Aklat ng Bibliya Bilang 44—Mga Gawa
Manunulat: Si Lucas
Saan Isinulat: Sa Roma
Natapos Isulat: c. 61 C.E.
Panahong Saklaw: 33–c. 61 C.E.
1, 2. (a) Anong makasaysayang mga pangyayari at gawain ang inilalarawan sa Mga Gawa? (b) Anong yugto ng panahon ang sinasaklaw ng aklat?
SA IKA-42 aklat ng kinasihang Kasulatan, iniuulat ni Lucas ang buhay, gawain, at ministeryo ni Jesus at ng mga alagad hanggang sa pag-akyat ni Jesus sa langit. Ang kasaysayan ng sinaunang Kristiyanismo ay ipinagpapatuloy ng ika-44 aklat ng Kasulatan, ang Mga Gawa ng mga Apostol, sa pag-uulat sa pagkatatag ng kongregasyon sa pamamagitan ng banal na espiritu. Ang paglawak ng pagpapatotoo ay iniuulat din, una’y sa mga Judio at saka sa lahat ng bansa. Ang kalakhang bahagi ng unang 12 kabanata 1-12 ay ulat ng gawain ni Pedro at ang nalalabing 16 na kabanata 13-28 ay ang kay Pablo. Si Lucas ay naging matalik na kasamahan ni Pablo sa kaniyang maraming paglalakbay.
2 Ang aklat ay patungkol kay Teofilo. Yamang tinutukoy siya na “kagalang-galang,” posibleng mataas ang tungkulin niya, o baka kapahayagan lamang ito ng lubos na paggalang. (Luc. 1:3) Ito’y wastong makasaysayang ulat tungkol sa pagkatatag at paglago ng kongregasyong Kristiyano. Nagsisimula ito sa pagpapakita ni Jesus sa mga alagad matapos buhaying-muli at patuloy sa mahalagang mga pangyayari noong 33 hanggang 61 C.E., mga 28 taon lahat-lahat.
3. Sino ang sumulat ng Mga Gawa, at kailan natapos ang pagsulat?
3 Noong una pa ang sumulat ng Lucas ay siya ring itinuturing na sumulat ng Mga Gawa. Ang dalawang aklat ay kapuwa patungkol kay Teofilo. Pinag-iisa ni Lucas ang dalawang ulat nang ang huling mga pangyayari sa kaniyang Ebanghelyo ay ulitin niya sa pambungad na mga talata ng Mga Gawa. Waring ang Mga Gawa ay natapos ni Lucas noong mga 61 C.E., malamang na sa katapusan ng dalawang-taóng pamamalagi sa Roma kasama ni apostol Pablo. Yamang ulat ito ng mga pangyayari hanggang noon, hindi ito maisusulat nang mas maaga sa taóng yaon, at palibhasa iniiwang di-nalulutas ang pag-apela ni Pablo kay Cesar, maliwanag na ang aklat ay tapos na nang taóng yaon.
4. Ano ang patotoo na ang Mga Gawa ay kanonikal at tunay?
4 Mula pa noong una, ang pagiging-kanonikal ng Mga Gawa ay tinatanggap na ng mga iskolar ng Bibliya. Ang mga bahagi ng aklat ay kabilang sa pinakamatatandang manuskritong papiro ng Kasulatang Griyego, lalo na ang Michigan No. 1571 (P38) ng ikatlo o ikaapat na siglo C.E. at ang Chester Beatty No. 1 (P45) ng ikatlong siglo. Ipinahihiwatig ng dalawang ito na ang Mga Gawa ay kasinlaganap ng ibang aklat ng kinasihang Kasulatan kaya bahagi na ito ng katalogo sa maagang petsang yaon. Ang pagkasulat ni Lucas sa Mga Gawa ay nagpapaaninaw ng kawastuan na siya ring pagkakakilanlan ng kaniyang Ebanghelyo. Ang manunulat ng Mga Gawa ay ibinibilang ni Sir William M. Ramsay “sa mga mananalaysay na may unang ranggo,” at ang kahulugan nito ay ipinaliliwanag niya sa pagsasabing: “Ang una at mahalagang katangian ng isang dakilang mananalaysay ay ang katotohanan. Ang sinasabi niya ay dapat na mapanghahawakan.”a
5. Ilarawan ang kawastuan ng pag-uulat ni Lucas.
5 Bilang paglalarawan sa wastong pag-uulat na siyang katangian ng mga sulat ni Lucas, sinisipi namin si Edwin Smith, pinunò ng plota ng mga bapor-de-giyera ng Britanya sa Mediteranyo noong Digmaang Pandaigdig I, mula sa magasing The Rudder, Marso 1947: “Ang sinaunang mga bapor ay hindi inuugitan ng iisang timon na nakakabit sa hulihan gaya ng sa ngayon, kundi sa pamamagitan ng dalawang malalaking sagwan, tig-isa sa magkabila ng hulihan; kaya binabanggit ito ni San Lucas sa maramihang bilang. [Gawa 27:40] . . . Ayon sa pagsusuri, eksakto at angkop ang bawat pangungusap ni San Lucas tungkol sa paglalayag ng bapor, buhat nang tumulak ito mula sa Mabubuting Daungan hanggang sa ito’y mabagbag sa Malta; at ang ulat niya hinggil sa panahong ginugol ng barko sa dagat ay katugma ng distansiyang nilakbay; at panghuli, ang paglalarawan niya sa destinasyon ay tamang-tama sa mismong lugar. Lahat ng ito ay nagpapakita na si Lucas ay talagang gumawa ng isinalaysay na paglalayag, at higit sa lahat siya ay isang tao na ang obserbasyon at pangungusap ay talagang mapananaligan at mapanghahawakan.”b
6. Ano ang nagpapakita na pinatutunayan ng arkeolohiya ang kawastuan ng Mga Gawa?
6 Ang kawastuan ng ulat ni Lucas ay pinatutunayan din ng arkeolohiya. Halimbawa, sa Efeso ay nahukay ang templo ni Artemis at pati na ang sinaunang teatro kung saan si apostol Pablo ay inumog ng mga taga-Efeso. (Gawa 19:27-41) Natuklasan ang mga inskripsiyon na nagpapatotoo sa kawastuan ng paggamit ni Lucas sa titulong “punong-bayan” para sa mga pinunò ng Tesalonica. (17:6, 8) Ipinakikita ng dalawang inskripsiyon sa Malta na wasto rin ang pagtukoy ni Lucas kay Publio bilang “pangulo” sa Malta.—28:7.c
7. Papaano pinatutunayan ng nakaulat na mga talumpati na ang Mga Gawa ay totoo?
7 Bukod dito, ayon sa ulat ni Lucas iba’t-iba ang estilo at komposisyon ng mga diskurso nina Pedro, Esteban, Cornelio, Tertulio, Pablo, at iba pa. Maging ang mga diskurso ni Pablo na ipinahayag sa iba’t-ibang tagapakinig ay nagbago ng estilo upang umangkop sa okasyon. Ipinahihiwatig nito na ang iniulat ni Lucas ay yaon lamang narinig niya o iniulat sa kaniya ng mga mismong nakasaksi. Si Lucas ay hindi manunulat ng kathang-isip.
8. Ano ang sinasabi ng mga Kasulatan tungkol kay Lucas at sa pakikisama niya kay Pablo?
8 Kakaunti ang nababatid sa personal na buhay ni Lucas. Siya ay hindi apostol ngunit nakasama nila. (Luc. 1:1-4) Sa tatlong okasyon ay binabanggit siya ni apostol Pablo sa pangalan. (Col. 4:10, 14; 2 Tim. 4:11; Filem. 24) Maraming taon siyang nakasama ni Pablo, na tumawag sa kaniya na “ang minamahal na manggagamot.” Sa ulat ay hali-halili ang paggamit ng “sila” at “kami” upang ipahiwatig na si Lucas ay kasama sa Troas sa ikalawang paglalakbay-misyonero ni Pablo, na nagpaiwan siya sa Filipos hanggang sa pagbabalik ni Pablo ilang taong pagkaraan, at na nagsama uli sila sa Roma upang litisin.—Gawa 16:8, 10; 17:1; 20:4-6; 28:16.
NILALAMAN NG MGA GAWA
9. Ano ang sinabi sa mga alagad noong umakyat si Jesus?
9 Mga pangyayari hanggang sa Pentekostes (1:1-26). Sa pagbubukas ng ikalawang ulat ni Lucas sinasabi ng binuhay-muling si Jesus sa mga alagad na sila’y babautismuhan sa banal na espiritu. Isasauli ba ang Kaharian sa panahong yaon? Hindi. Ngunit tatanggap sila ng kapangyarihan at magiging mga saksi “hangang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” Habang naglalaho si Jesus sa paningin, dalawang lalaking nakaputi ang nagsabi: “Itong Jesus na tinanggap sa langit mula sa inyo ay paparito sa ganito ring paraan.”—1:8, 11.
10. Anong di-malilimutang mga pangyayari ang naganap noong Pentekostes? (b) Anong paliwanag ang ibinigay ni Pedro, at ano ang ibinunga nito?
10 Ang di-malilimutang araw ng Pentekostes (2:1-42). Lahat ng alagad ay nagkakatipon sa Jerusalem. Ang bahay ay biglang napuno ng ingay na gaya ng malakas na hangin. Dumapo sa kanila ang mga dilang gaya ng apoy. Napuspos sila ng banal na espiritu at nagsalita sa iba‘t-ibang wika tungkol sa “kamangha-manghang mga gawa ng Diyos.” (2:11) Nagtaka ang mga nagmamasid. Tumayo si Pedro upang magsalita. Ipinaliwanag niya na ito ay katuparan ng hula ni Joel (2:28-32) at na ‘ang kanilang nakikita at naririnig ay ibinuhos’ ni Jesu-Kristo na nabuhay-muli at umakyat sa kanang kamay ng Diyos. Naantig ang puso, mga 3,000 ang yumakap sa salita at nangabautismuhan.—2:33.
11. Papaano pinagpala ni Jehova ang pangangaral?
11 Lumawak ang pagpapatotoo (2:43–5:42). Araw-araw idinagdag ni Jehova ang mga naliligtas. Sa labas ng templo ay nadaanan nina Pedro at Juan ang isang lalaki na isinilang na lumpo. “Sa pangalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, lumakad ka!” utos ni Pedro. Ang tao ay agad “lumakad at lumukso at nagpuri sa Diyos.” Nagsumamo si Pedro sa mga tao na magsisi at magbalik-loob, “upang dumating ang mga panahon ng kaginhawahan mula sa harapan ni Jehova.” Sina Pedro at Juan ay dinakip ng mga pinunò ng relihiyon na nainis sa turo ng pagkabuhay-na-muli ni Jesus, subalit ang bilang ng mga mananampalataya ay sumulong sa 5,000 mga lalaki.—3:6, 8, 19.
12. (a) Ano ang isinagot ng mga alagad nang pahintuin sila sa pangangaral? (b) Bakit pinarusahan sina Ananias at Safira?
12 Kinabukasan, sina Pedro at Juan ay siniyasat ng mga pinunong Judio. Tahasang nagpatotoo si Pedro na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ni Jesu-Kristo, at nang utusan silang huminto sa pangangaral, ang dalawa ay sumagot: “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig sa inyo kaysa sa Diyos, kayo ang humatol. Ngunit kung para sa amin, hindi kami makahihinto sa pagsasalita ng mga bagay na aming nakita at narinig.” (4:19, 20) Pinalaya sila, at lahat ng alagad ay buong-giting na nagpatuloy sa paghahayag ng salita ng Diyos. Dahil sa pangangailangan, pinagsama-sama nila ang kanilang ari-arian at gumawa ng mga pag-aabuloy. Gayunman, lihim na itinago ng mag-asawang Ananias at Safira ang bahagi ng kanilang napagbilhan at pinalitaw na naibigay nila ang buong halaga. Inilantad sila ni Pedro, at sila ay namatay sapagkat nagsinungaling sila sa Diyos at sa banal na espiritu.
13. Ano ang ipinaratang sa mga apostol, papaano sila tumugon, at ano ang patuloy nilang ginawa?
13 Ang mga apostol ay muling ipinabilanggo ng galit-na-galit na mga pinunò ng relihiyon, ngunit pinalaya sila ng anghel ni Jehova. Kinabukasan iniharap uli sila sa Sanhedrin at pinaratangan na ‘napunô ang Jerusalem ng kanilang turo.’ Sumagot sila: “Dapat muna kaming sumunod sa Diyos bago sa tao.” Bagaman pinaghahampas at pinagbantaan, hindi sila huminto at ‘araw-araw sa templo at sa bahay-bahay ay hindi sila tumigil sa pagtuturo at pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.’—5:28, 29, 42.
14. Papaano naging martir si Esteban?
14 Ang pagka-martir ni Esteban (6:1–8:1a). Si Esteban ay isa sa pito na inatasan ng banal na espiritu na mamahagi ng pagkain. Mariin siyang nagpatotoo sa katotohanan at masigasig ang kaniyang pananampalataya kung kaya sa Sanhedrin ay pinaratangan siya ng pamumusong. Bilang pagtatanggol, isinalaysay muna ni Esteban ang pagpapahinuhod ni Jehova sa Israel. At walang-takot na sinabi niya: ‘Mga matitigas-ang-ulo, lagi ninyong sinasalansang ang banal na espiritu, kayo na tumanggap ng Kautusan mula sa mga anghel ngunit hindi tumupad nito.’ (7:51-53) Sobra na ito. Sinunggaban nila siya, inilabas sa lungsod at binato hanggang mamatay. Si Saulo ay nakamasid nang may pagsang-ayon.
15. Ano ang ibinunga ng pag-uusig, at anong mga karanasan sa pangangaral ang nakamit ni Felipe?
15 Mga pag-uusig, pagkakumberte ni Saulo (8:1b–9:30). Liban sa mga apostol, lahat ay napangalat ng pag-uusig na nagsimula nang araw na yaon laban sa kongregasyon sa Jerusalem. Nagtungo si Felipe sa Samaria, at doo’y marami ang tumanggap sa salita ng Diyos. Sina Pedro at Juan ay isinugo roon mula sa Jerusalem upang ang mga mananampalataya ay makatanggap ng banal na espiritu “sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga apostol.” (8:18) Si Felipe ay inakay ng anghel patimog sa daanan ng Jerusalem at Gaza, at nasalubong niya ang isang bating mula sa palasyo ng Etiopia na nakasakay sa karo at binabasa ang aklat ni Isaias. Ipinaliwanag sa kaniya ni Felipe ang kahulugan ng hula at siya ay binautismuhan.
16. Papaano nakumberte si Saulo?
16 Samantala, si Saulo, na “sumisilakbo sa pagbabanta at pagpatay sa mga alagad ng Panginoon,” ay nagpunta sa Damasco upang dakpin ang ‘mga kabilang sa Daan.’ Biglang kumislap sa paligid niya ang liwanag mula sa langit at siya’y natumba at nabulag. Sinabi ng isang tinig mula sa langit: “Ako si Jesus na iyong pinag-uusig.” Pagkaraan ng tatlong araw sa Damasco, tinulungan siya ng alagad na si Ananias. Nagbalik ang paningin ni Saulo, nabautismuhan, at napuspos ng banal na espiritu kaya siya’y naging masigasig at may-kakayahang mangangaral ng mabuting balita. (9:1, 2, 5) Sa kataka-takang pagkabaligtad ng pangyayari, ang mang-uusig ay siya ngayong pinag-uusig at kinailangang tumakas upang makaligtas, una’y mula sa Damasco at saka mula sa Jerusalem.
17. Papaano nakarating ang mabuting balita sa di-tuling mga Gentil?
17 Nakarating ang mabuting balita sa di-tuling mga Gentil (9:31–12:25). Ang kongregasyon ay ‘naging payapa, napatibay; at sa paglakad sa takot kay Jehova at pag-aliw ng banal na espiritu, ay patuloy na dumami.’ (9:31) Sa Joppe, si Tabitha (Dorcas) ay ibinangon ni Pedro mula sa mga patay, at mula rito ay pinapunta siya sa Cesarea, kung saan hinihintay siya ng punong-kawal na si Cornelio. Nangaral siya kay Cornelio at sa sambahayan nito at sumampalataya sila, kaya ang banal na espiritu ay ibinuhos sa kanila. Sa pagkatanto na “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa lahat ng bansa ang taong natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kalugud-lugod sa kaniya,” sila ay binautismuhan ni Pedro—ang unang di-tuling mga Gentil na nakumberte. Ang bagong pagsulong na ito ay ipinaliwanag ni Pedro sa mga kapatid sa Jerusalem, at sila’y lumuwalhati sa Diyos.—10:34, 35.
18. (a) Ano ang sumunod na naganap sa Antioquia? (b) Anong pag-uusig ang bumangon, ngunit natupad ba ang layunin nito?
18 Dahil sa mabilis na paglaganap ng mabuting balita, marami ang naturuan nina Bernabe at Saulo sa Antioquia, ‘at [doon] unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad ayon sa kalooban ng Diyos.’ (11:26) Muling sumiklab ang pag-uusig. Si Santiago na kapatid ni Juan ay ipinapatay sa tabak ni Herodes Agrippa I. Ibinilanggo rin niya si Pedro, ngunit muli itong pinalaya ng anghel ni Jehova. Kawawa ang balakyot na si Herodes! Palibhasa hindi niya niluwalhati ang Diyos, kinain siya ng uod at namatay. Sa kabilang dako, ‘ang salita ni Jehova ay patuloy na lumago at lumaganap.’—12:24.
19. Gaano kalawak ang unang paglalakbay-misyonero ni Pablo, at ano ang nagawa nito?
19 Unang paglalakbay-misyonero ni Pablo, kasama si Bernabe (13:1–14:28).d Sina Bernabe at “Saulo, na siya ring Pablo,” ay ibinukod at isinugo ng banal na espiritu mula sa Antioquia. (13:9) Sa pulo ng Chipre ay marami ang sumampalataya, pati na si Sergio Paulo na proconsul. Sa Asya Minor, nilibot nila ang anim o higit pang lungsod, at kahit saan ay pare-pareho ang istorya: Nakita ang pagkakaiba ng mga buong-pusong tumanggap ng mabuting balita at ng matitigas-ang-ulong tagapagbuyo ng pambabato sa mga mensahero ni Jehova. Matapos humirang ng matatanda sa bagong-tatag na mga kongregasyon, bumalik sina Pablo at Bernabe sa Antioquia ng Sirya.
20. Sa anong pasiya nalutas ang suliranin sa pagtutuli?
20 Paglutas sa suliranin ng pagtutuli (15:1-35). Dahil sa pagpasok ng mga di-Judio, naging suliranin kung dapat silang tuliin o hindi. Ito ay iniharap nina Pablo at Bernabe sa mga apostol at matatanda sa Jerusalem, kung saan ang alagad na si Santiago ang nangasiwa at ang pasiya ay ipinatalastas ng pormal na liham: “Minagaling ng banal na espiritu at namin na huwag kayong atangan ng karagdagang pasanin, liban na sa mahahalagang bagay na ito, na kayo’y mangilag sa mga bagay na inihain sa diyus-diyosan at sa dugo at sa mga binigti at sa pakikiapid.” (15:28, 29) Ang nagpapasiglang liham na ito ay nagdulot ng kagalakan sa mga kapatid sa Antioquia.
21. (a) Sino ang mga nakasama ni Pablo sa ikalawa niyang paglalakbay-misyonero? (b) Ano ang naganap sa pagdalaw sa Macedonia?
21 Lumawak ang ministeryo sa ikalawang paglalakbay ni Pablo (15:36–18:22).e “Pagkaraan ng ilang araw” sina Bernabe at Marcos ay tumulak patungong Chipre, samantalang sina Pablo at Silas ay sa Sirya at Asya Minor. (15:36) Sa Listra ang binatang si Timoteo ay sumama kay Pablo at nagpatuloy sila sa Troas sa baybaying Aegeano. Nakakita si Pablo ng pangitain ng isang taong nakikiusap: “Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.” (16:9) Sumama si Lucas kay Pablo at nagbarko sila papuntang Filipos, pangunahing lungsod ng Macedonia, at doo’y nabilanggo sina Pablo at Silas. Umakay ito sa pagsampalataya at pagkabautismo ng tagapagbilanggo. Nang makalaya na, nagpatuloy sila sa Tesalonica, at doo’y inumog sila ng mga Judio. Kaya kinagabihan sina Pablo at Silas ay pinapunta ng mga kapatid sa Berea. Dito’y ipinakita ng mga Judio na sila’y marangal dahil sa pagtanggap sa salita “nang may buong pananabik, at maingat na sinusuri ang mga Kasulatan sa araw-araw” upang tiyakin ang mga bagay na natututuhan. (17:11) Iniwan ni Pablo sina Silas at Timoteo sa bagong kongregasyong ito, gaya ng pag-iwan niya kay Lucas sa Filipos, at siya ay nagpatuloy patimog sa Atenas.
22. Ano ang ibinunga ng dalubhasang talumpati ni Pablo sa Areopago?
22 Sa lungsod na ito ng mga idolo, sinabi ng matatayog-ang-isip na mga pilosopong Epicureo at Stoico na si Pablo ay “madaldal” at “tagapagpahayag ng ibang diyos,” at dinala siya sa Areopago, o Burol ng Mars. Sa tulong ng dalubhasang oratoryo, ipinaliwanag ni Pablo ang paghahanap sa tunay na Diyos, ang “Panginoon ng langit at lupa,” na humahatol nang matuwid sa pamamagitan ng isa na binuhay-na-muli sa mga patay. Nahati ang mga tagapakinig nang banggitin ang pagkabuhay-na-muli, ngunit may mga sumampalataya.—17:18, 24.
23. Ano ang nagawa sa Corinto?
23 Pagdating sa Corinto nakituloy si Pablo kina Aquila at Priscila at tumulong siya sa paggawa ng tolda. Napilitan siyang umalis sa sinagoga dahil sa pagsalansang at nagdaos na lamang ng pulong sa bahay ni Tito Justo na katabi nito. Sumampalataya si Crispo, tagapangasiwa ng sinagoga. Makaraan ang 18 buwan sa Corinto, umalis si Pablo kasama nina Aquila at Priscila patungong Efeso, kung saan iniwan niya sila at nagpatuloy sa Antioquia sa Sirya, upang tapusin ang kaniyang ikalawang paglalakbay-misyonero.
24, 25. (a) Sa ikatlong paglalakbay ni Pablo, ano ang naganap sa Efeso? (b) Anong kaguluhan ang nangyari sa katapusan ng tatlong-taóng pananatili ni Pablo?
24 Muling-dinalaw ang mga kongregasyon, ikatlong paglalakbay (18:23–21:26).f Mula sa Aleksandriya, Ehipto ay dumating sa Efeso ang Judiong si Apollo na buong-tapang na nagsalita sa sinagoga tungkol kay Jesus, ngunit itinuwid nina Aquila at Priscila ang kaniyang turo bago siya pumunta sa Corinto. Dumating si Pablo sa ikatlong paglalakbay-misyonero. Nang malaman na ang mga alagad ay binautismuhan ni Juan, ipinaliwanag niya ang bautismo sa pangalan ni Jesus. Binautismuhan ang 12 lalaki; at nang ipatong niya sa kanila ang kaniyang kamay, tumanggap sila ng banal na espiritu.
25 Sa tatlong-buwang pamamalagi ni Pablo sa Efeso, ‘ang salita ni Jehova ay lumago at nagtagumpay’ at marami ang tumalikod sa pagsamba sa diyosa ng lungsod, si Artemis. (19:20) Galít dahil sa napipintong pagkalugi sa negosyo, nambulabog ang mga manggagawa ng imaheng pilak anupat lumipas ang maraming oras bago napaalis ang mga mang-uumog. Di-nagtagal si Pablo ay nagpunta sa Macedonia at Gresya, na dinadalaw ang mga mananampalataya habang daan.
26. (a) Anong himala ang ginawa ni Pablo sa Troas? (b) Ano ang ipinayo niya sa mga tagapangasiwa sa Efeso?
26 Tatlong buwang namalagi si Pablo sa Gresya bago nagbalik sa pamamagitan ng Macedonia at doo’y nagkasama uli sila ni Lucas. Tumawid sila sa Troas at isang gabi, habang nagtatalumpati si Pablo, isang binata ang nakatulog at nahulog mula sa bintana ng ikatlong palapag. Namatay siya ngunit siya’y binuhay-na-muli ni Pablo. Kinabukasan sina Pablo ay umalis patungong Mileto, at doo’y huminto si Pablo bago magpatuloy sa Jerusalem, upang pulungin ang matatanda mula sa Efeso. Hindi na nila makikita ang kaniyang mukha. Kaya napakahalaga na sila’y manguna at magpastol sa kawan ng Diyos, ‘na doo’y inatasan sila ng banal na espiritu bilang tagapangasiwa’! Ipinaalaala niya ang kaniyang halimbawa, at pinayuhan sila na manatiling gising at huwag ipagkait ang sarili alang-alang sa mga kapatid. (20:28) Bagaman binalaan na huwag tutuntong sa Jerusalem, hindi tumalikod si Pablo. Umayon ang mga kapatid, at nagsabi: “Mangyari ang kalooban ni Jehova.” (21:14) Nagkaroon ng malaking kagalakan nang iulat ni Pablo kay Santiago at sa ibang matatanda ang pagpapala ng Diyos sa kaniyang ministeryo sa mga bansa.
27. Papaano tinanggap si Pablo sa templo?
27 Dinakip at nilitis si Pablo (21:27–26:32). Nang magpunta si Pablo sa templo sa Jerusalem, hindi maganda ang pagtanggap sa kaniya. Ang buong lungsod ay pinukaw laban sa kaniya ng mga Judio mula sa Asya, at tamang-tama ang dating ng mga sundalong Romano.
28. (a) Anong suliranin ang ibinangon ni Pablo sa harap ng Sanhedrin, at ano ang resulta? (b) Saan siya ipinadala?
28 Bakit nagkakagulo? Sino ang Pablong ito? Ano ang kasalanan niya? Gustong malaman ng nalilitong punong-kawal ang mga sagot. Bilang mamamayang Romano, nailigtas si Pablo sa pagkahagupit at iniharap siya sa Sanhedrin. Ah, isang nababahaging hukuman ng mga Fariseo at Saduceo! Kaya ibinangon ni Pablo ang suliranin ng pagkabuhay-na-muli upang magtalo sila sa isa’t-isa. Nang umiinit na ang hidwaan, kinailangan ng mga kawal Romano na agawin si Pablo sa Sanhedrin bago siya pagluray-lurayin. Kinagabihan ay lihim siyang inihatid ng napakaraming kawal kay Gobernador Felix sa Cesarea.
29. Dahil sa paratang na sedisyon, anong sunud-sunod na paglilitis ang naranasan ni Pablo, at anong pag-apela ang ginawa niya?
29 Pinaratangan ng sedisyon, buong-husay na ipinagtanggol ni Pablo ang sarili sa harapan ni Felix. Subalit nag-atubili si Felix sa pag-asang susuhulan siya ni Pablo upang makalaya. Dalawang taon ang lumipas. Humalili si Porcio Festo kay Felix bilang gobernador, at iniutos ang bagong paglilitis. Muling bumangon ang malulubhang paratang at muling nagpahayag si Pablo ng kawalang-sala. Ngunit si Festo, sa hangad na palugdan ang mga Judio, ay nagmungkahi ng isa pang paglilitis sa harapan niya sa Jerusalem. Kaya nagpahayag si Pablo: “Maghahabol ako kay Cesar!” (25:11) Lumipas ang maraming panahon. Sa wakas, dumalaw si Haring Herodes Agrippa II kay Festo, at muling nilitis si Pablo. Mariin at kapani-paniwala ang kaniyang patotoo kaya si Agrippa ay naudyukang magsabi: “Hindi magtatagal at mahihikayat mo akong maging Kristiyano.” (26:28) Kinilala rin ni Agrippa na si Pablo ay walang-sala at makalalaya na sana siya kung hindi siya nag-apela kay Cesar.
30. Ano ang mga karanasan ni Pablo sa paglalakbay hanggang sa Malta?
30 Nagpunta si Pablo sa Roma (27:1–28:31).g Si Pablo at ang mga bilanggo ay isinakay sa daong para sa unang yugto ng paglalakbay sa Roma. Malakas ang hangin kaya mabagal ang paglalayag. Nagpalit sila ng daong sa Myra. Pagdating sa Mabubuting Daungan, sa Creta, iminungkahi ni Pablo na palipasin ang taglamig, ngunit ipinasiya ng nakararami na maglayag. Kapapalaot pa lamang nila nang mahagip sila ng isang unos at ipaghampasan sa magkabi-kabila. Pagkaraan ng dalawang linggo ang daong ay nagkadurug-durog sa buhanginan malapit sa baybayin ng Malta. Gaya ng tiniyak ni Pablo sa pasimula, isa man sa 276 na pasahero ay hindi namatay! Nagpamalas ang mga taga-Malta ng pambihirang kabaitan at nang taglamig na yaon, marami sa kanila ang napagaling ni Pablo sa himala ng espiritu ng Diyos.
31. Papaano sinalubong si Pablo pagdating sa Roma, at sa ano siya naging abala roon?
31 Dumating si Pablo sa Roma nang sumunod na tagsibol, at sinalubong siya ng mga kapatid. Nang makita sila ‘nagpasalamat [si Pablo] sa Diyos at lumakas ang kaniyang loob.’ Bagaman bilanggo pa rin, pinayagan si Pablo na tumira sa inuupahang bahay na may tanod na kawal. Tinatapos ni Lucas ang ulat at sinabing tinanggap ni Pablo ang lahat ng dumadalaw at “nangaral sa kanila ng kaharian ng Diyos at nagturo tungkol sa Panginoong Jesu-Kristo sa buong-kalayaan ng pagsasalita, at nang walang hadlang.”—28:15, 31.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
32. Bago at noong Pentekostes, papaano nagpatotoo si Pedro sa pagiging-tunay ng mga Kasulatang Hebreo?
32 Ang Mga Gawa ay sumusuhay sa ulat ng mga Ebanghelyo tungkol sa pagiging-totoo at pagiging-kinasihan ng Kasulatang Hebreo. Nang malapit na ang Pentekostes, binanggit ni Pedro ang katuparan ng dalawang hula “tungkol kay Judas na patiunang sinalita ng banal na espiritu sa bibig ni David.” (Gawa 1:16, 20; Awit 69:25; 109:8) Sinabi rin ni Pedro sa nagtatakang karamihan noong Pentekostes na nasasaksihan nila ang katuparan ng hula: “Ito ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Joel.”—Gawa 2:16-21; Joel 2:28-32; ihambing din ang Gawa 2:25-28, 34, 35 sa Awit 16:8-11 at Aw 110:1.
33. Papaano ipinakita nina Pedro, Felipe, Santiago, at Pablo na ang mga Kasulatang Hebreo ay kinasihan?
33 Upang maniwala ang isa pang grupo sa labas ng templo, si Pedro ay muling sumipi sa Kasulatang Hebreo, una ay kay Moises: “Lahat ng mga propeta mula kay Samuel, at marami nga sila, ay maliwanag ding nagpahayag tungkol sa mga araw na ito.” Nang maglaon, sa harapan ng Sanhedrin, sinipi ni Pedro ang Awit 118:22 upang ipakita na si Kristo, bilang batong katitisuran, ay naging “pangulo sa panulok.” (Gawa 3:22-24; 4:11) Ipinaliwanag ni Felipe sa bating na Etiope kung papaano natupad ang Isaias 53:7, 8, at nang maliwanagan, ang maamong Etiope ay humiling na mabautismuhan. (Gawa 8:28-35) Gayundin, nang nakikipag-usap kay Cornelio tungkol kay Jesus, sinabi ni Pedro: “Sa kaniya’y nagpapatotoo ang lahat ng propeta.” (10:43) Nang pinagtatalunan ang suliranin ng pagtutuli, inalalayan ni Santiago ang kaniyang pasiya sa pagsasabing: “Dito’y sumasang-ayon ang salita ng mga Propeta, gaya ng nasusulat.” (26:22; 28:23, 25-27) Ang maalwang pagtanggap ng mga alagad at ng mga tagapakinig sa Kasulatang Hebreo bilang Salita ng Diyos ay tatak ng kinasihang pagsang-ayon sa mga kasulatang ito.
34. Ano ang isinisiwalat ng Mga Gawa tungkol sa kongregasyong Kristiyano, at naiiba ba ito sa ngayon?
34 Kapaki-pakinabang ang Mga Gawa sa pagpapakita kung papaano naitatag ang kongregasyong Kristiyano at kung papaano ito lumago sa kapangyarihan ng banal na espiritu. Sa kabuuan ng madulang ulat ay maoobserbahan ang pagpapala ng Diyos sa paglawak, ang tapang at kagalakan ng sinaunang mga Kristiyano, ang pagkukusa nila, gaya ng pagtugon ni Pablo sa panawagan na humayo sa ibang lupain at pumasok sa Macedonia. (4:13, 31; 15:3; 5:28, 29; 8:4; 13:2-4; 16:9, 10) Hindi naiiba ang kongregasyong Kristiyano ngayon, pagkat nabubuklod ito ng pag-ibig, pagkakaisa, at malasakit sa isa’t-isa habang ipinapahayag ang “kamangha-manghang mga gawa ng Diyos” sa patnubay ng banal na espiritu.—2:11, 17, 45; 4:34, 35; 11:27-30; 12:25.
35. Papaano ipinakikita ng Mga Gawa kung papaano dapat ibigay ang patotoo, at anong katangian sa ministeryo ang idiniriin?
35 Ipinakikita ng Mga Gawa kung papaano isasagawa ang Kristiyanong atas na pagpapahayag ng Kaharian ng Diyos. Naging halimbawa si Pablo, sa pagsasabing: “Hindi ko ikinait ang pagsasabi sa inyo ng anomang pakikinabangan ni ang pagtuturo sa inyo nang madlaan at sa bahay-bahay.” Nagpatuloy pa siya: “Ako’y lubusang nagpatotoo.” Sa buong aklat ang pansin ay inaakay sa temang ito ng ‘lubusang pagpapatotoo,’ at ito’y kapuna-punang itinatampok sa huling mga talata, kung saan ang buong-pusong debosyon ni Pablo sa pangangaral at pagtuturo, maging sa bilangguan, ay maaaninaw sa mga salitang: “Nagpaliwanag siya sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa kaharian ng Diyos at paghikayat sa kanila tungkol kay Jesus mula sa kautusan ni Moises at sa Mga Propeta, mula umaga hanggang gabi.” Ganito rin sana tayo kaseryoso sa gawain ng Kaharian!—20:20, 21; 28:23; 2:40; 5:42; 26:22.
36. Anong praktikal na payo ni Pablo ang mariing kumakapit sa mga tagapangasiwa ngayon?
36 Sa talumpati ni Pablo sa mga tagapangasiwa sa Efeso ay napakaraming praktikal na payo para sa mga tagapangasiwa sa ngayon. Yamang inatasan sila ng banal na espiritu, mahalaga na ‘magbigay- pansin sa sarili at sa buong kawan,’ na buong-kabaitan nilang pinapastulan at iniingatan mula sa ganid na mga lobo. Hindi magaang na pananagutan ito! Ang mga tagapangasiwa ay dapat manatiling gising at patibayin ang sarili sa salita ng di-sana nararapat na kabaitan ng Diyos. Habang nagsisikap tumulong sa mahihina, “dapat [nilang] tandaan ang mga salita ng Panginoong Jesus, nang sabihin niya, ‘Mas maligaya ang magbigay kaysa tumanggap.’ ”—20:17-35.
37. Sa anong mataktikang pangangatuwiran idiniin ni Pablo ang kaniyang punto sa Areopago?
37 Sa iba pang talumpati ni Pablo ay maningning na inilalahad ang mga simulain ng Bibliya. Halimbawa, ang walang-kupas na pakikipagkatuwiran sa mga Epicureo at Stoico sa Areopago. Una’y sinisipi niya ang inskripsiyon sa kanilang dambana, “Sa isang Diyos na Hindi Kilala,” at saka ginawang saligan ito sa pagpapaliwanag na ang iisang tunay na Diyos, Panginoon ng langit at lupa, na mula sa isang tao ay gumawa ng bawat bansa ng mga tao, “ay hindi malayo sa bawat isa sa atin.” Saka sinisipi niya ang kanilang mga makata, “Sapagkat tayo rin ay kaniyang supling,” upang ipakita ang kamangmangan ng paniwala na sila ay galing sa walang-buhay na mga idolong ginto, pilak, o bato. Gayon mataktikang pinatunayan ni Pablo ang soberanya ng Diyos na buháy. Binanggit lamang niya ang pagkabuhay-na-muli sa pansarang pangungusap, at kahit doon ay hindi niya binabanggit ang Kristo sa pangalan. Naidiin niya ang pagiging-kataas-taasan ng iisang tunay na Diyos, at bunga nito ay may mga nagsisampalataya.—17:22-34.
38. Anong pagpapala ang ibinubunga ng pag-aaral na iminumungkahi sa Mga Gawa?
38 Ang Mga Gawa ay nagpapasigla ng patuloy, masikap na pag- aaral ng “lahat ng Kasulatan.” Nang unang mangaral si Pablo sa Berea, sinabi niyang ang mga Judio roon ay “mararangal” dahil sa “pagtanggap sa salita nang may buong pananabik, at maingat na sinusuri ang mga Kasulatan sa araw-araw kung gayon nga ang mga ito.” (17:11) Ngayon, tulad noon, ang masigasig na pag-aaral ng Kasulatan kaugnay ng puspos-ng-espiritung kongregasyon ni Jehova ay magbubunga rin ng pagtitiwala at matibay na pananampalataya. Sa ganitong pag-aaral nakakamit ang malinaw na pagpapahalaga sa mga banal na simulain. Ang Gawa 15:29 ay mahusay na kapahayagan ng ilan sa mga simulaing ito. Dito’y ipinatalastas ng lupong tagapamahala ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem na bagaman ang pagtutuli ay hindi na hinihiling sa espirituwal na Israel, tiyak na ipinagbabawal pa rin ang idolatriya, dugo, at pakikiapid.
39. (a) Papaano pinalakas ang mga alagad upang harapin ang mga pag-uusig? (b) Anong magiting na patotoo ang ibinigay nila? Mabisa ba ito?
39 Ang sinaunang mga alagad ay talagang nag-aral ng kinasihang Kasulatan at sinipi at ikinapit nila ito ayon sa pangangailangan. Pinalakas sila ng tumpak na kaalaman at ng espiritu ng Diyos upang harapin ang mahihigpit na pag-uusig. Nagbigay halimbawa sina Pedro at Juan nang buong-tapang nilang sabihin sa mga sumalansang na pinunò: “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig sa inyo kaysa sa Diyos, kayo ang humatol. Ngunit kung para sa amin, hindi kami hihinto sa pagsasalita ng mga bagay na aming nakita at narinig.” At nang muli silang iharap sa Sanhedrin, na “tuwirang nag-utos” na huwag nang mangaral sa pangalan ni Jesus, malinaw nilang isinagot: “Dapat muna kaming sumunod sa Diyos bago sa tao.” Ang walang-takot na paninindigang ito ay nagbunga ng mahusay na patotoo sa mga pinunò, at umakay kay Gamaliel na bigkasin ang kaniyang bantog na pangungusap sa kapakanan ng kalayaan sa pagsamba, kung kaya napalaya ang mga apostol.—4:19, 20; 5:28, 29, 34, 35, 38, 39.
40. Anong pampasigla ang ibinibigay ng Mga Gawa upang lubusan tayong makapagpatotoo ukol sa Kaharian?
40 Gaya ng gintong sinulid na nakahabi sa buong Bibliya, nangingibabaw sa Mga Gawa ang maluwalhating layunin ni Jehova kaugnay ng Kaharian. Sa pasimula, 40 araw bago umakyat sa langit, makikita si Jesus na “nagbabalita tungkol sa kaharian ng Diyos.” Bilang sagot sa tanong ng mga alagad hinggil sa pagsasauli ng Kaharian, sinabi ni Jesus na dapat muna silang maging mga saksi hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa. (1:3, 6, 8) Mula sa Jerusalem, ang mga alagad ay buong-kagitingang nangaral ng Kaharian. Ang pag-uusig ay umakay sa pagbato kay Esteban at sa pangangalat ng mga alagad sa mga bagong teritoryo. (7:59, 60) Ayon sa ulat, matagumpay na ipinahayag ni Felipe “ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos” sa Samaria, at si Pablo at ang mga kasamahan niya ay nagpahayag “ng kaharian” sa Asya, Corinto, Efeso, at Roma. Lahat ng sinaunang mga Kristiyanong ito ay nag-iwan ng mahusay na halimbawa ng di-natitinag na tiwala kay Jehova at sa kaniyang umaalalay na espiritu. (8:5, 12; 14:5-7, 21, 22; 18:1, 4; 19:1, 8; 20:25; 28:30, 31) Habang minamasdan ang kanilang di-malulupig na sigasig at tibay-loob at ang buong-saganang pagpapala ni Jehova sa kanilang pagsisikap, tayo rin ay napapasigla na manatiling tapat sa “pagpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos.”—28:23.
[Mga talababa]
a St. Paul the Traveller, 1895, pahina 4.
b Sinipi sa Awake! ng Hulyo 22, 1947, pahina 22-3; tingnan din ang Awake! ng Abril 8, 1971, pahina 27-8.
c Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 153-4, 734-5; Tomo 2, pahina 748.
d Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 747.
e Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 747.
f Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 747.
g Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 750.