas na Israel sa ilalim ng tipang Kautusan Mosaiko. Pinahintulutan pa man din niya ang mga kawal Romano, sa sulsol ng mga Judio, na si Jesu-Kristo’y patayin sa isang pahirapang tulos sa Kalbaryo. Iyan ay 37 taon bago naganap ang ikalawang pagpuksa sa Jerusalem ng mga Romano, noong 70 C.E.
3, 4. Mula nang kaarawan ni Moises hanggang kay Haring Ezekias, papaano ipinakita ng Diyos na siya’y isang mandirigma, ngunit sa kaso ng espirituwal na mga Israelita, ano ba ang naging totoo tungkol sa kaniyang pakikipaglaban at sa kanilang pakikipaglaban?
3 Mula noong kaarawan ni propeta Moises hanggang sa paghahari ni Haring Ezekias ng Jerusalem, ang bansang Israel ay makahimalang ipinakipaglaban ng Diyos na Jehova, at ang mga Israelita ay nakipaglaban sa ilalim ng kaniyang kapamahalaan taglay ang mga armas na pamatay. (Deuteronomio 1:30; 3:22; 20:3, 4; Josue 10:42) Subalit hindi ganiyan sa kaso ng espirituwal na Israel! Mula ng kamatayan ni Jesu-Kristo sa labas ng Jerusalem hanggang sa ating Common Era (Panlahatang Panahon), hindi minarapat ng mandirigmang Diyos na ito na makipaglaban sa literal na paraan alang-alang sa Israel ng Diyos. Katumbas nito, hindi niya binigyang-karapatan ang espirituwal na mga Israelita na bumubuo ng kongregasyong Kristiyano upang makipaglaban sa pamamagitan ng materyal na mga sandata sa digmaan. Ang mga Kristiyano ay may ibang uri ng pakikipaglaban.
4 Kasuwato nito, isa sa mga pangunahing tagapaglaban ukol sa pananampalatayang Kristiyano ay sumulat sa mga kapuwa Kristiyano sa Corinto, Gresya: “Ang mga sandata ng aming pakikipaglaban ay hindi ukol sa laman, ngunit pinaging makapangyarihan ng Diyos upang maggiba ng matitibay ang pagkatatag na mga bagay. Sapagkat aming iginigiba ang mga pangangatuwiran at bawat matayog na bagay na ipinagmamataas laban sa kaalaman ng Diyos; at binibihag namin ang bawat kaisipan upang gawing masunurin sa Kristo; at kami’y nangahahanda upang magparusa sa bawat pagsuway, sa sandaling ang inyong sariling pagtalima ay lubusang naisagawa na.” (2 Corinto 10:4-6) Sa liham ding ito sa may unahan nito, binanggit ni Pablo “ang mga sandata ng katuwiran sa kanan at sa kaliwa.”—2 Corinto 6:7; tingnan din ang Efeso 6:11-18.
Si Jehova’y Makikipagbaka sa Armagedon
5. Sa halamanan ng Getsemani, ano ang paninindigan ni Jesus tungkol sa paggamit ng materyal na mga armas sa pagdidepensa sa sarili, at anong hakbangin ng pagkilos ang sinusunod ng kaniyang mga alagad?
5 Nang si Jesu-Kristo’y nasa lupa, kailanman ay hindi siya gumamit ng mga armas na pamatay sa pagdidepensa sa sarili. Noong gabi na siya’y ipagkanulo sa halamanan ng Getsemani, ang kaniyang nakatalagang alagad na si Simon Pedro ay humugot ng isang tabak at tinagpas ang tainga ng utusan ng mataas na saserdoteng Judio. Ngunit makahimalang isinauli ang taingang iyon sa kaniyang dako at ang sabi: “Lahat ng humahawak ng tabak ay sa tabak mamamatay. O inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama upang padalhan ako sa mga sandaling ito ng mahigit sa labindalawang pulutong na mga anghel? Kung ganoon, papaano nga matutupad ang Kasulatan na nagsasabing ganito kailangang mangyari iyon?” (Mateo 26:52-54) Sa harap ng lahat ng ito, ang mga tunay na tumutulad sa mapagsakripisyong Anak ng Diyos ay nananatili sa kanilang pagkaneutral, kapuwa tuwiran at di-tuwiran, pagka dumating na sa makasanlibutang mga digmaan.—Juan 17:16; 18:36.
6. Sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa Armagedon, ano ang magiging paninindigan ng mga Saksi ni Jehova?
6 Kung gayon, dito’y kailangang babalaan ang mga bansa na sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa “dakong tinatawag sa Hebreo na Har–Magedon,” ang mga Saksi ni Jehova ay hindi sasali sa labanan. Iyan ay kanilang ipauubaya sa mandirigmang Diyos, “si Jehova ng mga hukbo,” kasama pati ang kaniyang mga hukbo ng mga anghel sa ilalim ng pangunguna ni Jesu-Kristo.—Apocalipsis 16:14-16; 19:11-21; Awit 84:12.
Halos Oras Na Para Ipagpatuloy ni Jehova ang Kaniyang Pakikipaglaban
7. Bilang isang Diyos na mandirigma, anong ranggo ang ikinapit kay Jehova, at ganiyan ba rin ang kaniyang ranggo?
7 Ang Diyos ng sinaunang Israel ay nakilala at tinawag na Jehova tseva·’ohthʹ, o si Jehova ng mga hukbo. (1 Samuel 1:3, 11) Sa Roma 9:29 (King James Version) tinutukoy ng Kristiyanong apostol na si Pablo ang Isaias 1:9 at sumulat: “Kung hindi nag-iwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng Sabaoth, tayo’y naging katulad sana ng Sodoma, at naging gaya ng Gomorra.” Gayundin, ang Kristiyanong alagad na si Santiago ay sumulat: “Ang mga hibik ng mga nagsiani ay nagsipasok sa mga pakinig ng Panginoon ng sabaoth.” (Santiago 5:4, KJ; American Standard Version) Kaya sa Diyos ay ikinapit ni Pablo at ni Santiago ang ranggong si Jehova ng mga hukbo noong unang siglo ng ating Common Era (Panlahatang Panahon). Noong sumunod na 18 siglo, ang Diyos ay hindi lumalahok sa literal na pakikidigma alang-alang sa espirituwal na Israel, ang Israel ng Diyos, di gaya ng ginawa niya para sa sinaunang Israel, gayunman siya pa rin si Jehova ng mga hukbo.
8-10. (a) Sino ang nagbigay-kapangyarihan para sa digmaan sa langit, at bakit si Miguel ang pangunahing may kapangyarihan na makipagdigma? (b) Ano ang naging resulta ng digmaan sa langit, at gaanong panahon ang natitira bago sumapit ang digmaan ng dakilang araw ni Jehova?
8 Sa pagsilang ng Mesiyanikong Kaharian noong 1914 sa katapusan ng “mga panahon ng mga Gentil,” nagsiklab ang digmaan sa makalangit na sakop ng Diyos na Jehova. (Lucas 21:24, KJ) Sino ang nagbigay-kapangyarihan para sa digmaang iyon? Ang Diyos na Jehova mismo. Ang kaniyang iniluklok na Anak ay sinugo niya sa larangan ng labanan sa ilalim ng pangalang Miguel sapagkat ang Isang ito ang pangunahing may kapangyarihan na sagutin ang tanong na nakapaloob sa pangalang iyan, samakatuwid nga, “Sino ang Gaya ng Diyos?” Si Miguel ay agad namang kumilos bilang ang tagapaglabang kinatawan ni Jehova ng mga hukbo.
9 Kasuwato nito, mababasa natin sa Apocalipsis 12:7-10: “At sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipaglaban ngunit hindi nanganalo, ni nakasumpong pa man ng dako para sa kanila sa langit. Kaya’t inihagis sa ibaba ang dakilang dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya. At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsasabi: ‘Ngayon ay dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang kapamahalaan ng kaniyang Kristo, sapagkat ang tagapagparatang sa ating mga kapatid ay inihagis na.’ ”
10 Sa ngayon, mahigit na 70 taon pagkatapos ng digmaang iyan sa langit, “isang maikling yugto ng panahon” na lamang ang natitira bago sumiklab ang digmaan ng dakilang araw ni Jehova at buong linaw na ipakilala ng Diyos na siya’y si Jehova ng mga hukbo sa kasalukuyang lahi ng sangkatauhan.—Apocalipsis 12:12; Zacarias 14:3.
Ang Tagapaglaban Para sa Pagbabangong-Puri ni Jehova
11. Anong takdang panahon ang hinihintay ng nalabi ng munting kawan at ng malaking pulutong, at ano ang sa panahong yao’y buong-pagsasaya na papupurihan nila?
11 Kinasihan ang pantas na si Haring Solomon ng sinaunang Israel na sumulat: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon, samakatuwid baga’y panahon sa bawat pangyayari sa silong ng langit: . . . panahon para sa digmaan at panahon para sa kapayapaan.” (Eclesiastes 3:1-8) Sa lupa ang mga alagad ng nagpupunong Hari na “lalong dakila kaysa kay Solomon” ay naghihintay ng panahon at ng pagkakataon upang Kaniyang pangunahan ang nagtagumpay na mga anghel sa langit tungo sa labanan sa Har–Magedon. (Mateo 12:42; Apocalipsis 19:11-16) Doon siya’y “magpapastol [sa mga bansa] sa pamamagitan ng panghampas na bakal,” at dudurugin sila “sa pamamagitan ng setrong bakal.” (Apocalipsis 19:15; Awit 2:9) Papupurihan ng kaniyang mapayapa, iniligtas na mga alagad ang kaniyang kagila-gilalas na pagliligtas sa kanila! Kasali na rito kapuwa ang nalabi ng “munting kawan” ng kaniyang mga kasamang tagapagmana ng Kaharian at ang “malaking pulutong” ng kaniyang “mga ibang tupa” na may pag-asang manahin nila ang Paraisong lupa sa ilalim ng kaniyang mapayapang paghahari na isang libong taon. (Lucas 12:32; Apocalipsis 7:9-17; Juan 10:16) Buong-pagsasaya, “sa ilalim ng mismong anino ng Isang Makapangyarihan-sa-lahat,” kanilang papupurihan ang umaalingawngaw na tagumpay ng Pastol-Hari, si Jesu-Kristo, bilang pagbabangong-puri ng pansansinukob na soberanya ng Diyos na Jehova.—Awit 91:1.
12. Buhat saan natatanaw nang unti-unti ang digmaang nakaumang sa mga bansa, at ano ang magiging resulta sang-ayon sa Awit 68:1, 2?
12 Hindi kalabisang sabihin, na ngayon ang digmaang iyan buhat sa kabila pa roon ng nararating ng tao at gagamitan ng sigurado kung tumama na mga armas at higit na mapangwasak kaysa kaniyang mga bombang nuklear ang unti-unting natatanaw na nakaumang sa lahat ng mga bansa sa lupa, nasa loob man o nasa labas ng organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa. Pakinggan: “Bumangon nawa ang Diyos, mangalat ang kaniyang mga kaaway, at silang may matinding pagkapoot sa kaniya ay magsitakas sa harap niya. Kung papaanong napaparam ang usok, gayon sila mapaparam; kung papaanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy, gayon mapaparam ang mga balakyot sa harap ng Diyos.”—Awit 68:1, 2.
13. Samantalang pinaghahandaan ang digmaan, sino ang kinakausap sa pananalita ng Awit 45:1-6 na ngayo’y totoong napapanahon na?
13 Kasalukuyang pinaghahandaan na ang digmaan na ulos sa lahat ng digmaan. Bilang pangunahing Tagapaglaban sa panig ng Diyos, ang Tagapagbaka ukol sa pagbabangong-puri kay Jehova ay kinakausap sa sumusunod na pananalitang kinasihan na isulat ng isang miyembro ng bansang Israel: “Ikaw nga ay lalong maganda kaysa mga anak ng mga tao. Biyaya ay nabubuhos sa iyong mga labi. Kaya’t pinagpala ka ng Diyos hanggang sa panahong walang-takda. Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, Oh makapangyarihan, kalakip ang iyong kaluwalhatian at ang iyong kamahalan. At sa iyong kamahalan ay humayo ka na nagtatagumpay; sumakay ka alang-alang sa katotohanan at sa kababaang-loob at sa katuwiran, at ang iyong kanan ay magtuturo sa iyo ng kakila-kilabot na mga bagay. Ang iyong mga palaso ay matutulis—ang mga bayan ay patuloy na nabubuwal sa ilalim mo—sa puso ng mga kaaway ng hari. Ang Diyos ay iyong trono hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga’y magpakailanman; ang setro ng iyong paghahari ay isang setro ng katuwiran.”—Awit 45:1-6.
Ang mga Bansa ay Sama-samang Nagkakaisa Laban kay Jehova
14, 15. Pagkatapos makalaya sa pagkakulong, anong mga salita buhat sa Awit 2 ang sinipi ng mga apostol bilang natutupad, at ano ang kanilang kahilingan sa Diyos?
14 Di-nagtagal pagkatapos na maitatag ang kongregasyong Kristiyano noong araw ng Pentecostes 33 C.E., naunawa ng pinahirang mga Kristiyano ang katuparan ng Awit 2:1, 2. Ang talatang ito ay kababasahan: “Bakit ang mga bansa ay nagugulo at ang mga grupo ng mga bansa ay nagbububulong ng bagay na walang kabuluhan? Ang mga hari sa lupa ay nagsisipanindigan at ang matataas na pinuno mismo ay sama-samang nagkakaisa laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahirang isa.” Pagkatapos na ang mga apostol ng Pinahirang Isa ni Jehova ay dumanas ng unang pagkaaresto at kalupitan na ginawa ng kaaway na mga Judio, sila’y muling sumama sa kanilang kapuwa mga Kristiyano at nang magkagayo’y sinipi ang binanggit na mga salitang ito ng Awit 2 ayon sa kinatha ni Haring David. Ang Gawa 4:23-30 ay nag-uulat ng bagay na iyan, na nagsasabi:
15 “Nang sila’y mapalaya na ay naparoon sila sa kanilang mga kasamahan at iniulat ang lahat ng sa kanila’y sinabi ng mga pangulong saserdote at ng matatandang lalaki. At sila, nang kanilang marinig ito, ay nagkaisang itinaas ang kanilang tinig sa Diyos at nagsabi: ‘Soberanong Panginoon, ikaw ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at lahat ng bagay na narito, at siyang sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nagsabi sa pamamagitan ng bibig ng aming ninunong si David, na iyong lingkod, “Bakit nagugulo ang mga bansa at ang mga bayan ay nagsisihaka ng walang kabuluhan? Ang mga hari sa lupa ay nagsitindig at ang mga pinunò ay nagpisang nagkakaisa laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahirang isa.” Samakatuwid nga, kapuwa si Herodes at si Poncio Pilato kasama ang mga lalaki ng mga bansa at ang mga bayan ng Israel ay aktuwal na nagpisang sama-sama sa lunsod na ito laban sa iyong banal na lingkod na si Jesus, na iyong pinahiran, upang gawin ang anumang naitakda na ng iyong kamay at pasiya upang mangyari. At ngayon, Jehova, pansinin mo ang kanilang mga banta, at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuluyan mong salitain ang iyong salita nang buong katapangan, samantalang iyong iniuunat ang iyong mga kamay upang magpagaling at samantalang nangyayari ang mga tanda at mga kababalaghan sa pamamagitan ng pangalan ng iyong banal na lingkod na si Jesus.’ ”
16, 17. (a) Sa buong kasaysayan ng tao, may naganap bang bagay na maihahambing sa isang bagay na nagsimula noong 1914? Ipaliwanag. (b) Ano ang patuloy na ikinikilos ng mga bansa, sa gayo’y pinipilit ang Diyos na Jehova na sulatin na ang ano, sa ‘aklat ng mga digmaan niya’?
16 Gayunman, kung tungkol sa nagkakagulong mga bansa, na ang mga hari’y sama-samang nagkakaisa, ang mga pinunong pulitikal ay sama-samang nagkakaisa laban kay Jehova at laban sa kaniyang Pinahirang Isa, si Jesu-Kristo, ano sa buong kasaysayan ng tao ang maihahambing sa isang bagay na nagsimula 76 na taon na ngayon ang lumipas noong 1914? Iyan ay hindi lamang ang taon na sumiklab ang unang pandaigdig na digmaan sa buong kasaysayan ng tao kundi lalo na ang taon nang ang mga panahon ng mga Gentil, “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa,” ay natapos! (Lucas 21:24) Maliwanag na ang Awit 2 ay nagkaroon ng lalong malaking katuparan pasimula noong taóng iyan.
17 Sa katapusan ng panahon ng mga Gentil noong 1914, walang isa man sa mga bansa—maging ang mga bansa man ng umano’y Sangkakristiyanuhan, na marami sa relihiyosong mga mamamayan ang espirituwal na mga Israelita ang turing sa kanilang sarili—ang tumanggap sa Pinahirang Isa ni Jehova, si Jesu-Kristo, upang lumuklok sa trono para pagharian ang lupa. At ngayon, 71 taon pagkatapos na “ang mabuting balitang ito ng kaharian” ay sinimulang ‘ipangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa,’ mula noong 1919 patuloy, ang mga bansa sa loob at sa labas ng Sangkakristiyanuhan ay tunay na hindi magpupugay sa malaon nang inianunsiyong Hari ni Jehova at manunumpa ng katapatan sa kaniya samantalang sila’y nagbibitiw ng kanilang sariling pagkapangulo sa lupa. (Mateo 24:14) Bagkus, sa wakas ay sumapit sila sa panahon at sa kalagayan na kanilang pinipilit si Jehova na sulatin, wika nga, ang dakilang wakas ng “aklat ng Mga Digmaan ni Jehova.”—Bilang 21:14.
Maningning na Tagumpay ng Diyos na Mandirigma
18. Sa anong pagkilos ni Jehova kasang-ayon tayo, at sino ang sasa-kaniyang tabi, wika nga, para sa katuparan ng Awit 110?
18 Kung gayon, sulong sa pakikipaglaban, Oh Jehova ng mga hukbo, kasama ang iyong maharlikang Anak, si Jesu-Kristo, sa iyong tabi! Sa kaniya ipinahahatid ang makahulang mga salita: “Humayo manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway. Si Jehova mismo sa iyong kanang kamay ang tiyak na dudurog sa mga hari sa araw ng kaniyang galit. Kaniyang tutuparin ang inihatol sa mga bansa; kaniyang pupunuin ng mga bangkay ang mga pook. Tiyak na dudurugin niya ang ulo sa mataong lupain.”—Awit 110:2, 5, 6.
19. Tungkol sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na nasa harap na harap na, ano ang ating dalangin alang-alang sa malaking pulutong ng mga ibang tupa?
19 Oh Jehova ng mga hukbo, tulutan mong ang iyong mga tapat na lingkod sa lupa ang maging nagsasayang mga saksi ng iyong walang katulad na tagumpay sa pamamagitan ng iyong Haring mandirigma, si Jesu-Kristo, sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa dakong tinatawag sa Hebreo na Har–Magedon! (Apocalipsis 16:14) Kasama ng nalabi ng mga tunay na espirituwal na Israelita, tulutan mong ang malaking pulutong ng tulad-tupang mga tao na “nangaglaba ng kanilang mga kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero, ay nangagsasayang “lumalabas sa malaking kapighatian” upang maging iyong makalupang mga saksi nang walang-hanggan! (Apocalipsis 7:14) Sa ilalim ng iyong mapagmahal na pangangalaga, tulutan mong sila’y makaligtas nang hindi dumaranas ng kamatayan sa wala nang digmaang nasasakupang dako ng iyong nagtagumpay na Anak, na maghahari sa nilinis na lupa na gagawin na magandang paraiso, kasuwato ng iyong unang-unang layunin. Tulutan mong sila’y maging isang nakikitang patotoo sa lahat ng bubuhaying mga patay bilang pagbabangong-puri ng soberanya na talagang ikaw ang may karapatang humawak sa buong sansinukob! Pinasasalamatan ka namin na sa panahong iyon ay nalutas mo na magpakailanman, oo, nang walang-hanggan, ang pansansinukob na isyu!
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang pangunahing isyu na nakaharap sa mga tao at mga anghel?
◻ Ano ang pagkakaiba ng pakikipagbaka ni Jehova alang-alang sa sinaunang Israel at alang-alang naman sa espirituwal na Israel?
◻ Sa panahon ng Armagedon, ano ang magiging paninindigan ng mga Saksi ni Jehova, at bakit?
◻ Kailan nagkaroon ng walang-katulad na katuparan ang Awit 2:1, 2?
◻ Papaanong ang pansansinukob na isyu ay lulutasin magpakailanman?
[Larawan sa pahina 24, 25]
Ang “malaking pulutong” ay magbubunyi sa matagumpay na Pastol-Hari ng Diyos