ROMA, LIHAM SA MGA TAGA-
Isang aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na isinulat ng apostol na si Pablo sa mga Kristiyano sa Roma. Hindi pa kailanman seryosong kinuwestiyon na si Pablo ang sumulat ng aklat na ito, at kinikilala ng halos lahat ng iskolar ng Bibliya, maliban sa ilan na hindi makapagtugma nito sa kanilang doktrinal na mga paniniwala, na ang aklat na ito ay tunay na bahagi ng sagradong kanon. Ang totoo, ang liham ay lubusang kasuwato ng iba pang bahagi ng kinasihang Kasulatan. Sa katunayan, napakadalas sumipi ni Pablo mula sa Hebreong Kasulatan at gumawa rin siya ng maraming iba pang pagtukoy mula roon, anupat ang liham ay masasabing matibay na nakasalig sa Hebreong Kasulatan at sa mga turo ni Kristo.
Panahon at Lugar ng Pagsulat. Ang liham ay isinulat sa Corinto noong mga 56 C.E. Maliwanag na si Tercio ang kalihim ni Pablo at isinulat niya ang mga idinikta ni Pablo. (Ro 16:22) Posibleng ang naging tagapaghatid ng liham ay si Febe, na naninirahan sa Cencrea na daungang bayan ng Corinto na mga 11 km (7 mi) ang layo. (Ro 16:1) Noon ay hindi pa nakararating si Pablo sa Roma, gaya ng ipinakikita ng kaniyang pananalita sa kabanata 1, talata 9 hanggang 15.
Pagtatatag ng Kongregasyon sa Roma. Ang kongregasyon ay maaaring itinatag ng ilan sa mga Judio at mga proselita mula sa Roma na dumalaw sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E., nakasaksi sa makahimalang pagbubuhos ng banal na espiritu, at nakarinig sa pahayag ni Pedro at ng iba pang mga Kristiyanong nagkakatipon doon. (Gaw 2) O maaaring ang nagdala sa Roma ng mabuting balita tungkol sa Kristo ay ang iba na nakumberte sa Kristiyanismo nang maglaon, sapagkat, yamang ang dakilang lunsod na iyon ang sentro ng Imperyo ng Roma, marami ang lumipat doon nang dakong huli, at maraming mga manlalakbay at mga negosyante ang dumadalaw roon. Nagpadala si Pablo ng mapitagang pagbati kina Andronico at Junias, ang kaniyang ‘mga kamag-anak at mga kapuwa bihag,’ na “mga lalaking kinikilala sa gitna ng mga apostol” at mas matatagal na kaysa kay Pablo sa paglilingkod kay Kristo. Malamang na nagkaroon ng bahagi ang mga lalaking ito sa pagtatatag ng kongregasyong Kristiyano sa Roma. (Ro 16:7) Noong panahong sumulat si Pablo, maliwanag na ang kongregasyon ay matagal-tagal nang umiiral at napakasigla anupat pinag-uusapan sa buong sanlibutan ang pananampalataya nito.—Ro 1:8.
Layunin ng Liham. Kapag binasa ang liham, nagiging malinaw na isinulat ito para sa isang kongregasyong Kristiyano na binubuo kapuwa ng mga Judio at mga Gentil. Maraming Judio sa Roma noong panahong iyon; bumalik sila roon pagkamatay ni Emperador Claudio, na nagpalayas sa kanila mas maaga rito. Bagaman hindi pa nakararating si Pablo sa Roma upang personal na maranasan ang mga suliraning napapaharap sa kongregasyon, maaaring ang kalagayan at mga gawain ng kongregasyon ay ipinabatid sa kaniya ng kaniyang matatalik na kaibigan at mga kamanggagawa na sina Priscila at Aquila, at posibleng pati ng iba pa na nakilala ni Pablo. Ipinahihiwatig ng kaniyang mga pagbati sa kabanata 16 na personal niyang kakilala ang marami sa mga miyembro ng kongregasyon.
Sa mga liham ni Pablo, espesipikong mga suliranin ang pinagtuunan niya ng pansin at tinalakay niya ang mga bagay na itinuring niyang kailangang-kailangan ng mga sinusulatan niya. May kaugnayan sa pagsalansang ng mga Judio, nasulatan na ni Pablo ang mga kongregasyon sa Galacia upang sagutin ito, ngunit ang liham na iyon ay mas espesipikong tumalakay sa mga pagsisikap ng mga Judio na nag-aangking Kristiyano ngunit “mga tagapagtaguyod ng Judaismo,” na naggigiit na magpatuli ang mga nakumberteng Gentil at hilingan din ang mga ito na sumunod sa ilang tuntunin ng Kautusang Mosaiko. Sa kongregasyon sa Roma, waring wala namang matinding pagsisikap may kaugnayan doon, ngunit lumilitaw na may mga paninibugho at pagkadama ng kahigitan sa iba kapuwa sa bahagi ng mga Judio at mga Gentil.
Samakatuwid, ang liham ay hindi lamang isang pangkalahatang liham na isinulat para sa kongregasyon sa Roma anupat walang espesipikong tunguhin may kaugnayan sa kanila, gaya ng ipinapalagay ng ilan, kundi maliwanag na tumatalakay ito sa mga bagay na kailangan nila dahil sa mga kalagayan noon. Mauunawaan ng kongregasyon sa Roma ang buong kahulugan at puwersa ng payo ng apostol, sapagkat walang alinlangang ikinababahala nila ang mismong mga katanungan na sinagot niya. Maliwanag na ang layunin niya ay ang lutasin ang mga pagkakaiba ng pangmalas sa pagitan ng mga Kristiyanong Judio at Gentil at lubusan silang pagkaisahin na parang iisang tao kay Kristo Jesus. Gayunman, sa kaniyang paraan ng pagsulat, binibigyang-liwanag at pinagyayaman ni Pablo ang ating kaisipan may kaugnayan sa kaalaman sa Diyos, at pinatitingkad niya ang katuwiran at di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at ang posisyon ni Kristo may kinalaman sa kongregasyong Kristiyano at sa buong sangkatauhan.
Sigasig at Init ng Damdamin. Bilang komento sa autentisidad ng liham sa mga taga-Roma, si Dr. William Paley, Ingles na iskolar ng Bibliya, ay nagsabi: “Sa tunay na San Pablo na sumusulat sa tunay na mga nakumberte, iyon ang likas na ibubunga ng pananabik na mahikayat sila sa kaniyang paniniwala; ngunit may sigasig at personalidad, kung matatawag ko nga itong gayon, sa paraan na sa aking unawa ay hindi maiisip o masusuportahan ng isang walang-damdaming panghuhuwad.”—Horæ Paulinæ, 1790, p. 50.
Lubhang prangkahan at tuwirang binalangkas ni Pablo ang posisyon ng mga Judio at ipinakita niya na magkapantay sa harap ng Diyos ang mga Judio at mga Gentil. Sa paggawa nito, kinailangan niyang magsabi ng ilang bagay na maaaring ituring ng mga Judio na nakasasakit. Ngunit ang pag-ibig ni Pablo sa kaniyang mga kababayan at ang init ng kaniyang damdamin sa kanila ay nabanaag sa banayad na paraan ng pagtalakay niya sa mga bagay na ito. Kapag nagsabi siya ng isang bagay na waring humahamak sa Kautusan, o sa mga Judio, mataktika niya itong sinusundan ng pampalambot na pananalita.
Halimbawa, nang sabihin niya: “Siya ay hindi Judio na gayon sa panlabas, ni ang pagtutuli man ay yaong nasa panlabas sa laman,” idinagdag niya: “Ano, kung gayon, ang kahigitan ng Judio, o ano ang kapakinabangan ng pagtutuli? Malaki nga sa lahat ng paraan. Una sa lahat, sapagkat ipinagkatiwala sa kanila ang mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” (Ro 2:28; 3:1, 2) Pagkatapos niyang sabihin: “Ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan,” kaagad siyang nagpatuloy: “Pinapawi ba natin, kung gayon, ang kautusan sa pamamagitan ng ating pananampalataya? Huwag nawang mangyari iyan! Sa kabaligtaran pa nga, pinagtitibay natin ang kautusan.” (3:28, 31) Kasunod ng kaniyang pananalita: “Ngunit ngayon ay pinalaya na tayo mula sa Kautusan,” nagtanong siya: “Ang Kautusan ba ay kasalanan? Huwag nawang maging gayon! Ang totoo ay hindi ko sana nakilala ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan.” (7:6, 7) At sa kabanata 9, talata 1 hanggang 3, sinabi niya ang pinakamatinding kapahayagan ng pagmamahal sa kaniyang mga kapatid sa laman na mga Judio: “Ako ay nagsasabi ng katotohanan may kaugnayan kay Kristo; hindi ako nagsisinungaling, yamang ang aking budhi ang nagpapatotoong kasama ko sa banal na espiritu, na mayroon akong malaking pamimighati at namamalaging kirot sa aking puso. Sapagkat hinihiling ko sana na ako mismo ay ihiwalay mula sa Kristo bilang ang isinumpa alang-alang sa aking mga kapatid, ang aking mga kamag-anak ayon sa laman.”—Ihambing din ang Ro 9:30-32 sa 10:1, 2; at ang 10:20, 21 sa 11:1-4.
Samakatuwid, kung pag-aaralan natin ang aklat, makikita natin na ito ay hindi isang magulo, o walang-direksiyon, na pagtalakay kundi isang diskurso na may layunin at tema, at na isa mang bahagi nito ay hindi lubusang mauunawaan kung hindi pag-aaralan ang buong aklat at kung hindi aalamin ang layunin nito. Itinampok ni Pablo ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, at idiniin niya na ipinahahayag lamang na matuwid ang mga tao tanging sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitang iyon ng Diyos, lakip ang pananampalataya ng isa; binanggit niya na Judio man o Gentil ay walang anumang saligan upang maghambog o magmataas sa iba. Mahigpit niyang binabalaan ang mga Kristiyanong Gentil na hindi sila dapat magmapuri sapagkat nakinabang sila sa pagkabigo ng mga Judio na tanggapin si Kristo, yamang dahil sa pagkahulog ng mga Judio kung kaya sila nagkaroon ng pagkakataong maging sangkap ng “katawan” ni Kristo. Sinabi niya: “Kaya nga, tingnan mo ang kabaitan at kahigpitan ng Diyos. Para sa mga nahulog ay may kahigpitan, ngunit para sa iyo ay may kabaitan ng Diyos, kung mananatili ka sa kaniyang kabaitan; kung hindi, ikaw rin ay tatagpasin.”—Ro 11:22.
[Kahon sa pahina 1026]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG ROMA
Isang liham na nagpapaliwanag na ang katuwiran ay natatamo, hindi dahil sa pinagmulang angkan o sa pamamagitan ng mga gawa ng Kautusang Mosaiko, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo at dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos
Isinulat noong mga 56 C.E., mga 20 taon pagkatapos na ang unang mga Gentil ay maging mga Kristiyano
Ang katuwiran ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo at dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos (1:1–11:36)
Ang pananampalataya ay mahalaga para sa kaligtasan; sinasabi ng kasulatan, “Ang matuwid—sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay siya”
Bagaman lubhang pinaboran ng Diyos ang mga Judio, hindi sila nakaabot sa katuwiran sa pamamagitan ng Kautusan
Ang mga Judio at gayundin ang mga di-Judio ay nasa ilalim ng kasalanan; “walang taong matuwid, wala ni isa man”
Sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, kapuwa ang mga Judio at mga di-Judio ay maaaring ipahayag na matuwid bilang isang kaloob na walang-bayad sa pamamagitan ng pananampalataya, kung paanong si Abraham ay ibinilang na matuwid dahil sa pananampalataya—bago pa man siya tuliin
Ang mga tao ay nagmana ng kasalanan at kamatayan mula sa isang tao, si Adan; sa pamamagitan ng isang tao, na si Jesus, maraming makasalanan ang ipinahahayag na matuwid
Hindi ito nagbibigay ng kalayaang magkasala; ang mga nananatiling alipin ng kasalanan ay hindi alipin ng katuwiran
Ang mga dating nasa ilalim ng Kautusan ay “ginawang patay sa Kautusan” sa pamamagitan ng katawan ni Kristo; dapat silang lumakad kasuwato ng espiritu, anupat pinapatay ang makasalanang mga gawain ng katawan
Ang Kautusan ay nagsilbi sa layuning ihayag ang mga kasalanan; gayunman, tanging sa pamamagitan ni Kristo matatamo ang kaligtasan mula sa kasalanan
Ang Diyos ang tumatawag sa mga nagiging kaisa ni Kristo at ipinahahayag niya silang matuwid; ang Kaniyang espiritu ang nagpapatotoo na sila’y Kaniyang mga anak
Ang Israel sa laman ang tumanggap ng mga pangako ngunit ang karamihan sa kanila ay nagsikap na makaabot sa katuwiran sa pamamagitan ng Kautusan, kaya naman isang nalabi lamang mula sa kanila ang maliligtas; ang pangmadlang pagpapahayag ng pananampalataya kay Kristo ay kailangan ukol sa kaligtasan
Ipinakikita ng ilustrasyon tungkol sa punong olibo kung paanong dahil sa kawalan ng pananampalataya ng Israel sa laman ay inihugpong ang mga di-Israelita upang maligtas ang tunay na Israel
Saloobin tungkol sa nakatataas na mga awtoridad, sa sarili, sa ibang mga tao (12:1–15:13)
Iharap ang iyong katawan bilang isang kaayaayang hain sa Diyos, magbago ng iyong pag-iisip, gamitin ang mga kaloob sa iyo sa paglilingkod sa Diyos, maging maibigin at maningas sa espiritu, magbata, at patuloy na daigin ng mabuti ang masama
Magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad
Ibigin ang isa’t isa; lumakad nang disente, anupat hindi nagpaplano nang patiuna para sa mga pagnanasa ng laman
Huwag hatulan ang iba sa mga bagay na nagsasangkot sa budhi, ni abusuhin man ang iyong kalayaang Kristiyano at sa gayo’y makatisod sa mga may mahinang budhi
Sumunod sa halimbawa ni Kristo sa hindi pagpapalugod sa sarili; maging handang dalhin ang mga kahinaan ng iba, anupat ginagawa ang anumang mabuti para sa kanilang ikatitibay
Ang maibiging pagmamalasakit ni Pablo sa kongregasyon sa Roma (15:14–16:27)
Ang dahilan ni Pablo sa pagsulat ay upang tuparin ang kaniyang atas bilang isang apostol sa mga Gentil at upang ang mga Gentil na ito ay maging isang kaayaayang handog sa Diyos
Yamang wala na siyang teritoryo kung saan hindi pa niya naipapahayag ang mabuting balita, nais ni Pablo na tuparin ang kaniyang pinananabikang pagdalaw sa Roma at mula roon ay magpunta sa Espanya, pagkatapos na maglakbay muna patungong Jerusalem upang dalhin ang abuloy ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya para sa mga banal
Binati ni Pablo ang maraming mananampalataya ayon sa pangalan, anupat hinimok ang mga kapatid na iwasan ang mga lumilikha ng mga pagkakabaha-bahagi at maging marunong sa mabuti