Isang Bagong Pitak ng Karunungan ng Diyos
“AT SINABI ng Diyos kay Moises: ‘AKO NGA’Y MAGPAPATUNAY NA KUNG ANO ANG PATUTUNAYAN KO.’ At kaniyang isinusog: ‘Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, “Si AKO NGA NA MAGPAPATUNAY ang nagsugo sa akin sa inyo.”’” (Exodo 3:14) Ipinaliwanag ni Jehova kay Moises na bago pa nito, maging ang Kaniyang mga lingkod ay hindi nakakaunawa sa buong kahulugan ng Kaniyang pangalan. Siya ang Diyos ng layunin at sa tuwina’y tinutupad niya ang kaniyang kalooban. Kung hinihingi ng mga pagkakataon, maaari niyang baguhin ang kaniyang paraan upang matamo ang kaniyang layunin. Ganiyan siya karunong!
Si Satanas mismo ay hindi nakakaunawa ng ipinahihiwatig ng pangalan ng Diyos. Malamang, alam niya ang punungkahoy ng buhay sa halamanan ng Eden. Kung sakaling kaniyang isinaplano na akayin si Adan at si Eva patungo roon, baka iyan ay maglalagay kay Jehova sa alanganin: alinman sa tutuparin ang kaniyang salita na ang kasalana’y magdadala sa kanila ng kamatayan o tutuparin ang kaniyang salita tungkol sa punungkahoy ng buhay. (Genesis 2:9; 3:1-6) Magkagayon man, si Satanas ay nakatakdang mabigo.
Ngayon ay sinimulan ng Diyos na ipakita ang karunungan na hindi sukat akalain ng kaniyang mga espiritung anak at hindi pa nahahayag bago noon sa kanila. (Ihambing ang Efeso 3:10.) Kaniyang pinasimulan ang sunud-sunod na pagpapahayag at mga pangyayari na sa isang mahabang yugto ng panahon ay kamangha-manghang magpapakita ng kaniyang dakilang karunungan at ng kaniyang kapangyarihan na tuparin ang kaniyang walang hanggang layunin, na ang lupa’y makalatan ng maligaya, tapat na mga tao na mamumuhay magpakailanman sa Paraiso. (Genesis 1:27, 28) Paulit-ulit na bibiguin ng Diyos ang pagsisikap ni Satanas na manghimasok.
Ang Pagkahayag ng Banal na Lihim
Karaka-raka pagkatapos ng unang paghihimagsik, kumilos ang Diyos. Siya’y nagsagawa ng paglilitis sa nagkasalang mag-asawa at itinaguyod niya ang kaniyang inihatol na kamatayan para sa mga sumusuway. Kumusta naman si Adan at si Eva kung tungkol sa pagkain ng bunga ng punungkahoy ng buhay? “Ang Diyos na Jehova ay nagpatuloy na nagsabi: ‘Narito’t ang tao’y naging parang isa sa atin na nakakakilala ng mabuti at ng masama, at baka ngayo’y iunat ang kaniyang kamay at pumitas ng bunga ng punungkahoy ng buhay at kumain at mabuhay magpakailanman,—’ Kaya pinalayas siya ng Diyos na Jehova sa halamanan ng Eden.”—Genesis 3:17-23.
Noon ay gumanap din ang Diyos ng papel ng isang Ebanghelisador, o Tagapaghayag ng mabuting balita. Kaniyang binigkas ang unang hula: “Sinabi pa ng Diyos na Jehova sa ahas: . . . ‘Pag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Ito ang dudurog ng iyong ulo at ikaw ang dudurog ng kaniyang sakong.’” (Genesis 3:14, 15) Makalipas ang daan-daang taon si apostol Pablo ay nagpaliwanag: “Sapagkat ang sangnilalang [na sangkatauhan] ay ipinasakop sa kabiguan, hindi dahil sa sariling kalooban nito kundi dahil sa kaniya na nagpasakop nito, batay sa pag-asa.”—Roma 8:20.
Oo, pagkatapos nito ay walang magagawa ang tao kung mapagapos sa kamatayan na minana kay Adan, subalit ang Diyos ay nagpahayag ng kaniyang layunin na sagipin ang masunuring mga supling ni Adan. Gayunman, ano ba ‘ang batayan sa pag-asa’? Paano niya maililigtas ang mga tao at maitaguyod pa rin niya ang sentensiyang kamatayan dahil sa kasalanan? Ito ang nakatagong karunungan ng Diyos; kasangkot dito “ang banal na lihim na ikinubli buhat sa nakalipas na mga sistema ng mga bagay at buhat sa nakalipas na mga salinlahi.” (Colosas 1:26; 1 Corinto 2:7, 8) Bagama’t ang mga tapat na tao noong una ay walang pagkaunawa sa lihim, sila’y nagkaroon ng pag-asa na sa paano man sila’y ililigtas ng Diyos. Oo, kahit na ang mga anghel ay sabik na makaalam kung paano tutuparin ni Jehova ang kaniyang layunin! (1 Pedro 1:10-12) Nauunawaan mo ba ang banal na lihim na ito?
Iniligtas sa Pamamagitan ng Pagtubos
Baitang-baitang sa loob ng lumipas na mga daan-daang taon, si Jehova ay nagdagdag ng impormasyon sa kaniyang orihinal na naipangako. Sa tapat na si Abraham ay nangako siya ng isang binhi na sa pamamagitan niyaon ay darating ang pagpapala sa lahat ng mga taong masunurin. (Genesis 22:15-18) Sa pamamagitan ni Jacob ay isiniwalat niya na ang binhi ay magiging isang hari buhat sa tribo ni Juda. (Genesis 49:10) Nang panahong ito ang mga taong maka-Diyos ay naniniwala sa pagkabuhay-muli ng mga patay, bagama’t hindi nila lubusang nauunawaan kung paanong mangyayari ito. (Job 14:14, 15; Hebreo 11:19) Sa wakas, pinangakuan ng Diyos si David na ang darating na Hari, o Mesiyas, ay magiging inapo ni David at maghahari hanggang sa panahong walang takda.—2 Samuel 7:16.
Lahat ng mga propeta ay nagdagdag ng unti-unting kaunawaan sa banal na lihim, subalit hindi pa makita ng mga tao ang ganap na larawan. Sa wakas, sumapit ang panahon para sa pagdating ng Mesiyas, at pagkatapos, sa wakas, ang totoong sari-saring dakilang karunungang ito ng Diyos ay naging lalong malinaw. Iyon ay nakasentro kay Jesu-Kristo at ang paglalaan ng kaniyang sakdal na buhay-tao bilang isang katumbas na pantubos para sa sangkatauhan. Batay diyan, ang nalalabing bahagi ng maningning na layunin ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian ay matutupad. Nauunawaan mo ba ang tungkol sa pantubos?
Sa Roma kabanata 5 at 6, si Pablo ay nagbibigay ng isang mainam na paliwanag tungkol doon. Sa Roma 5:12 kaniyang ipinaliliwanag ang ating minanang kasalanan at kamatayan. At siya’y nagpapatuloy pa at ipinakikita kung papaano ang epekto ng isa lamang pagkakasala ng sakdal na si Adan at ang pagkawala ng buhay ng kaniyang mga supling ay titimbangan ng isa pang sakdal na buhay ng tao. Iyon ay ang buhay ng “taong si Jesu-Kristo.” (Roma 5 Talatang 15-21; tingnan din ang 1 Timoteo 2:5, 6.) Paano nga mailalaan ni Jesus ang pantubos na ito? Sapagkat siya ang Anak ng Diyos, si Jesus ay “banal, walang sala, walang dungis, nahihiwalay sa mga makasalanan.” (Hebreo 7:26; Lucas 1:32, 33) Hindi na natin kailangang ipaliwanag pa ang mga detalye ng pagkapanganak kay Jesus. Ang anghel na si Gabriel ay nagbigay ng katiyakan sa ina ni Jesus, si Maria, at sa atin, na walang anumang bagay na imposible sa Diyos. (Lucas 1:37) Samakatuwid si Jesus, bagama’t ipinanganak ng isang babae na inapo ni Adan, ay Anak ng Diyos—tunay na isang sakdal na tao. Ang kaniyang dugo, o buhay, ay makapupong mahalaga kaysa dugo ng kahit na anong dami ng mga hayop na inihandog na hain ng mga saserdoteng Aaroniko ng Israel sa templo sa Jerusalem. Siya “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.”—Juan 1:29; 3:16.
Magagawa ba ng Diyos ang kaayusang ito sa pamamagitan ni Jesus at siya’y maging makatarungan pa rin? Kung binuhay ng Diyos ang kaniyang Anak noong ikatlong araw, ano ang nangyari sa pantubos? Sa atin ay tinitiyak ni Pablo na ang Diyos ay makatarungan. Kasuwato ng kaniyang pangangatuwiran: “Ngunit sa pamamagitan ng kaniyang awa sila ay ginagawang matuwid ng walang bayad [yao’y libre], sa pamamagitan ng pagtubos na nakakamit sa pamamagitan ni Kristo Jesus. Sapagkat hayagang ipinakita siya ng Diyos bilang namamatay na isang handog para sa ikapagkakasundo na dapat samantalahin sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito’y upang ipagbangong-puri ang kaniyang sariling katarungan (sapagkat sa kaniyang pagkamatiisin, kinaligtaan ng Diyos ang dating mga kasalanan ng mga tao)—upang ipagbangong-puri ang kaniyang katarungan sa kasalukuyang panahon, at ipakita na siya’y matuwid, at na yaong mga may pananampalataya kay Jesus ay kaniyang ginagawang matuwid din.” (Roma 3:24-26, An American Translation) Ngayon, ano ba ang ibig sabihin nito? Wala kundi na si Jesus, bilang isang sakdal, na laman-at-dugong tao, ay aktuwal na namatay bilang isang tao at nananatiling patay bilang isang tao magpakailanman. Siya’y namatay “nang minsanan at magpakailanman nang kaniyang ihandog ang kaniyang sarili.” (Hebreo 7:27) Samakatuwid ang pantubos ay may bisa. Si Jesus ay namatay sa laman; noong ikatlong araw siya’y “binuhay sa espiritu.”—1 Pedro 3:18.
Ang Bagong Tipan at ang Bagong Paglalang
Ngayon ay nakikita natin ang pinakasukdulan ng banal na lihim. Dahil sa si Jesus ay tapat hanggang kamatayan siya’y kuwalipikado na maging ang Mataas na Saserdote at Hari ni Jehova. Sa pamamagitan ng kaniyang itinigis na dugo kaniyang pinaiiral ang isang bagong tipan. Ang bagong tipan na ito ay magbubunga ng makalangit na mga kasamahan na maghaharing kasama ni Jesus at magiging mga saserdote. (Apocalipsis 5:9, 10; 20:4, 6) Sila’y bumubuo ng isang bagong bansa, “isang bagong paglalang,” at iyan ay tunay ngang napakahalaga!—Galacia 6:15, 16.
Pag-isipan ito: Ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus ay pumili ng isang natatanging bilang ng mga tao, kapuwa mga lalaki at mga babae. Sa legal na paraan ay maaari niyang ariing matuwid sila at tawagin sila bilang espirituwal na mga anak. Sa takdang panahon ng Diyos pagkamatay nila, kaniyang binubuhay sila sa langit at binibigyan sila ng pagkawalang kamatayan, gaya ni Jesus na binuhay-muli ng Diyos. (1 Pedro 1:3, 4) Anong laki ng kaniyang pagtitiwala sa kaniyang “bagong paglalang” at sa kanilang katapatan sa kaniya! Anong inam na sagot sa isa na nagparatang ng kasinungalingan sa kanila sa harap ni Jehova! (Apocalipsis 12:10) Bagama’t walang kamatayan kasama ni Jesu-Kristo, sila ay hindi kailanman tatalikod kay Jehova. Subalit hindi pa iyan ang lahat.
Ang Lupang Paraiso
Si Kristo Jesus, sa pamamagitan ng kaniyang kasamang makalangit na mga hari at mga saserdote, ang magpapatupad ng layunin ni Jehova para sa tao at sa lupa at lubusang magaganap sa panahon ng kaniyang Milenyong Paghahari. Sa pamamagitan ng bisa ng pantubos, bubuhayin ni Jesus ang mga patay at kaniyang dadalhin sa kasakdalan ang gayong tapat na mga tao at ang mga nakaligtas sa wakas ng balakyot na sistemang ito. Kasabay nito, ang lupa ay gagawing paraiso. Lahat ng sa panahong iyon ay tatanggi sa pangwakas na pagsisikap ni Satanas na sila’y akitin tungo sa kasamaan ay pagkakalooban ng sakdal na buhay bilang mga tao magpakailanman. Si Satanas at lahat ng kaniyang mga alipores ay lilipulin magpakailanman. Ang kapayapaan at pagkakaisa ang iiral sa buong sangnilalang, at lubusang maipagbabangong-puri ang soberanya ni Jehova at ang kaniyang pamamahala na may kalakip na pag-ibig. Kapuwa ang mga anghel at ang mga tao ay sa panahong iyon ay magpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanilang Maylikha at Diyos.—Apocalipsis, kabanata 20.
Ngayon ay lalong mainam na nauunawaan natin ang banal na lihim. Ngayon ay nakikita natin ang karunungan ni Jehova na higit pa kahit sa kaniyang mga nilalang na disenyo sa daigdigan ng mga halaman at mga hayop. Tayo ay may dahilan na bumulalas: “O anong lalim ng mga kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Di malirip ang kaniyang mga hatol . . . Sapagkat buhat sa kaniya at sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya ang lahat ng bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.”—Roma 11:33-36.
[Larawan sa pahina 7]
Ang epekto ng kaisa-isang pagkakasala ng sakdal na si Adan at ang pagkawala ng kaniyang buhay ay titimbangan. Paano? Sa pamamagitan ng isa pang sakdal na buhay ng tao, yaong kay Jesus