Kaluluwa
Kahulugan: Sa Bibliya, ang “kaluluwa” ay isinasalin mula sa Hebreong neʹphesh at sa Griyegong psy·kheʹ. Ang paggamit nito sa Bibliya ay nagpapakita na ang kaluluwa ay isang tao o isang hayop o ang buhay na tinatamasa ng isang tao o hayop. Subali’t sa maraming tao, ang “kaluluwa” ay tumutukoy sa espiritung bahagi ng isang tao na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng pisikal na katawan. Ang pagkaunawa ng iba ay na ito’y tumutukoy sa prinsipyo ng buhay. Nguni’t ang mga huling nabanggit ay hindi itinuturo ng Bibliya.
Ano ang sinasabi ng Bibliya na tumutulong sa atin na maunawaan kung ano ang kaluluwa?
Gen. 2:7: “At hinubog ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at hiningahan ang mga butas ng kaniyang ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.” (Pansinin na hindi sinasabi dito na ang tao ay binigyan ng isang kaluluwa kundi na siya’y naging isang kaluluwa, isang buháy na persona.) (Ang bahagi ng salitang Hebreong isinalin dito na “kaluluwa” ay neʹphesh. Sang-ayon ang KJ, AS, at Dy sa saling iyan. Ang RS, JB, NAB ay kababasahan ng “kinapal.” Ang NE ay nagsasabing “nilalang.” Ang Kx ay kababasahan ng “persona.”)
1 Cor. 15:45: “Gayundin naman nasusulat: ‘Ang unang taong si Adan ay naging kaluluwang buháy.’ Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.” (Samakatuwid sang-ayon ang Kristiyanong Griyegong Kasulatan sa Hebreong Kasulatan tungkol sa kung ano ang kaluluwa.) (Ang Griyegong salitang isinasaling “kaluluwa” dito ay ang accusative case ng psy·kheʹ. Ang KJ, AS, Dy, JB, NAB, at Kx ay kababasahan din ng “kaluluwa.” Ang RS, NE, at TEV ay nagsasabing “kinapal.”)
1 Ped. 3:20: “Noong mga araw ni Noe . . . kakaunti, samakatuwid ay walong kaluluwa, ang nangaligtas sa pamamagitan ng tubig.” (Ang salitang Griyegong isinasalin dito na “kaluluwa” ay psy·khaiʹ, ang pangmaramihang anyo ng psy·kheʹ. Ang KJ, AS, Dy, at Kx ay kababasahan din ng “kaluluwa.” Ang JB at TEV ay nagsasabing “mga tao”; ang RS, NE, at NAB ay gumagamit ng “mga persona.”)
Gen. 9:5: “Bukod dito, hihingan ko ng sulit ang dugo ng inyong mga kaluluwa [o, “mga buhay”; Hebreo, mula sa neʹphesh].” (Dito sinasabing may dugo ang kaluluwa.)
Jos. 11:11: “At kanilang sinugatan ng talim ng tabak ang bawa’t kaluluwa [Hebreo, neʹphesh] na nandoon.” (Dito ipinakikita na ang kaluluwa ay matatamaan ng tabak, kaya ang mga kaluluwang ito ay hindi mga espiritu.)
Saan ba sinasabi ng Bibliya na ang mga hayop ay mga kaluluwa?
Gen. 1:20, 21, 24, 25: “At sinabi ng Diyos: ‘Bukalan ng sagana ang tubig ng mga kaluluwang* may buhay . . . ’ At nilikha ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat at ang bawa’t kaluluwang may buhay na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig ayon sa kani-kaniyang uri at ang bawa’t nilalang na may pakpak ayon sa kani-kaniyang uri. . . . At sinabi ng Diyos: ‘Bukalan ang lupa ng mga kaluluwang may buhay ayon sa kani-kaniyang uri . . . ’ At nilikha ng Diyos ang ganid sa lupa ayon sa kani-kaniyang uri at ang maamong hayop ayon sa kani-kaniyang uri at bawa’t umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kani-kaniyang uri.” (*Sa Hebreo ang salita dito ay neʹphesh. Ang Ro ay kababasahan ng “kaluluwa.” Isinasalin ng ibang bersiyon bilang “[mga] nilalang.”)
Lev. 24:17, 18: “Kung may manakit ng malubha sa kaninomang kaluluwa [Hebreo, neʹphesh] sa mga anak ng tao, siya’y papataying walang pagsala. At ang manakit ng malubha sa kaluluwa [Hebreo, neʹphesh] ng isang maamong hayop ay magbabayad ng katumbas na halaga: kaluluwa kung kaluluwa.” (Pansinin na iyon ding salitang Hebreo para sa kaluluwa ang ginamit upang tumukoy sa kapuwa tao at hayop.)
Apoc. 16:3: “At naging dugo na gaya ng isang patay, at bawa’t kaluluwang* may buhay, samakatuwid ay ang nangasa dagat, ay nangamatay.” (Kaya pati ang Kristiyanong Griyegong Kasulatan ay nagpapakita na ang mga hayop ay mga kaluluwa.) (*Sa Griyego ang salita dito ay psy·kheʹ. Isinasalin ito na “kaluluwa” sa KJ, AS, at Dy. Ang ibang mga tagapagsalin ay gumagamit ng “nilalang” o “bagay.”)
Tinatanggap ba ng ibang mga iskolar na hindi mga Saksi ni Jehova na ito nga ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaluluwa?
“Walang dichotomy [paghahati] ng katawan at kaluluwa sa M[atandang] T[ipan]. Minalas ng Israelita ang mga bagay-bagay bilang isang kaganapan, o kabuuan, anupa’t kaniyang itinuring ang mga tao bilang persona, na hindi nahahati sa dalawang bahagi. Ang terminong nepeš [neʹphesh], bagama’t isinasalin ng ating salitang kaluluwa, kailanma’y hindi tumutukoy sa isang kaluluwang nakabukod sa katawan o nakabukod sa indibiduwal. . . . Ang terminong [psy·kheʹ] ay ang salita sa B[agong] T[ipan] na katumbas ng nepeš. Ito’y maaaring tumukoy sa prinsipyo ng buhay, sa buhay mismo, o sa buháy na nilalang.”—New Catholic Encyclopedia (1967), Tomo XIII, p. 449, 450.
“Ang terminong Hebreo para sa ‘kaluluwa’ (nefesh, ang humihinga) ay ginamit ni Moises . . . , upang tumukoy sa isang ‘buháy na nilalang’ at ito’y maikakapit din sa mga nilalang na hindi tao. . . . Ang gamit ng Bagong Tipan sa psychē (‘kaluluwa’) ay katulad din ng sa nefesh.”—The New Encyclopædia Britannica (1976), Macropædia, Tomo 15, p. 152.
“Ang paniniwala na ang kaluluwa ay patuloy na umiiral pagkamatay ng katawan ay salig sa mga teoriya ng pilosopiya o teolohiya sa halip na sa payak na pananampalataya, at dahil dito’y hindi tuwirang itinuro saanman sa Banal na Kasulatan.”—The Jewish Encyclopedia (1910), Tomo VI, p. 564.
Maaari bang mamatay ang kaluluwang tao?
Ezek. 18:4: “Narito! Lahat ng kaluluwa ay akin. Kung papaano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin. Ang kaluluwa* na nagkakasala ay mamamatay.” (*Sa Hebreo ay “ang neʹphesh.” Isinasalin ng KJ, AS, RS, NE, at Dy bilang “ang kaluluwa.” Ang ibang mga salin ay gumagamit ng “ang tao” o “ang persona.”)
Mat. 10:28: “Huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan datapuwa’t hindi makapapatay sa kaluluwa [o, “buhay”]; kundi bagkus ang katakutan ninyo’y yaong makapupuksa sa kaluluwa* at sa katawan sa Gehenna.” (*Ang ginamit sa Griyego ay ang accusative case ng psy·kheʹ. Isinasalin ito ng KJ, AS, RS, NE, TEV, Dy, JB, at NAB bilang “kaluluwa.”)
Gawa 3:23: “At mangyayari, na ang bawa’t kaluluwa [Griyego, psy·kheʹ] na hindi makinig sa Propetang yaon ay pupuksaing lubos mula sa gitna ng bayan.”
Posible ba na mabuhay magpakailanman ang mga kaluluwang tao (mga tao mismo)?
Tingnan ang mga pahina 70-74, sa paksang “Buhay.”
Iisa ba ang kaluluwa at ang espiritu?
Ecles. 12:7: “Kung magkagayo’y ang alabok ay mauuwi sa lupa na pinanggalingan nito at ang espiritu [o, puwersa ng buhay; Hebreo, ruʹach] ay magbabalik sa Diyos na nagbigay nito.” (Pansinin na ang salitang Hebreo para sa espiritu ay ruʹach; nguni’t ang salitang isinasaling kaluluwa ay neʹphesh. Ang teksto ay hindi nangangahulugan na sa kamatayan ang espiritu ay naglalakbay patungo sa personal na presensiya ng Diyos; bagkus na ang anomang pag-asa na mabuhay uli ang taong iyon ay nakasalalay sa Diyos. Sa kahawig na pananalita, maaari nating sabihin na, kung hindi magbibigay ng kaukulang bayad ang nakabili ng isang lote, ang loteng iyon ay “nagbabalik” sa may-ari.) (Dito ang ruʹach ay isinasalin bilang “espiritu” ng KJ, AS, RS, NE, at Dy. Ang NAB ay gumagamit ng “hininga ng buhay.”)
Ecles. 3:19: “Ang nangyayari sa mga anak ng tao ay nangyayari sa mga hayop, samakatuwid baga’y isang bagay ang nangyayari sa kanila. Kung paanong namamatay ang hayop, gayon namamatay ang tao; at silang lahat ay may iisang espiritu [Hebreo, ruʹach].” (Kaya kapuwa ang tao at ang hayop ay may iisang ruʹach, o espiritu. Ukol sa mga komento sa mga talatang 20, 21, tingnan ang pahina 161.)
Heb. 4:12: “Ang salita ng Diyos ay buháy at makapangyarihan at matalas kaysa alinmang tabak na may dalawang talim at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa [Griyego, psy·khesʹ; “buhay,” NE] at espiritu [Griyego, pneuʹma·tos], at ng kasukasuan at ng utak nito, at makatatalos ng mga pag-iisip at mithiin ng puso.” (Pansinin na magkaiba ang mga salitang Griyego para sa “espiritu” at “kaluluwa.”)
Nagpapatuloy bang may buhay ang isang tao pag-alis ng espiritu sa katawan?
Awit 146:4: “Ang kaniyang espiritu [Hebreo, mula sa ruʹach] ay pumapanaw, siya’y nagbabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Ang ruʹach dito ay isinasaling “espiritu” ng NAB, Ro, Yg, at Dy [145:4]. Ang ibang mga salin ay nagsasabing “hininga.”) (Gayundin ang Awit 104:29)
Ano ang pinagmulan ng paniniwala ng Sangkakristiyanuhan sa isang di-materyal, di-namamatay na kaluluwa?
“Ang Kristiyanong paniniwala sa isang espirituwal na kaluluwang nilikha ng Diyos na ipinasok sa katawan sa panahon ng paglilihi upang bumuo ng isang taong may buhay ay ang resulta ng matagal na paglinang ng pilosopiyang Kristiyano. Tangi lamang noong panahon ni Origen [namatay mga 254 C.E.] sa Silangan at ni San Agustin [namatay noong 430 C.E.] sa Kanluran nabuo ang paniniwala sa kaluluwa bilang isang espirituwal na sustansiya at nagkaroon ng pilosopikong ideya ng kayarian nito. . . . Ang turo niya [ni Agustin] . . . sa kalakhan ay hango (lakip na rin ang ilang mga pagkukulang) sa Neoplatonismo.”—New Catholic Encyclopedia (1967), Tomo XIII, p. 452, 454.
“Ang ideya ng pagka-walang kamatayan ay nagmula sa kaisipan ng mga Griyego, samantalang ang pag-asa sa isang pagkabuhay-muli ay hango sa kaisipan ng mga Judio. . . . Pagkatapos ng mga pananagumpay ni Alejandro ay unti-unting nahawa ang Judaismo sa mga kuru-kuro ng mga Griyego.”—Dictionnaire Encyclopédique de la Bible (Valence, Pransiya; 1935), pinatnugotan ni Alexandre Westphal, Tomo 2, p. 557.
“Ang pagka-walang kamatayan ng kaluluwa ay isang paniniwalang Griyego na nabuo sa sinaunang mahiwagang mga kulto at higit na ipinaliwanag ng pilosopong si Plato.”—Presbyterian Life, Mayo 1, 1970, p. 35.
“Naniniwala ba tayo na may tinatawag na kamatayan? . . . Hindi ba paghihiwalay ito ng kaluluwa at katawan? At ang kamatayan ang siyang kaganapan nito; kapag ang kaluluwa ay umiral sa ganang sarili, at pinalaya sa katawan at ang katawan ay pinalaya sa kaluluwa, ano ba ito kundi kamatayan? . . . At nakakaranas ba ng kamatayan ang kaluluwa? Hindi. Kung gayon imortal ba ang kaluluwa? Oo.”—Ang “Phaedo” ni Plato, Sek. 64, 105, gaya ng paglalathala sa Great Books of the Western World (1952), pinatnugotan ni R. M. Hutchins, Tomo 7, p. 223, 245, 246.
“Nakita na natin na ang suliranin ng pagka-walang kamatayan ay matamang binigyan ng pansin ng mga teologong taga-Babilonya. . . . Hindi inisip ng mga tao ni inisip man ng mga nangunguna sa turong relihiyoso ang posibilidad ng ganap na pagkalipol niyaong umiiral na. Ang kamatayan ay daan tungo sa ibang uri ng buhay.”—The Religion of Babylonia and Assyria (Boston, 1898), M. Jastrow, Jr., p. 556.
Tingnan din ang mga pahina 107-109, sa paksang “Kamatayan.”