KAWALANG-KASIRAAN
[sa Ingles, incorruption].
Ang katangian ng isang katawan na hindi dumaranas ng pagkabulok, pagkasira, o pagkapuksa.
Ang tuwirang mga pagtukoy sa kawalang-kasiraan ay sa Kristiyanong Griegong Kasulatan lamang makikita. Doon, ang salitang ito ay isinalin mula sa Griegong a·phthar·siʹa, na binubuo ng negatibong unlaping a at ng isang anyo ng phtheiʹro. Ang huling salitang ito ay nangangahulugang “pasamain” (2Co 7:2) o “sirain” (1Co 15:33), samakatuwid ay ibaba ang uri o kalagayan; gayundin, “patayin” o “puksain.” (2Pe 2:12) Ginamit din ang anyong pang-uri na aʹphthar·tos (walang-kasiraan).
Kasiraan at Pagiging Nasisira. Kapag isinasaalang-alang ang kawalang-kasiraan, makatutulong kung susuriin muna ang mga terminong Griego para sa kasiraan at pagiging nasisira. Tandaan na may pagkakaiba sa pagitan ng pagiging sirâ [corrupt] ng isang bagay at sa pagiging nasisira [corruptible] nito.
Ang kasiraan at pagiging nasisira ay maaaring tumukoy sa mga bagay na materyal at sa mga bagay na hindi materyal. Ang koronang hinahangad ng mga atletang Griego ay nasisira—nalalanta, natutuyot, o nabubulok. (1Co 9:25) Kahit ang ginto (na natutunaw sa aqua regia) at pilak ay nasisira. (1Pe 1:18; ihambing ang San 5:3.) Ang mga barko ay maaaring ‘mawasak’ o, sa literal, “lubusang masira” (mula sa anyong intensive ng di·a·phtheiʹro), anupat nagigiba ang kanilang istraktura. (Apo 8:9) Ginagamit din ang salitang Griegong ito may kinalaman sa ‘pagpapahamak’ sa lupa. (Apo 11:18) Ang tao, na isang nilalang na laman, ay maaaring masira. (Ro 1:23) Sa kaniyang di-sakdal na kalagayan, ang kaniyang katawan ay maaaring dumaranas ng nakapipinsalang mga sakit at sa bandang huli ay naaagnas at nabubulok ito sa kamatayan. (Gaw 13:36) Tungkol naman sa mga bagay na hindi materyal, ang mabubuting ugali ay maaaring sumamâ, o masira, dahil sa masasamang kasama. (1Co 15:33) Ang pag-iisip ng mga tao ay maaaring mapasamâ, anupat naililihis mula sa kataimtiman, kalinisan, at katotohanan (2Co 11:3; 1Ti 6:5; 2Ti 3:8), na nauuwi sa kabulukan sa moral, ang pagsamâ ng personalidad ng indibiduwal.—Efe 4:22; Jud 10.
Kahit ang katawan ng sakdal na mga tao ay maaaring masira, samakatuwid nga, maaaring malipol o mapuksa. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng apostol na si Pablo na ang binuhay-muling si Jesus ay “itinalagang huwag nang bumalik pa sa kasiraan” (Gaw 13:34), samakatuwid nga, hindi na siya muling mabubuhay sa isang nasisirang katawang-tao. Tanging dahil sa pagkilos ng Diyos kung kaya hindi nakakita ng kasiraan sa libingan ang makalupang katawang laman ng kaniyang Anak. (Gaw 2:31; 13:35-37) Gayunman, hindi pinreserba ang katawang iyon upang gamitin ng binuhay-muling si Jesus, yamang sinabi ng apostol na si Pedro na si Jesus ay “pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu.” (1Pe 3:18) Kung gayon, lumilitaw na makahimalang pinaglaho ng Diyos ang katawang iyon, anupat hindi niya iyon hinayaang mabulok.—Tingnan ang KATAWAN (Ang Katawang Laman ni Kristo).
Ang mga anghel, bagaman mga espiritung nilalang, ay ipinakikitang may mga katawan na maaaring masira, yamang sinasabi na maaari silang dumanas ng pagkapuksa.—Mat 25:41; 2Pe 2:4; ihambing ang Luc 4:33, 34.
Pagkaalipin ng tao sa kasiraan. Kahit noong sakdal pa si Adan, ang katawang taglay niya ay maaaring masira. Napasailalim lamang siya sa “pagkaalipin sa kasiraan” noong maghimagsik siya laban sa Diyos, at naisalin niya ang kalagayang ito sa lahat ng kaniyang supling, ang sangkatauhan. (Ro 8:20-22) Ang pagkaaliping ito sa kasiraan ay resulta ng kasalanan o pagsalansang (Ro 5:12) at nagdudulot ng di-kasakdalan ng laman na humahantong sa panghihina, sakit, pagtanda, at kamatayan. Dahil dito, ang isa na ‘naghahasik may kinalaman sa laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman’ at hindi siya magtatamo ng buhay na walang hanggan na ipinangako sa mga naghahasik may kinalaman sa espiritu.—Gal 6:8; ihambing ang 2Pe 2:12, 18, 19.
Kung Paano Magtatamo ng Kawalang-Kasiraan ang mga Kristiyano. Gaya ng nabanggit na, hindi tuwirang tinutukoy ng Hebreong Kasulatan ang kawalang-kasiraan, at lagi nitong idiniriin ang pagiging mortal ng kaluluwang tao. Dahil dito, binanggit ni Pablo na si Kristo Jesus ay “nagpasikat ng liwanag sa buhay at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng mabuting balita.” (2Ti 1:10) Sa pamamagitan ni Jesus, isiniwalat ng Diyos ang sagradong lihim ng kaniyang layunin na pagkalooban ang mga pinahirang Kristiyano ng pribilehiyong maghari sa langit kasama ng kaniyang Anak. (Luc 12:32; Ju 14:2, 3; ihambing ang Efe 1:9-11.) Nang ang kanilang Tagapagligtas na si Jesu-Kristo ay buhaying-muli mula sa mga patay, binigyan ng Diyos ang mga Kristiyanong iyon ng buháy na pag-asa ng ‘isang walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana na nakataan sa langit.’ (1Pe 1:3, 4, 18, 19; ihambing ang 1Co 9:25.) Ang mga Kristiyanong iyon ay ipinanganganak muli habang nasa laman pa, samakatuwid nga, pinagkakalooban ng katayuan bilang espirituwal na mga anak ng Diyos, anupat ipinanganganak sa pamamagitan ng “walang-kasiraang binhi sa pag-aanak, sa pamamagitan ng salita ng buháy at namamalaging Diyos.”—1Pe 1:23; ihambing ang 1Ju 3:1, 9.
Bagaman pinakikitunguhan sila ng Diyos bilang kaniyang espirituwal na mga anak at bagaman taglay nila ang pangako ng isang manang walang-kasiraan, ang mga Kristiyanong ito na tinawag sa makalangit na Kaharian ay hindi nagtataglay ng imortalidad o kawalang-kasiraan habang naririto pa sila sa lupa sa katawang laman. Ito’y sapagkat “naghahanap [pa sila] ng kaluwalhatian at karangalan at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng pagbabata sa gawang mabuti.” (Ro 2:6, 7) Maliwanag na ang hinahanap nilang “kawalang-kasiraan” ay hindi lamang nangangahulugan ng pagiging malaya sa kasiraan, o katiwalian, sa moral. Sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Kristo at pananampalataya sa kaniyang haing pantubos, ang mga Kristiyanong ito ay “nakatakas na mula sa kasiraan na nasa sanlibutan dahil sa masamang pita.” (2Pe 1:3, 4) ‘Iniibig nila ang ating Panginoong Jesu-Kristo sa kawalang-kasiraan’ at ‘nagpapakita sila ng kawalang-kalikuan sa kanilang turo.’ (Efe 6:24; Tit 2:7, 8) Ipinakikita sa unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto na ang kawalang-kasiraan (pati na ang kaluwalhatian at karangalan) na hinahanap nila sa pamamagitan ng pagbabata nang tapat ay nauugnay sa pagluwalhati sa kanila sa panahon ng kanilang pagkabuhay-muli bilang aktuwal na espiritung mga anak ng Diyos.
Binubuhay Tungo sa Imortalidad at Kawalang-Kasiraan. Naging imortal si Kristo Jesus nang buhayin siyang muli mula sa mga patay, anupat mula noon ay nagkaroon siya ng “isang buhay na di-masisira.” (1Ti 6:15, 16; Heb 7:15-17) Bilang “eksaktong larawan ng . . . mismong sarili” ng kaniyang Ama, na siyang Diyos na walang kasiraan (Heb 1:3; 1Ti 1:17), ang binuhay-muling si Jesus ay nagtatamasa rin ng kawalang-kasiraan.
Yamang ang mga kasamang tagapagmana ni Jesus ay nagiging kaisa niya sa wangis ng kaniyang pagkabuhay-muli, sila rin ay bubuhaying-muli hindi lamang tungo sa buhay na walang hanggan bilang mga espiritung nilalang kundi tungo sa imortalidad at kawalang-kasiraan. Palibhasa sila’y namuhay, naglingkod nang tapat, at namatay taglay ang nasisirang mga katawang-tao, tatanggap naman sila ng di-nasisirang mga katawang espiritu, gaya ng maliwanag na sinasabi ni Pablo sa 1 Corinto 15:42-54. Samakatuwid, maliwanag na ang imortalidad ay tumutukoy sa kalidad ng buhay na tatamasahin nila, na walang-katapusan at di-masisira, samantalang lumilitaw na ang kawalang-kasiraan ay may kinalaman sa organismo o katawan na ibibigay sa kanila ng Diyos, isa na likas na hindi mabubulok, masisira, o mapupuksa. Kung gayon, lumilitaw na pagkakalooban sila ng Diyos ng kapangyarihang sustinihan ang kanilang sarili, anupat hindi na sila aasa sa iba pang pinagmumulan ng enerhiya di-tulad ng iba niyang mga nilalang na laman at espiritu. Ito’y isang nakaaantig na katibayan ng tiwala ng Diyos sa kanila. Gayunman, ang gayong independiyente at di-mapupuksang pag-iral ay hindi nangangahulugan na wala nang kontrol sa kanila ang Diyos. Sila, gaya ng kanilang Ulo na si Kristo Jesus, ay patuloy na magpapasakop sa kalooban at patnubay ng kanilang Ama.—1Co 15:23-28; tingnan ang IMORTALIDAD; KALULUWA.