PAGSISIWALAT
Ang salitang Griego (a·po·kaʹly·psis) na isinalin bilang “pagsisiwalat,” o “pagkakasiwalat,” ay nangangahulugang “paglalantad” o “pagbubunyag.” Madalas itong gamitin may kinalaman sa mga pagsisiwalat ng espirituwal na mga bagay o ng kalooban at mga layunin ng Diyos. (Luc 2:32; 1Co 14:6, 26; 2Co 12:1, 7; Gal 1:12; 2:2; Efe 1:17; Apo 1:1; Int) Ang gayong mga pagsisiwalat ay dahil sa pagkilos ng espiritu ng Diyos. Hinggil sa pagsisiwalat ng “sagradong lihim,” ganito ang isinulat ng apostol na si Pablo: “Sa ibang mga salinlahi ang lihim na ito ay hindi ipinaalam sa mga anak ng mga tao gaya ng isiniwalat na ngayon sa kaniyang banal na mga apostol at mga propeta sa pamamagitan ng espiritu, samakatuwid nga, na ang mga tao ng mga bansa ay magiging mga kasamang tagapagmana at mga kasangkap ng katawan at mga kabahagi natin sa pangako kaisa ni Kristo Jesus sa pamamagitan ng mabuting balita.”—Efe 3:1-6; Ro 16:25.
Mariing pinatutunayan ng aklat ng Mga Gawa na ang pagsisiwalat ng sagradong lihim ay resulta ng pagkilos ng espiritu ng Diyos. Inakay ng espiritu sina Pedro, Pablo, at Bernabe upang mangaral sa mga di-Judio. Ang nanampalatayang mga di-Judio, samakatuwid nga, ang “mga tao ng mga bansa,” ay tumanggap ng banal na espiritu samantalang nasa di-tuling kalagayan, sa gayo’y naging isang bayan ukol sa pangalan ng Diyos. (Gaw 10:9-48; 13:2-4) Sa ilalim ng pagkasi, inihula ito ng propetang si Amos, at noong unang siglo C.E., nakita ang katuparan ng kaniyang hula sa pamamagitan ng pagkilos ng espiritu ng Diyos.—Gaw 15:7-20; ihambing ang Am 9:11, 12, LXX.
Binabanggit din ng Bibliya ang “pagsisiwalat sa matuwid na paghatol ng Diyos” (Ro 2:5), ang “pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos” (Ro 8:19), at ang “pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo” at sa “kaniyang kaluwalhatian.” (1Pe 1:13; 4:13) Makatutulong ang konteksto at ang kaugnay na mga teksto upang matukoy kung kailan magaganap ang gayong mga pagsisiwalat, o pagkakasiwalat. Sa bawat kaso, ang pagsisiwalat, o pagkakasiwalat, ay panahon ng pagbibigay ng gantimpala at pagpapala sa mga taong matuwid, o kaya nama’y panahon ng pagpuksa sa mga balakyot.
Pagsisiwalat sa mga Anak ng Diyos. Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, sinabi ng apostol na si Pablo na ang “mga anak” ng Diyos ay yaong mga tumanggap ng espiritu ng pag-aampon. Bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo, ang mga anak na ito ng Diyos ay luluwalhatiin. (Ro 8:14-18) Babaguhin ng Panginoong Jesu-Kristo ang kanilang abang katawan upang maiayon ito sa kaniyang maluwalhating katawan (Fil 3:20, 21), at mamamahala silang kasama niya bilang mga hari. (2Ti 2:12) Kaya ang “pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos” ay tumutukoy sa panahon kapag naging maliwanag na niluwalhati na sila at naghahari na silang kasama ni Kristo Jesus. Napakaringal ng kaluwalhatiang isisiwalat sa kanila anupat magiging walang anuman ang lahat ng pagdurusang dinanas nila sa lupa. (Ro 8:18, 19) Ang pagsisiwalat na ito ay magdudulot ng dakilang mga pagpapala, sapagkat ganito ang isinulat ng apostol na si Pablo: “Ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Ro 8:21.
Pagsisiwalat sa Matuwid na Paghatol ng Diyos. Sa Roma 2:5, ang “pagsisiwalat sa matuwid na paghatol ng Diyos” ay iniuugnay sa ‘araw ng poot ng Diyos.’ Samakatuwid, isisiwalat ang matuwid na paghatol ng Diyos kapag ‘ibinigay niya sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga gawa,’ buhay na walang hanggan doon sa mga nagbabata sa gawang mabuti at pagkapuksa naman doon sa mga sumusunod sa kalikuan.—Ro 2:6-8.
Pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo. “Ang pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo” at sa “kaniyang kaluwalhatian” ay panahon ng pagbibigay-gantimpala sa kaniyang tapat na mga tagasunod at paglalapat ng paghihiganti sa mga di-makadiyos. Sa gayo’y isisiwalat siya bilang maluwalhating Hari na pinagkalooban ng kapangyarihang magbigay ng gantimpala at magparusa. Ipinakikita ng Kasulatan na sa panahon ng pagkakasiwalat ng kaluwalhatian ni Kristo, ‘mag-uumapaw sa kagalakan’ ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano na may-katapatang nagbata ng pagdurusa. (1Pe 4:13) Ang subok na katangian ng kanilang pananampalataya ay masusumpungang isang dahilan ukol sa kapurihan at kaluwalhatian at karangalan sa panahon ng pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo, at ang mga Kristiyanong iyon ay tatanggap ng di-sana-nararapat na kabaitan. (1Pe 1:7, 13) Samantala, ang mga hindi nakakakilala sa Diyos at hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa Panginoong Jesus ay daranas ng walang-hanggang pagkapuksa, na magdudulot naman ng ginhawa sa mga dumanas ng kapighatian sa kanilang mga kamay.—2Te 1:6-10.