Ang Dumarating na Wakas ng “Aklat ng mga Digmaan ni Jehova”
“Sinasabi sa aklat ng Mga Digmaan ni Jehova.”—BILANG 21:14.
1, 2. Sa anong sinaunang pangyayari itinanghal ni Jehova sa mga Ehipsiyo na siya ay isang Diyos na mandirigma, at papaano niya ginawa iyon?
BAHAGYA lamang nauunawaan ng mga tao sa ngayon na ang Diyos ng Bibliya, si Jehova, ay isang mandirigma, isang magiting na mandirigma. Ang katotohanang ito ay isinadula nang kaniyang palayain ang kaniyang bayan noong sinaunang panahon buhat sa paniniil ng Ehipto. Si Faraon ay inudyukan ng di-nakikitang kaaway ng bayang iyan, si Satanas na Diyablo, upang sila’y pagtrabahuhin nang mabigat hanggang sa sila’y halos magkamatay na. Bueno, nang matalos niya na siya’y nagagapi dahilan sa pinahayo niya ang mga Israelita bilang malalaya na, sila ay tinugis ni Faraon at ng kaniyang mga hukbong pandigma.
2 Gayunman, hindi naunawa ni Faraon na ang Diyos ng mga Israelita ay maaaring maging isang mandirigmang Diyos upang magligtas sa Kaniyang bayan. Habang ang mga hukbo ng Ehipto ay sumusulong ng pagtawid sa tuyong lupa ng umurong na Pulang Dagat upang habulin sila at maghiganti, ang Diyos ng nanganganib na mga Israelita ay kumilos at nilunod ang mga nagpapatakbo ng karo at mga mangangabayo, na muling pinagsalikop ang tubig upang sumauli sa dati pagkatapos na makahimalang mabuksan ang daan para sa mga Israelita.—Exodo 14:14, 24-28.
3. Sa kanilang awit ng tagumpay, si Jehova ay inilarawan ng mga Israelita bilang anong uri ng Diyos, subalit anong katotohanan ang hindi pansin ng mga bansa ngayon?
3 Ngayong ligtas na sila sa silangang dalampasigan ng Pulang Dagat, ang nagsasayang mga Israelita ay umawit ng isang awit ng tagumpay, nagbubunyi sa kanilang makalangit na Tagapagligtas: “Ako’y aawit kay Jehova, sapagkat siya’y nagtagumpay nang lubhang maluwalhati. Ang kabayo at ang sakay niyaon ay kaniyang ibinulusok sa dagat. Si Jah ay aking lakas at aking kapangyarihan, sapagkat siya’y nagsilbing aking kaligtasan. Ito ang aking Diyos, at siya’y aking pupurihin; Diyos ng aking ama, at siya’y aking tatanghalin. Si Jehova ay isang dakilang personang mandirigma. Jehova ang kaniyang pangalan. Ang mga karo ni Faraon at ang kaniyang mga hukbong pandigma ay ibinulusok niya sa dagat, at ang kaniyang piling mga mandirigma ay ipinaglulubog niya sa Pulang Dagat.” (Exodo 15:1-4) Doon sa Pulang Dagat, itinanghal ni Jehova ang kaniyang sarili bilang isang mandirigma na makagagawa ng kagila-gilalas na mga bagay. Ang katotohanang ito ang hindi pansin ng makasanlibutang mga bansa.
4, 5. Yaong nagsasayang 12 tribo ng Israel ay nanggaling sa anong iisang ninuno, at ang isang ito ay naging kaninong kaibigan dahilan sa anong katangian?
4 Ang propetang si Moises, na nanguna sa pag-awit ng kinasihang awit na iyan, ay tumukoy kay Jehova bilang “Diyos ng aking ama.” Ang Hebreong si Abraham ay isang litaw na ninuno ng bansang Israel. Buhat sa kaniya, sa pamamagitan ni Isaac at ni Jacob at ng 12 anak ni Jacob, nanggaling ang 12 tribo ng Israel. Pinatunayan ni Abraham na siya’y isang ulirang mananamba sa Diyos na Jehova. Siya’y isang taong may gayon na lamang katibay na pananampalataya kung kaya’t nang tawagan siya ni Jehova na lisanin ang kaniyang tahanan sa Ur ng mga Caldeo, walang atubili na humayo siya para magtungo sa lupain na ipakikita sa kaniya ni Jehova, nagtitiwala na tutupdin ng Diyos ang Kaniyang pangako na ibigay iyon sa kaniya at sa kaniyang supling.
5 Dahilan sa pambihirang pananampalataya ni Abraham, ipinangako ni Jehova na ibibigay kay Abraham ang isang “binhi,” o supling, na sa pamamagitan nito lahat ng angkan sa lupa kasali na ang mga angkan sa ngayon, ay magpapala sa kanilang sarili. (Genesis 12:2, 3; 22:17, 18) Si Abraham ay napasa isang matalik na kaugnayan sa kaniyang Diyos kung kaya’t siya’y nakilala bilang isang “kaibigan ni Jehova,” anupa’t ang Diyos mismo ang may tawag sa tapat na patriarka na “aking kaibigan.”—Santiago 2:23; Isaias 41:8.
6. Bagaman isang mapayapang manlalakbay sa Lupang Pangako, papaano pinatunayan ni Abraham na siya’y isang mandirigmang nagtitiwala kay Jehova?
6 Bagaman naglalakbay na tulad sa isang estranghero sa Lupang Pangako, pinatunayan ni Abraham na siya’y maaaring maging isang mambabaka, isang mandirigma. Minsan apat na hari na buhat sa labas ang lumusob sa Lupang Pangako at kanilang inagaw ang pamangkin ni Abraham na si Lot at ang pamilya nito. Udyok ng matinding ugnayang pampamilya, ang 318 ng kaniyang mga utusang lalaki ay binigyan ni Abraham ng mga armas, at pinatibay pa ng puwersang galing sa tatlo sa kaniyang mga lokal na kaalyada, sina Aner, Eshcol, at Mamre, kanilang hinabol ang mga mandarambong. Sila’y gumawa ng biglaang pag-atake kinagabihan, at ang mga manlulusob ay nagapi ni Abraham at ng kaniyang mga mandirigma, bagaman ang mga iyon ay makapupong malakas sa kanila. Naganap ang “paglipol sa mga hari.” (Hebreo 7:1; Genesis 14:13-17) Nailigtas ni Abraham si Lot at ang kaniyang pamilya at nabawi ang lahat ng mga ninakaw.
7-9. (a) Sinong saserdote ang dinalaw ni Abraham, at anong pagpapala ang kaniyang nakamtan? (b) Papaano ipinakita ni Abraham na ang nais niya’y gawin siyang mayaman tangi lamang ng Kataas-taasang Diyos? (c) Gaya ng pinatunayan ni Melquisedec, sino ang nagbigay kay Abraham ng tagumpay sa digmaan?
7 Nakilala ni Abraham na ang kaniyang pakikidigma ay nagtagumpay lamang sa tulong ng Diyos na Jehova, at sa kaniyang matagumpay na paglalakbay na pauwi, kaniyang hayagang kinilala ang katotohanang iyan. Batid niya na ang sinang-ayunang saserdote ng kaniyang Diyos ay matatagpuan sa lunsod ng Salem. Kaya sa lunsod na iyan siya naparoon. Ang huling bahagi ng Genesis kabanata 14 ay naglalahad sa atin ng nangyari doon:
8 “At si Melquisedec na hari sa Salem ay naglabas ng tinapay at alak, at siya’y saserdote ng Kataas-taasang Diyos. At binasbasan niya siya at sinabi: ‘Pagpalain si Abram ng Kataas-taasang Diyos, na May-ari ng langit at ng lupa; at purihin ang Kataas-taasang Diyos, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay!’ At binigyan siya ni Abram ng ikasampung bahagi ng buong samsam. Pagkatapos ay sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram: ‘Ibigay mo sa akin ang mga kaluluwa, ngunit kunin mo sa ganang iyo ang mga pag-aari.’ Nang magkagayo’y sinabi ni Abram sa hari ng Sodoma: ‘Itinaas ko ang aking kamay sa panunumpa kay Jehova na Kataas-taasang Diyos, May-ari ng langit at ng lupa, na, hindi ako kukuha maging isang sinulid, o maging isang panali ng panyapak, o anumang nauukol sa iyo, upang huwag mong sabihin, “Ako ang nagpayaman kay Abram.” Walang anuman para sa akin! Liban na lamang ang kinain ng mga binata, at ang bahagi ng mga lalaking sumama sa akin, sina Aner, Eshcol at Mamre—pakunin mo sila ng kanilang bahagi.’ ”—Genesis 14:18-24.
9 Gaya ng ipinakikita ng mga talatang ito, si Melquisedec, ang makaharing saserdote ng lunsod ng Salem, ang nagpatunay sa paniniwala ni Abraham na ang Kataas-taasang Diyos ang nakipaglaban para sa kaniya at sa kaniyang mga hukbong pandigma at binigyan siya ng tagumpay. Ang Haring-Saserdoteng si Melquisedec ay hindi nakabawas sa bahagi ni Jehova sa bagay na iyon.
Ang Aklat ng mga Digmaan ni Jehova
10. Ano ang unang pagkabanggit ng tungkol sa digmaan sa Bibliya, at bakit iyon ay pasimula lamang ng matagumpay na mga digmaan ni Jehova?
10 Ang paglalahad sa Genesis 14 ng paglusob sa Lupang Pangako at ng pagtatagumpay ni Abraham sa armadong mga manlulusob ang unang pagkabanggit ng digmaan sa Banal na Kasulatan. Samakatuwid, mahigit na apat na siglo bago naganap ang kaniyang tagumpay sa Pulang Dagat, itinanghal ni Jehova ang kaniyang sarili bilang isang mandirigma, “isang dakilang personang mandirigma.” Gayunman, iyon ay pasimula lamang. Lalong dakila at higit na napapabalitang mga tagumpay ang susunod, kasali na ang isang pangkatapusang tagumpay dito sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” na ito.—Mateo 24:3.
11. Ano ba “ang aklat ng Mga Digmaan ni Jehova,” ngunit saan pa may maraming paglalahad tungkol sa kaniyang pakikidigma?
11 Sang-ayon sa sinasabi sa Bilang 21:14, isang “aklat ng Mga Digmaan ni Jehova” ang isinulat. Ang mapanghahawakang rekord, o kasaysayan na ito, ng mga pakikidigma ng Diyos sa kapakanan ng kaniyang bayan, marahil ay nagsimula sa pagbabakang ito alang-alang sa tapat na si Abraham. May kabatiran si Moises tungkol sa aklat na ito ngunit hindi nagbibigay sa atin ng higit pang detalye tungkol dito. Kung gayon, tayo ay hindi pinatatalastasan ng lahat ng paraan na ginamit ni Jehova upang makilalang siya’y isang mandirigma sa loob ng panahong nasasaklaw ng aklat na iyan ng Mga Digmaan ni Jehova. Gayunman, sapol nang banggitin ang aklat na iyan, ang pangunahing bahagi ng Banal na Bibliya ay napasulat, at ito’y nagbibigay sa atin ng maraming paglalahad tungkol sa mga pakikidigma ni Jehova.
Ang Lalong-dakilang Melquisedec —Isang Mandirigma
12. Si Melquisedec ay lumarawan sa anong lalong dakilang Haring-Saserdote ng Kataas-taasang Diyos, at sa anong awit na kinatha ni David nakausap ang isang ito bilang isang saserdote at mandirigma?
12 Matapos magapi ni Abraham si Chedorlaomer at ang kaniyang kaalyadang mga hari, siya’y binasbasan ni Melquisedec. Ang Haring-Saserdoteng si Melquisedec ay makahulang lumarawan sa Isa na magiging ang Mataas na Saserdote ng Kataas-taasang Diyos at isa ring makapangyarihang mandirigma na itinataguyod ng Pinakamataas na Diyos. Sa Awit 110, na ang mandirigmang-haring si David ang kinasihang kumatha, ang kinakausap ay ang Isang ito na lalong dakila kaysa kay Melquisedec ng Salem nang sabihin nito: “Pararatingin ni Jehova ang setro ng iyong kalakasan mula sa Sion, na nagsasabi: ‘Magpunò ka sa gitna ng iyong mga kaaway.’ Sumumpa si Jehova (at hindi niya panghihinayangan iyon): ‘Ikaw ay saserdote hanggang sa panahong walang takda ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec!’ Si Jehova mismo sa iyong kanang kamay ang tiyak na dudurog sa mga hari sa araw ng kaniyang galit.”—Awit 110:2, 4, 5.
13. Sa Hebreo kabanata 7 at 8, ang Isang lalong dakila kaysa sa sinaunang si Melquisedec ay ipinakikilala na sino, at sa anong matayog na dako pumasok ang Isang ito at may taglay na anong uri ng hain?
13 Ang kinasihang manunulat ng aklat ng Hebreo ay nagsiwalat kung sino ang Isa na talagang kinauukulan ng mga salitang iyon nang kaniyang sabihin: “Isang tagapanguna ang pumasok alang-alang sa atin, si Jesus, na naging mataas na saserdote magpakailanman ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.” (Hebreo 6:20) Sa sumusunod na kabanata ng Hebreo, ang kadakilaan ng sinaunang Melquisedec ay ipinaliliwanag. Gayunman, ang kaniyang kadakilaan bilang saserdote ay nahihigitan ng Isa na kaniyang inilarawan, ang binuhay-muli, niluwalhating si Jesu-Kristo, na pumasok sa banal na presensiya ng Diyos na Jehova mismo taglay ang halaga ng isang hain na lalong dakila kaysa ano pa man na maaaring maihandog ng Haring-Saserdoteng si Melquisedec ng Salem.—Hebreo 7:1–8:2.
14. Binigyang-karapatan ba ng Lalong-dakilang Melquisedec ang klero ng Sangkakristiyanuhan upang makisali sa mga digmaan ng diumano’y mga bansang Kristiyano?
14 Binasbasan ng maharlikang saserdoteng si Melquisedec ang isang mandirigma, ang nagtagumpay na si Abraham. Ngunit kumusta naman ang Lalong-dakilang Melquisedec, ang Tagapagtatag ng tunay na pagka-Kristiyano? Ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay nag-aangking kumakatawan kay Jesu-Kristo sa pagbasbas sa mga hukbo ng diumano’y mga bansang Kristiyano at pananalangin sa kanila. Ngunit ang Mataas na Saserdote baga ni Jehova sa langit ay nagtaguyod sa mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan sa bagay na ito? Sa gayo’y kaniya bang tinanggap ang pananagutan para sa lahat ng pagbububo ng dugo na naganap sa panahon ng diumano’y Panahong Kristiyano, kasali na rin ang dugong nabubo noong panahon ng mga Digmaang Pandaigdig I at II? Hinding-hindi nga! Kailanman ay hindi niya binigyang-karapatan ang kaniyang mga tunay na alagad na ang kanilang sarili’y gawing bahagi ng sanlibutang ito at makisali sa militarismo nito na nagbububo ng dugo.
Ang Diyos na Mandirigma ay Gumagawa ng Marilag na Pangalan Para sa Kaniyang Sarili
15, 16. Ano ang ginawa ni Jehova para sa kaniyang sarili nang siya’y makipagbaka alang-alang sa kaniyang bayan upang sila’y mapalaya buhat sa Ehipto?
15 Sa Nehemias 9:10 ay tinutukoy ang pagliligtas ni Jehova sa 12 tribo ni Israel buhat sa Ehipto, na nagsasabi: “At nagpakita ka ng mga tanda at mga kababalaghan kay Faraon at sa lahat ng mga tao ng kaniyang lupain, sapagkat iyong nakilala na sila’y nagsigawa na may kapalaluan laban sa kanila [ang mga Israelita]; at humayo ka na gumawa ng pangalan para sa iyong sarili gaya sa araw na ito.”—Ihambing ang Exodo 14:18.
16 Si propeta Isaias ay tumutukoy sa katangian ng pangalang ito nang kaniyang banggitin si Jehova bilang “Siyang umaakbay ng Kaniyang marilag na bisig sa kanang kamay ni Moises; Siyang humahawi ng tubig sa harap upang gawan ang kaniyang sarili ng walang-hanggang pangalan.” At ang kinakausap ay si Jehova, siya’y nagsasabi: “Ganiyan mo inakay ang iyong bayan upang igawa mo ang iyong sarili ng marilag na pangalan.” (Isaias 63:12-14) Nananawagan kay Jehova upang kumilos uli alang-alang sa kaniyang bayan, siya ang kinauukulan ng mga salita ni Daniel na “iyong inilabas ang iyong bayan mula sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay at humayo ka upang gumawa ng pangalan para sa iyong sarili na gaya sa araw na ito.”—Daniel 9:15; Jeremias 32:20.
17. Sino ang susuguin ni Jehova upang makipagbaka bilang kumakatawan sa kaniyang pangalan, at sa gayo’y ano ang ipakikita niya sa lahat ng bansa ngayon?
17 Sa takdang panahon, susuguin ng Diyos na Jehova si Jesu-Kristo, ang Lalong-dakilang Melquisedec, bilang isang makapangyarihang mandirigma. Sa pamamagitan niya, si Jehova’y gagawa ng pangalan para sa kaniyang sarili na anupa’t nakahihigit pa kaysa ano pa man noong nakalipas ayon sa pagkalahad sa aklat ng Mga Digmaan ni Jehova o sa Kasulatang Hebreo ng Banal na Bibliya. Sa huling kabanata ng pangalawa-sa-huling aklat ng Kasulatang Hebreo, isang sama-samang pag-atake ng mga bansa laban sa Jerusalem ang inihula. Pagkatapos, sang-ayon sa Zacarias 14:3, “Si Jehova ay tunay na lalabas at makikidigma laban sa mga bansang iyon gaya sa araw ng kaniyang pakikidigma, sa araw ng pagbabaka.” Sa ganitong paraan ang Diyos ng Bibliya ay magtatanghal sa lahat ng modernong mga bansa na siya pa rin ang Diyos na mandirigma gaya noong mga kaarawan ng sinaunang Israel.
18, 19. Aling Jerusalem ang lubus-lubusang aatakihin ng mga bansa?
18 Ito ay isang pangyayaring nasa hinaharap pa lamang natin. Ngunit alin bang Jerusalem ang daranas ng ganiyang lubus-lubusang pag-atake? Ang hula ay hindi natupad sa Jerusalem noong kaarawan ni Zacarias. Ang siyudad na iyan ay pinuksa ng mga hukbo ng Roma noong 70 C. E. Gayunman, ang Jerusalem ay muling itinayo at sa ngayon ito ay itinuturing na banal ng Sangkakristiyanuhan at gayundin ng likas na bansa ng Israel. Sa anim-na-araw na digmaan noong 1967, sinakop ng likas na Israel ang lahat ng muling-itinayong makalupang Jerusalem. Gayunman, bahagya man ay walang ebidensiya na nagkaroon ng bahagi ang Diyos na Jehova sa paglalabanan noon. Ang kaniyang iniluklok na Hari, si Jesu-Kristo, ay hindi naghahari sa makalupang Jerusalem, at ito’y hindi na “ang lunsod ng dakilang Hari,” alalalong baga, ni Jehova.—Mateo 5:35.
19 Hindi, ang opisyal na kabiserang lunsod ng Judiong miyembro ng Nagkakaisang mga Bansa ay hindi siyang Jerusalem na binanggit sa hula ni Zacarias. Bagkus, ang tinutukoy ni Zacarias ay ang Jerusalem na ating nababasa sa aklat ng Mga Hebreo. Doon, ang kinakausap ni Pablo ay pinahirang mga Kristiyano at nagsasabi: “Magsilapit kayo sa Bundok Sion at sa lunsod ng Diyos na buháy, ang makalangit na Jerusalem, at sa di-mabilang na hukbo ng mga anghel.” (Hebreo 12:22) Ang makalangit na Jerusalem na ito ay walang iba kundi ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, na ang mga kinatawan sa lupa ngayon ay isang maliit na pangkat ng pinahirang mga Kristiyano na may itinatanging pag-asa na makasama ni Jesu-Kristo sa paghahari sa Kahariang iyan. Sila ang aatakihin ayon sa inihula.
20. Anong mga salita ang sinabi ni Haring Ezekias sa kaniyang pinagbabantaang bayan upang magsilbing suhay na masasandalan, at salig sa mga salita ng anong Hari na lalong-dakila kaysa kay Ezekias sumasandal ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon?
20 Gayunman, ang mga ito o ang malaking pulutong ng mga Kristiyanong may makalupang pag-asa at nagsilabas sa lahat ng bansa upang sumama sa kanila sa dalisay na pagsamba ay hindi kailangang matakot sa kalalabasan ng pag-atakeng ito. Nang ang nakasisindak na mga hukbo ni Senacherib, ang hari ng Asirya, ay sumalakay sa Jerusalem noong paghahari ni Haring Ezekias, ang nasa-panganib na mga Israelita ay binigyan ng isang pangmalas na naglalagay sa kanila sa kalmadong kalagayan nang sabihin sa kanila ni Haring Ezekias: “Ang sumasakaniya ay isang kamay na laman, ngunit ang sumasaatin ay si Jehova na ating Diyos upang tumulong sa atin at ipakipaglaban ang ating mga pakikidigma.” Ang resulta ay na “ito’y nagsilbing suhay upang ang mga tao’y sumandal sa mga salita ni Ezekias na hari ng Juda.” (2 Cronica 32:8) Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon, pagka pinagbabantaan ng pambansang mga puwersa ng pamamalakad ng sanlibutang ito, ay maaaring sumandal din sa nahahawig na mga salita buhat sa isang hari na lalong-dakila kaysa kay Ezekias, si Jesu-Kristo.
21. (a) Bakit ang mga salita ni Jahaziel ay magugunita sa napipintong pag-atake sa makalangit na Jerusalem? (b) Ano ang magiging resulta ng labanang iyon?
21 Nang panahong iyon, ang nakapagpapatibay-pananampalatayang mga salita ni Jahaziel na Levita ay magugunita: “Kayo’y hindi na kakailanganing makipaglaban sa labanang ito. Magsilagay kayo sa inyu-inyong puwesto, magsitayo kayong panatag at tingnan ninyo ang pagliligtas sa inyo ni Jehova. Oh Juda at Jerusalem, huwag kayong matakot o mangilabot man. Bukas ay magsilabas kayo laban sa kanila, at si Jehova ay sasa-inyo.” (2 Cronica 20:17) Oo, sa buong panahong iyon ng panganib, si Jehova ay sasa-kaniyang bayan. Ang kanilang kaligtasan at hindi pagkapahamak ay depende sa kaniyang pakikipaglaban para sa kanila. At siya’y makikipaglaban, sa pamamagitan ng kaniyang mandirigmang Hari, si Jesu-Kristo! Ang resulta? Ang lubos na pagkalipol ng nakikitang organisasyon ng Diyablo sa lupa.—Apocalipsis 19:11-21.
22. (a) Ano ang magiging matagumpay na wakas ng aklat ng Mga Digmaan ni Jehova, at ano ang gagawin ni Jehova para sa kaniyang sarili sa pamamagitan niyaon? (b) Ang mga mangingibig sa pangalan ni Jehova ay mauudyukan na gumawa ng ano sa pamamagitan ng kaniyang tagumpay?
22 Anong rilag na pangalan ang gagawin ng Diyos para sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang nagdudulot-sindak na tagumpay sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Har–Magedon! (Apocalipsis 16:14, 16) Isang bagong kabanata, wika nga, ang mapaparagdag sa aklat ng Mga Digmaan ni Jehova. Iyon ay magiging isang matagumpay na wakas, isang dakilang pagtatapos kung tungkol sa sistemang ito ng mga bagay. Ang buong aklat ay magpapakita na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay hindi kailanman matatalo sa anumang digmaan. Anong laki ng magiging kasayahan ng mga umiibig sa pangalan ni Jehova na magpupuri sa kaniya pagkatapos! Kung magkagayon nga, ang huling talata ng aklat ng Mga Awit ay buong kaningningan na matutupad: “Lahat ng bagay na humihinga—purihin ninyo si Jah. Purihin ninyo si Jah, ninyong mga tao!”—Awit 150:6.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ano ang di-gaanong nauunawa ng mga tao sa ngayon tungkol sa Diyos ng Bibliya, si Jehova?
◻ Anong digmaan ang ipinaglaban ni Abraham, at sino ang nagbigay sa kaniya ng tagumpay?
◻ Ano ba “ang aklat ng Mga Digmaan ni Jehova”?
◻ Ano ang magiging wakas ng “aklat ng Mga Digmaan ni Jehova,” at ano ang magiging resulta nito?