Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
Sa Roma 9:3, sumulat si apostol Pablo: “Ako’y makapagnanasa na ako man ay ihiwalay na gaya ng isang sinumpa mula sa Kristo alang-alang sa aking mga kapatid, na aking mga kamag-anak ayon sa laman.” Ang ibig ba niyang sabihin ay kaniyang ihahain ang kaniyang buhay upang mailigtas ang kapuwa mga Judio?
Si Jesus ang nagpakita ng pinakamataas na halimbawa ng pag-ibig. Siya’y handa na isuko ang kaniyang kaluluwa, o buhay, dahil sa makasalanang sangkatauhan. Nang panahon ng kaniyang pangmadlang ministeryo, ginamit niya ang kaniyang sarili ukol sa kaniyang mga kababayan—na mga Judio—upang ang pinakamarami hangga’t maaari ay makabilang sa mga makikinabang sa kaniyang haing pantubos. (Marcos 6:30-34) Ang hindi nila pagtugon at pagsalansang sa mensahe ng kaligtasan ay hindi kailanman nakabawas sa mapagmahal na pagmamalasakit ni Jesus sa mga Judio. (Mateo 23:37) At nag-iwan siya ng ‘isang huwaran upang sundan natin ang kaniyang mga hakbang.’—1 Pedro 2:21.
Posible ba na ang di-sakdal na mga tao ay sumunod sa halimbawa ni Jesus ng pag-ibig? Oo, at makikita natin ang isang ilustrasyon nito sa apostol na si Pablo. Ganiyan na lamang ang kaniyang pagkabahala tungkol sa kapuwa mga Judio na, bunga ng pag-ibig sa kanila, kaniyang sinabi na siya man ay “ihiwalay na gaya ng isang sinumpa mula sa Kristo” alang-alang sa kanila.
Dito si Pablo ay gumamit ng isang anyo ng hyperbole, o pagmamalabis, upang liwanagin ang kaniyang punto. Gumamit si Jesus ng nahahawig na pagmamalabis sa Mateo 5:18, nang sabihin niya: “Hanggang sa mawala ang langit at ang lupa ang isang kaliit-liitang titik o isang kudlit ng isang titik sa ano mang paraan ay hindi mawawala sa Kautusan hanggang sa maganap ang lahat ng bagay.” Batid ni Jesus na ang langit at lupa ay hindi lilipas. Hindi rin naman makararanas si Pablo ng sumpa, ni lahat ng Judio ay tatanggap ng pagka-Kristiyano. Subalit ang punto ni Pablo ay gagawin niya ang halos anuman upang matulungan ang mga Judio na makinabang sa paraan ng Diyos ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Hindi nga kataka-takang pasiglahin ng apostol ang kapuwa mga Kristiyano: “Magsitulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo”!—1 Corinto 11:1.
Sa ngayon, ang mga Kristiyano ay dapat magkaroon ng ganoon ding pagtingin gaya ng pagtingin nina Jesus at Pablo sa mga di-kapananampalataya. Huwag nating payagang ang kawalan ng interes o tahasang pananalansang buhat sa mga tao sa ating pinangangaralang teritoryo ang maging dahilan ng panlalamig ng pag-ibig natin sa ating kapuwa at ng ating sigasig sa pagtulong sa kanila upang matutuhan ang daan ng kaligtasan.—Mateo 22:39.