Ang Pangmalas ng Bibliya
Sino ang “Ipinanganak-muli”?
SI Nicodemo ay isang membro ng mataas na hukumang Judio, isang iskolar sa relihiyosong batas, at sapat ang nakita niyang katibayan ng mga himala ni Jesus upang makumbinsi na si Jesus ang Mesiyas. Gayunman, hindi niya maunawaan ang kahulugan ng sinabi ni Jesus: “Malibang ang tao’y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Diyos.”—Juan 3:1-3, 10.
“Paanong maipanganganak ang tao kung siya’y matanda na?” tanong ni Nicodemo. “Makapapasok baga siya bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina at ipanganak?”—Juan 3:4.
Angaw-angaw na mga tao ngayon ang nagsasabing sila’y “ipinanganak-muli” (born again) at nagsasabing nauunawaan nilang mabuti kung ano ang kahulugan nito. Ang iba, gaya ni Nicodemo, ay nalilito sa ideya ng pagiging ipinanganak-muli. Yamang si Jesu-Kristo ang nagsabi na ito ay isang kahilingan sa pagpasok sa Kaharian ng Diyos, mahalaga na maunawaan natin ang kahulugan ng pagiging “ipinanganak-muli.”
Bilang sagot sa tanong ni Nicodemo, sinabi pa ni Jesus: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng espiritu, siya’y hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ang ipinanganak ng laman ay laman nga, at ang ipinanganak ng espiritu ay espiritu nga. Huwag kang magtaka sa aking sinabi sa iyo, Kinakailangan ngang kayo’y ipanganak na muli.”—Juan 3:5-7.
Mahirap unawain? Alam ni Jesus na ang pag-unawa sa espirituwal na mga katotohanan ay hindi madali. Kaya upang mas maliwanagan ang mga bagay-bagay, siya ay gumamit ng isang ilustrasyon tungkol sa hangin. “Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kaniyang ugong, ngunit hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling at kung saan naparoroon. Gayon ang bawat ipinanganganak sa espiritu.” (Juan 3:8) Naririnig, nadarama, at nakikita ni Nicodemo ang epekto ng hangin, ngunit hindi niya maunawaan ang pinagmumulan nito o ang pangwakas na paroroonan nito. Gayunman, ang pagiging totoo ng hangin ay hindi matututulan. Gayundin naman, yaong kulang ng espirituwal na unawa ay nahihirapang unawain kung paanong si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, ay makapagpapangyari na ang isang tao ay ipanganak na muli at kung ano ang pangwakas na kahihinatnan ng isang iyon. Gayunman, sa tulong ng kinasihang mga manunulat ng Bibliya, mauunawaan natin ang gayong mga bagay.—Juan 16:13.
Pag-unawa sa Palaisipan
Ano ang nasa isipan ni Jesus nang sabihin niya ang tungkol sa pagiging “ipinanganak sa tubig at sa espiritu”? Ang kapanganakan ay nangangahulugan ng pasimula. Ang isang bagong kapanganakan ay nangangahulugan ng isang bagong pasimula. Sa kaso ng mga alagad ni Jesus, ang unang hakbang sa pagiging ipinanganak-muli ay nagsisimula minsang sila’y magsisi sa kanilang mga kasalanan, tumalikod sa isang maling landasin, at magpabautismo sa tubig. Simula noong Pentecostes 33 C.E., bilang pagtugon sa gayong pagkilos, binigyan sila ni Jehova ng kung ano ang tinawag ni Pedro na “muling inianak sa isang buháy na pag-asa . . . na nakalaan sa langit.” (1 Pedro 1:3, 4; 3:21) Inilagay ng banal na espiritu ni Jehova sa kanilang isipan ang isang matibay na paniniwala na sila sa wakas ay mabubuhay na kasama ni Jesu-Kristo sa langit. Ito ang nagbigay sa kanila ng isang bagong pangmalas sa buhay—isang bagong pasimula.
Ito ba’y isa lamang emosyonal na relihiyosong karanasan? Hindi. Ginawa sila ng banal na espiritu ng Diyos na isang bagay na lubusang bago, “isang bagong nilalang.” (2 Corinto 5:17) Nang sila’y ipanganak bilang mga tao, sila’y makasalanang mga anak ni Adan, nagmamana ng lahat ng di-kasakdalan na ipinasa ni Adan sa lahat niyang inapo. Ngayon, dahil sa pagiging “ipinanganak-muli,” ang mga alagad na ito ay nakakakuha ng isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos. Paano? Sa bisa ng hain ni Jesus na ikinapit alang-alang sa kanila. Kaya, itinuturing sila ng Diyos na matuwid kahit na sila ay di-sakdal pang mga tao. (Roma 3:25, 26; 5:12-21; 1 Corinto 6:11) Higit pa riyan, kinikilala na sila ngayon ni Jehova bilang kaniyang mga anak. Ipinakikita ni apostol Pablo kung paano: “Sapagkat lahat ng inakay ng espiritu ng Diyos, sila ang mga anak ng Diyos . . . mga anak ng Diyos.” (Roma 8:14, 16) Sila ngayon ay tinatanggap bilang bahagi ng makalangit na pamilya ng Diyos.
At higit pa. Si Pablo ay muling nagpapaliwanag: “At kung mga anak, samakatuwid, mga tagapagmana rin tayo: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” (Roma 8:17) Ang espirituwal na mga anak na ito ng Diyos ngayon ay may pag-asa na magmana ng kung ano ang mamanahin ni Kristo Jesus—makaharing kapangyarihan sa langit. Isiniwalat ni Jesus kay apostol Juan ang bilang ng mga taong makakasama niyang maghari sa buong lupa—144,000. (Apocalipsis 7:4; 14:1-3) Pagkatapos ay ipinakita niya kay Juan na ang mga may pagsang-ayong mga alagad na ito ay “magiging saserdote ng Diyos at ni Kristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng sanlibong taon.”—Apocalipsis 20:6.
Mga Pakinabang sa Iba Pa
Ito ba’y nangangahulugan na upang magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos, ang lahat ay dapat na “ipanganak-muli”? Hindi naman. Ang hain ni Jesus ay hindi lamang para sa 144,000 katao na pantanging pinili upang makasama niya sa langit. Nang si apostol Juan ay sumulat sa mga Kristiyanong “ipinanganak-muli” sa pagtatapos ng unang siglo, sabi niya tungkol sa hain ni Jesus: “Siya’y pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, ngunit hindi lamang para sa atin kundi para rin sa buong sanlibutan.” (1 Juan 2:2) Paano nagkagayon?
Sa ganitong paraan. Yaong mga “ipinanganak-muli” na maghaharing kasama ni Jesu-Kristo sa makalangit na Kaharian ni Jehova ay magdadala ng mga pagpapala sa iba pa sa sangkatauhan na mabubuhay sa lupa. Ito ay inihula sa isang kamangha-manghang pangako na ginawa sa ninuno ni Jesus na si Abraham halos 4,000 taon na ang nakalipas. “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili,” sabi ni Jehova kay Abraham. (Genesis 22:18) Oo, dakilang mga pagpapala ang inilaan sa lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng “binhi” ni Abraham!
Sino ang “binhi” na iyon? Si Jesu-Kristo, kasama ang kaniyang tunay na “ipinanganak-muli” na mga tagasunod. Sabi ni apostol Pablo: “Bukod pa rito, kung kay Kristo kayo, tunay na binhi kayo ni Abraham.” (Galacia 3:16, 29) At anong mga pagpapala ang sasapit sa mga tao ng lahat ng bansa sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at ng “ipinanganak-muling” mga alagad na ito? Ang pribilehiyo na maisauli sa pagsang-ayon ng Diyos at tamasahin ang lahat niyang mga paglalaan para sa isang lupang paraiso.—Genesis 1:27, 28; Awit 37:29; Kawikaan 2:21, 22; Isaias 45:18.
Kaya ang 144,000 “ipinanganak-muli” na mga alagad ay “papasok sa [makalangit] na kaharian ng Diyos” upang pamahalaan ang kahanga-hangang mga pagpapala na dadalhin ng Kaharian ng Diyos sa di-mabilang na angaw-angaw dito mismo sa lupa. (Mateo 6:10; Roma 8:19-21; Apocalipsis 21:1-5) Kung baga naunawaan ni Nicodemo ang mga salita ni Jesus at “ipinanganak-muli” upang maging bahagi ng lupon na ito na maghahari, hindi natin alam. Ang nalalaman natin ay na ang pagkakataon na tumanggap ng mga pagpapala ng kanilang makalangit na pamamahala ay nasa bawat isa na nagnanais nito. Nais mo ba?
[Blurb sa pahina 27]
Ang lahat ba ay dapat “ipanganak-muli” upang kamtin ang pagsang-ayon ng diyos?