KAMATAYAN
Ang paghinto ng lahat ng aktibidad ng buhay, samakatuwid, ang kabaligtaran ng buhay. (Deu 30:15, 19) Sa Bibliya, ang mga salita sa orihinal na wika para sa “kamatayan” o “pagkamatay” ay pawang ikinakapit sa tao, hayop, at halaman. (Ec 3:19; 9:5; Ju 12:24; Jud 12; Apo 16:3) Gayunman, kung tungkol sa tao at hayop, ipinakikita ng Bibliya ang mahalagang papel ng dugo upang mapanatili ang buhay, anupat sinasabing “ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo.” (Lev 17:11, 14; Gen 4:8-11; 9:3, 4) Kapuwa ang tao at ang hayop ay tinutukoy na ‘pumapanaw,’ sa literal, ‘nalalagutan ng hininga,’ samakatuwid nga, ng hininga ng buhay (sa Heb., nish·mathʹ chai·yimʹ). (Gen 7:21, 22; ihambing ang Gen 2:7.) Ipinakikita rin ng Kasulatan na namamatay ang tao at ang hayop kapag naglaho ang espiritu (aktibong puwersa) ng buhay (sa Heb., ruʹach chai·yimʹ).—Gen 6:17, tlb sa Rbi8; 7:15, 22; Ec 3:19; tingnan ang ESPIRITU.
Sa pangmalas ng Bibliya, ano ang kamatayan?
Kapansin-pansin ang pagkakatulad ng mga puntong ito sa Bibliya at ng nalalaman sa siyensiya hinggil sa proseso ng kamatayan. Halimbawa, sa mga tao, kapag huminto ang pagtibok ng puso, tumitigil ang dugo sa paghahatid ng sustansiya at oksiheno (na nakukuha sa paghinga) sa bilyun-bilyong selula ng katawan. Gayunman, ang The World Book Encyclopedia (1987, Tomo 5, p. 52b) ay nagsabi: “Ang isang tao na ang puso at mga baga ay huminto na sa paggana ay maituturing na ‘clinically dead,’ bagaman maaaring hindi pa nagaganap ang somatic death. Buháy pa ang indibiduwal na mga selula ng katawan nito sa loob ng ilang minuto. Maipanunumbalik ang taong iyon kung ang kaniyang puso at mga baga ay muling gagana at magbibigay sa mga selula ng kinakailangang oksiheno. Kapag lumipas ang mga tatlong minuto, ang mga selula ng utak—na unang-unang napipinsala kapag nawalan ng oksiheno—ay nagsisimula nang mamatay. Di-magtatagal, ang taong iyon ay mamamatay at hindi na muling maipanunumbalik. Unti-unti, ang iba pang mga selula ng katawan ay namamatay na rin. Ang pinakahuling namamatay ay ang mga selula ng buto, buhok, at balat, na maaari pang tumubo sa loob ng ilang oras.” Kaya bagaman maliwanag na mahalaga ang paghinga at ang dugo upang mapanatili ang aktibong puwersa ng buhay (ruʹach chai·yimʹ) sa mga selula ng katawan, malinaw rin na hindi lamang ang paghinto ng paghinga o ng pagtibok ng puso kundi pati ang paglalaho ng puwersa ng buhay o espiritu mula sa mga selula ng katawan ang nagiging sanhi ng kamatayan na gaya niyaong binabanggit sa Kasulatan.—Aw 104:29; 146:4; Ec 8:8.
Ang Sanhi ng Kamatayan ng mga Tao. Sa Kasulatan, ang unang pagbanggit sa kamatayan ay nasa Genesis 2:16, 17, sa utos ng Diyos sa unang tao may kinalaman sa pagkain mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, anupat ang paglabag sa utos na ito ay magdudulot ng kamatayan. (Tingnan ang tlb sa Rbi8.) Gayunman, maliwanag na noon ay namamatay na ang mga hayop bilang isang likas na proseso, yamang hindi man lamang binanggit ang mga ito nang ilahad ng Bibliya kung paano nakapasok ang kamatayan sa pamilya ng tao. (Ihambing ang 2Pe 2:12.) Dahil dito, ang pagiging seryoso ng babala ng Diyos hinggil sa parusang kamatayan para sa pagsuway ay mauunawaan ng kaniyang anak na taong si Adan. Nagdulot ng kamatayan kay Adan ang pagsuway niya sa kaniyang Maylalang. (Gen 3:19; San 1:14, 15) Mula noon, ang kasalanan ni Adan at ang bunga nito, samakatuwid nga, ang kamatayan, ay lumaganap sa lahat ng tao.—Ro 5:12; 6:23.
Kung minsan, may mga teksto na inihaharap bilang diumano’y katibayan na ang pisikal na kamatayan ay nilayon na maging likas na kahihinatnan ng mga tao, gaya rin ng mga hayop; halimbawa ay ang mga pagtukoy sa haba ng buhay ng tao bilang ‘pitumpu o walumpung taon’ (Aw 90:10) at ang pananalita ng apostol na “nakalaan sa mga tao na mamatay nang minsanan, ngunit pagkatapos nito ay paghuhukom.” (Heb 9:27) Gayunpaman, ang lahat ng gayong mga teksto ay isinulat pagkatapos na makapasok sa sangkatauhan ang kamatayan at ikinakapit sa di-sakdal at makasalanang mga tao. Sa kabila nito, ang napakahabang buhay ng mga tao noong bago ang Baha ay dapat ituring na pahiwatig ng kamangha-manghang potensiyal ng katawan ng tao, anupat nakahihigit sa haba ng buhay ng anumang hayop kahit sa ilalim ng pinakamahuhusay na kalagayan. (Gen 5:1-31) Tuwirang iniuugnay ng Bibliya sa kasalanan ni Adan ang pagpasok ng kamatayan sa pamilya ng tao, gaya ng naipakita na.
Palibhasa’y napahiwalay sa Diyos dahil sa kasalanan, ang sangkatauhan sa pangkalahatan ay sinasabing nasa “pagkaalipin sa kasiraan.” (Ro 8:21) Ang pagkaaliping ito ay dahil sa paggana ng kasalanan sa kanilang katawan, anupat nagluluwal ng nakasasamang bunga niyaon, at ang lahat ng taong hindi masunurin sa Diyos ay nasa ilalim ng pamamahala ng kasalanan bilang mga alipin nito “tungo sa kamatayan.” (Ro 6:12, 16, 19-21) Binabanggit na si Satanas ay “may kakayahang magpangyari ng kamatayan.” (Heb 2:14, 15) Siya ay tinatawag na “mamamatay-tao” (Ju 8:44), hindi dahil pumapatay siya nang tuwiran kundi dahil ginagawa niya iyon sa pamamagitan ng panlilinlang at pang-aakit tungo sa kasalanan, ng pag-uudyok sa isa tungo sa paggawa ng masama na hahantong sa kasiraan at kamatayan (2Co 11:3), at ng paghahasik ng mapamaslang na mga saloobin sa isip at puso ng mga tao. (Ju 8:40-44, 59; 13:2; ihambing ang San 3:14-16; 4:1, 2.) Dahil dito, ang kamatayan ay ipinakikilala, hindi bilang kaibigan ng tao, kundi bilang “kaaway” ng tao. (1Co 15:26) Karaniwan nang yaong mga dumaranas ng sukdulan o labis-labis na paghihirap ang ipinakikitang nagnanais na mamatay.—Job 3:21, 22; 7:15; Apo 9:6.
Kalagayan ng mga Taong Patay. Ipinakikita ng Kasulatan na ang mga patay ay “walang anumang kabatiran” at ang pagiging patay ay isang kalagayan ng lubusang kawalang-ginagawa. (Ec 9:5, 10; Aw 146:4) Ang mga namatay ay inilalarawan bilang nagtutungo sa “alabok ng kamatayan” (Aw 22:15), anupat nagiging mga “inutil sa kamatayan.” (Kaw 2:18; Isa 26:14) Sa kamatayan ay walang pagbanggit sa Diyos o anumang pagpuri sa kaniya. (Aw 6:5; Isa 38:18, 19) Kapuwa sa Hebreo at sa Griegong Kasulatan, ang kamatayan ay inihahalintulad sa pagtulog, isang angkop na paghahambing hindi lamang dahil sa kawalang-malay ng mga patay kundi dahil din sa kanilang pag-asang magising sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. (Aw 13:3; Ju 11:11-14) Tinukoy ang binuhay-muling si Jesus bilang “ang unang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan.”—1Co 15:20, 21; tingnan ang HADES; SHEOL.
Bagaman ang sinaunang mga Ehipsiyo at ang iba pang mga grupo ng mga tao sa mga bansang pagano, partikular na ang mga pilosopong Griego, ay nanghahawakan sa paniniwala na walang kamatayan ang kaluluwa ng tao, tinutukoy kapuwa ng Hebreong Kasulatan at ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang kaluluwa (sa Heb., neʹphesh; sa Gr., psy·kheʹ) bilang namamatay (Huk 16:30; Eze 18:4, 20; Apo 16:3), nangangailangan ng pagliligtas mula sa kamatayan (Jos 2:13; Aw 33:19; 56:13; 116:8; San 5:20), o gaya ng nasa Mesiyanikong hula tungkol kay Jesu-Kristo, ‘ibinubuhos . . . hanggang sa mismong kamatayan’ (Isa 53:12; ihambing ang Mat 26:38). Tinuligsa ng propetang si Ezekiel yaong mga nagsasabuwatan “upang patayin ang mga kaluluwa na hindi dapat mamatay” at “ingatang buháy ang mga kaluluwa na hindi dapat mabuhay.”—Eze 13:19; tingnan ang KALULUWA.
Dahil dito, bilang komento sa 1 Samuel 25:29, sinabi ng The Interpreter’s Bible (Tomo II, p. 1015) na “ang ideya na ang tao ay binubuo ng katawan at kaluluwa na naghihiwalay sa kamatayan ay hindi Hebreo kundi Griego.” (Inedit ni G. Buttrick, 1953) Gayundin, si Edmond Jacob, Propesor ng Matandang Tipan sa University of Strasbourg, ay nagsabi na yamang sa Hebreong Kasulatan ang buhay ng isa ay tuwirang iniuugnay sa kaluluwa (sa Heb., neʹphesh), “natural lamang na kung minsan ay inilalarawan ang kamatayan bilang ang paglalaho ng nephesh na ito (Gen. 35:18; I Hari 17:21; Jer. 15:9; Jonas 4:3). Ang ‘pag-alis’ ng nephesh ay dapat ituring na makasagisag na pananalita, sapagkat hindi ito patuloy na umiiral nang hiwalay sa katawan, kundi namamatay na kasama niyaon. (Bil. 31:19; Huk. 16:30; Ezek. 13:19). Walang teksto sa Bibliya ang nagpapahintulot sa pananalitang ang ‘kaluluwa’ ay humihiwalay sa katawan sa mismong sandali ng kamatayan.”—The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 1, p. 802.
Katubusan Mula sa Hatol na Kamatayan. Sinasabi ng Awit 68:20: “Kay Jehova na Soberanong Panginoon ang mga daang malalabasan mula sa kamatayan.” Sa pamamagitan ng paghahain ni Kristo Jesus ng kaniyang buhay bilang tao, siya’y naging “Punong Ahente” ng Diyos ukol sa buhay at kaligtasan (Gaw 3:15; Heb 2:10), at sa pamamagitan niya ay tiniyak na papawiin ang kamatayan. (2Ti 1:10) Dahil dumanas siya ng kamatayan, ‘natikman ni Jesus ang kamatayan para sa bawat tao’ at naglaan siya ng “katumbas na pantubos para sa lahat.” (Heb 2:9; 1Ti 2:6) Sa pamamagitan ng “isang gawa [ni Jesus] ng pagbibigay-katuwiran,” naging posible na ngayon na kanselahin ang hatol na kamatayan na bunga ng kasalanan, upang ang lahat ng uri ng mga tao ay magtamasa ng “pagpapahayag sa kanila na matuwid para sa buhay.” (Ro 5:15, 16, 18, 19; Heb 9:27, 28; tingnan ang IPAHAYAG NA MATUWID; PANTUBOS.) Kaya naman tungkol sa mga tunay na tagasunod ni Jesus, maaaring sabihin na sila, sa diwa, ay “nakatawid na mula sa kamatayan tungo sa buhay.” (Ju 5:24) Ngunit yaong mga sumusuway sa Anak at hindi nagpapakita ng pag-ibig ay “nananatili sa kamatayan” at nasa ilalim ng kahatulan ng Diyos. (1Ju 3:14; Ju 3:36) Yaong mga nagnanais lumaya mula sa kahatulan at mula sa “kautusan ng kasalanan at ng kamatayan” ay dapat na magpaakay sa espiritu ng Diyos at magluwal ng mga bunga nito, sapagkat ang “pagsasaisip ng [makasalanang] laman ay nangangahulugan ng kamatayan.”—Ro 8:1-6; Col 1:21-23.
Ang landasin ni Jesus ng pagsasakripisyo, na nagwakas sa kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli, ay inihalintulad niya sa bautismo. (Mar 10:38, 39; Luc 12:50; ihambing ang Efe 4:9, 10.) Ipinakita ng apostol na si Pablo na ang mga pinahirang tagasunod ni Jesus ay daranas din ng katulad na bautismo sa kamatayan, anupat pagkatapos nito ay bubuhayin silang muli tungo sa makalangit na kaluwalhatian. (Ro 6:3-5; Fil 3:10, 11) Nang ipahayag ni Pablo ang marubdob na pagnanasa niyang mabuhay sa langit, ipinakita niya na hindi ang kamatayan mismo ang ninanais ng mga Kristiyanong inianak sa espiritu, ni ang humimlay man nang “hubad” sa kamatayan, kundi ang ‘pagbibihis’ ng isang makalangit na katawan upang “manahanang kasama ng Panginoon.” (2Co 5:1-8; ihambing ang 2Pe 1:13-15.) Samantala, ang kamatayan ay “gumagana” sa kanila, habang sa pamamagitan ng kanilang ministeryo ay nagdadala sila ng isang mensahe ng buhay sa mga pinaglilingkuran nila.—2Co 4:10-14; Kaw 18:21; tingnan ang BAUTISMO (Bautismo kay Kristo Jesus at sa Kaniyang Kamatayan).
Kabilang sa mga nakikinabang sa ministeryong iyon ay ang malaking pulutong na may pag-asang makaligtas sa malaking kapighatian at mabuhay nang walang hanggan sa isang paraisong lupa. Dahil sa pananampalataya nila sa nagbabayad-salang halaga ng hain ni Jesus, sila man ay nagkakaroon ng malinis na katayuan sa harap ng Diyos.—1Ju 2:2; Apo 7:9, 14.
Sinabi ni Jesus na nasa kaniya “ang mga susi ng kamatayan at ng Hades” (Apo 1:18), at ginagamit niya ang mga ito upang mapalaya yaong mga bihag ng kamatayan. (Ju 5:28, 29; Apo 20:13) Ang pagpapalaya ng Diyos na Jehova kay Jesus mula sa Hades ay nagsilbing isang “garantiya sa lahat ng mga tao” para sa panghinaharap na araw ng paghuhukom o pakikipagtuos ng Diyos at naglaan ito ng katiyakan na ang mga nasa Hades ay bubuhaying muli. (Gaw 17:31; 1Co 15:20, 21) Yaong mga magmamana ng Kaharian ng Diyos taglay ang imortalidad ay inilalarawang nagtatagumpay laban sa kamatayan sa kanilang pagkabuhay-muli, anupat nadaraig ang “tibo” nito.—1Co 15:50, 54-56; ihambing ang Os 13:14; Apo 20:6.
Ang Pagpuksa sa Kamatayan. Sa hula ng Isaias 25:8, ipinangako na “lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” Ang tibo na nagbubunga ng kamatayan ay kasalanan (1Co 15:56), at dahil dito ay gumagana ang kamatayan sa katawan ng lahat ng nagtataglay ng kasalanan at ng kaakibat nitong di-kasakdalan. (Ro 7:13, 23, 24) Samakatuwid, upang mapawi ang kamatayan, kailangang mapawi yaong nagdudulot ng kamatayan: ang kasalanan. Sa pamamagitan ng pag-aalis sa huling bakas ng kasalanan mula sa masunuring sangkatauhan, ang awtoridad ng kamatayan ay papawiin at ang kamatayan mismo ay pupuksain, at isasakatuparan ito sa panahon ng paghahari ni Kristo. (1Co 15:24-26) Sa gayon ay “hindi na magkakaroon” ng kamatayan, na sumapit sa lahi ng tao dahil sa pagsalansang ni Adan. (Ro 5:12; Apo 21:3, 4) Ang pagpuksa sa kamatayan ay makasagisag na inihahalintulad sa paghahagis nito sa isang “lawa ng apoy.”—Apo 20:14; tingnan ang LAWA NG APOY.
Ang Ikalawang Kamatayan. Ang “lawa ng apoy” kung saan ihahagis ang kamatayan, ang Hades, ang makasagisag na “mabangis na hayop,” ang “bulaang propeta,” si Satanas, ang kaniyang mga demonyo, at ang mga patuluyang nagsasagawa ng kabalakyutan sa lupa ay ipinakikitang nangangahulugan ng “ikalawang kamatayan.” (Apo 20:10, 14, 15; 21:8; Mat 25:41) Noong una, ang kamatayan ay resulta ng pagsalansang ni Adan at naipasa naman niya ito sa sangkatauhan; kaya tiyak na ang “ikalawang kamatayan” ay iba sa minanang kamatayang ito. Batay sa binanggit na mga teksto, maliwanag na imposibleng lumaya mula sa “ikalawang kamatayan.” Ang kalagayan ng mga nasa “ikalawang kamatayan” ay katulad ng kahihinatnang ibinabala sa mga tekstong gaya ng Hebreo 6:4-8; 10:26, 27; at Mateo 12:32. Sa kabilang dako naman, yaong mga inilarawan bilang nagkamit ng “korona ng buhay” at may bahagi sa “unang pagkabuhay-muli” ay imposibleng mapinsala ng ikalawang kamatayan. (Apo 2:10, 11) Ang mga ito, na maghaharing kasama ni Kristo, ay tatanggap ng imortalidad (kawalang-kamatayan) at ng kawalang-kasiraan at sa gayo’y hindi sila saklaw ng “awtoridad” ng ikalawang kamatayan.—1Co 15:50-54; Apo 20:6; ihambing ang Ju 8:51.
Makasagisag na Paggamit. Ang kamatayan ay inihahalintulad sa isang “hari” na namamahala sa sangkatauhan mula pa noong panahon ni Adan (Ro 5:14), kasabay ng pamamahala ni Haring Kasalanan. (Ro 6:12) Sa gayon, ang mga haring ito ay tinutukoy na nagpapatupad ng kanilang “kautusan” sa mga nasa ilalim ng kanilang pamumuno. (Ro 8:2) Nang dumating si Kristo at nang mailaan ang pantubos, ang di-sana-nararapat na kabaitan ay nagsimulang mangibabaw bilang hari niyaong mga tumatanggap ng kaloob ng Diyos, “tungo sa buhay na walang hanggan.”—Ro 5:15-17, 21.
Bagaman ang mga tao na nagwawalang-bahala sa mga layunin ng Diyos ay magtangkang makipagkasundo o makipagtipan kay Haring Kamatayan, sila ay mabibigo. (Isa 28:15, 18) Gaya ng isang mangangabayong humahayo kasunod ng digmaan at taggutom, ang kamatayan ay inilalarawan na lansakang pumapaslang sa mga tumatahan sa lupa.—Apo 6:8; ihambing ang Jer 9:21, 22.
Yaong mga may-sakit sa espirituwal o napipighati ay inilalarawan na ‘dumarating sa mga pintuang-daan ng kamatayan’ (Aw 107:17-20; ihambing ang Job 38:17; Aw 9:13), at yaong mga dumaraan sa gayong “mga pintuang-daan” ay pumapasok sa makasagisag na “bahay ng kapisanan para sa lahat ng nabubuhay” (Job 30:23; ihambing ang 2Sa 12:21-23), na may “mga loobang silid” (Kaw 7:27) at kapasidad para sa mga biktima na hindi kailanman lubusang napupuno. (Hab 2:5) Yaong mga nagtutungo sa Sheol ay gaya ng mga tupang pinapastulan ng kamatayan.—Aw 49:14.
Ang “mga hapdi ng kamatayan.” Sa Gawa 2:24, sinabi ng apostol na si Pedro na si Jesus ay ‘kinalagan mula sa mga hapdi ng kamatayan, sapagkat hindi siya maaaring pigilan nito nang mahigpit.’ Dito, ang salitang Griego (o·dinʹ) na isinalin bilang “mga hapdi” ay ginagamit sa ibang mga talata upang mangahulugan ng mga kirot ng panganganak (1Te 5:3) ngunit maaari rin itong mangahulugan ng paghihirap, kirot, kalamidad, o kabagabagan sa pangkalahatan. (Mat 24:8) Bukod diyan, ginamit ito ng mga tagapagsalin ng Griegong Septuagint bilang salin ng salitang Hebreo na cheʹvel sa mga teksto kung saan malinaw na tumutukoy iyon sa “lubid.” (2Sa 22:6; Aw 18:4, 5) Dahil naman sa isang kaugnay na salitang Hebreo na nangangahulugang “mga hapdi ng panganganak,” ipinapalagay ng ilang komentarista at leksikograpo na ang terminong Griego (o·dinʹ) na ginamit ni Lucas sa Gawa 2:24 ay may gayon ding dobleng kahulugan sa Helenistikong wikang Griego noong panahong apostoliko. Kaya naman ang parirala sa talatang ito ay isinasalin ng ilang bersiyon bilang “mga pamigkis [o mga gapos] ng kamatayan.” (NC [Kastila]; Segond, Ostervald [Pranses]) Sa maraming teksto, ang banta ng kamatayan ay inilalarawang naninilo sa isa na pinagbabantaan nito (Kaw 13:14; 14:27) anupat siya ay kinukulong ng mga lubid at ibinababa sa “mga nakapipighating kalagayan ng Sheol.” (Aw 116:3) Bagaman ipinakikita ng ibang mga talatang natalakay na na sa kamatayan ay wala nang malay ang isa, at maliwanag na noong patay si Jesus ay wala siyang anumang literal na kirot na nadarama, ang kamatayan ay inilalarawan pa rin bilang isang mapait at nakapipighating karanasan (1Sa 15:32; Aw 55:4; Ec 7:26) hindi lamang dahil sa kirot na kadalasang nauuna rito (Aw 73:4, 5) kundi dahil din sa paghinto ng lahat ng gawain at pagkawala ng kalayaan na idinudulot ng nakapaparalisang kapit nito. Kaya maaaring sa ganitong diwa ‘kinalagan’ si Jesus ng kaniyang pagkabuhay-muli mula sa “mga hapdi ng kamatayan,” anupat pinalaya siya mula sa nakapipighating kapit nito.
Pagbabago sa espirituwal na katayuan o kalagayan. Ang pagiging patay ay ginagamit upang ilarawan ang patay na espirituwal na kalagayan ng sanlibutan sa pangkalahatan, anupat maaaring banggitin ni Jesus ang ‘mga patay na naglilibing ng mga patay’ at maaaring tukuyin ng apostol na si Pablo ang babaing namumuhay para sa pagpapalugod sa laman bilang “patay bagaman siya ay buháy.” (Luc 9:60; 1Ti 5:6; Efe 2:1) At yamang pinalalaya ng pisikal na kamatayan ang isang tao mula sa kaniyang mga pagkakautang o mga obligasyon (Ro 6:7), ang paglaya ng isang Kristiyano mula sa kasalanan (Ro 6:2, 11) at mula sa kahatulan ng Kautusang Mosaiko (Ro 7:2-6) ay inihahalintulad din sa kamatayan, anupat ang isang iyon ay ‘namatay’ na sa kaniyang dating kalagayan o mga obligasyon. Sabihin pa, ang isang tao na makasagisag na namatay sa gayong paraan ay buháy pa sa pisikal at malaya nang sumunod kay Kristo bilang isang alipin ukol sa katuwiran.—Ro 6:18-20; Gal 5:1.
Ang paggamit sa kamatayan upang lumarawan sa pagbabago ng katayuan o kalagayan ng isa ay tumutulong upang maunawaan ang makahulang mga pangitain, gaya niyaong nasa aklat ng Ezekiel kung saan ang bayan ng Diyos, na mga tapon sa Babilonya, ay inihahalintulad sa tuyong mga buto at sa mga taong patay na nakalibing. (Eze 37:1-12) Sila ay muling “mabubuhay” at minsan pang ilalagay sa kanilang sariling lupa. (Eze 37:13, 14) Sa Apocalipsis 11:3, 7-12 at Lucas 16:19-31 ay may mga ilustrasyong katulad nito.