Ang Aklat ng Kalikasan at ang Bibliya
“Nalilito ako sa sansinukob! Hindi ko maguniguni na ang ganiyang ‘relo’ ay iiral nang walang isang Manggagawa ng relo.”—Voltaire, pilosopong Pranses noong ika-18 siglo.
ANG isang relong nagbibigay ng tamang-tamang oras ay hinahangaan dahil sa kahusayan at talino ng gumawa niyaon. Subalit kumusta naman ang uniberso na nakapalibot sa atin? Naisisiwalat kaya niyan, kahit na sa bahagyang paraan, ang personalidad ng Maylikha?
Halos 2,000 taon na ngayon ang lumipas, si apostol Pablo, isa sa mga sumulat ng Bibliya, ay nagbigay ng kasagutan sa tanong na ito: “Sapagkat ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa nang paglalang ng sanlibutan, sapagkat natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniya mang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” (Roma 1:20) Kung gayon, ano ang matututuhan natin sa pagmamasid sa aklat ng kalikasan na ito?
Ang Itinuturo sa Atin ng Relo Tungkol sa Manggagawa ng Relo
Ang isang maningning na talón, ang dagat sa panahon ng isang bagyo, ang isang maliwanag na langit kung gabi na punô ng libu-libong mga bituin—ito ang ilan sa mga bagay na nag-uudyok sa atin na mag-isip tungkol sa isang makapangyarihang Maylikha. Ang hindi sumasablay na mga iniikutang landas ng mga planeta ay makapagpapagunita rin sa atin, gaya ng pagpapagunita niyaon kay Voltaire, na ang Maylikha ay isang Dakilang Organisador, isang Dalubhasang Manggagawa ng relo.—Awit 104:1.
Ang sarisaring mga produkto ng lupa—ang mga bungangkahoy at mga gulay na tinatanggap nating sagana—ay nagpapatotoo rin naman sa pagkabukas-palad ng Diyos. Ito’y pinatotohanan din naman ni Pablo nang kaniyang sabihin na ang Diyos ay “hindi nagpabayang di nagbigay patotoo tungkol sa kaniyang sarili na gumawa ng mabuti, at nagbigay sa inyo ng ulang galing sa langit at ng mga panahong sagana, na pinupunong lubusan ang inyong mga puso ng pagkain at ng katuwaan.”—Gawa 14:17.
Ang Hindi Masabi sa Atin ng Relo
Ang higit pang pagsusuri sa aklat ng kalikasan ay magtuturo sa atin ng higit pang mga katangian ng Diyos. Subalit kung ang aasahan lamang natin ay ang natutuhan natin buhat sa paglalang, ang ating kaalaman sa Diyos ay sa tuwina magiging limitado. Ang Pranses na manunulat na si Robert Lenoble ang nagpapaliwanag nito sa kaniyang aklat na Esquisse d’une histoire de l’idée de Nature, (Isang Balangkas ng Kasaysayan ng Ideya ng Kalikasan): “Sa tuwina ay ibabaling ng tao ang kaniyang pansin sa Kalikasan upang makapaglagos sa misteryo nito at matuklasan ang lihim nito, isang lihim na kailanma’y hindi manggagaling sa isang laboratoryo.” Mahigit na kalahati ng mga Pranses na sinurbey ng Katolikong pahayagan na La Croix—sila man ay mga mananampalataya o mga ateista—ay sumasang-ayon dito at inaamin nila na “ang siyensiya’y hindi kailanman makapagbibigay ng sapat na paliwanag tungkol sa uniberso, yamang ang karamihan ng mga bagay-bagay ay sakop ng larangan ng pilosopya o ng relihiyon.”
Humigit-kumulang 3,500 taon na ang lumipas, ang tapat na si Job sa Bibliya ay nagkaroon din ng ganiyang konklusyon. Kaniyang ibinangon ang tanong: “Subalit ang karunungan—saan ito masusumpungan, at nasaan, ngayon, ang dako ng kaunawaan?” Ang karunungan bang ito ay masusumpungan sa aklat ng paglalang? “Ang kalaliman ng tubig mismo ay nagsabi, ‘Wala sa akin!’ Sinabi rin ng dagat, ‘Wala sa akin!’ Ito’y hindi nakikita kahit na ng mga mata ng lahat ng nabubuhay, at ikinubli buhat sa paningin ng mga ibon sa himpapawid.”—Job 28:12, 14, 21.
Kung gayon, saan tayo dapat pumaroon upang masumpungan ang karunungang ito? Ang aklat ding iyan ang sumasagot: “Ang Diyos ang Siyang may unawa sa lakad nito, at siya mismo ang nakakaalam ng dako nito.” (Job 28:23) At ang kaniyang karunungan ay ibinahagi ng Diyos sa tao sa isang kahanga-hangang paraan sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya.
Pambihirang Kaalaman Buhat sa Bibliya
Ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng pambihirang karunungan tungkol sa pinagmulan ng tao. Sinasabi nito sa atin na inihanda ng Diyos ang lupa at pagkatapos ay inilagay rito ang unang mag-asawa. Ang ating mga unang magulang ay maaari sanang nabuhay nang walang-hanggan sa sakdal na mga kalagayan. Subalit sila’y naghimagsik, at dahil sa kanilang kasalanan ay nabuksan ang daan para sa pagpasok ng lahat ng kasamaan—kasali na ang kasalanan at kamatayan—na dinaranas ng sangkatauhan.—Genesis, kabanata 1 hanggang 3; Roma 5:12-21.
Ang Bibliya ay nagsasabi rin sa atin sa detalyadong paraan ng mga hakbang na kinuha ng Diyos upang lunasan ang kalagayang iyon. Libu-libong taon ang nakalipas pagkatapos na magkasala sina Adan at Eva, ang sariling anak ng Diyos, si Jesus, ay naparito sa lupa upang ang sangkatauhan ay bigyan ng pagkakataon na makipagkasundo sa Diyos. Sa gayo’y inialok ni Kristo sa mga tao na mananampalataya sa kaniya at kikilala sa bisa ng kaniyang inihandog na hain ang pagkakataong magtamo ng buhay na walang-hanggan sa lupa na isasauli sa pagkaparaiso.—Lucas 23:43; Juan 3:16.
Ang ganitong pag-asa ay iniaalok sa bawat isa sa atin. Upang kamtin ito kailangan na magkaroon tayo ng tumpak na ‘kaalaman sa tanging tunay na Diyos at sa isa na kaniyang sinugo, si Jesu-Kristo.’ Kailangan din namang mamuhay tayo na kasuwato ng pag-asang iyan. Ang tumpak na kaalaman na ito ay masusumpungan sa Bibliya.—Juan 17:3; Santiago 2:24-26.
Ibig mo bang magkaroon ng detalyadong sagot sa mga tanong na tulad halimbawa ng, Saan ba nanggaling ang tao? Ano ang nangyayari pagkamatay? Ano ba ang sanhi ng mga problema ng sangkatauhan? Mayroon pa bang anumang pag-asa na ang mga problemang ito ay malulutas balang araw? Kailan at paano pangyayarihin ng Diyos ang sakdal na mga kalagayan para sa sangkatauhan? Kung gayon, ikaw ay aming hinihimok na magsuri ng Bibliya, ang tanging aklat na magbibigay sa iyo ng kasagutan buhat sa Diyos ng sansinukob at ang tanging aklat na may taglay ng “saligan ng pag-asa sa buhay na walang-hanggan.” Ang layunin ng mga lathalain ng Samahang Watchtower ay upang tulungan ka na makamit ang mga kasagutang ito sa iyong Bibliya.—Tito 1:1, 2.
[Larawan sa pahina 5]
Isinisiwalat ng sansinukob ang mga katangian ng personalidad ng Diyos
[Larawan sa pahina 6]
Tanging ang Bibliya ang makapagsasabi sa atin ng mga layunin ng Diyos tungkol sa tao at sa lupa