Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Liham sa mga Taga-Roma
MGA taóng 56 C.E., habang nasa kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, dumating si apostol Pablo sa lunsod ng Corinto. Napag-alaman niya ang hinggil sa magkaibang pananaw ng mga Kristiyanong Judio at Gentil sa Roma. Palibhasa’y nais ni Pablo na lubusan silang pagkaisahin kay Kristo, sinulatan niya sila.
Ipinaliwanag ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Roma kung paano ipinahahayag na matuwid ang mga tao at kung paano dapat mamuhay ang gayong mga indibiduwal. Binibigyan tayo ng liham na ito ng karagdagang kaalaman sa Diyos at sa kaniyang Salita. Idiniriin din nito ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, at pinararangalan nito ang Kristo dahil sa papel niya sa ating kaligtasan.—Heb. 4:12.
IPINAHAYAG NA MATUWID—PAANO?
“Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos,” ang isinulat ni Pablo. ‘Isa ngang kaloob na walang bayad na sila ay ipinahahayag na matuwid ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus.’ Sinabi rin ni Pablo: “Ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.” (Roma 3:23, 24, 28) Sa pamamagitan ng pananampalataya sa “isang gawa ng pagbibigay-katuwiran,” kapuwa ang mga pinahirang Kristiyano at ang mga miyembro ng “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa” ay maaaring ‘ipahayag na matuwid’—ang mga pinahirang Kristiyano para sa buhay sa langit bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo at ang malaking pulutong naman bilang mga kaibigan ng Diyos, na may pag-asang makaligtas sa “malaking kapighatian.”—Roma 5:18; Apoc. 7:9, 14; Juan 10:16; Sant. 2:21-24; Mat. 25:46.
“Gagawa ba tayo ng kasalanan sapagkat wala tayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng di-sana-nararapat na kabaitan?” ang tanong ni Pablo. “Huwag nawang mangyari iyan!” ang sagot niya. “Kayo ay mga alipin . . . , maging ng kasalanan tungo sa kamatayan o ng pagkamasunurin tungo sa katuwiran,” ang paliwanag ni Pablo. (Roma 6:15, 16) “Kung papatayin ninyo ang mga gawa ng katawan sa pamamagitan ng espiritu, kayo ay mabubuhay,” ang sabi niya.—Roma 8:13.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:24-32—Mga Judio ba o mga Gentil ang tinutukoy na gumawa ng imoral na paggawing inilalarawan sa tekstong ito? Bagaman ang binanggit na paglalarawan ay maaaring tumukoy kapuwa sa dalawang grupong ito, partikular na tinutukoy rito ni Pablo ang sinaunang mga Israelita na nag-apostata. Bagaman alam nila ang matuwid na batas ng Diyos, “hindi nila sinang-ayunang kilalanin ang Diyos ayon sa tumpak na kaalaman.” Kaya karapat-dapat silang hatulan.
3:24, 25—Paano nagkabisa ang “pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus” sa “mga kasalanan na naganap noong nakaraan” bago pa man ito aktuwal na naibayad? Ang unang Mesiyanikong hula na nakaulat sa Genesis 3:15 ay unang natupad noong 33 C.E. nang mamatay si Jesus sa pahirapang tulos. (Gal. 3:13, 16) Gayunman, nang sandaling bigkasin ni Jehova ang hulang iyon, sa kaniyang pananaw ay parang naibayad na ang pantubos sapagkat walang anumang makahahadlang sa Diyos na tuparin ang kaniyang mga layunin. Kaya sa bisa ng haing ihahandog ni Jesu-Kristo, maaaring patawarin ni Jehova ang mga kasalanan ng mga inapo ni Adan na nananampalataya sa pangakong iyon. Dahil sa pantubos, naging posible rin ang pagkabuhay-muli sa hinaharap ng mga lingkod ng Diyos na nabuhay bago ang panahong Kristiyano.—Gawa 24:15.
6:3-5—Ano ang ibig sabihin ng bautismo kay Kristo Jesus at ng bautismo sa kaniyang kamatayan? Nang pahiran ni Jehova ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Kristo, naging kaisa sila ni Jesus at naging mga miyembro ng kongregasyon na siyang katawan ni Kristo, kung saan siya ang Ulo. (1 Cor. 12:12, 13, 27; Col. 1:18) Iyon ang kanilang bautismo kay Kristo Jesus. Ang mga pinahirang Kristiyano naman ay ‘binautismuhan sa kamatayan ni Kristo’ sa diwa na itinaguyod nila ang isang mapagsakripisyong buhay anupat tinalikuran nila ang pag-asang mabuhay sa lupa magpakailanman. Kung gayon, ang kanilang kamatayan ay isang hain, gaya ng kamatayan ni Jesus, bagaman ang kamatayan nila ay hindi nagsisilbing pantubos. Lubusang nagaganap ang bautismo sa kamatayan ni Kristo kapag sila ay namatay at binuhay-muli sa langit.
7:8-11—Paanong ‘ang kasalanan ay tumanggap ng pangganyak sa pamamagitan ng utos’? Tinulungan ng Kautusan ang mga tao na lubusang maunawaan kung ano ang kasalanan at higit silang napaalalahanan nito na sila mismo ay makasalanan. Bilang resulta, nakita nila na karamihan pala sa kanilang ikinikilos ay maituturing na kasalanan, at natanto ng mas maraming tao na sila’y makasalanan. Kaya masasabing tumanggap ng pangganyak ang kasalanan sa pamamagitan ng Kautusan.
Mga Aral Para sa Atin:
1:14, 15. Marami tayong dahilan para ipahayag ang mabuting balita nang may kasigasigan. Ang isa sa mga dahilang ito ay may pagkakautang tayo sa mga taong binili ng dugo ni Jesus at obligasyon nating tulungan silang magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos.
1:18-20. Ang mga taong di-makadiyos at di-matuwid ay ‘walang maidadahilan,’ sapagkat ang di-nakikitang mga katangian ng Diyos ay malinaw na nakikita sa kaniyang mga nilalang.
2:28; 3:1, 2; 7:6, 7. Matapos bigkasin ni Pablo ang mga salitang maaaring makasakit sa mga Judio, gumamit siya ng mga salitang nakapagpapalubag ng loob. Isa itong mabuting halimbawa para sa atin na maging mataktika kapag maseselan na paksa ang tinatalakay natin sa mga tao.
3:4. Kapag ang sinasabi ng tao ay salungat sa sinasabi ng Salita ng Diyos, hinahayaan nating ‘masumpungang tapat ang Diyos’ sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mensahe ng Bibliya at pamumuhay kaayon ng kalooban ng Diyos. Matutulungan naman natin ang iba na masumpungang tapat ang Diyos sa pamamagitan ng masigasig na pakikibahagi sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad.
4:9-12. Dahil sa pananampalataya ni Abraham, itinuring siyang matuwid matagal pa bago siya tuliin sa edad na 99. (Gen. 12:4; 15:6; 16:3; 17:1, 9, 10) Sa pamamagitan nito, ipinakita ng Diyos ang kahalagahan ng pananampalataya upang magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap niya.
4:18. Ang pag-asa ay isang mahalagang bahagi ng pananampalataya. Ang ating pananampalataya ay nakasalig sa pag-asa.—Heb. 11:1.
5:18, 19. Sa pamamagitan ng lohikal at simpleng mga pananalita, ipinaliwanag ni Pablo kung paanong si Jesus ay katulad ni Adan, at kung paano maaaring “ibigay [ng isang tao] ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat. 20:28) Bilang pagtulad sa kaniyang magandang halimbawa, dapat din tayong magturo sa lohikal at simpleng paraan.—1 Cor. 4:17.
7:23. Yamang ang mga sangkap, o bahagi, ng katawan gaya ng ating mga kamay, paa, at dila ay maaaring ‘magdala sa atin bilang bihag sa kautusan ng kasalanan,’ dapat tayong mag-ingat para hindi natin magamit ang mga ito sa maling paraan.
8:26, 27. Kapag napapaharap tayo sa nakalilitong situwasyon anupat hindi natin malaman kung ano ang ating sasabihin sa panalangin, ‘ang espiritu mismo ang makikiusap para sa atin.’ Tatanggapin naman ni Jehova, bilang ang Isa na “Dumirinig ng panalangin,” ang mga panalanging nakaulat sa kaniyang Salita na nakakahawig ng nais sana nating idalangin at ituturing niya ang mga panalanging ito na para bang sa atin mismo nanggaling.—Awit 65:2.
8:38, 39. Ang mga kalamidad, masasamang espiritung nilalang, at mga gobyerno ng tao ay hindi makapipigil kay Jehova na ibigin tayo; hindi rin natin dapat payagang pigilan tayo ng mga ito na ibigin siya.
9:22-28; 11:1, 5, 17-26. Maraming hula tungkol sa pagsasauli sa Israel ang natupad sa kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano, na ang mga miyembro ay ‘tinawag hindi lamang mula sa mga Judio kundi mula rin sa mga bansa.’
10:10, 13, 14. Bukod pa sa pag-ibig sa Diyos at sa ating kapuwa, ang matibay na pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang mga pangako ay mag-uudyok sa atin na buong-sigasig na makibahagi sa ministeryong Kristiyano.
11:16-24, 33. Anong inam nga ng pagkakatimbang ng “kabaitan at kahigpitan ng Diyos”! Oo, “ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.”—Deut. 32:4.
PAMUMUHAY KAAYON NG PAGIGING IPINAHAYAG NA MATUWID
“Dahil dito ay namamanhik ako sa inyo sa pamamagitan ng habag ng Diyos, mga kapatid,” ang sabi ni Pablo, “na iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos.” (Roma 12:1) Ang mga Kristiyano ay ipinahayag na matuwid dahil sa kanilang pananampalataya. “Dahil dito,” dapat na makaapekto sa saloobin nila hinggil sa kanilang sarili, sa iba, at sa mga awtoridad sa gobyerno ang sumunod na sinabi ni Pablo.
“Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo riyan na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin,” ang isinulat ni Pablo. “Ang inyong pag-ibig ay huwag magkaroon ng pagpapaimbabaw” ang payo niya. (Roma 12:3, 9) “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” (Roma 13:1) Kung tungkol sa mga bagay na budhi ng isa ang magpapasiya, hinihimok niya ang mga Kristiyano na ‘huwag maghatulan sa isa’t isa.’—Roma 14:13.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
12:20—Paano tayo ‘nagbubunton ng maaapoy na baga’ sa ulo ng isang kaaway? Noong panahon ng Bibliya, ang batong mineral na pinagkukunan ng bakal ay inilalagay sa hurno at nilalagyan ito ng mga uling hindi lamang sa ilalim kundi pati sa ibabaw. Ang maapoy na bagang nakabunton sa ibabaw ay nagpapatindi ng init upang matunaw at humiwalay ang bakal mula sa bato. Sa katulad na paraan, kapag ginawan natin ng mabuti ang isang kaaway, baka mapalambot natin ang kaniyang matigas na kalooban at mapalitaw ang kaniyang magagandang katangian.
12:21—Paano natin ‘patuloy na dadaigin ng mabuti ang masama’? Ang isang paraan para magawa natin ito ay sa pamamagitan ng matapang at determinadong pagganap sa ating bigay-Diyos na atas na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian hanggang sa sabihin ni Jehova na tapos na ito.—Mar. 13:10.
13:1—Sa anong paraan ang nakatataas na mga awtoridad ay “inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon”? Ang umiiral na sekular na mga awtoridad ay “inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon” sa diwa na ang Diyos ang nagpahintulot sa kanila na mamahala, at sa ilang kalagayan, patiuna nang nabatid ng Diyos ang kanilang pamamahala. Pinatutunayan ito ng mga hula ng Bibliya hinggil sa ilang tagapamahala.
Mga Aral Para sa Atin:
12:17, 19. Ang pagganti sa masama ay paggawa ng isang bagay na si Jehova lamang ang may karapatan. Isa ngang kapangahasan kung ‘gaganti tayo ng masama para sa masama’!
14:14, 15. Hindi natin dapat pighatiin o tisurin ang ating kapatid sa pamamagitan ng pagkain o inuming iniaalok natin sa kaniya.
14:17. Ang pagkakaroon ng sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos ay hindi pangunahing nakadepende sa kung ano ang kinakain o iniinom ng isa, ni sa kung ano ang hindi niya kinakain o iniinom. Sa halip, ito ay may kaugnayan sa katuwiran, kapayapaan, at kagalakan.
15:7. Hindi tayo dapat magtangi. Sa halip, dapat nating tanggapin sa kongregasyon ang lahat ng taimtim na humahanap sa katotohanan at ipahayag ang mensahe ng Kaharian sa lahat ng ating natatagpuan.
[Mga larawan sa pahina 31]
May bisa ba ang pantubos sa mga kasalanang nagawa bago pa ito aktuwal na naibayad?