KATAWAN
Ang pisikal na kayarian ng tao o hayop. Ang salitang Hebreo na gewi·yahʹ ay tumutukoy sa katawan, buháy man ito (Gen 47:18) o patay. (1Sa 31:10; Aw 110:6) Ang Hebreong neve·lahʹ ay nagmula sa pandiwang salitang-ugat na na·velʹ (“malanta”; Aw 1:3) at isinasalin bilang “bangkay” (Lev 5:2; Deu 14:8; Isa 26:19). Ang ba·sarʹ, na salitang Hebreo para sa laman, ay maaaring tumukoy sa buong katawan. (Ihambing ang Aw 16:9; tingnan ang LAMAN.) Ang karaniwang salitang Griego para sa “katawan” ay soʹma (Mat 5:29), ngunit ang khros, sa literal ay “balat,” ay isinasalin bilang “katawan” sa Gawa 19:12. Ang salitang Griego na ptoʹma, na nagmula sa pandiwang salitang-ugat na piʹpto (mabuwal), ay tumutukoy sa isang nabuwal na katawan o “bangkay.” (Mat 14:12) Ang iba’t ibang uri ng pisikal na katawan ay binubuo ng iba’t ibang uri ng laman, kasama ang puwersa ng buhay.—1Co 15:39; San 2:26; Gen 7:22; tingnan ang KALULUWA.
Mga Katawang Espirituwal. Kung may mga katawang pisikal na nakikita at nahihipo, mayroon ding mga katawang espirituwal na di-nakikita ng mga mata ng tao at hindi niya lubusang maunawaan. (1Co 15:44) Maluwalhati ang mga katawan ng mga espiritung persona (ang Diyos, si Kristo, ang mga anghel). “Hindi kailanman nakita ng sinuman ang Diyos.” (1Ju 4:12) Hindi maaaring makita ng tao ang Diyos at patuloy na mabuhay. (Exo 33:20) Nang masulyapan ng apostol na si Pablo ang pagkakahayag ni Jesu-Kristo pagkatapos itong buhaying-muli, nabuwal siya sa lupa at nabulag ng kaningningan, anupat nangailangan ng isang himala upang mapanauli ang kaniyang paningin. (Gaw 9:3-5, 17, 18; 26:13, 14) Sa katulad na paraan, malayong mas makapangyarihan ang mga anghel kaysa sa mga tao. (2Pe 2:11) Sila ay mga personang maluwalhati at maningning at ganiyan ang kaanyuan nila kapag nagpapakita sila sa pisikal na paraan. (Mat 28:2-4; Luc 2:9) Napakalakas ng paningin ng espiritung mga anak na ito ng Diyos anupat nakikita at natatagalan nila ang kaningningan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.—Luc 1:19.
Dahil hindi natin maaaring makita ang Diyos sa pamamagitan ng pisikal na mga mata, gumagamit siya ng anthropomorphism (pag-uukol ng mga katangiang pantao sa isang bagay na hindi tao) upang matulungan tayo na maunawaan at mapahalagahan ang mga bagay-bagay tungkol sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya na mayroon siyang mga mata (Aw 34:15; Heb 4:13); mga bisig (Job 40:9; Ju 12:38); mga paa (Aw 18:9; Zac 14:4); puso (Gen 8:21; Kaw 27:11); mga kamay (Exo 3:20; Ro 10:21); mga daliri (Exo 31:18; Luc 11:20); ilong, mga butas ng ilong (Eze 8:17; Exo 15:8); at pandinig o tainga (1Sa 8:21; Aw 10:17). Hindi dapat ipalagay na mayroon siyang literal na mga sangkap na ito gaya natin. Ang apostol na si Juan, na may pag-asang mabuhay sa langit, ay nagsabi sa kaniyang mga kapuwa tagapagmana ng makalangit na buhay: “Mga minamahal, tayo ngayon ay mga anak ng Diyos, ngunit hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Alam natin na kailanma’t mahayag siya, tayo ay magiging tulad niya, sapagkat makikita natin siya kung ano nga siya.” (1Ju 3:2) Iyon ay isang katawan na katulad ng “maluwalhating katawan” ni Jesu-Kristo (Fil 3:21), na “larawan ng di-nakikitang Diyos,” “ang sinag ng kaniyang kaluwalhatian at ang eksaktong larawan ng kaniya mismong sarili.” (Col 1:15; Heb 1:3) Samakatuwid, tatanggap sila ng mga katawan na walang kasiraan, imortal, anupat naiiba sa mga anghel sa pangkalahatan at sa mga tao, na mga mortal.—1Co 15:53; 1Ti 1:17; 6:16; Mar 1:23, 24; Heb 2:14.
Ang Katawang Laman ni Kristo. Noong pasinayaan ang Hapunan ng Panginoon, binigyan ni Jesus ng tinapay na walang pampaalsa ang 11 tapat na apostol, at sinabi niya: “Ito ay nangangahulugan ng aking katawan na siyang ibibigay alang-alang sa inyo.” (Luc 22:19) Nang maglaon ay sinabi ng apostol na si Pedro: “Siya [si Jesus] mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang sariling katawan sa tulos.”—1Pe 2:24; Heb 10:10; tingnan ang HAPUNAN NG PANGINOON.
Upang si Jesus ay maging “ang huling Adan” (1Co 15:45) at maging “katumbas na pantubos para sa lahat [sa sangkatauhan],” ang kaniyang katawang laman ay kinailangang maging isang tunay na katawan ng tao, hindi isang pagsasaanyong-laman. (1Ti 2:5, 6; Mat 20:28) Kinailangan itong maging sakdal, sapagkat ihahain ito upang maiharap sa Diyos na Jehova ang halagang pambili. (1Pe 1:18, 19; Heb 9:14) Walang taong di-sakdal ang makapaglalaan ng kinakailangang halaga. (Aw 49:7-9) Dahil dito, noong inihaharap ni Jesus ang kaniyang sarili upang magpabautismo para simulan ang kaniyang landasin ng pagsasakripisyo, sinabi niya sa kaniyang Ama: “Naghanda ka ng katawan para sa akin.”—Heb 10:5.
Ang pisikal na katawan ni Jesu-Kristo ay hindi pinahintulutang mabulok at maging alabok gaya ng mga katawan nina Moises at David, mga lalaking ginamit upang lumarawan kay Kristo. (Deu 34:5, 6; Gaw 13:35, 36; 2:27, 31) Nang maagang pumaroon sa libingan ang kaniyang mga alagad noong unang araw ng sanlinggo, wala na ang katawan ni Jesus, at ang mga bendang ipinambalot sa kaniyang katawan ay naiwan sa libingan, anupat walang alinlangang naglaho ang kaniyang katawan nang hindi na dumaraan sa pagkabulok.—Ju 20:2-9; Luc 24:3-6.
Matapos buhaying-muli si Jesus, nagpakita siya taglay ang iba’t ibang katawan. Napagkamalan siya ni Maria na isang hardinero. (Ju 20:14, 15) Nang muli siyang magpakita, pumasok siya sa isang silid kung saan nakatrangka ang mga pinto, taglay ang isang katawan na may mga marka ng sugat. (Ju 20:24-29) Ilang ulit siyang nagpakita at nakilala, hindi dahil sa kaniyang hitsura, kundi dahil sa kaniyang pananalita at pagkilos. (Luc 24:15, 16, 30, 31, 36-45; Mat 28:16-18) Noong minsan, nakilala siya ng kaniyang mga alagad nang maganap ang isang himala dahil sa utos niya. (Ju 21:4-7, 12) Palibhasa’y binuhay siyang muli bilang isang espiritu (1Pe 3:18), si Jesus ay maaaring magkatawang-tao kung kinakailangan gaya ng ginawa ng mga anghel noong nakalipas na mga panahon nang magpakita sila bilang mga mensahero. (Gen 18:2; 19:1, 12; Jos 5:13, 14; Huk 13:3, 6; Heb 13:2) Noong mga araw bago ang Baha, ang mga anghel na “hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako” ay nagsaanyong-laman at nag-asawa ng mga taong babae. Yamang ang anghelikong mga anak ng Diyos na ito ay hindi tunay na mga tao kundi nagkatawang-tao lamang, ang mga anghel na ito ay hindi napuksa ng Baha, kundi naghubad ng kanilang katawang-tao at bumalik sa dako ng mga espiritu.—Jud 6; Gen 6:4; 1Pe 3:19, 20; 2Pe 2:4.
Makasagisag na Paggamit. Tinutukoy si Jesu-Kristo bilang Ulo ng “kongregasyon, na siyang katawan niya.” (Efe 1:22, 23; Col 1:18) Ang Kristiyanong ‘katawang’ ito na isang kalipunan ng mga tao ay hindi nababaha-bahagi sa lahi, bansa, o iba pang salik, yamang may mga kinatawan dito ang mga Judio at ang mga tao ng lahat ng mga bansa. (Gal 3:28; Efe 2:16; 4:4) Ang lahat ay binautismuhan kay Kristo at sa kaniyang kamatayan sa pamamagitan ng banal na espiritu. Samakatuwid, silang lahat ay binautismuhan tungo sa iisang katawan. (1Co 12:13) Sa gayon, ang buong katawan ay sumusunod sa ulo, anupat namamatay ito sa kamatayang kauri ng kay Kristo at tinatanggap nito ang pagkabuhay-muli na kauri ng sa kaniya.—Ro 6:3-5; tingnan ang BAUTISMO (Bautismo kay Kristo Jesus at sa Kaniyang Kamatayan).
Ginagamit ng apostol na si Pablo ang paraan ng paggana ng katawan ng tao upang ilarawan kung paano tumatakbo ang kongregasyong Kristiyano, anupat inihalintulad niya ang mga sangkap, o miyembro, nito na nabubuhay sa lupa sa alinmang partikular na panahon sa isang katawan, na si Kristo ang di-nakikitang Ulo. (Ro 12:4, 5; 1Co 12) Idiniriin niya ang kahalagahan ng dakong kinaroroonan ng bawat sangkap, ang pagtutulungan, ang pag-ibig at pangangalaga sa isa’t isa, at ang pagsasakatuparan ng gawain. Inilagay ng Diyos ang bawat isa sa posisyon nito sa katawan, at sa pamamagitan ng iba’t ibang pagkilos ng banal na espiritu, isinasagawa ng katawan kung ano ang kinakailangan. Inilalaan ng Ulo, si Jesu-Kristo, bilang sangkap na tagapag-ugnay, sa ibang mga sangkap ng katawan ang mga bagay na kailangan ng mga ito sa pamamagitan ng “mga kasukasuan at mga litid,” ang paraan at mga kaayusan upang makapaglaan ng pagkaing espirituwal at ng komunikasyon at koordinasyon, anupat “ang katawan” ay napakakaing mainam sa espirituwal at ang bawat bahagi ay nasasabihan tungkol sa atas na gagampanan nito.—Col 2:19; Efe 4:16.
Wastong Paggamit sa Katawan ng Isa. Dapat pahalagahan ng isang Kristiyano ang katawang ibinigay sa kaniya ng Diyos at dapat niyang ibigin ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng wastong pangangalaga sa kaniyang katawan upang maiharap niya ito sa Diyos samantalang nag-uukol ng kaayaaya at sagradong paglilingkod. (Ro 12:1) Kailangan dito ang paggamit ng katinuan at ang pangangalaga sa katawan sa pamamagitan ng pagkain at ng iba pang mga pangangailangan, gayundin ang pisikal na kalinisan, ngunit mayroon pang mas mahahalagang uri ng pangangalaga kaysa rito. Nasasangkot sa mga ito ang espirituwalidad, ang paghahanap sa Kaharian ng Diyos at sa kaniyang katuwiran, at ang pagiging matuwid sa moral. (Mat 6:25, 31-33; Col 2:20-23; 3:5) Nagpapayo ang apostol: “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti; ngunit ang makadiyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.”—1Ti 4:8.
Kapag ang isang pinahirang sangkap, o miyembro, ng kongregasyong Kristiyano, ng katawan ni Kristo, ay nakiapid, kinukuha niya ang isang sangkap ng Kristo at ginagawa niya iyon na sangkap ng patutot. Ang gayong Kristiyano na nakikiapid ay nagpapasok ng karungisan sa moral at “nagkakasala [rin] laban sa kaniyang sariling katawan[g laman].” Isinasapanganib niyang maalis siya mula sa katawan ni Kristo, ang templong organisasyon, at inilalantad ang kaniyang sarili sa panganib na mahawa ng karima-rimarim na mga sakit. (1Co 6:13, 15-20; Kaw 7:1-27) Maaaring ‘ibigay siya ng kongregasyon kay Satanas para sa pagkapuksa ng laman.’—1Co 5:5.
Ang isang sangkap, o miyembro, ng katawan ni Kristo, gayundin ang iba pang mga taong naaalay na nakikiugnay sa mga sangkap na ito na inianak sa espiritu, ay dapat na umiwas hindi lamang sa pisikal na pakikiapid kundi pati rin sa espirituwal na pakikiapid. Sa Kasulatan, ang isa na nakikipagkaibigan sa sanlibutan ay tinatawag na isang “mangangalunya.” (San 4:4) Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Ju 17:16) Dahil dito, tinitiyak ni Jesus na yaong mga bumubuo sa mga sangkap ng kaniyang katawan ay malinis sa moral at sa espirituwal. (Efe 5:26, 27) Sinasabing ang kanilang “mga katawan ay napaliguan na ng malinis na tubig.” (Heb 10:22) Gaya ng sinasabi ng apostol na si Pablo may kinalaman sa mga asawang lalaki: “Sa ganitong paraan dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon, sapagkat tayo ay mga sangkap ng kaniyang katawan. ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.’ Ang sagradong lihim na ito ay dakila. Nagsasalita nga ako may kaugnayan kay Kristo at sa kongregasyon.”—Efe 5:28-32.
Tingnan ang mga bahagi ng katawan sa ilalim ng indibiduwal na mga pangalan.