ARALIN 26
Lohikal na Pagbuo ng Materyal
BAGO maorganisa ang materyal sa isang lohikal na paraan, kailangan mong magkaroon ng isang tunguhin sa isip. Ang iyo bang tunguhin ay upang ipabatid lamang sa iba ang tungkol sa isang partikular na paksa—isang paniniwala, isang saloobin, isang kalidad, isang uri ng paggawi, o isang paraan ng pamumuhay? Nais mo bang mapatunayan o mapabulaanan ang isang partikular na ideya? Ang iyo bang tunguhin ay ang malinang ang pagpapahalaga sa isang bagay o kaya’y magpakilos? Maghaharap ka man ng iyong materyal sa isang indibiduwal o sa mas maraming tagapakinig, upang magawa ito nang mabisa, kailangan mong isaalang-alang ang nalalaman na nila hinggil sa paksa at ang kanilang saloobin tungkol dito. Pagkatapos mong magawa ito, balangkasin ang iyong materyal sa paraang makatutulong sa iyo na maabot ang iyong tunguhin.
May kinalaman sa ministeryo ni Saul (Pablo) sa Damasco, ang Gawa 9:22 ay nag-uulat na “nililito [niya] ang mga Judio na naninirahan sa Damasco habang pinatutunayan niya sa lohikal na paraan na ito ang Kristo.” Ano ang kalakip sa lohikal na patotoong iyon? Gaya ng ipinakikita ng ulat sa dakong huli ng ministeryo ni Pablo sa Antioquia at Tesalonica, ginawa muna niyang batayan ang bagay na tinatanggap ng mga Judio ang Hebreong Kasulatan at na sila’y nag-aangking naniniwala sa sinasabi ng mga ito tungkol sa Mesiyas. Pagkatapos, mula sa Kasulatang iyon, pumili si Pablo ng mga bahagi nito na tumatalakay sa buhay at ministeryo ng Mesiyas. Kaniyang sinipi ang mga ito at inihambing ang mga ito sa aktuwal na nangyari kay Jesus. Sa dakong huli, gumawa siya ng maliwanag na konklusyon, alalaong baga, na si Jesus ang Kristo, o Mesiyas. (Gawa 13:16-41; 17:2, 3) Kung ikaw ay naghaharap din ng katotohanan ng Bibliya sa isang lohikal na paraan, ito ay maaaring magdulot ng nakahihikayat na epekto sa iba.
Pag-oorganisa ng Presentasyon. Ang materyal ay maaaring ayusin sa iba’t ibang lohikal na paraan. Kung inaakala mong ito’y may bentaha, maaari mong gamitin ang isang kombinasyon ng mga pamamaraan. Isaalang-alang ang ilan sa mga posibilidad.
Kaayusan ayon sa tema: Ito’y nagsasangkot ng pag-oorganisa ng iyong materyal sa iba’t ibang seksiyon, na bawat isa ay tumutulong sa iyong tunguhin. Ang mga seksiyon ay maaaring mga pangunahing punto na mahalaga upang maunawaan ang iyong paksa. Ang mga ito ay maaaring espesipikong mga argumento na nagpapatunay o nagpapabulaan sa isang bagay. Ang ilang punto, bagaman may kaugnayan sa paksa, ay maaaring idagdag o alisin, depende sa iyong tagapakinig o sa iyong tunguhin.
Isaalang-alang ang isang halimbawa ng kaayusan ayon sa tema. Ang isang maikling presentasyon hinggil sa pangalan ng Diyos ay maaaring sumaklaw sa (1) kung bakit mahalaga na makilala ang Diyos sa kaniyang pangalan, (2) kung ano ang pangalan ng Diyos, at (3) kung paano natin mapararangalan ang pangalang iyon.
Malaki ang matututuhan hinggil sa kaayusan ng materyal ayon sa tema sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga publikasyong dinisenyo ng “tapat at maingat na alipin” upang gamitin sa pantahanang pag-aaral sa Bibliya. (Mat. 24:45) Ang mga publikasyong ito ay karaniwan nang nagtataglay ng maraming paksa, o tema, na makatutulong sa mga estudyante sa pagkakaroon ng pangkalahatang pangmalas sa saligang mga katotohanan ng Bibliya. Ang mas malalaking publikasyon ay gumagamit ng mga subtitulo upang hatiin ang bawat kabanata. Inihahanda ng bawat tema ang estudyante para sa kasunod na materyal at nakatutulong ito sa kabuuang larawan.
Sanhi at epekto: Ang pangangatuwiran mula sa sanhi tungo sa epekto ay isa pang paraan ng paghaharap ng impormasyon sa isang lohikal na paraan.
Kapag ikaw ay nakikipag-usap sa isang grupo o sa mga indibiduwal na nangangailangang higit na magbigay-pansin sa kalalabasan ng isang bagay na kanilang ginagawa o pinaplanong gawin, ang paraang ito ay maaaring maging mabisa. Ang Kawikaan kabanata 7 ay naglalaan ng isang napakahusay na halimbawa nito. Buong linaw na inilalarawan nito kung paanong ang isang walang-karanasang binata na “kapos ang puso” (ang sanhi) ay nasangkot sa isang patutot at nagdusa ng mapait na bunga nito (ang epekto).—Kaw. 7:7.
Upang bigyan ng karagdagang pagdiriin, maaari mong ipakita ang pagkakaiba ng masasamang resulta na nararanasan niyaong mga hindi lumalakad sa mga daan ni Jehova at ng mabubuting resulta na nararanasan ng mga nakikinig kay Jehova. Palibhasa’y napakilos ng espiritu ni Jehova, ipinakita ni Moises ang gayong pagkakaiba nang siya’y magsalita sa bansang Israel bago sila pumasok sa Lupang Pangako.—Deut., kab. 28.
Sa ilang pangyayari, mas mabuting magsimula sa iyong pagtalakay sa pamamagitan ng pagtukoy sa isang kalagayan (ang epekto) at saka magharap ng katibayan na nagpapakita ng mga salik na naging dahilan nito (ang sanhi). Kadalasang ito’y kaugnay ng isang presentasyon na suliranin-at-solusyon.
Suliranin at solusyon: Sa ministeryo sa larangan, kapag tinatalakay mo ang isang suliranin na ikinababahala ng mga tao at ipinakikita na may isang kasiya-siyang solusyon, maaaring mapasigla nito ang isang tao upang makinig. Maaaring ikaw ang magbangon ng suliranin o maaaring ibangon ito ng iyong kausap.
Ang gayong suliranin ay maaaring hinggil sa bagay na ang tao ay tumatanda at namamatay, ang pangingibabaw ng krimen, o ang laganap na pag-iral ng kawalang-katarungan. Hindi na kailangan ang mahabang pagtalakay upang ipakita na may gayong suliranin, sapagkat ito ay kitang-kita na. Basta’t magsimula sa pagbanggit sa suliranin, at saka iharap ang solusyong nasa Bibliya.
Sa kabilang panig, ang suliranin ay maaaring totoong personal, na nagsasangkot sa mga hamong napapaharap sa isang nagsosolong magulang, pagkasira ng loob dahil sa malubhang sakit, o hirap na nararanasan ng isang tao dahil sa di-maibiging pagtrato sa kaniya ng ibang tao. Upang makapagdulot ng pinakamalaking kabutihan, kailangan ka munang maging isang mabuting tagapakinig. Ang Bibliya ay naglalaan ng mahalagang impormasyon sa lahat ng mga suliraning ito. Subalit kailangang gamitin ito nang may kaunawaan. Upang talagang makinabang ang kausap mo sa iyong tinatalakay, kailangan mong maging makatotohanan. Linawin mo kung ang tinatalakay mo ay isang permanenteng solusyon, pansamantalang kaginhawahan, o kung paano lamang haharapin ang isang kalagayang hindi na magbabago sa sistemang ito ng mga bagay. Sa ibang salita, tiyaking ang maka-Kasulatang pangangatuwiran na iyong ibinibigay ay sapat upang masuportahan ang iyong konklusyon. Kung hindi, ang solusyong iyong tinutukoy ay maaaring hindi magmukhang lohikal sa taong iyon.
Kronolohikal na pagkakasunud-sunod: Angkop na iharap ang ilang materyal ayon sa panahon ng pagkapangyari. Halimbawa, sa aklat ng Exodo, ang Sampung Salot ay iniharap ayon sa sunud-sunod na paglitaw ng mga ito. Sa Hebreo kabanata 11, ang pagtatala ni apostol Pablo ng mga lalaki at babaing huwaran sa pananampalataya ay sa paraang kronolohikal.
Kung maglalahad ka ng mga pangyayari mula sa nakaraan ayon sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod, ito ay maaaring makatulong sa iyong tagapakinig na maunawaan kung paano naganap ang ilang mga pangyayari. Ito ay kumakapit kapuwa sa makabagong-panahong kasaysayan at sa mga pangyayari noong kapanahunan ng Bibliya. Sa gayo’y maaaring pinagsasama mo ang kronolohikal na pagkakasunud-sunod at ang sanhi-at-epektong pangangatuwiran. Kung pinaplano mong balangkasin ang mga pangyayari na ayon sa Bibliya ay magaganap sa hinaharap, isang kronolohikal na presentasyon marahil ang magiging pinakamadaling masubaybayan at matandaan ng iyong tagapakinig.
Ang paggamit ng isang kronolohikal na paraan ay hindi nangangahulugan na lagi kang mag-uumpisa sa simula. Sa ilang kaso, maaaring maging higit na mabisa na pasimulan ang isang salaysay sa isang kapana-panabik na pangyayari sa kuwento. Halimbawa, kapag naglalahad ng isang karanasan, marahil ay pipiliin mong isaysay ang tungkol sa isang okasyon nang masubok ang katapatan ng isa sa Diyos. Pagkatapos mapukaw ang interes sa bahaging iyon ng salaysay, maaari mo nang ilahad sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod ang mga detalye na humantong doon.
Paggamit Lamang ng Kaugnay na Materyal. Anuman ang iyong paraan sa pag-oorganisa ng iyong materyal, tiyakin na ang gagamitin mo ay yaon lamang may kaugnayan sa paksa. Ang tema ng iyong pahayag ay dapat na makaapekto sa iyong pagpili. Ang uri ng iyong tagapakinig ay dapat ding isaalang-alang. Para sa isang uri ng tagapakinig, ang isang partikular na punto ay maaaring napakahalaga, samantalang para sa ibang grupo ito ay maaaring hindi na kailangan. Kailangan mo ring tiyakin na ang lahat ng iyong materyal ay makatutulong sa pag-abot sa iyong tunguhin. Kung hindi, ang iyong presentasyon, bagaman marahil ay kawili-wili, ay maaaring mawalan ng bisa.
Kapag gumagawa ng pagsasaliksik, maaaring makasumpong ka ng maraming kawili-wiling materyal na kaugnay ng iyong paksa. Gaano karami nito ang dapat mong gamitin? Kung pauulanan mo ang iyong tagapakinig ng sobrang materyal, maaaring mabigo ka sa iyong layunin. Ang ilang pangunahing ideya na nabuong mabuti ay mas madaling tandaan kaysa sa napakaraming ideya na inihaharap nang napakabilis. Hindi ito nangangahulugan na hindi na kailangang isama kailanman ang kaugnay na kawili-wiling impormasyon. Subalit, huwag mong hayaang palabuin ng mga ito ang iyong tunguhin. Pansinin kung paanong ang gayong mga detalye ay maingat na isinama sa Bibliya sa Marcos 7:3, 4 at Juan 4:1-3, 7-9.
Habang ikaw ay sumusulong mula sa isang punto tungo sa susunod, mag-ingat na huwag gawin iyon nang biglaan anupat hindi masubaybayan ng iyong tagapakinig ang pagkakasunud-sunod ng ideya. Upang maging mabisa ang pagkakaugnay-ugnay ng mga ideya, maaaring kailanganin mong maglagay ng isang tulay mula sa isang ideya patungo sa iba. Ang tulay ay maaaring isang sugnay o ito ay maaaring isang kumpletong pangungusap na nagpapakita ng kaugnayan ng dalawang ideya. Sa maraming wika, ang simpleng pangatnig na mga salita o parirala ay maaaring gamitin upang ipakita ang kaugnayan ng isang bagong ideya sa sinundan nito.
Ang paggamit lamang ng kaugnay na materyal at pagsasaayos nito sa lohikal na pagkakasunud-sunod ay makatutulong sa iyo upang maabot ang iyong tunguhin.