Kaligtasan
Kahulugan: Pagkalingid o pagkaligtas mula sa panganib o pagkalipol. Maaaring ito’y pagkaligtas sa kamay ng mga mang-aapi o mang-uusig. Para sa lahat ng tunay na mga Kristiyano, naglalaan si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak ng pagkaligtas mula sa kasalukuyang balakyot na pamamalakad ng mga bagay at gayon din ng kaligtasan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Para sa isang malaking pulutong ng tapat na mga lingkod ni Jehova na nabubuhay sa “mga huling araw,” ang kaligtasan ay mangangahulugan ng pagkalingid sa malaking kapighatian.
Dahil sa kaniyang malaking awa, ililigtas ba ng Diyos sa takdang panahon ang buong sangkatauhan?
Ipinahihiwatig ba ng 2 Pedro 3:9 na magkakaroon ng pangkalahatang kaligtasan? Sinasabi nito: “Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba, kundi siya’y matiisin sa inyo, na hindi niya ibig na ang sinoman ay mapahamak [“hindi niya nais na sinoman ay malipol,” TEV], kundi ang lahat ay magsipagsisi.” (RS) Maawaing naisin ng Diyos na lahat ng mga supling ni Adan ay magsisi, anupa’t gumawa siya ng maibiging paglalaan upang mapatawad ang mga kasalanan niyaong mga nagsisisi. Nguni’t hindi niya pinipilit ang sinoman na tumanggap sa paglalaang iyon. (Ihambing ang Deuteronomio 30:15-20.) Ito’y tinatanggihan ng marami. Sila’y katulad ng isang taong nalulunod na ayaw tumanggap ng salbabidang inihagis sa kaniya ng isang nagnanais na tumulong. Gayumpaman, dapat pansinin na ang kahihinatnan ng mga ayaw magsisi ay hindi ang walang-hanggang apoy ng impiyerno. Gaya ng ipinakikita ng 2 Pedro 3:9, yaong mga hindi nagsisisi ay mapapahamak, o ‘malilipol.’ Tinutukoy din ng 2Ped 3 talatang 7 (RS) ang “paglipol ng mga taong masama.” Malayo ito sa ideya ng pangkalahatang kaligtasan.—Tingnan din ang paksang “Impiyerno.”
Pinatutunayan ba ng 1 Corinto 15:22 na sa takdang panahon ay ililigtas ang lahat ng tao? Sinasabi nito: “Kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” (RS) Gaya ng ipinakikita ng nakapalibot na mga talata, ang pinag-uusapan dito ay ang pagkabuhay-muli. Sino ang bubuhaying-muli? Ang lahat na namatay dahil sa kasalanan ni Adan (tingnan ang 1Cor 15 talatang 21) na hindi personal na nakagawa ng sinasadyang pagkakasalang binabanggit sa Hebreo 10:26-29. Kung paanong si Jesus ay ibinangon mula sa Hades (Gawa 2:31), gayon din naman ang lahat ng iba pang nasa Hades ay “bubuhayin” sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. (Apoc. 1:18; 20:13) Lahat ba ng mga ito’y magtatamo ng walang-hanggang kaligtasan? Nakabukas sa kanila ang pagkakataong iyon, nguni’t hindi ito sasamantalahin ng lahat, gaya ng ipinahihiwatig sa Juan 5:28, 29, na nagsasabi na ang magiging kahihinatnan ng iba ay ang “paghatol.”
Kumusta ang mga tekstong tulad sa Tito 2:11, na bumabanggit ng “kaligtasan sa lahat ng mga tao,” ayon sa salin ng RS? Kahawig nito ang ibang mga teksto, tulad ng Juan 12:32, Roma 5:18, at 1 Timoteo 2:3, 4, ayon sa RS, KJ, NE, TEV, atb. Ang Griyegong pananalitang isinasaling “lahat” at “lahat ng tao” sa mga talatang ito ay sa naiibang anyo ng salitang pas. Gaya ng ipinakikita sa Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine (Londres, 1962, Tomo I, p. 46), ang pas ay mayroon ding kahulugan na “lahat ng uri.” Kaya, sa mga talata sa itaas, sa halip na “lahat,” ang pananalitang “bawa’t uri” ay maaaring gamitin; o “lahat ng uri,” tulad ng pagkagamit ng NW. Alin ang tama—“lahat” o ang diwa na dinadala ng “lahat ng uri”? Buweno, aling salin ang naaayon din sa ibang bahagi ng Bibliya? Ang huling nabanggit. Isaalang-alang ang Gawa 10:34, 35; Apocalipsis 7:9, 10; 2 Tesalonika 1:9. (Pansinin: Ang ganitong diwa ng Griyegong salita ay kinikilala din ng ibang tagapagsalin, na makikita sa kanilang pagsasalin sa Mateo 5:11—“lahat ng uri,” RS, TEV; “bawa’t uri,” NE; “lahat ng anyo,” KJ.)
Mayroon bang mga tekstong tiyak na nagpapakita na ang ilan ay hindi kailanman maliligtas?
2 Tes. 1:9, RS: “Sila’y tatanggap ng kaparusahan na walang-hanggang pagkalipol mula sa harapan ng Panginoon at sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.” (Idinagdag namin ang mga pahilis.)
Apoc. 21:8, RS: “Nguni’t sa mga duwag, at sa mga walang pananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diyus-diyosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagat-dagatang nagniningas sa apoy at asupre, na siyang ikalawang kamatayan.”
Mat. 7:13, 14, RS: “Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan; sapagka’t maluwang ang pintuan at madali ang daang patungo sa kapahamakan, at marami ang doo’y nagsisipasok. Sapagka’t makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakasumpong niyaon.”
Minsang naligtas ang isang tao, lagi ba siyang ligtas?
Jud. 5, RS: “Ninanasa kong ipaalaala sa inyo, bagama’t lubos ninyong nalalaman ang mga bagay na ito, na siya na nagligtas ng isang bayan mula sa lupain ng Ehipto, pagkatapos ay nilipol niya yaong mga hindi sumasampalataya.” (Idinagdag namin ang mga pahilis.)
Mat. 24:13, RS: “Ang nagtitiis hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Kaya ang pangwakas na kaligtasan ng isang tao ay hindi tinitiyak sa sandaling magsimula siyang sumampalataya kay Jesus.)
Fil. 2:12, RS: “Kung paano lagi kayong sumusunod, gayon din sa ngayon, hindi lamang kapag ako’y narito, kundi bagkus pa kapag wala ako, ay lubusin ang sarili ninyong pagkaligtas na may takot at panginginig.” (Ang kinausap dito ay “mga santo,” o mga banal, sa Filipos, gaya ng binabanggit sa Filipos 1:1. Hinimok sila ni Pablo na huwag labis na magtiwala sa sarili kundi unawain na hindi pa tiyak ang kanilang pangwakas na kaligtasan.)
Heb. 10:26, 27, RS: “Kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkaalam sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa ukol sa mga kasalanan, kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.” (Kaya hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang ideya na kahit na may nagawa pang kasalanan ang isa matapos “maligtas” ay nananatiling ligtas pa rin siya. Katapatan ang hinihiling nito. Tingnan din ang Hebreo 6:4-6, kung saan ipinakikita na maging ang isang taong pinahiran ng banal na espiritu ay maaaring mawalan ng pag-asang maligtas.)
Bukod sa pananampalataya, mayroon pa bang kailangan upang magtamo ng kaligtasan?
Efe. 2:8, 9, RS: “Sa biyaya [“di-na-sana nararapat na awa,” NW] kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos—hindi dahil sa mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri.” (Ang buong paglalaan ng kaligtasan ay isang kapahayagan ng di-na-sana nararapat na awa ng Diyos. Ang mga supling ni Adan ay walang magagawa sa ganang kanilang sarili upang magtamo ng kaligtasan, gaano mang karangal ang kanilang mga gawa. Ang kaligtasan ay kaloob ng Diyos na ibinibigay doon sa mga sumasampalataya sa bisa ng hain ng kaniyang Anak sa pagtatakip ng mga kasalanan.)
Heb. 5:9, RS: “Siya [si Jesus] ang pinagmulan ng walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng mga nagsisitalima sa kaniya.” (Idinagdag namin ang mga pahilis.) (Kasalungat ba ito ng pananalitang ang mga Kristiyano ay “nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya”? Hindi naman. Pinatutunayan lamang ng pagtalima na ang pananampalataya nila ay tunay.)
Sant. 2:14, 26, RS: “Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya’y may pananampalataya nguni’t walang mga gawa? Maililigtas ba siya ng kaniyang pananampalataya? Sapagka’t kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, ay gayon din ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (Ang isa ay hindi nagiging karapatdapat sa kaligtasan dahil sa kaniyang mga gawa. Nguni’t ang sinomang may tunay na pananampalataya ay tiyak na may mga gawa na kalakip nito—mga gawa ng pagsunod sa mga utos ng Diyos at ni Kristo, mga gawang nagpapatunay sa kaniyang pananampalataya at pag-ibig. Kung wala ang gayong mga gawa, ang kaniyang pananampalataya ay patay.)
Gawa 16:30, 31, RS: “ ‘Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?’ At sinabi nila [Pablo at Silas], ‘Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.’ ” (Kung ang taong iyon at ang kaniyang sambahayan ay may tunay na pananampalataya, hindi ba sila kikilos kaayon ng kanilang paniniwala? Tiyak na gayon nga.)
Kung May Magsasabi—
‘Ligtas na ako’
Maaari kayong sumagot: ‘Nagagalak akong malaman iyon, sapagka’t patotoo iyon na kayo’y sumasampalataya kay Jesu-Kristo. Ang ginagawa ko ay tulad ng iniatas ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, na walang iba kundi sabihin sa iba ang tungkol sa pagkatatag ng kaniyang Kaharian. (Mat. 24:14)’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Ano ang Kahariang iyon? Ano ang magiging kahulugan sa daigdig ng pagdating nito? (Dan. 2:44)’ (2) ‘Ano ang magiging kalagayan sa lupa sa ilalim ng makalangit na gobyernong iyon? (Awit 37:11; Apoc. 21:3, 4)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Kung gayon ay mahalaga sa inyo ang sinabi ni apostol Pedro, dito sa Gawa 4:12, hindi ba? . . . Naisip ba ninyo kung sino ang nagbigay sa atin ng pangalan ni Jesus upang ito’y sampalatayanan natin?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Si Jesus mismo ang nagsasabi sa atin. (Juan 17:3)’ (2) ‘Pansinin na sinabi ni Jesus na kaniyang ipinahayag ang pangalan ng kaniyang Ama. (Juan 17:6) Ano po ba ang personal Niyang pangalan? Ano ang kahulugan nito para sa inyo? (Exo. 3:15; 34:5-7)’
‘Kayo ba’y ligtas na?’
Maaari kayong sumagot: ‘Hanggang sa panahong ito, ako’y ligtas. Nasabi ko ito sapagka’t batid ko rin ang payo ng Bibliya na huwag tayong labis na magtiwala sa ating katayuan. Alam po ba ninyo ang tekstong ito? (1 Cor. 10:12)’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Ano po ang dahilan ng gayong payo? Sa mga taong naipanganak-na-muli at may pag-asang mabuhay sa langit (Heb. 3:1), sumulat si apostol Pablo . . . (Heb. 3:12-14) Ang paglago sa kaalaman ng Salita ng Diyos ang siyang nagpapatibay ng ating pananampalataya.’
O maaari ninyong sabihin: ‘Maaaring sagutin ko lamang iyan ng Oo. Pero nalalaman po ba ninyo na ang Bibliya ay bumabanggit ng higit sa isang uri ng kaligtasan? Halimbawa, naisaalang-alang ba ninyo ang kahulugan ng Apocalipsis 7:9, 10, 14? . . . Kaya, may mga taong maliligtas sa darating na malaking kapighatian, na mabubuhay dito mismo sa lupa. (Mat. 5:5)’
‘Tinanggap ba ninyo si Jesus bilang personal ninyong Tagapagligtas?’
Tingnan ang mga pahina 208, 209, sa paksang “Jesu-Kristo.”
‘Sinasabi ninyo na 144,000 lamang ang maliligtas’
Maaari kayong sumagot: ‘Mabuti’t nabanggit po ninyo iyan, upang masabi ko sa inyo ang talagang pinaniniwalaan namin. Ang kaligtasan ay matatamo ng sinomang magpapamalas ng tunay na pananampalataya sa paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus. Nguni’t sinasabi ng Bibliya na 144,000 lamang ang tutungo sa langit upang makasama ni Kristo. Nakita ba ninyo iyon sa Bibliya? . . . Narito iyon sa Apocalipsis 14:1, 3.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Ano ang gagawin nila sa langit? (Apoc. 20:6)’ (2) ‘Maliwanag na mayroon silang pamamahalaan. Sinu-sino po kaya ito? . . . (Mat. 5:5; 6:10)’