KABANATA 7
Ihayag “ang Mabuting Balita Tungkol kay Jesus”
Nag-iwan si Felipe ng halimbawa bilang ebanghelisador
Batay sa Gawa 8:4-40
1, 2. Noong unang siglo, paano nabaligtad ang resulta ng pagsisikap ng mga mang-uusig na mapahinto ang mabuting balita?
DUMATING ang sunod-sunod at matitinding pag-uusig, at pinasimulan ni Saul na “pagmalupitan” ang kongregasyon—isang ekspresyon na sa orihinal na wika ay naglalarawan ng makahayop na pagmamalupit. (Gawa 8:3) Tumakas ang mga alagad, at para sa ilan, waring malilipol na nga ni Saul ang Kristiyanismo. Pero isang di-inaasahang pangyayari ang naganap dahil sa pangangalat ng mga Kristiyano. Ano iyon?
2 Ang mga nangalat ay nagsimulang ‘maghayag ng mabuting balita ng salita’ sa mga lupain kung saan sila tumakas. (Gawa 8:4) Akalain mo! Sa halip na mapahinto ang pangangaral ng mabuting balita, nakatulong pa nga ito para mapalaganap ang mensahe! Dahil pinangalat ng mga mang-uusig ang mga alagad, wala silang kamalay-malay na lalo lamang lumaganap ang pangangaral ng Kaharian sa malalayong teritoryo. Gaya ng makikita natin, ganito rin ang nangyayari sa ating panahon ngayon.
Ang mga “Nangalat” (Gawa 8:4-8)
3. (a) Sino si Felipe? (b) Bakit hindi pa halos napaaabutan ng mabuting balita ang Samaria, pero ano ang inihula ni Jesus na magaganap sa teritoryong iyon?
3 Ang isa sa mga “nangalat” ay si Felipe.a (Gawa 8:4; tingnan ang kahong “Si ‘Felipe na Ebanghelisador.’”) Pumunta siya sa Samaria, isang lunsod na hindi pa halos napaaabutan ng mabuting balita dahil sa tagubilin ni Jesus sa mga apostol noon: “Huwag kayong pumasok sa anumang lunsod ng mga Samaritano; sa halip, pumunta lang kayo sa nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” (Mat. 10:5, 6) Pero alam ni Jesus na darating ang panahon na tatanggap din ng lubusang pagpapatotoo ang Samaria, dahil bago siya umakyat sa langit, sinabi niya: “Magiging mga saksi ko kayo sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8.
4. Paano tumugon ang mga Samaritano sa pangangaral ni Felipe, at ano ang malamang na naging dahilan ng kanilang reaksiyon?
4 Nakita ni Felipe na ang Samaria ay “maputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35) Parang nakalanghap ng sariwang hangin ang mga naninirahan doon nang marinig nila ang kaniyang mensahe, at hindi naman mahirap unawain kung bakit. Iniiwasan kasi noon ng mga Judio ang mga Samaritano, at marami pa nga ang humahamak sa mga ito. Pero nakita ng mga Samaritano na walang pinipili ang mensahe ng mabuting balita, at ibang-iba ito sa makitid na pag-iisip ng mga Pariseo. Sa pamamagitan ng masigasig at walang-pagtatanging pagpapatotoo ni Felipe sa mga Samaritano, ipinakita niyang hindi siya naimpluwensiyahan ng mga humahamak sa kanila. Hindi nga kataka-takang nakinig “ang lahat ng naroon” kay Felipe.—Gawa 8:6.
5-7. Magbigay ng mga halimbawa kung paano nakatulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita ang pangangalat ng mga Kristiyano.
5 Sa ngayon, gaya noong unang siglo, hindi pa rin kayang pahintuin ng pag-uusig sa bayan ng Diyos ang kanilang pangangaral. Dahil sa patuloy na panggigipit, ang mga Kristiyano ay napapalipat ng ibang lugar—sa bilangguan man o sa ibang lupain—pero lalo lamang itong nakatulong para maibalita ang mensahe ng Kaharian sa mga tao sa ibang lugar. Halimbawa, noong Digmaang Pandaigdig II, nakapagbigay ang mga Saksi ni Jehova ng lubusang patotoo sa mga kampong piitan ng mga Nazi. Nagkuwento ang isang Judio na napatotohanan ng mga Saksi: “Ang katatagan ng mga bilanggong Saksi ni Jehova ang nakakumbinsi sa akin na talaga ngang nakasalig sa Kasulatan ang kanilang pananampalataya—at ako mismo ay naging isang Saksi.”
6 Sa ilang pagkakataon, maging ang mga mang-uusig ay nabibigyan din ng patotoo at tumutugon naman sila. Halimbawa, nang ilipat ang Saksing si Franz Desch sa kampong piitan ng Gusen sa Austria, napagdausan niya ng pag-aaral sa Bibliya ang isang opisyal ng Nazi. Isip-isipin na lamang ang kagalakan nila nang magkita sila, pagkalipas ng ilang taon, sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova at pareho na silang tagapaghayag ng mabuting balita!
7 Halos ganito rin ang nangyari nang tumakas tungo sa ibang bansa ang mga Kristiyano dahil sa pag-uusig. Halimbawa, noong 1970’s, nabigyan ng malaking patotoo ang Mozambique nang tumakas patungo roon ang mga Saksing taga-Malawi. Kahit na nagkaroon din ng pagsalansang sa Mozambique nang maglaon, nagpatuloy pa rin ang pangangaral doon. “Totoo, ang ilan sa amin ay inaresto nang ilang ulit dahil sa aming pangangaral,” ang sabi ni Francisco Coana. “Gayunman, kapag marami ang tumutugon sa mensahe ng Kaharian, natitiyak namin na kami’y tinutulungan ng Diyos, gaya ng pagtulong niya sa mga Kristiyano noong unang siglo.”
8. Paano nakaapekto sa gawaing pangangaral ang mga pagbabago sa politika at ekonomiya?
8 Mangyari pa, hindi lamang dahil sa pag-uusig kung kaya sumulong ang Kristiyanismo sa mga banyagang teritoryo. Nitong nakalipas na mga dekada, ang mga pagbabago sa politika at ekonomiya ay nagbukas din ng pagkakataon para mapalaganap ang mensahe ng Kaharian sa mga tao na iba’t iba ang wika at lahi. Ang ilan mula sa mga lugar na may digmaan at naghihirap sa ekonomiya ay lumipat sa mga lugar na payapa at maalwan ang buhay at nagsimulang mag-aral ng Bibliya sa lupaing nilipatan nila. Dahil sa pagdagsa ng mga nagsisilikas, nabuksan ang mga teritoryong banyaga ang wika. Nagsisikap ka bang magpatotoo sa mga tao “mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika” sa inyong teritoryo?—Apoc. 7:9.
“Bigyan Din Ninyo Ako ng Ganitong Awtoridad” (Gawa 8:9-25)
9. Sino si Simon, at ano ang malamang na hinangaan niya kay Felipe?
9 Si Felipe ay gumawa ng maraming tanda sa Samaria. Halimbawa, nagpagaling siya ng mga may kapansanan at nagpalayas pa nga ng masasamang espiritu. (Gawa 8:6-8) Isang lalaki ang napahanga sa makahimalang mga kaloob na ito ng espiritu kay Felipe. Siya si Simon, isang mahiko na lubhang tinitingala anupat sinabi ng mga tao tungkol sa kaniya: “Ang taong ito ang Kapangyarihan ng Diyos.” Pero nasaksihan ngayon ni Simon ang tunay na kapangyarihan ng Diyos, gaya ng pinatutunayan ng mga himalang ginawa ni Felipe, at si Simon ay naging mananampalataya. (Gawa 8:9-13) Pero nang maglaon, lumitaw ang motibo ni Simon. Paano?
10. (a) Ano ang ginawa nina Pedro at Juan sa Samaria? (b) Ano ang ginawa ni Simon nang makita niyang tumanggap ng banal na espiritu ang mga bagong alagad matapos ipatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa mga ito?
10 Nang malaman ng mga apostol ang pagsulong sa Samaria, pinapunta nila roon sina Pedro at Juan. (Tingnan ang kahong “Ginamit ni Pedro ang ‘mga Susi ng Kaharian.’”) Pagdating doon, ipinatong ng dalawang apostol ang kanilang kamay sa mga bagong alagad, at ang bawat isa ay tumanggap ng banal na espiritu.b Nang makita ito ni Simon, namangha siya. “Bigyan din ninyo ako ng ganitong awtoridad,” ang sabi niya sa mga apostol, “para makatanggap din ng banal na espiritu ang sinumang patungan ko ng kamay.” Inalok pa nga sila ni Simon ng pera, sa pag-aakalang mabibili niya ang sagradong pribilehiyong ito!—Gawa 8:14-19.
11. Ano ang ipinayo ni Pedro kay Simon, at paano tumugon si Simon?
11 Mariin ang sagot ni Pedro kay Simon. “Malipol ka nawang kasama ng pilak mo,” ang sabi ng apostol, “dahil iniisip mong mabibili mo ng pera ang walang-bayad na regalo ng Diyos. Hindi ka magkakaroon ng bahagi sa bagay na ito, dahil hindi tapat ang puso mo sa paningin ng Diyos.” Pagkatapos, hinimok ni Pedro si Simon na magsisi at manalangin ukol sa kapatawaran. “Magsumamo ka kay Jehova,” ang sabi ni Pedro, “na patawarin ka kung maaari, dahil sa masamang hangarin [“balak,” Biblia ng Sambayanang Pilipino] ng puso mo.” Malamang na hindi naman talaga masama si Simon; gusto niyang gawin kung ano ang tama. Kaya lang, nagkaroon siya ng maling pananaw. Kaya nakiusap siya sa mga apostol: “Magsumamo kayo kay Jehova para sa akin nang hindi mangyari sa akin ang mga sinabi ninyo.”—Gawa 8:20-24.
12. Ano ang “simoniya,” at paano ito naging isang silo sa Sangkakristiyanuhan?
12 Ang pagsaway ni Pedro kay Simon ay nagsisilbing babala sa mga Kristiyano sa ngayon. Sa katunayan, ang salitang “simoniya” ay nabuo dahil sa insidenteng iyon. Ang “simoniya” ay tumutukoy sa pagbili o pagbebenta ng posisyon, partikular nang may kaugnayan sa relihiyon. Punong-puno ng mga halimbawa ng ganitong gawain ang kasaysayan ng apostatang Sangkakristiyanuhan. Sa katunayan, ganito ang sinasabi sa ikasiyam na edisyon ng The Encyclopædia Britannica (1878): “Sinumang mag-aaral ng kasaysayan ng mga eleksiyong naganap sa pagpili ng Papa, matutuklasan niya na ang lahat ng ito ay may bahid ng simoniya at karamihan sa mga ito ay masasabing napakasama, talagang kahiya-hiya, at napakalantaran.”
13. Paano makakapag-ingat ang mga Kristiyano na huwag silang magkasala ng simoniya?
13 Ang mga Kristiyano ay dapat mag-ingat na huwag magkasala ng simoniya. Halimbawa, hindi nila tatangkaing humingi ng pabor sa mga taong inaakala nilang makapagbibigay ng karagdagang pribilehiyo sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mamahaling regalo o labis na papuri. Sa kabilang dako naman, hindi dapat magpakita ng paboritismo sa mayayaman ang mga nasa kalagayang magkaloob ng pabor. Parehong sangkot dito ang simoniya. Oo, ang lahat ng lingkod ng Diyos ay dapat gumawing gaya ng mga “nakabababa,” anupat naghihintay sa espiritu ni Jehova na siyang gumawa ng mga pag-aatas ng mga pribilehiyo sa paglilingkod. (Luc. 9:48) Walang lugar sa organisasyon ng Diyos para sa mga nagtatangkang maghanap ng “sariling karangalan.”—Kaw. 25:27.
“Naiintindihan Mo Ba ang Lahat ng Binabasa Mo?” (Gawa 8:26-40)
14, 15. (a) Sino ang “mataas na opisyal” na Etiope, at paano siya natagpuan ni Felipe? (b) Paano tumugon ang lalaking Etiope sa mensahe ni Felipe, at bakit hindi masasabing bugso lamang ng damdamin ang kaniyang pagpapabautismo? (Tingnan ang talababa.)
14 Inutusan ng anghel ni Jehova si Felipe na maglakbay sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza. Anumang tanong ang nasa isip ni Felipe kung bakit siya pinapunta roon ay nasagot nang makita niya ang mataas na opisyal na Etiope na “binabasa . . . ang isinulat ni propeta Isaias.” (Tingnan ang kahong “Sino ang Mataas na Opisyal na Etiope?”) Udyok ng banal na espiritu ni Jehova, tumakbong kasabay ng karwahe ng lalaki si Felipe at tinanong ang Etiope: “Naiintindihan mo ba ang lahat ng binabasa mo?” “Hindi ko ito maiintindihan,” ang sagot ng Etiope, “kung walang magtuturo sa akin.”—Gawa 8:26-31.
15 Pinasakay ng Etiope si Felipe sa karwahe. Tiyak na naging kapana-panabik ang kanilang pag-uusap! Napakatagal nang naging palaisipan kung kanino tumutukoy ang “tupa,” o “lingkod,” sa hula ni Isaias. (Isa. 53:1-12) Pero habang naglalakbay sila, ipinaliwanag ni Felipe sa mataas na opisyal na Etiope na ang hulang ito ay natupad kay Jesu-Kristo. Gaya ng mga nabautismuhan noong Pentecostes 33 C.E., alam na kaagad ng Etiope—na isa nang proselitang Judio—kung ano ang dapat niyang gawin. “Tingnan mo,” ang sabi niya kay Felipe, “may tubig dito; ano ang nakahahadlang sa akin na magpabautismo?” Agad namang binautismuhan ni Felipe ang Etiope!c (Tingnan ang kahong “Bautismo sa ‘Isang Lugar na May Tubig.’”) Pagkaraan, si Felipe ay inakay ng espiritu ni Jehova tungo sa isang bagong atas sa Asdod, at dito niya ipinagpatuloy ang paghahayag ng mabuting balita.—Gawa 8:32-40.
16, 17. Ano ang papel ng mga anghel sa gawaing pangangaral sa ngayon?
16 Ang mga Kristiyano sa ngayon ay may pribilehiyong makibahagi sa gawaing tulad ng ginawa ni Felipe. Madalas na naibabahagi nila ang mensahe ng Kaharian sa mga nakakausap nila sa araw-araw, halimbawa kapag naglalakbay. Sa maraming pagkakataon, lumilitaw na hindi masasabing nagkakataon lamang ang kanilang pakikipag-usap sa isang interesado. Inaasahan na natin ito, dahil maliwanag na sinasabi sa Bibliya na pinapatnubayan ng mga anghel ang gawaing pangangaral upang makarating ang mensahe sa “bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apoc. 14:6) Inihula mismo ni Jesus na papatnubayan ng mga anghel ang gawaing pangangaral. Sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa trigo at panirang-damo, sinabi ni Jesus na sa panahon ng pag-aani—sa katapusan ng sistemang ito—“ang mga manggagapas ay ang mga anghel.” Sinabi rin niya na “titipunin [ng mga anghel na ito] mula sa Kaharian niya ang lahat ng nagiging dahilan ng pagkatisod ng iba at ang mga gumagawa ng masama.” (Mat. 13:37-41) Kasabay nito, titipunin din ng mga anghel ang makalangit na mga tagapagmana ng Kaharian—at pagkatapos ay ang “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa”—na gustong ilapit ni Jehova sa kaniyang organisasyon.—Apoc. 7:9; Juan 6:44, 65; 10:16.
17 Bilang katibayan na talagang nagaganap ito, naririnig nating sinasabi ng ilan sa mga nilalapitan natin sa ating ministeryo na nananalangin silang tulungan sana sila ng Diyos. Tingnan natin ang isang karanasan ng dalawang mamamahayag ng Kaharian kasama ang isang bata. Nang magtatanghali na, titigil na sana ang dalawang Saksi sa kanilang pangangaral, pero nakapagtatakang nagpupumilit pa rin ang bata na puntahan ang susunod na bahay. Sa katunayan, mag-isa siyang pumunta at kumatok sa pinto! Nang buksan ng isang babae ang pinto, lumapit na rin ang dalawang Saksi para kausapin siya. Nagulat sila nang sabihin ng babae na ipinapanalangin niyang may dumating sana sa kanila para tulungan siyang maunawaan ang Bibliya. Nagsaayos sila ng isang pag-aaral sa Bibliya!
18. Bakit hinding-hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang ating ministeryo?
18 Bilang bahagi ng kongregasyong Kristiyano, pribilehiyo mong maging kamanggagawa ng mga anghel sa napakalawak na pangangaral na nagaganap sa ngayon. Huwag na huwag mong ipagwawalang-bahala ang pribilehiyong iyan. Sa iyong matiyagang pagsisikap, makadarama ka ng malaking kagalakan habang patuloy mong inihahayag “ang mabuting balita tungkol kay Jesus.”—Gawa 8:35.
a Hindi ito si apostol Felipe. Sa halip, gaya ng binanggit sa Kabanata 5 ng aklat na ito, ang Felipe na ito ay kabilang sa “pitong lalaki . . . na may mabuting reputasyon.” Sila ang inatasang mag-organisa ng araw-araw na pamamahagi ng pagkain sa mga Kristiyanong biyuda sa Jerusalem na nagsasalita ng Griego at sa mga nagsasalita ng Hebreo.—Gawa 6:1-6.
b Lumilitaw na ang mga bagong alagad noon ay karaniwang pinapahiran, o tumatanggap, ng banal na espiritu kapag sila’y binautismuhan. Dahil dito, nagkaroon sila ng pag-asang mamahala bilang mga hari at saserdote na makakasama ni Jesus sa langit. (2 Cor. 1:21, 22; Apoc. 5:9, 10; 20:6) Pero sa pagkakataong ito, ang mga bagong alagad ay hindi pinahiran nang sila’y bautismuhan. Tumanggap sila ng banal na espiritu—at ng kaugnay nitong makahimalang mga kaloob—matapos ipatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Kristiyanong bagong bautismo.
c Hindi ito bugso lamang ng damdamin. Dahil isang proselitang Judio ang Etiope, may kaalaman na siya tungkol sa Kasulatan, pati na sa Mesiyanikong mga hula nito. Ngayong nalaman na niya ang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos, puwede na siyang bautismuhan agad.