Kabanata 19
Pagtatatak sa Israel ng Diyos
Pangitain 4—Apocalipsis 7:1-17
Paksa: Tinatakan ang 144,000, at isang malaking pulutong ang nakitang nakatayo sa harap ng trono ni Jehova at sa harap ng Kordero
Panahon ng katuparan: Mula nang iluklok si Kristo Jesus noong 1914 hanggang sa kaniyang Milenyong Paghahari
1. “Sino ang makatatayo” sa dakilang araw ng poot ng Diyos?
“SINO ang makatatayo?” (Apocalipsis 6:17) Oo, sino kaya? Kapag winasak ng dakilang araw ng poot ng Diyos ang sistema ni Satanas, malamang na itanong iyan ng mga tagapamahala at mamamayan sa sanlibutan. Sa pananaw nila, ang napipintong kapahamakan ay waring lilipol sa buong sangkatauhan. Subalit ganoon nga kaya? Nakagagalak, tinitiyak sa atin ng propeta ng Diyos: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas.” (Joel 2:32) Pinatutunayan nina apostol Pedro at Pablo ang katotohanang iyan. (Gawa 2:19-21; Roma 10:13) Oo, ang mga tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas. Sinu-sino ang mga ito? Makikita natin samantalang isinisiwalat ang susunod na pangitain.
2. Bakit kagila-gilalas na may makaliligtas sa araw ng paghatol ni Jehova?
2 Tunay ngang kagila-gilalas na may makatatawid nang buháy sa araw ng paghatol ni Jehova, sapagkat ganito ang paglalarawan ng isa pa sa mga propeta ng Diyos: “Narito! Ang isang buhawi ni Jehova, ang pagngangalit mismo, ay lumabas, isang unos na bumubugso. Sa ibabaw ng ulo ng mga balakyot ay iinog iyon. Ang nag-aapoy na galit ni Jehova ay hindi mapapawi hanggang sa mailapat na niya at hanggang sa maisagawa na niya ang mga kaisipan ng kaniyang puso.” (Jeremias 30:23, 24) Lubhang apurahan na kumilos tayo upang makaligtas sa bagyong iyon!—Kawikaan 2:22; Isaias 55:6, 7; Zefanias 2:2, 3.
Ang Apat na Hangin
3. (a) Anong pantanging paglilingkod ang nakikita ni Juan na ginagawa ng mga anghel? (b) Ano ang isinasagisag ng “apat na hangin”?
3 Bago pakawalan ni Jehova ang mainit na galit na ito, may pantanging paglilingkod na dapat munang gawin ang mga anghel sa langit. Ito ngayon ang namamasdan ni Juan sa pangitain: “Pagkatapos nito ay nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na hinahawakang mahigpit ang apat na hangin ng lupa, upang walang hanging humihip sa lupa o sa dagat o sa anumang punungkahoy.” (Apocalipsis 7:1) Ano ang kahulugan nito para sa atin sa ngayon? Ang “apat na hangin” na ito ay isang buháy na buháy na sagisag ng mapamuksang kahatulan na malapit nang pakawalan sa balakyot na lipunan sa lupa, sa dumadaluyong na “dagat” ng tampalasang sangkatauhan, at sa matatayog na tulad-punungkahoy na mga tagapamahala na umaasa sa suporta at panustos mula sa mga tao sa lupa.—Isaias 57:20; Awit 37:35, 36.
4. (a) Ano ang kinakatawan ng apat na anghel? (b) Ano ang magiging epekto sa makalupang organisasyon ni Satanas kapag pinakawalan ang apat na hangin?
4 Walang alinlangan, ang apat na anghel na ito ay kumakatawan sa apat na grupo ng mga anghel na ginagamit ni Jehova upang pigilan ang paglalapat ng hatol hanggang sa itinakdang panahon. Kapag pinakawalan na ng mga anghel ang mga hangin na ito ng poot ng Diyos upang humihip nang sabay-sabay mula sa hilaga, timog, silangan, at kanluran, katakut-takot ang magiging pinsala. Magiging katulad ito, bagama’t sa higit na kagila-gilalas na paraan, ng paggamit ni Jehova sa apat na hangin nang pangalatin niya ang sinaunang mga Elamita, upang durugin at lipulin sila. (Jeremias 49:36-38) Dambuhalang buhawi iyon na higit pang mapamuksa kaysa sa “unos” na ginamit ni Jehova sa paglipol sa bansang Ammon. (Amos 1:13-15) Walang anumang bahagi ng organisasyon ni Satanas sa lupa ang makatatagal sa araw ng mainit na galit ni Jehova, kapag ipinagbangong-puri na niya ang kaniyang soberanya magpakailan-kailanman.—Awit 83:15, 18; Isaias 29:5, 6.
5. Paano tayo tinutulungan ng hula ni Jeremias na maunawaang saklaw ng mga kahatulan ng Diyos ang buong lupa?
5 Makatitiyak ba tayo na magdudulot ng pinsala sa buong lupa ang mga kahatulan ng Diyos? Makinig muli sa kaniyang propetang si Jeremias: “Narito! Isang kapahamakan ang humahayo sa bansa at bansa, at isang malakas na unos ang pupukawin mula sa pinakamalalayong bahagi ng lupa. At ang mga mapapatay ni Jehova sa araw na iyon ay tiyak na mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa.” (Jeremias 25:32, 33) Matatakpan ng kadiliman ang sanlibutan sa panahon ng nagngangalit na bagyong ito. Ang mga tagapamahala nito ay uugain hanggang lubusan silang mapuksa. (Apocalipsis 6:12-14) Subalit hindi magiging madilim ang hinaharap para sa lahat ng tao. Kung gayon, para sa kapakanan nino pinipigilan ang apat na hangin?
Ang Pagtatatak sa mga Alipin ng Diyos
6. Sino ang nag-uutos sa mga anghel na pigilin ang apat na hangin, at nagbibigay ito ng panahon ukol sa ano?
6 Patuloy na inilalarawan ni Juan kung paano mamarkahan ang ilan ukol sa kaligtasan: “At nakakita ako ng isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na may tatak ng Diyos na buháy; at sumigaw siya sa malakas na tinig sa apat na anghel na pinagkaloobang puminsala sa lupa at sa dagat, na nagsasabi: ‘Huwag ninyong pinsalain ang lupa o ang dagat o ang mga punungkahoy, hanggang sa matapos naming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.’”—Apocalipsis 7:2, 3.
7. Sino talaga ang ikalimang anghel, at anong katibayan ang tumutulong sa atin na matiyak ang kaniyang pagkakakilanlan?
7 Bagaman hindi pinanganlan ang ikalimang anghel na ito, ipinakikita ng lahat ng katibayan na siya ang niluwalhating Panginoong Jesus. Kasuwato ng pagiging Arkanghel ni Jesus, inilalarawan siya rito na may awtoridad sa iba pang mga anghel. (1 Tesalonica 4:16; Judas 9) Umaakyat siya mula sa silangan, gaya ng “mga haring mula sa sikatan ng araw”—si Jehova at ang kaniyang Kristo—na dumarating upang maglapat ng hatol, gaya ng ginawa ng mga haring sina Dario at Ciro nang ibagsak nila ang sinaunang Babilonya. (Apocalipsis 16:12; Isaias 45:1; Jeremias 51:11; Daniel 5:31) Ang anghel na ito ay katulad din ni Jesus na pinagkatiwalaang magtatak sa mga pinahirang Kristiyano. (Efeso 1:13, 14) Bukod dito, kapag pinakawalan na ang mga hangin, si Jesus ang mangunguna sa makalangit na mga hukbo sa paglalapat ng hatol sa mga bansa. (Apocalipsis 19:11-16) Makatuwiran, kung gayon, na si Jesus ang mag-utos na ipagpaliban muna ang pagpuksa sa makalupang organisasyon ni Satanas hanggang sa matatakan ang mga alipin ng Diyos.
8. Ano ang pagtatatak, at kailan ito nagsimula?
8 Ano ang pagtatatak na ito, at sino ang mga aliping ito ng Diyos? Nagsimula ang pagtatatak noong Pentecostes 33 C.E. nang pahiran ng banal na espiritu ang unang mga Judiong Kristiyano. Nang maglaon, sinimulan ng Diyos na tawagin at pahiran ang ‘mga tao ng mga bansa.’ (Roma 3:29; Gawa 2:1-4, 14, 32, 33; 15:14) Sumulat si apostol Pablo na may garantiya ang mga pinahirang Kristiyano na sila’y “kay Kristo” at idinagdag pa niya na ‘inilagay rin ng Diyos sa atin ang kaniyang tatak at ibinigay sa atin ang palatandaan niyaong darating, samakatuwid nga, ang espiritu, sa ating mga puso.’ (2 Corinto 1:21, 22; ihambing ang Apocalipsis 14:1.) Kaya kapag inampon bilang espirituwal na mga anak ng Diyos ang mga aliping ito, tumatanggap sila ng paunang tanda ng kanilang makalangit na mana—isang tatak, o pangako. (2 Corinto 5:1, 5; Efeso 1:10, 11) Kaya masasabi nila: “Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos. Kaya nga, kung tayo ay mga anak, tayo ay mga tagapagmana rin: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung magdurusa tayong magkakasama upang luwalhatiin din tayong magkakasama.”—Roma 8:15-17.
9. (a) Anong pagbabata ang hinihiling sa mga nalabi ng inianak-sa-espiritung mga anak ng Diyos? (b) Hanggang kailan magpapatuloy ang pagsubok sa mga pinahiran?
9 Ano ang kahulugan ng pariralang “kung magdurusa tayong magkakasama”? Upang makamit ng mga pinahirang Kristiyano ang korona ng buhay, dapat silang magbata at maging tapat hanggang kamatayan. (Apocalipsis 2:10) Hindi ito nangangahulugan na ‘minsang ligtas, laging ligtas.’ (Mateo 10:22; Lucas 13:24) Sa halip, pinapayuhan sila: “Gawin ang inyong buong makakaya upang tiyakin para sa inyong sarili ang pagtawag at pagpili sa inyo.” Gaya ni apostol Pablo, dapat nilang masabi sa wakas: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya.” (2 Pedro 1:10, 11; 2 Timoteo 4:7, 8) Kaya rito sa lupa, dapat magpatuloy ang pagsubok at pagsala sa mga nalabi ng mga inianak-sa-espiritung mga anak ng Diyos hanggang sa matibay na matatakan ni Jesus at ng kasama niyang mga anghel ‘ang noo’ ng lahat ng ito, anupat hindi mapag-aalinlanganan at hindi matututulang sila ang subók at tapat na “mga alipin ng ating Diyos.” Sa gayon, ang tatak ay nagiging permanenteng marka. Maliwanag, kapag pinakawalan ang apat na hangin ng kapighatian, permanente nang natatakan ang lahat ng kabilang sa espirituwal na Israel, bagaman ang ilan sa kanila ay maaaring buháy pa sa laman. (Mateo 24:13; Apocalipsis 19:7) Makukumpleto ang mga miyembro nito!—Roma 11:25, 26.
Ilan ang Tinatakan?
10. (a) Anong mga teksto ang nagpapahiwatig na limitado ang bilang ng mga tinatakan? (b) Ano ang kabuuang bilang ng mga tinatakan, at paano itinala ang mga ito?
10 Sinabi ni Jesus sa mga nakahanay sa pagtatatak na ito: “Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat sinang-ayunan ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” (Lucas 12:32) Ipinahihiwatig ng iba pang mga teksto, gaya ng Apocalipsis 6:11 at Roma 11:25, na talagang limitado ang bilang ng munting kawan, at sa katunayan, ay patiunang itinalaga. Tinitiyak ito ng sumusunod na mga salita ni Juan: “At narinig ko ang bilang niyaong mga tinatakan, isang daan at apatnapu’t apat na libo, na tinatakan mula sa bawat tribo ng mga anak ni Israel: Mula sa tribo ni Juda ay labindalawang libo ang tinatakan; mula sa tribo ni Ruben ay labindalawang libo; mula sa tribo ni Gad ay labindalawang libo; mula sa tribo ni Aser ay labindalawang libo; mula sa tribo ni Neptali ay labindalawang libo; mula sa tribo ni Manases ay labindalawang libo; mula sa tribo ni Simeon ay labindalawang libo; mula sa tribo ni Levi ay labindalawang libo; mula sa tribo ni Isacar ay labindalawang libo; mula sa tribo ni Zebulon ay labindalawang libo; mula sa tribo ni Jose ay labindalawang libo; mula sa tribo ni Benjamin ay labindalawang libo ang tinatakan.”—Apocalipsis 7:4-8.
11. (a) Bakit hindi maaaring kumapit sa Israel sa laman ang pagtukoy sa 12 tribo? (b) Bakit itinatala ng Apocalipsis ang 12 tribo? (c) Bakit hindi eksklusibo sa iisang tribo ng Israel ng Diyos ang pagkahari o pagkasaserdote?
11 Hindi kaya Israel sa laman ang tinutukoy rito? Hindi, sapagkat ang Apocalipsis 7:4-8 ay naiiba sa karaniwang talaan ng mga tribo. (Bilang 1:17, 47) Ang talaan dito ay maliwanag na hindi nilayong ipakilala ang mga Judio sa laman ayon sa kani-kanilang tribo kundi upang ipakita na umiiral din sa espirituwal na Israel ang nakakatulad na organisasyonal na kaayusan. Balanse ito. Magkakaroon ng eksaktong 144,000 miyembro ang bagong bansang ito—12,000 mula sa bawat isa sa 12 tribo. Hindi eksklusibo sa iisang tribo ng Israel na ito ng Diyos ang pagkahari o pagkasaserdote. Ang buong bansa ay mamamahala bilang mga hari at maglilingkod bilang mga saserdote.—Galacia 6:16; Apocalipsis 20:4, 6.
12. Bakit angkop na awitin ng 24 na matatanda sa harap ng Kordero ang mga pananalita sa Apocalipsis 5:9, 10?
12 Bagaman likas na mga Judio at Judiong proselita ang binigyan ng unang pagkakataon na mapabilang sa espirituwal na Israel, kakaunti lamang sa bansang iyon ang tumugon. Kaya ipinaabot ni Jehova ang paanyaya sa mga Gentil. (Juan 1:10-13; Gawa 2:4, 7-11; Roma 11:7) Gaya ng mga taga-Efeso, na dating “hiwalay sa estado ng Israel,” ang mga di-Judio ay maaari na ngayong matatakan ng espiritu ng Diyos at maging bahagi ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (Efeso 2:11-13; 3:5, 6; Gawa 15:14) Kaya angkop na umawit sa harap ng Kordero ang 24 na matatanda: “Sa pamamagitan ng iyong dugo ay bumili ka ng mga tao para sa Diyos mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa, at ginawa mo silang isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.”—Apocalipsis 5:9, 10.
13. Bakit angkop na ipatungkol ni Santiago, kapatid sa ina ni Jesus, ang kaniyang liham “sa labindalawang tribo na nakapangalat”?
13 Ang kongregasyong Kristiyano ay “isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa.” (1 Pedro 2:9) Hinalinhan nito ang likas na Israel sa pagiging bansa ng Diyos, anupat naging ang bagong Israel na “talagang ‘Israel.’” (Roma 9:6-8; Mateo 21:43)a Dahil dito, angkop lamang na ipatungkol ni Santiago, kapatid sa ina ni Jesus, ang kaniyang liham-pastoral “sa labindalawang tribo na nakapangalat,” samakatuwid nga, sa pambuong-daigdig na kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano na aabot nang 144,000 sa takdang panahon.—Santiago 1:1.
Ang Israel ng Diyos sa Ngayon
14. Ano ang nagpapakitang ang mga Saksi ni Jehova ay palaging nanghahawakan sa paniniwala na 144,000 ang literal na bilang ng mga bumubuo sa espirituwal na Israel?
14 Kapansin-pansin, naunawaan ni Charles T. Russell na ang 144,000 ay literal na bilang ng mga indibiduwal na bumubuo sa espirituwal na Israel. Sa The New Creation, Tomo VI ng kaniyang Studies in the Scriptures, na inilathala noong 1904, isinulat niya: “Hindi natin mapag-aalinlanganan na ang tiyak at takdang bilang ng mga hinirang [piniling mga pinahiran] ay yaong ilang beses na binanggit sa Apocalipsis (7:4; 14:1); samakatuwid nga, 144,000 na ‘tinubos mula sa mga tao.’” Gayundin ang isinasaad sa Light, Unang Aklat, na inilathala noong 1930 ng mga Estudyante ng Bibliya: “Ang 144,000 miyembro ng katawan ni Kristo ay ipinakikitang nagkakatipon bilang mga pinili at pinahiran, o tinatakan.” Ang mga Saksi ni Jehova ay palaging nanghahawakan sa paniniwala na literal na 144,000 pinahirang Kristiyano ang bumubuo sa espirituwal na Israel.
15. Noong malapit na ang araw ng Panginoon, ano ang inakala ng taimtim na mga estudyante ng Bibliya na mararanasan ng likas na mga Judio matapos ang Panahong Gentil?
15 Gayunpaman, hindi ba karapat-dapat din naman ang likas na Israel sa ilang pantanging pabor? Noong malapit na ang araw ng Panginoon, nang maunawaan ng taimtim na mga estudyante ng Bibliya ang marami sa saligang mga katotohanan ng Salita ng Diyos, inakala nila na sa pagtatapos ng Panahong Gentil, muling magkakaroon ng pantanging katayuan sa harap ng Diyos ang mga Judio. Kaya sa aklat ni C. T. Russell na The Time Is at Hand (Tomo II ng Studies in the Scriptures), inilathala noong 1889, ikinapit ang Jeremias 31:29-34 sa likas na mga Judio, at nagkomento nang ganito: “Saksi ang daigdig sa katotohanan na ang kaparusahan ng Israel sa ilalim ng pamumuno ng mga Gentil ay nagpatuloy mula noong B.C. [607], na ito’y nagpapatuloy pa rin, at walang saligan na muli silang maoorganisa bilang bansa bago ang A.D. 1914, ang hangganan ng kanilang ‘pitong panahon’—2520 taon.” Inakala nila noon na mararanasan ng mga Judio ang pagsasauli sa kanilang bansa, at waring tumibay ang pag-asang ito noong 1917 nang ipangako sa Balfour Declaration ang suporta ng Britanya upang gawing pambansang tahanan ng mga Judio ang Palestina.
16. Anu-anong pagsisikap ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova upang ipaabot sa likas na mga Judio ang mensaheng Kristiyano, at ano ang naging resulta?
16 Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, ipinagkaloob sa Gran Britanya ang pamamahala sa Palestina, at nabuksan ang pagkakataon para makabalik ang maraming Judio sa lupaing iyon. Noong 1948, itinatag ang pulitikal na Estado ng Israel. Hindi ba ipinakikita nito na nakahanay sa mga pagpapala ng Diyos ang mga Judio? Iyan ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova sa loob ng maraming taon. Kaya noong 1925, inilathala nila ang aklat na Comfort for the Jews, na may 128 pahina. Noong 1929, inilabas nila ang kaakit-akit na aklat na Life, isang tomo na may 360 pahina at dinisenyo upang pumukaw sa interes ng mga Judio at tumatalakay rin sa aklat ng Bibliya na Job. Gumawa ng malaking pagsisikap, lalung-lalo na sa New York City, upang ipaabot sa mga Judio ang mensaheng ito hinggil sa Mesiyas. Nakagagalak na may ilang indibiduwal ding tumugon, subalit gaya ng kanilang mga ninuno noong unang siglo, tinanggihan ng karamihan sa mga Judio ang ebidensiya ng pagkanaririto ng Mesiyas.
17, 18. Ano ang naunawaan ng mga alipin ng Diyos sa lupa hinggil sa bagong tipan at sa mga hula ng Bibliya hinggil sa pagsasauli?
17 Maliwanag na ang mga Judio, bilang isang bayan at bilang isang bansa, ay hindi siyang Israel na inilalarawan sa Apocalipsis 7:4-8 o sa iba pang hula ng Bibliya na nauugnay sa araw ng Panginoon. Dahil sa kanilang tradisyon, patuloy na iniwasan ng mga Judio ang paggamit sa pangalan ng Diyos. (Mateo 15:1-3, 7-9) Bilang pagtalakay sa Jeremias 31:31-34, ang aklat na Jehovah, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova noong 1934, ay buong-katiyakang nagsabi: “Ang bagong tipan ay walang kinalaman sa likas na mga inapo ng Israel at sa sangkatauhan sa pangkalahatan, kundi . . . limitado ito sa espirituwal na Israel.” Ang mga hula ng Bibliya tungkol sa pagsasauli ay walang kaugnayan sa likas na mga Judio ni sa pulitikal na Israel, na miyembro ng Nagkakaisang mga Bansa at bahagi ng sanlibutan na tinukoy ni Jesus sa Juan 14:19, 30 at 18:36.
18 Noong 1931, buong-kagalakang tinanggap ng mga alipin ng Diyos sa lupa ang pangalang mga Saksi ni Jehova. Maaari silang buong-pusong sumang-ayon sa mga salita ng Awit 97:11: “Ang liwanag ay suminag para sa matuwid, at ang pagsasaya para nga sa mga matapat ang puso.” Buong-liwanag nilang nauunawaan na ang espirituwal na Israel lamang ang dinala sa bagong tipan. (Hebreo 9:15; 12:22, 24) Walang bahagi roon ang manhid na likas na Israel, ni ang sangkatauhan man sa pangkalahatan. Ang kaunawaang ito ay nagbigay-daan sa maningning na pagkislap ng liwanag mula sa Diyos, namumukod-tangi sa mga ulat ng teokratikong kasaysayan. Isisiwalat nito kung gaano kasaganang pinararating ni Jehova ang kaniyang awa, maibiging-kabaitan, at katotohanan sa lahat ng taong lumalapit sa kaniya. (Exodo 34:6; Santiago 4:8) Oo, bukod sa Israel ng Diyos, may iba pang makikinabang sa pagpigil ng mga anghel sa apat na hangin ng pagkapuksa. Sinu-sino kaya ang mga ito? Isa ka kaya sa kanila? Alamin natin.
[Talababa]
a Angkop naman, ang pangalang Israel ay nangangahulugang “Ang Diyos ay Nakikipagpunyagi; Isa na Nakikipagpunyagi (Nagmamatiyaga) sa Diyos.”—Genesis 32:28, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
[Buong-pahinang larawan sa pahina 114]
[Mga larawan sa pahina 116, 117]
Ang pangkalahatang pagpili sa tunay na Israel ng Diyos ay nagsimula sa araw ng Pentecostes 33 C.E. hanggang noong 1935 nang, sa isang makasaysayang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Washington, D.C., ang pagdiriin ay ibaling sa pagtitipon ng isang malaking pulutong na may pag-asang mabuhay sa lupa (Apocalipsis 7:9)