PAGLILIBING, MGA DAKONG LIBINGAN
Ang paglilibing sa bangkay ng isang taong namatay ay napakahalaga para sa mga tao noong panahon ng Bibliya. Kaya naman, si Abraham, ang unang tao na tuwirang binanggit sa ulat na nagsagawa ng paglilibing, ay handang gumastos ng malaking halaga upang makabili ng isang angkop na dakong mapaglilibingan. (Tingnan ang BINILI.) Ang mga Hiteo (mga anak ni Het), na nagbenta sa kaniya, ay may mga ‘piling’ dakong libingan. (Gen 23:3-20) Nang maglaon, ang yungib na nabili ni Abraham ay naging dakong libingan ng kaniyang pamilya, anupat doon inilibing ang bangkay ng kaniyang asawa at, nang bandang huli, ang bangkay niya, at niyaong kina Isaac, Rebeka, Lea, at Jacob. (Gen 25:9; 49:29-32) Napakaimportante kay Jacob na huwag mailibing sa Ehipto ang bangkay niya, sa halip, nais niyang mailibing itong kasama ng kaniyang mga ninuno. (Gen 47:29-31) Dahil dito’y kinailangang embalsamuhin ang kaniyang bangkay, anupat kung hindi ay mabubulok ito sa mainit na paglalakbay mula sa Ehipto patungo sa yungib ng Macpela. (Gen 50:1-3, 13) Ganito rin ang kahilingan ni Jose, kung kaya inembalsamo rin ang kaniyang bangkay at inilagay sa isang kabaong, hanggang noong panahon ng Pag-alis kung kailan iyon inilipat. (Gen 50:24-26; Jos 24:32) Tiyak na ganito ang kanilang kahilingan dahil pareho silang nanampalataya sa mga pangako ng Diyos at kapahayagan ito ng pananalig nila na matutupad ang mga iyon sa dakong huli.—Heb 11:13-22, 39.
Gaya ni Abraham, waring mas gusto ng mga tao noon ang mga dakong libingan na pampamilya. (2Sa 19:34-37) Sina Gideon, Samson, at Asahel ay pare-parehong iniulat na inilibing ‘sa dakong libingan ng kaniyang ama.’ (Huk 8:32; 16:31; 2Sa 2:32) Gayunman, ang malimit gamiting pananalita na ‘humiga, o ilibing, na kasama ng kaniyang mga ninuno’ ay hindi nagpapahiwatig na magkakasama sila sa iisang dakong libingan, sapagkat ang pariralang ito ay ginagamit may kinalaman sa mga taong maliwanag na hindi naman inilibing sa mismong libingan ng kanilang mga ninuno. (Gen 15:15; Deu 31:16; 32:50; 1Ha 2:10; Gaw 13:36) Kung gayon, malamang na ang ibig sabihin nito ay na pare-pareho silang pumasok sa Sheol (Hades), na karaniwang libingan ng sangkatauhan. Ang karaniwang libingang ito ay tinatawag na “bahay ng kapisanan para sa lahat ng nabubuhay.”—Job 30:23.
Noon, itinuturing na isang pagpapakita ng maibiging-kabaitan ang paglilibing sa bangkay ng iba, at isinapanganib pa nga ng mga lalaki ng Jabes-gilead ang kanilang buhay upang mailibing si Saul at ang kaniyang mga anak. (1Sa 31:11-13; 2Sa 2:4-6) Ang pagkakait ng libing sa isang tao ay itinuturing na kaabahan (Jer 14:16) at binabanggit na ito’y isang kapahayagan ng pagtatakwil ng Diyos sa mga tao dahil sa kanilang maling landasin. (Jer 8:1, 2; 9:22; 25:32, 33; Isa 14:19, 20; ihambing ang Apo 11:7-9.) Kung magkagayon, ang bangkay ay inilalantad upang kainin ng mga hayop at ng mga ibon. (Aw 79:1-3; Jer 16:4) Ipinakikita ng kahabag-habag na situwasyon ni Rizpa kung gaano pinahahalagahan ang paglilibing. Sa loob marahil ng ilang buwan, hindi niya iniwan ang mga bangkay ng kaniyang mga anak, hangga’t hindi naililibing ang mga ito.—2Sa 21:9-14.
Ang kautusan ni Jehova sa pamamagitan ni Moises ay may probisyon pa nga para sa paglilibing ng mga kriminal. (Deu 21:23; ihambing ang Jos 8:29.) Si Ahitopel, bagaman nagpatiwakal, ay inilibing. (2Sa 17:23) Nang ipag-utos ni Solomon na patayin si Joab, itinagubilin din niya na ilibing ito. (1Ha 2:31) Bilang konsiderasyon, gusto sanang ipalibing ni Jehu ang balakyot na si Jezebel dahil siya’y “anak ng isang hari,” subalit natupad ang hula ni Jehova na si Jezebel ay magiging “gaya ng dumi sa ibabaw ng bukid.”—2Ha 9:10, 34-37; ihambing ang 2Cr 22:8, 9.
Maliban sa mga kaso nina Jacob at Jose, maliwanag na inililibing ng mga Israelita ang kanilang mga patay sa mismong araw na mamatay ang mga iyon. Kailangang ilibing agad ang bangkay dahil mabilis itong maagnas sa karaniwa’y mainit na klima ng mga lupain sa Bibliya. Ang sinungaling na si Ananias ay inilibing mga tatlong oras lamang pagkamatay niya. (Gaw 5:5-10) Karagdagan pa, sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang mga bangkay ay itinuturing na nakapagpaparumi sa mga humihipo niyaon, sa loob ng yugtong pitong araw. Tiyak na ang hudisyal na pasiyang ito ay salig sa katotohanan na ang kamatayan ay resulta ng kasalanan at di-kasakdalan. Gayunman, nakatulong din ito upang maiwasan ang paglaganap ng sakit at manatiling malusog ang mga tumutupad dito. Yaong mga hindi tumutupad sa pamamaraan ng pagpapadalisay na itinakda sa Kautusan ay pinapatawan ng parusang kamatayan. (Bil 19:11-20; ihambing ang Deu 21:22, 23.) Ginamit ni Josias ang mga buto ng mga mananamba sa idolo upang gawing di-karapat-dapat sa pagsamba ang relihiyosong mga altar ng mga ito, at nilapastangan din niya ang kanilang mga dakong libingan.—2Ha 23:14-16; 2Cr 34:4, 5.
Dahil sa pangmalas ng Bibliya hinggil sa mga bangkay, maliwanag na hindi ginagawa o sinasang-ayunan ang pagpapakundangan sa bangkay ng mga prominenteng lingkod ng Diyos. Ang Diyos mismo ang naglibing sa katawan ni Moises sa isang di-matukoy na lugar, kung kaya imposibleng dalawin ng mga deboto ang kaniyang dakong libingan.—Deu 34:5, 6; ihambing ang Jud 9.
Iba’t iba ang mga dakong pinipili upang paglibingan. Ang paglilibing sa lupa, bagaman isang karaniwang pamamaraan sa Kanluran at tiyak na isinasagawa sa Gitnang Silangan, ay hindi gaanong ginagawa sa lugar na iyon. Ang yayang babae ni Rebeka na si Debora, at gayundin, noong una, si Haring Saul at ang kaniyang mga anak, ay inilibing sa ilalim ng malalaking punungkahoy. (Gen 35:8; 1Cr 10:12) Gayunman, gaya sa kaso ni Abraham, waring mas ginagamit noon ang likas na mga yungib o kaya’y artipisyal na mga yungib na hinukay sa malalambot na batong-apog na pangkaraniwan sa Palestina. Kadalasan, ang dakong libingan ay inihahanda mismo ng may-ari. (Gen 50:5; Isa 22:16; 2Cr 16:14) Maaaring malapit ito sa bahay ng taong iyon, anupat marahil ay nasa isang hardin (1Sa 25:1; 1Ha 2:34; 2Ha 21:25, 26). Ang pananalitang “sa kaniyang bahay” ay hindi nangangahulugang sa loob ng bahay na iyon, gaya ng makikita kung ihahambing ang 2 Cronica 33:20 sa 2 Hari 21:18.
Batay sa arkeolohikal na mga pagsusuri, magkakaideya tayo hinggil sa mga dakong libingan na ginamit noong sinaunang panahon. Sa Palestina, bukod sa mga simpleng libingan sa lupa, mayroon ding mga silid na inuka sa bato, at kadalasa’y nasa mga dalisdis ng burol. Waring mas ginagamit ang matataas na dako. (Jos 24:33; 2Ha 23:16; 2Cr 32:33; Isa 22:16) Ang silid ay maaaring pang-isahan lamang, at ang bangkay ay nakahiga sa isang dakong hinukay sa sahig. O maaaring ito’y pangmaramihan, anupat may mahahabang butas na sapat ang laki upang magkasya ang tig-iisang bangkay, at inuka sa mga gilid ng silid nang nakapahalang sa mga dingding. Ang makipot na bukasan kung saan ipinapasok ang bangkay ay tinatakpan naman ng tinabas na bato na kasukat niyaon. Sa ibang mga kaso, isang tulad-bangkô na butas, o patungan, ang inuuka sa mga dingding sa gawing likuran at tagiliran ng silid (Mar 16:5), o maaaring may dobleng hanay ng gayong mga patungan doon, sa gayo’y mas maraming bangkay ang mailalagay. Posible ring hindi lamang iisa ang silid ng libingan, bagaman waring pangkaraniwan sa mga Judio ang mga libingang may iisang silid. Sabihin pa, kapag ang bangkay ay nakalantad lamang sa isang patungan, kailangang sarhan ang pasukan upang hindi makapaminsala roon ang mababangis na hayop. Kaya naman, ang pangunahing pasukan patungo sa silid ay sinasarhan ng isang malaking bato, na kung minsan ay nabubuksan na gaya ng isang pinto, at kung minsan naman ay sinasarhan ng isang pabilog na bato na may daanan at iginugulong sa harap ng pasukan. Ang gayong pabilog na mga bato ay tumitimbang nang mga isang tonelada o mahigit pa.—Mat 27:60; Mar 16:3, 4.
Simple lamang ang sinaunang mga dakong libingan ng mga Judio. Kaya naman ibang-iba ang mga iyon sa mga libingang pagano, na kadalasa’y may mga ipinintang larawan sa dingding at iba pang palamuti. Bagaman nagtindig si Jacob ng isang haligi sa ibabaw ng libingan ni Raquel, marahil isang bato (Gen 35:20), waring ito’y pantanda lamang at hindi isang bantayog. (1Sa 10:2) Sa 2 Hari 23:17, isang “batong panlibingan” din ang binanggit na palatandaan ng isang libingan. Binanggit ni Jesus ang mga libingan “na hindi makilala, anupat lumalakad ang mga tao sa ibabaw ng mga iyon at hindi ito nalalaman.” (Luc 11:44) Dahil ang mga patay ay itinuturing na nagdudulot ng seremonyal na karungisan, ang mga dakong libingan ng mga Judio ay malimit na pinapuputi upang makita ng mga dumaraan. (Mat 23:27) Sinasabing ang pagpapaputing ito ay ginagawa taun-taon, bago sumapit ang Paskuwa.—The Mishnah, Shekalim 1:1.
Pagkamatay ng isang indibiduwal, ang buong bangkay ay hinuhugasan (Gaw 9:37) at pinapahiran ng mababangong langis at mga ungguento, na, kung itinuturing man na isang uri ng pag-eembalsamo, ay hindi yaong ginagawa ng sinaunang mga Ehipsiyo. (Ihambing ang Mar 14:3-8; Ju 12:3, 7.) Pagkatapos, ang bangkay ay binabalot ng tela, na kadalasa’y lino. (Mat 27:59; Ju 11:44) Karaniwan nang nilalakipan ng mga espesya na gaya ng mira at aloe ang gayong mga benda (Ju 19:39, 40), o kaya naman ay inihihiga ang bangkay sa langis at ungguento, gaya ng ginawa sa bangkay ni Haring Asa. (2Cr 16:14) Maliwanag na ang pagkalaki-laking “panlibing na pagsunog” para kay Haring Asa ay isang pagsusunog ng gayong mga espesya, na naglalabas ng mabangong amoy ng insenso. Maaaring ang ulo ay binabalot naman ng isang hiwalay na tela.—Ju 20:7.
May mga babaing pumaroon sa libingan ni Jesus noong ikatlong araw upang langisan ng mga espesya ang kaniyang katawan. Maaaring ginawa nila iyon sapagkat mabilis ang mga pangyayari noong ilibing si Jesus kaya naman gusto nilang kumpletuhin ang ginawa sa kaniyang katawan upang mapreserba ito nang mas mahabang panahon.—Mar 16:1; Luc 23:55, 56.
Noon, malamang na ang bangkay ay binubuhat patungo sa dakong paglilibingan sa pamamagitan ng isang langkayan, o kamilyang panlibing, na posibleng yari sa sulihiya, at maaaring may kasabay itong malaking prusisyon, at marahil ay may mga manunugtog ng malungkot na musika. (Luc 7:12-14; Mat 9:23) Sa dakong paglilibingan, maaaring may mga pananalitang binibigkas tungkol sa namatay habang tumatangis ang mga nakipaglibing.—2Sa 3:31-34; 2Cr 35:23-25.
Sa paglipas ng panahon, habang dumarami ang mga namamatay, nagkaroon na rin ng mga sementeryo. Ang mga ito ay karaniwan nang nasa labas ng mga pader ng lunsod. Gayunman, ang mga hari ng Juda ay inililibing sa “Lunsod ni David,” at ang mga hari naman ng Israel ay inililibing sa kabiserang lunsod ng hilagang kaharian. (1Sa 25:1; 1Ha 22:37; 2Cr 9:31; 24:15, 16) Sa aklat na Digging Up Biblical History (1931, Tomo II, p. 186), ganito ang isinulat ni J. G. Duncan: “Bagaman kung minsan ay naglilibing ang mga Hebreo sa loob ng kanilang lunsod, karaniwan nang humuhukay sila ng mga batong-libingan sa isang dalisdis ng burol na malapit sa kanilang lunsod. Kapag may mga batong-libingan sa isang dalisdis ng burol, kadalasan nang ito’y palatandaan na nagkaroon ng pamayanan sa burol sa tapat niyaon o malapit doon, at, sa kabilang dako naman, kapag walang anumang palatandaan ng mga libingan malapit sa isang lugar, ito’y isang katibayan na hindi tinirahan ang lugar na iyon.” Napakaraming mga dakong libingan na matatagpuan sa mga dalisdis sa palibot ng Jerusalem. (Ihambing ang Isa 22:16.) Pinaniniwalaan na ang pagtukoy sa “dakong libingan ng mga anak ng bayan” (“libingan ng karaniwang (mga) tao,” AS-Tg) sa Libis ng Kidron ay tumutukoy sa isang dakong libingan para sa mga dukha. (Jer 26:23; 2Ha 23:6) Binabanggit din ang “parang ng magpapalayok” na pinaglilibingan ng mga taga-ibang bayan.—Mat 27:7; tingnan ang AKELDAMA.
Ang pagsusunog ng bangkay, na malawakang isinagawa ng mga Babilonyo, Griego, at Romano nang maglaon, ay bihirang isinasagawa ng mga Judio. Ang bangkay ni Saul at ng kaniyang mga anak ay sinunog, subalit ang kanilang mga buto ay inilibing.—1Sa 31:8-13; pansinin din ang Am 6:9, 10.
Sa Hebreong Kasulatan, naiiba ang kahulugan ng mga salitang qeʹver (“dakong libingan [burial place]”; Gen 23:4) at qevu·rahʹ (“libingan [grave]”; Gen 35:20) sa Hebreong sheʼohlʹ, na tumutukoy, hindi sa isang indibiduwal na libingan o mga libingan, kundi sa karaniwang libingan ng sangkatauhan, samakatuwid nga, ang sanlibingan. Sa katulad na paraan, sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na taʹphos (“libingan [grave]”; Mat 27:61) at ang mga salitang mneʹma (“libingan [tomb]”; Mar 15:46) at mne·meiʹon (“alaalang libingan [memorial tomb]”; Luc 23:55) ay naiiba sa salitang haiʹdes, na Griegong katumbas ng sheʼohlʹ.—Tingnan ang ALAALANG LIBINGAN; HADES; SHEOL.
Mga Dakong Libingan ng mga Hari o mga Dakong Libingan ni David. Noong Pentecostes, sinabi ni Pedro: “Si David . . . ay kapuwa namatay at inilibing at ang kaniyang libingan ay nasa atin hanggang sa araw na ito.” (Gaw 2:29) Ipinahihiwatig nito na ang dakong libingan ni Haring David ay umiiral pa noong taóng 33 C.E.
Sinasabi sa atin ng 1 Hari 2:10 na si David ay inilibing sa “Lunsod ni David,” at lumilitaw na nang maglaon, dito na inilibing ang sumunod na mga hari ng Juda. Labindalawa sa 20 hari na sumunod kay David ang espesipikong binanggit na inilibing sa Lunsod ni David, bagaman hindi lahat ng mga ito ay inilagay sa “mga dakong libingan ng mga hari.” Sina Jehoram, Joas (Jehoas), at Ahaz ay espesipikong binanggit na hindi inilibing doon. (2Cr 21:16, 20; 24:24, 25; 28:27) Ang “mga dakong libingan ng mga hari” ay maaaring isang partikular na lugar sa loob ng Lunsod ni David kung saan naroroon ang mga alaalang libingan ng mga hari, at hindi isang malaking libingan na maraming silid. Si Haring Asa ay inilibing sa isang “maringal na libingang dako na kaniyang dinukal para sa kaniyang sarili sa Lunsod ni David” (2Cr 16:14), at si Hezekias ay sinasabing inilibing “sa sampahan patungo sa mga dakong libingan ng mga anak ni David.” (2Cr 32:33) Ang ketonging si Haring Uzias ay inilibing na “kasama ng kaniyang mga ninuno, ngunit sa libingang parang ng mga hari, sapagkat sinabi nila: ‘Siya ay ketongin.’” Tila ipinahihiwatig nito na sa lupa inihimlay ang kaniyang katawan sa halip na sa isang libingang hinukay sa bato.—2Cr 26:23.
Kung tungkol sa iba pang mga hari ng Juda, maliwanag na sina Manases at Amon ay inilibing sa ibang lokasyon, sa “hardin ni Uza.” (2Ha 21:18, 23, 26) Nang iulat na ang tapat na si Haring Josias, na anak ni Amon, ay inilibing sa “dakong libingan ng kaniyang mga ninuno,” maaaring ang tinutukoy ay ang maharlikang mga libingan sa Lunsod ni David o kaya’y ang mga dakong libingan nina Manases at Amon. (2Cr 35:23, 24) Tatlong hari ang namatay samantalang nasa pagkatapon: sina Jehoahaz (sa Ehipto), Jehoiakin at Zedekias (sa Babilonya). (2Ha 23:34; 25:7, 27-30) Si Jehoiakim ay inilibing na gaya ng “paglilibing sa asnong lalaki,” anupat ‘itinapon sa init ng araw at sa matinding lamig ng gabi’ bilang katuparan ng hula ni Jeremias.—Jer 22:18, 19; 36:30.
Ang matuwid na mataas na saserdoteng si Jehoiada ay pinagkalooban ng karangalan na ilibing sa “Lunsod ni David kasama ng mga hari,” anupat siya lamang ang hindi nagmula sa maharlikang angkan na binanggit na tumanggap ng gayong pagkilala.—2Cr 24:15, 16.
Hindi pa natutukoy ang lokasyon ng maharlikang mga dakong libingan na ito. Gayunman, dahil may nabanggit na “Mga Dakong Libingan ni David” sa Nehemias 3:16 at “sampahan patungo sa mga dakong libingan ng mga anak ni David” sa 2 Cronica 32:33, naniniwala ang ilan na ang malamang na lokasyon ng mga ito ay sa TS burol ng lunsod malapit sa Libis ng Kidron. Sa lugar na ito, maraming natagpuang tila mga sinaunang libingan na inuka sa bato, na ang mga pasukan ay mga parihabang daanan na nakalubog. Gayunman, hindi positibong matukoy ang mga ito. Ang anumang pagsisikap na matukoy ang mga ito ay naging komplikado hindi lamang dahil nawasak ang lunsod noong taóng 70 C.E. at noon ding 135 C.E., kundi dahil ginamit ding tibagan ng bato ng mga Romano ang timugang bahagi ng lunsod. Kaya naman, sirang-sira na ang mga libingang ito.
Ang mausoleo ni Reyna Helena ng Adiabene, na matatagpuan sa H ng makabagong lunsod ng Jerusalem, ay tinawag na “Mga Libingan ng mga Hari.” Gayunman, itinayo ito noong unang siglo C.E. at hindi dapat ipagkamali sa maharlikang mga libingan na binanggit sa ulat ng Bibliya.
Ang “mga Bangkay ng Kanilang mga Hari.” Sa Ezekiel 43:7-9, hinatulan ni Jehova ang sambahayan ng Israel at ang kanilang mga hari dahil dinungisan nila ang kaniyang banal na pangalan sa pamamagitan ng “kanilang pakikiapid at sa pamamagitan ng mga bangkay ng kanilang mga hari sa pagkamatay nila.” Sinabi niya: “Ngayon ay ilayo nila sa akin ang kanilang pakikiapid at ang mga bangkay ng kanilang mga hari, at tiyak na tatahan ako sa gitna nila hanggang sa panahong walang takda.” Ipinapalagay ng ilang komentarista na ipinahihiwatig nito na nagkasala ang mga Judio dahil gumawa sila ng mga dakong libingan para sa ilang hari malapit sa lugar ng templo. Sa talata 7, mga 20 manuskrito at edisyong Hebreo at mga Targum ang naglalaman ng pariralang “sa pagkamatay nila,” samantalang ang tekstong Masoretiko naman ay kababasahan ng “sa kanilang matataas na dako,” at ang Griegong Septuagint ay nagsasabing “sa gitna nila.”
Ipagpalagay nang “sa pagkamatay nila” ang tamang salin ng talatang iyon. Hindi pa rin ito matibay na saligan upang maniwala na may sinuman sa mga hari ng Juda ang inilibing malapit sa bakuran ng templo. Ayon sa Kautusan, ang bangkay ng isang tao ay marumi. Kaya naman, ang paglilibing sa sinuman malapit sa templo ay magiging tahasang paghamak sa Diyos, at wala man lamang pahiwatig sa kasaysayan ng mga hari na nagkaroon ng gayong maliwanag at malubhang paglapastangan sa kabanalan ng templo. Malayong mangyari na bibigyan ng mas maringal na dakong libingan, halimbawa ay malapit sa templo, ang mga hari na hindi pinahintulutang ilibing sa “mga dakong libingan ng mga hari” o sa “mga dakong libingan ng mga anak ni David.” Sa halip, malamang na ililibing sila sa isang di-gaanong prominente at mas nakabababang dako.
Ipinakikita ng higit pang pagsusuri sa Ezekiel 43:7-9 na ang tinatalakay roon ay idolatriya, at kung paanong ang “pakikiapid” na binanggit doon ay pangunahin nang makasagisag, gayundin naman, ang “mga bangkay ng kanilang mga hari” ay kumakatawan sa patay na mga idolong sinamba ng sambahayan ng Israel at ng kanilang mga tagapamahala. Kaya nga, sa Levitico 26:30, binabalaan ni Jehova ang mga Israelita na dahil sa kanilang pagkamasuwayin ay “gigibain ko ang inyong sagradong matataas na dako at puputulin ko ang inyong mga patungan ng insenso at ibubunton ko ang inyong sariling mga bangkay sa ibabaw ng mga bangkay ng inyong mga karumal-dumal na idolo.” (Ihambing ang Jer 16:18; Eze 6:4-6.) Ipinakikita ng ulat na ang mga idolong iyon ay ipinasok sa lugar ng templo. (Eze 8:5-17) Mapapansin din na ang ilan sa mga idolong diyos na ito ay tinawag na mga hari, yamang ang salita para sa “hari” ay kasama sa mga pangalang Molec (1Ha 11:7), Milcom (1Ha 11:5), at Malcam (Jer 49:1). May kinalaman sa mga idolong diyos ng hilagang kaharian, ganito ang isinulat ng propetang si Amos (5:26): “At tiyak na bubuhatin ninyo si Sakut na inyong hari at si Kaiwan, ang inyong mga imahen, ang bituin ng inyong diyos, na ginawa ninyo para sa inyong sarili.” Kaya naman, waring mas makatuwirang isipin na ang Ezekiel 43:7-9 ay isang pagkondena sa idolatriya sa halip na isang paglapastangan sa nakaalay na bakuran ng templo dahil sa di-wastong paglilibing doon ng mga tagapamahalang tao.