Sino ang Maghihiwalay sa Atin sa Pag-ibig ng Diyos?
“Kung para sa atin, tayo ay umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.”—1 JUAN 4:19.
1, 2. (a) Bakit mahalaga sa atin na malaman na iniibig tayo? (b) Kaninong pag-ibig ang pinakakailangan natin?
GAANO kahalaga sa iyo na malaman na iniibig ka? Mula sa pagkasanggol hanggang sa pagiging adulto, ang mga tao ay nabubuhay sa pag-ibig. Napagmasdan mo na ba ang isang sanggol na maibiging pinapangko ng kaniyang ina? Kadalasan, anuman ang nangyayari sa paligid niya, habang ang munting sanggol ay nakatitig sa nakangiting mga mata ng kaniyang ina, ito ay panatag at payapa sa mga bisig ng isang inang nagmamahal sa kaniya. O naaalaala mo ba kung ano ang kalagayan mo noong mga taóng iyon ng pagdadalaga’t pagbibinata na kung minsan ay napakagulo? (1 Tesalonica 2:7) Baka may panahon pa nga na hindi mo nalalaman kung ano ang gusto mo o kung ano ang nadarama mo, ngunit gayon na lamang kahalaga na malaman na iniibig ka ng iyong ama’t ina! Hindi ba’t nakatutulong na malaman na maaari mong ilapit sa kanila ang anumang problema o katanungan? Ang totoo, sa buong buhay natin, ang isa sa pinakakailangan natin ay ang tayo’y ibigin. Pinatutunayan ng gayong pag-ibig na tayo ay mahalaga.
2 Ang namamalaging pag-ibig ng mga magulang ng isa ay tiyak na gumaganap ng mahalagang papel sa wastong pagsulong at pagiging timbang. Gayunman, lalo pang mahalaga sa ating espirituwal at emosyonal na kapakanan ang pagtitiwala na iniibig tayo ng ating makalangit na Ama, si Jehova. Baka ang ilang mambabasa ng magasing ito ay hindi nagkaroon ng mga magulang na tunay na nagmalasakit sa kanila. Kung totoo ito sa kalagayan mo, huwag masiraan ng loob. Kahit na wala o di-sapat ang pag-ibig ng magulang, pupunan naman ito ng matapat na pag-ibig ng Diyos.
3. Paano tiniyak ni Jehova sa kaniyang bayan na iniibig niya sila?
3 Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, ipinaliwanag ni Jehova na “malilimutan” ng ina ang kaniyang pasusuhing sanggol, ngunit hindi niya malilimutan ang kaniyang bayan. (Isaias 49:15) Gayundin naman, may-pagtitiwalang sinabi ni David: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” (Awit 27:10) Tunay ngang nakapagpapatibay-loob! Anuman ang iyong kalagayan, kung natamo mo ang isang nakaalay na kaugnayan sa Diyos na Jehova, dapat mong tandaan sa tuwina na ang pag-ibig niya para sa iyo ay lubhang nakahihigit kaysa sa pag-ibig ng sinumang tao!
Panatilihin ang Iyong Sarili sa Pag-ibig ng Diyos
4. Paano tiniyak sa unang-siglong mga Kristiyano na iniibig sila ng Diyos?
4 Kailan mo unang nalaman ang tungkol sa pag-ibig ni Jehova? Malamang, ang iyong karanasan ay medyo hawig sa karanasan ng mga Kristiyano noong unang siglo. Ang ika-5 kabanata ng liham ni Pablo sa mga taga-Roma ay buong-kagandahang naglalarawan kung paano nalaman ng mga makasalanan, na dating hiwalay sa Diyos, ang tungkol sa pag-ibig ni Jehova. Sa talatang 5, mababasa natin: “Ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng banal na espiritu, na ibinigay sa atin.” Sa talatang 8, sinabi pa ni Pablo: “Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.”
5. Paano mo napahalagahan ang lawak ng pag-ibig ng Diyos?
5 Sa katulad na paraan, nang ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos ay iniharap sa iyo at nagsimula kang manampalataya, ang banal na espiritu ni Jehova ay nagsimulang kumilos sa iyong puso. Sa ganitong paraan ay nagsimula kang magpahalaga sa kadakilaan ng ginawa ni Jehova sa pagsusugo sa kaniyang minamahal na Anak upang mamatay alang-alang sa iyo. Sa gayon ay tinulungan ka ni Jehova na mabatid mo kung gaano niya talaga kamahal ang sangkatauhan. Nang matanto mo na, bagaman isinilang kang makasalanan na hiwalay sa kaniya, binuksan ni Jehova ang daan upang ang mga tao ay maipahayag na matuwid taglay ang pag-asa na walang-hanggang buhay, hindi ba naantig ang iyong puso? Hindi ka ba nakadama ng pag-ibig kay Jehova?—Roma 5:10.
6. Bakit kung minsan ay maaaring madama natin na parang malayo tayo kay Jehova?
6 Palibhasa’y naakit ka sa pag-ibig ng iyong makalangit na Ama at nabago mo na ang iyong buhay upang maging kaayaaya sa kaniya, inialay mo ang iyong buhay sa Diyos. Tinatamasa mo na ngayon ang pakikipagpayapaan sa Diyos. Gayunman, kung minsan ba’y nadarama mong parang malayo ka kay Jehova? Maaaring mangyari iyan sa sinuman sa atin. Ngunit laging tandaan na hindi nagbabago ang Diyos. Ang kaniyang pag-ibig ay di-nagbabago at di-natitinag na gaya ng araw, na hindi kailanman tumitigil sa pagpapaabot sa maiinit na sinag ng liwanag nito sa lupa. (Malakias 3:6; Santiago 1:17) Sa kabilang panig, maaari tayong magbago—kahit pansamantala lamang. Habang umiinog ang lupa, ang kalahati ng planeta ay nababalutan ng kadiliman. Gayundin naman, kung lalayo tayo sa Diyos, kahit na kaunti lamang, makadarama tayo ng panlalamig sa ating kaugnayan sa kaniya. Ano ang magagawa natin upang maituwid ang gayong situwasyon?
7. Paano makatutulong sa atin ang pagsusuri sa sarili upang manatili sa pag-ibig ng Diyos?
7 Kung nadarama natin na parang nahiwalay tayo nang kaunti sa pag-ibig ng Diyos, dapat nating tanungin ang ating sarili: ‘Ipinagwalang-bahala ko ba ang pag-ibig ng Diyos? Unti-unti ba akong lumalayo sa paanuman mula sa buháy at maibiging Diyos, anupat ipinakikita sa iba’t ibang paraan ang paghina ng pananampalataya? Itinuon ko ba ang aking kaisipan sa “mga bagay ng laman,” sa halip na sa “mga bagay ng espiritu”?’ (Roma 8:5-8; Hebreo 3:12) Kung inilayo natin ang ating sarili kay Jehova, makagagawa tayo ng mga hakbang upang maituwid ang mga bagay-bagay, upang makabalik sa isang malapít at magiliw na kaugnayan sa kaniya. Hinihimok tayo ni Santiago: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Bigyang-pansin ang mga salita ni Judas: “Mga minamahal, sa pamamagitan ng pagpapatibay ng inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya, at pananalangin taglay ang banal na espiritu, panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos.”—Judas 20, 21.
Ang Nagbagong mga Kalagayan ay Hindi Nakaaapekto sa Pag-ibig ng Diyos
8. Anong mga pagbabago ang maaaring biglang mangyari sa ating buhay?
8 Ang buhay natin sa sistemang ito ng mga bagay ay maaaring makaranas ng maraming pagbabago. Napansin ni Haring Solomon na “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa [ating] lahat.” (Eclesiastes 9:11) Sa isang saglit, maaaring ganap na magbago ang ating buhay. Sa isang araw ay malusog tayo, kinabukasan naman ay baka may malubha tayong sakit. Sa isang araw ay waring matatag ang ating sekular na trabaho, kinabukasan naman ay wala na tayong trabaho. Sa isang iglap, maaaring mamatay ang isang minamahal. Ang mga Kristiyano sa isang lupain ay maaaring magtamasa ng mapayapang mga kalagayan sa loob ng ilang panahon, at pagkatapos ay bigla na lamang sisiklab ang isang marahas na pag-uusig. Marahil ay pinaratangan tayo nang may-kabulaanan, at dahil dito, nakararanas tayo ng isang antas ng kawalang-katarungan. Oo, ang buhay ay di-matatag o di-ganap na tiwasay.—Santiago 4:13-15.
9. Bakit makabubuti na isaalang-alang ang isang bahagi ng Roma kabanata 8?
9 Kapag ang nakalulungkot na mga bagay ay nangyayari sa atin, baka magsimula tayong makadama na pinabayaan tayo, anupat iniisip pa nga na nagmaliw na ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Yamang maaaring mangyari ang gayon sa ating lahat, makabubuting maingat na isaalang-alang natin ang lubhang nakaaaliw na mga salita ni apostol Pablo na nakaulat sa Roma kabanata 8. Ang mga salitang iyon ay pinatungkol sa mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu. Gayunman, ang simulain ng mga ito ay kumakapit din sa mga kabilang sa ibang mga tupa, na ipinahayag na matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos, gaya ni Abraham noong bago ang panahong Kristiyano.—Roma 4:20-22; Santiago 2:21-23.
10, 11. (a) Anong mga paratang ang ginagawa kung minsan ng mga kaaway laban sa bayan ng Diyos? (b) Bakit ang gayong mga paratang ay hindi mahalaga sa mga Kristiyano?
10 Basahin ang Roma 8:31-34. Nagtanong si Pablo: “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang magiging laban sa atin?” Totoo, si Satanas at ang kaniyang balakyot na sanlibutan ay laban sa atin. Maaari tayong paratangan nang may-kabulaanan ng mga kaaway, maging sa mga hukuman ng lupain. Ang ilang magulang na Kristiyano ay pinaratangang napopoot sa kanilang mga anak dahil sa hindi pagpapahintulot sa mga ito na tumanggap ng pamamaraan ng paggamot na labag sa kautusan ng Diyos o dahil sa hindi pagpayag na makibahagi ang mga ito sa mga paganong selebrasyon. (Gawa 15:28, 29; 2 Corinto 6:14-16) Ang iba pang tapat na mga Kristiyano ay may-kabulaanang pinaratangan na mapaghimagsik dahil ayaw nilang pumatay ng mga kapuwa tao sa digmaan o makibahagi sa pulitika. (Juan 17:16) Ang ilang mananalansang ay nagpakalat ng mapanirang-puring mga kasinungalingan sa media, anupat may-kabulaanan pa ngang pinaratangan ang mga Saksi ni Jehova na isang mapanganib na kulto.
11 Ngunit huwag kalilimutan na noong panahon ng mga apostol, ganito ang sinabi: “Kung tungkol sa sektang ito ay nalalaman namin na sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ito ng masama.” (Gawa 28:22) Mahalaga nga ba talaga ang may-kabulaanang mga paratang? Ang Diyos ang nagpapahayag na matuwid ang tunay na mga Kristiyano, salig sa kanilang pananampalataya sa hain ni Kristo. Bakit hindi na iibigin ni Jehova ang kaniyang mga mananamba matapos niyang ibigay sa kanila ang pinakamahalagang kaloob na maibibigay niya—ang kaniyang sariling minamahal na Anak? (1 Juan 4:10) Ngayong ibinangon na si Kristo mula sa mga patay at ipinuwesto na sa kanang kamay ng Diyos, aktibo siyang nagtatanggol sa mga Kristiyano. Sino ang makatuwirang tututol sa pagtatanggol ni Kristo sa kaniyang mga tagasunod o matagumpay na hahamon sa paborableng hatol ng Diyos sa kaniyang mga tapat? Wala ni isa man!—Isaias 50:8, 9; Hebreo 4:15, 16.
12, 13. (a) Anong mga kondisyon o mga kalagayan ang hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos? (b) Ano ang layunin ng Diyablo sa pagdudulot ng mga kahirapan sa atin? (c) Bakit ganap na nakapananagumpay ang mga Kristiyano?
12 Basahin ang Roma 8:35-37. Bukod sa ating sarili, may sinuman ba o anuman na makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Jehova at ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus? Maaaring gamitin ni Satanas ang kaniyang makalupang mga alipores upang dulutan ng maraming problema ang mga Kristiyano. Sa nakalipas na siglo, marami sa ating mga kapatid na Kristiyano ang naging tudlaan ng marahas na pag-uusig sa maraming lupain. Sa ilang lugar sa ngayon, napapaharap ang ating mga kapatid sa kagipitan sa kabuhayan. Nararanasan ng ilan ang kirot ng gutom o kawalan ng sapat na pananamit. Ano ang layunin ng Diyablo sa pagpapangyari sa mahihirap na kalagayang ito? Sa paano man, ang isa sa kaniyang layunin ay hadlangan ang tunay na pagsamba kay Jehova. Gusto ni Satanas na maniwala tayo na lumamig na ang pag-ibig ng Diyos. Gayunman, gayon nga ba?
13 Gaya ni Pablo, na sumipi sa Awit 44:22, pinag-aralan natin ang nasusulat na Salita ng Diyos. Nauunawaan natin na dahil sa pangalan ng Diyos kung kaya nangyayari ang mga bagay na ito sa atin, ang kaniyang ‘mga tupa.’ Ang pagpapabanal sa pangalan ng Diyos at ang pagbabangong-puri sa kaniyang pansansinukob na soberanya ay nasasangkot. Dahil sa gayong malalaking usapin kung kaya pinahintulutan ng Diyos ang mga pagsubok, hindi dahil sa hindi na niya tayo iniibig. Anuman ang maging nakapipighating kalagayan, tinitiyak sa atin na ang pag-ibig ng Diyos sa kaniyang bayan, pati na sa bawat isa sa atin, ay hindi nagbago. Anumang animo’y kabiguan na maaaring maranasan natin ay magiging isang tagumpay kung pananatilihin natin ang ating katapatan. Tayo ay pinalalakas at pinatitibay ng katiyakan ng di-nasisirang pag-ibig ng Diyos.
14. Bakit kumbinsido si Pablo sa pag-ibig ng Diyos sa kabila ng mga kahirapan na maaaring danasin ng mga Kristiyano?
14 Basahin ang Roma 8:38, 39. Ano ang nakakumbinsi kay Pablo na walang makapaghihiwalay sa mga Kristiyano sa pag-ibig ng Diyos? Walang-alinlangan na ang personal na mga karanasan ni Pablo samantalang nasa ministeryo ay nakapagpatibay sa kaniyang pananalig na hindi maaapektuhan ng mga kahirapan ang pag-ibig ng Diyos sa atin. (2 Corinto 11:23-27; Filipos 4:13) Gayundin, may kaalaman si Pablo hinggil sa walang-hanggang layunin at mga pakikitungo noon ni Jehova sa Kaniyang bayan. Madaraig ba mismo ng kamatayan ang pag-ibig ng Diyos para sa mga matapat na naglingkod sa kaniya? Hinding-hindi! Ang gayong mga tapat na namatay ay mananatiling buháy sa sakdal na alaala ng Diyos, at sila ay kaniyang bubuhaying-muli sa takdang panahon.—Lucas 20:37, 38; 1 Corinto 15:22-26.
15, 16. Ilahad ang ilang bagay na hindi makapagpapahinto kailanman sa Diyos na ibigin ang kaniyang tapat na mga lingkod.
15 Anumang kasawian ang maaaring idulot sa atin ng buhay ngayon—ito man ay isang nakapanghihinang aksidente, isang nakamamatay na sakit, o isang malaking problema sa kabuhayan—walang makasisira sa pag-ibig ng Diyos sa kaniyang bayan. Ang makapangyarihang mga anghel, gaya niyaong masuwaying anghel na naging Satanas, ay hindi maaaring makaimpluwensiya kay Jehova upang hindi na niya ibigin ang kaniyang tapat na mga lingkod. (Job 2:3) Maaaring pagbawalan, ibilanggo, at maltratuhin ng mga pamahalaan ang mga lingkod ng Diyos at maaari silang bansagan na “persona non grata (mga taong inaayawan).” (1 Corinto 4:13) Ang gayong walang-katuwirang pagkapoot ng mga bansa ay maaaring gumipit sa mga tao upang bumaling laban sa atin, ngunit hindi nito nahihikayat ang Soberano ng sansinukob upang pabayaan tayo.
16 Bilang mga Kristiyano, hindi tayo dapat mangamba na ang alinman sa tinawag ni Pablo na “mga bagay na narito ngayon”—ang mga kaganapan, kalagayan, at mga situwasyon sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay—ni “ang mga bagay na darating” sa hinaharap ay makasisira sa pagmamahal ng Diyos sa kaniyang bayan. Bagaman ang makalupa at makalangit na mga kapangyarihan ay nakikipagdigma sa atin, ang matapat na pag-ibig ng Diyos ay nariyan upang patibayin tayo. Kahit ‘ang taas ni ang lalim’ ay hindi makahahadlang sa pag-ibig ng Diyos, gaya ng idiniin ni Pablo. Oo, walang anumang bagay na maaaring humila sa atin pababa, ni anumang bagay na posibleng mangibabaw sa atin, ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos; ni masisira man ng alinmang iba pang nilalang ang kaugnayan ng Maylalang sa kaniyang tapat na mga lingkod. Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi kailanman nabibigo; ito ay walang hanggan.—1 Corinto 13:8.
Pakamahalin ang Maibiging-Kabaitan ng Diyos Magpakailanman
17. (a) Bakit ang pagtatamasa ng pag-ibig ng Diyos ay “mas mabuti kaysa sa buhay”? (b) Paano natin ipinamamalas na labis nating pinahahalagahan ang maibiging-kabaitan ng Diyos?
17 Gaano kahalaga sa iyo ang pag-ibig ng Diyos? Nadarama mo ba ang nadama ni David, na sumulat: “Sapagkat ang iyong maibiging-kabaitan ay mas mabuti kaysa sa buhay, papupurihan ka ng aking mga labi. Sa gayon ay pagpapalain kita sa buong buhay ko; sa iyong pangalan ay itataas ko ang aking mga palad”? (Awit 63:3, 4) Ang totoo, mayroon bang maiaalok ang buhay sa sanlibutang ito na mas mabuti pa kaysa sa pagtatamasa ng pag-ibig at matapat na pakikipagkaibigan ng Diyos? Halimbawa, ang pagtataguyod ba sa isang sekular na karera na may malaking kita ay mas maigi kaysa sa pagkakaroon ng mapayapang kaisipan at kaligayahan na nagmumula sa isang malapít na kaugnayan sa Diyos? (Lucas 12:15) Ang ilang Kristiyano ay napaharap sa pagpapasiyang talikuran si Jehova o harapin ang kamatayan. Nangyari iyan sa maraming Saksi ni Jehova sa kampong piitan ng mga Nazi noong Digmaang Pandaigdig II. Maliban sa iilan, ang ating mga kapatid na Kristiyano ay nagpasiyang manatili sa pag-ibig ng Diyos, anupat handang harapin ang kamatayan kung kinakailangan. Yaong matapat na nananatili sa kaniyang pag-ibig ay makapagtitiwala na tatanggap sila mula sa Diyos ng walang-hanggang kinabukasan, isang bagay na hindi maibibigay sa atin ng sanlibutan. (Marcos 8:34-36) Ngunit higit pa kaysa sa buhay na walang hanggan ang nasasangkot.
18. Bakit lubhang kanais-nais ang buhay na walang hanggan?
18 Bagaman imposibleng mabuhay magpakailanman nang wala si Jehova, subuking gunigunihin kung ano ang mangyayari sa isang napakahabang buhay kung wala ang ating Maylalang. Iyon ay magiging hungkag, walang tunay na layunin. Binigyan ni Jehova ang kaniyang bayan ng kasiya-siyang gawain sa mga huling araw na ito. Kaya makapagtitiwala tayo na kapag nagbigay si Jehova, ang Dakilang Tagapaglayon, ng buhay na walang hanggan, ito ay malilipos ng kawili-wili at kapaki-pakinabang na mga bagay na mapag-aaralan at mapagkakaabalahan natin. (Eclesiastes 3:11) Gaano man ang gawin nating pag-aaral sa darating na mga milenyo, hindi natin kailanman ganap na maaarok “ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos.”—Roma 11:33.
Ang Ama ay May Pagmamahal sa Iyo
19. Anong nakapagbibigay-katiyakan na pamamaalam ang sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad?
19 Noong Nisan 14, 33 C.E., noong huling gabi niya kasama ang kaniyang 11 tapat na apostol, maraming sinabi si Jesus upang patibayin sila sa mangyayari sa hinaharap. Silang lahat ay nanatiling kasama ni Jesus sa lahat ng pagsubok sa kaniya, at personal na nadama nila ang kaniyang pag-ibig sa kanila. (Lucas 22:28, 30; Juan 1:16; 13:1) Pagkatapos ay tiniyak sa kanila ni Jesus: “Ang Ama mismo ay may pagmamahal sa inyo.” (Juan 16:27) Walang-alinlangan na nakatulong ang mga salitang iyon upang matanto ng mga alagad ang magiliw na damdamin na taglay ng kanilang makalangit na Ama para sa kanila!
20. Determinado ka na gawin ang ano, at sa ano ka makapagtitiwala?
20 Maraming nabubuhay ngayon ang tapat na naglingkod kay Jehova sa loob ng maraming dekada. Walang-alinlangan, bago ang wakas ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay, mapapaharap tayo sa marami pang pagsubok. Huwag hayaan kailanman na ang gayong mga pagsubok o kagipitan ay maging dahilan upang pag-alinlanganan mo ang matapat na pag-ibig ng Diyos sa iyo. Hindi kalabisan na sabihin ang katotohanang ito: Si Jehova ay may pagmamahal sa iyo. (Santiago 5:11) Gawin nawa ng bawat isa sa atin ang kaniyang bahagi, anupat may-katapatang sinusunod ang mga utos ng Diyos. (Juan 15:8-10) Gamitin nawa natin ang bawat pagkakataon upang purihin ang kaniyang pangalan. Dapat nating patibayin ang ating determinasyon na magpatuloy sa paglapit kay Jehova sa panalangin at sa pag-aaral ng kaniyang Salita. Anuman ang mangyari bukas, kung ginagawa natin ang ating buong makakaya upang palugdan si Jehova, mananatili tayong payapa, na lubusang nagtitiwala sa kaniyang di-nabibigong pag-ibig.—2 Pedro 3:14.
Paano Ka Tutugon?
• Upang mapanatili ang ating espirituwal at emosyonal na pagkatimbang, kaninong pag-ibig ang lalo na nating kailangan?
• Anong mga bagay ang hindi makapagpapahinto kailanman kay Jehova na ibigin ang kaniyang mga lingkod?
• Bakit ang pagtatamasa ng pag-ibig ng Diyos ay “mas mabuti kaysa sa buhay”?
[Mga larawan sa pahina 13]
Kung nadarama nating nahiwalay tayo sa pag-ibig ng Diyos, may magagawa tayo upang ituwid ang mga bagay-bagay
[Larawan sa pahina 15]
Naunawaan ni Pablo kung bakit siya inusig