Magkaroon ng Kaluguran sa Katuwiran ni Jehova
“Siyang nagtataguyod ng katuwiran at maibiging-kabaitan ay makasusumpong ng buhay, katuwiran at kaluwalhatian.”—KAWIKAAN 21:21.
1. Anong mga paggawi ng mga tao sa ngayon ang umaakay sa kapaha-pahamak na mga resulta?
“MAY daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito.” (Kawikaan 16:25) Tamang-tama ang pagkakalarawan ng kawikaang ito ng Bibliya tungkol sa mga paggawi ng karamihan sa mga tao sa ngayon! Sa pangkalahatan, iniisip ng mga tao ang paggawa ng kung ano lamang ang tama sa kanilang paningin, anupat ipinagwawalang-bahala kahit ang pinakapangunahing mga pangangailangan ng iba. (Kawikaan 21:2) Kanilang inaangkin na iginagalang nila ang mga batas at mga pamantayan ng bansa ngunit naghahanap naman sila ng mga butas upang malusutan ang mga ito sa bawat pagkakataon. Ang resulta ay isang nagkakabaha-bahagi, nalilito, at nagugulumihanang lipunan.—2 Timoteo 3:1-5.
2. Ano ang kailangang-kailangan para sa ikabubuti ng sangkatauhan?
2 Para sa ating ikabubuti—at para sa kapayapaan at katiwasayan ng lahat ng tao—kailangang-kailangan natin ang isang batas o pamantayan na makatarungan at matuwid, isa na handang tanggapin at sundin ng lahat ng tao. Maliwanag, walang batas o pamantayan na ipinanukala ng sinumang tao, gaano man siya katalino o kataimtim, ang makatutugon sa pangangailangan ukol sa isang matuwid at makatarungang pamantayan. (Jeremias 10:23; Roma 3:10, 23) Kung umiiral ang gayong pamantayan, saan ito masusumpungan at ano kayang uri ng pamantayan ito? Marahil, ang mas mahalagang tanong ay, Kung umiiral ang gayong pamantayan, malulugod ka ba rito at tatanggapin ito nang walang pagtutol?
Paghahanap ng Matuwid na Pamantayan
3. Sino ang pinakakuwalipikado na maglaan ng isang pamantayan na katanggap-tanggap at kapaki-pakinabang sa lahat ng tao, at bakit?
3 Upang makahanap ng isang pamantayan na katanggap-tanggap at kapaki-pakinabang sa lahat, dapat tayong lumapit sa isa na hindi nalilimitahan ng lahi, kultura, at pulitikal na mga hangganan at hindi napipigilan ng kakitiran ng pag-iisip at mga kahinaan ng tao. Walang alinlangan na ang tanging kuwalipikado rito ay ang makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang, ang Diyos na Jehova, na nagpahayag: “Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayundin na ang aking mga lakad ay mas mataas kaysa sa inyong mga lakad, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.” (Isaias 55:9) Karagdagan pa, inilalarawan ng Bibliya si Jehova bilang “isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deuteronomio 32:4) Sa buong Bibliya, masusumpungan natin ang pananalitang “si Jehova ay matuwid.” (Exodo 9:27; 2 Cronica 12:6; Awit 11:7; 129:4; Panaghoy 1:18; Apocalipsis 19:2, talababa sa Ingles) Oo, makaaasa tayo kay Jehova para sa pinakamahusay na pamantayan sapagkat siya ay tapat, makatarungan, at matuwid.
4. Ano ang ibig sabihin ng salitang “matuwid”?
4 Siyempre pa, ang salitang “matuwid” ay lubhang hindi popular sa ngayon. Sa katunayan, karamihan sa mga tao ay may negatibo at mapanghamak pa ngang pangmalas hinggil dito, anupat katulad daw ito ng pagbabanal-banalan, o mapagpaimbabaw na kataimtiman at debosyon. Gayunman, ayon sa isang diksyunaryo, ang “matuwid” ay nangangahulugang “makatarungan, matapat, may kagalingan; walang-sala, walang kasalanan; sumusunod sa mga simulain ng kautusan ng Diyos o sa kinikilalang mga pamantayan sa moralidad; kumikilos nang matuwid o makatarungan.” Hindi ka ba malulugod sa isang kautusan o pamantayan na nagtataglay ng gayong maiinam na katangian?
5. Ilarawan ang katuwiran ayon sa pagkakagamit sa Bibliya.
5 Ganito ang sinabi ng Encyclopaedia Judaica tungkol sa katuwiran: “Ang katuwiran ay hindi isang teoriya lamang kundi sa katunayan ay nakasalig sa paggawa ng kung ano ang makatarungan at matuwid sa lahat ng pakikipag-ugnayan.” Halimbawa, ang katuwiran ng Diyos ay hindi lamang isang panloob o personal na katangian na kaniyang tinataglay, tulad ng kaniyang kabanalan at kadalisayan. Sa halip, ito ay isang kapahayagan ng kaniyang likas na katangian sa paraang matuwid at makatarungan. Maaaring sabihin na dahil si Jehova ay banal at dalisay, ang lahat ng kaniyang ginagawa at ang lahat ng bagay na nagmumula sa kaniya ay matuwid. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “si Jehova ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga daan at matapat sa lahat ng kaniyang mga gawa.”—Awit 145:17.
6. Ano ang sinabi ni Pablo hinggil sa ilang di-sumasampalatayang Judio noong kapanahunan niya, at bakit?
6 Idiniin ni apostol Pablo ang puntong ito sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Roma. Sumulat siya hinggil sa ilang di-sumasampalatayang Judio: “Dahil sa hindi pagkaalam sa katuwiran ng Diyos kundi pinagsisikapang itatag ang sa kanilang sarili, hindi sila nagpasakop sa katuwiran ng Diyos.” (Roma 10:3) Bakit tinukoy ni Pablo ang gayong mga tao bilang mga ‘hindi nakaaalam sa katuwiran ng Diyos’? Hindi ba sila naturuan sa Kautusan, sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos? Tunay ngang naturuan sila. Gayunman, minalas ng karamihan sa kanila ang katuwiran bilang isang personal na kagalingan lamang, na matatamo sa pamamagitan ng metikuloso at mahigpit na pagsunod sa mga relihiyosong alituntunin, sa halip na bilang isang pamantayan upang patnubayan sila sa kanilang mga pakikitungo sa kapuwa tao. Kagaya ng mga relihiyosong lider noong kapanahunan ni Jesus, maling-mali ang pagkaunawa nila hinggil sa katarungan at katuwiran.—Mateo 23:23-28.
7. Paano ipinamamalas ang katuwiran ni Jehova?
7 Sa kabaligtaran, ang katuwiran ni Jehova ay ipinamamalas at maliwanag na nakikita sa lahat ng kaniyang pakikitungo. Bagaman ang kaniyang katuwiran ay humihiling na hindi niya basta ipagwalang-bahala ang mga kasalanan ng mga kusang nagkakasala, hindi nito pinangyayari na siya’y maging isang Diyos na manhid at mapaghanap, anupat dapat katakutan at hindi dapat lapitan. Sa kabaligtaran, ang kaniyang matuwid na mga gawa ay naglalaan ng saligan na sa pamamagitan nito ay makalalapit sa kaniya ang sangkatauhan at maligtas mula sa mga kalunus-lunos na epekto ng kasalanan. Samakatuwid, lubhang nararapat lamang na ilarawan si Jehova bilang “isang matuwid na Diyos at isang Tagapagligtas.”—Isaias 45:21.
Katuwiran at Kaligtasan
8, 9. Sa anong mga paraan ipinakita ng Kautusan ang katuwiran ng Diyos?
8 Upang maunawaan ang kaugnayan ng katuwiran ng Diyos at ng kaniyang maibiging gawa ng kaligtasan, isaalang-alang ang Kautusang ibinigay niya sa bansang Israel sa pamamagitan ni Moises. Walang alinlangan na matuwid ang Kautusan. Sa kaniyang huling mga pananalita, ipinaalaala ni Moises sa mga Israelita: “Anong dakilang bansa ang may matuwid na mga tuntunin at mga hudisyal na pasiya na gaya ng buong kautusang ito na inilalagay ko sa harap ninyo ngayon?” (Deuteronomio 4:8) Pagkalipas ng maraming siglo, ipinahayag ni Haring David ng Israel: “Ang mga hudisyal na pasiya ni Jehova ay totoo; ang mga iyon ay lubos na matuwid.”—Awit 19:9.
9 Sa pamamagitan ng Kautusan, niliwanag ni Jehova ang kaniyang sakdal na mga pamantayan sa kung ano ang tama at mali. Espesipikong binanggit ng Kautusan kung paano dapat gumawi ang mga Israelita hindi lamang may kinalaman sa mga relihiyosong bagay kundi pati sa mga gawain sa negosyo, mga ugnayan ng mag-asawa, mga kaugalian sa pagkain at kalinisan, at siyempre pa, sa mga hudisyal na pasiya. Ang Kautusan ay may mahihigpit ding parusa laban sa mga manlalabag, anupat ipinatutupad pa nga ang parusang kamatayan sa ilang kaso.a Ngunit ang matuwid bang mga kahilingan ng Diyos, gaya ng ipinahayag sa Kautusan, ay isang malupit at nakapapagod na pasanin sa mga tao, anupat inaalis ang kanilang kalayaan at kagalakan, katulad ng inaangkin ng maraming tao sa ngayon?
10. Ano ang nadarama ng mga umiibig kay Jehova hinggil sa kaniyang mga kautusan?
10 Yaong mga umiibig kay Jehova ay nagkaroon ng malaking kaluguran sa kaniyang matuwid na mga kautusan at dekreto. Halimbawa, hindi lamang kinilala ni Haring David ang pagiging totoo at matuwid ng hudisyal na mga pasiya ni Jehova, kundi, gaya ng nakita na natin, mayroon din siyang taos-pusong pagkagiliw at pagpapahalaga sa mga ito. Ganito ang kaniyang isinulat tungkol sa mga kautusan at hudisyal na mga pasiya ni Jehova: “Ang mga iyon ay higit na nanasain kaysa sa ginto, oo, kaysa sa maraming dalisay na ginto; at mas matamis kaysa sa pulot-pukyutan at sa umaagos na pulot ng mga bahay-pukyutan. Gayundin, ang iyong lingkod ay nabababalaan sa pamamagitan ng mga iyon; sa pag-iingat ng mga iyon ay may malaking gantimpala.”—Awit 19:7, 10, 11.
11. Paano naging isang ‘tagapagturo na umaakay kay Kristo’ ang Kautusan?
11 Pagkalipas ng maraming siglo, binanggit ni Pablo ang higit pang kahalagahan ng Kautusan. Sa kaniyang liham sa mga taga-Galacia, sumulat siya: “Ang Kautusan ay naging tagapagturo natin na umaakay tungo kay Kristo, upang tayo ay maipahayag na matuwid dahil sa pananampalataya.” (Galacia 3:24) Noong kapanahunan ni Pablo, ang isang tagapagturo ay isang lingkod o alipin sa isang malaking sambahayan. Tungkulin niyang ingatan ang mga bata at ihatid sila sa paaralan. Sa katulad na paraan, iningatan ng Kautusan ang mga Israelita mula sa mababang moral at mga relihiyosong kaugalian ng mga bansang nakapalibot sa kanila. (Deuteronomio 18:9-13; Galacia 3:23) Karagdagan pa, ipinabatid ng Kautusan sa mga Israelita ang kanilang pagiging makasalanan at ang kanilang pangangailangan ukol sa kapatawaran at kaligtasan. (Galacia 3:19) Itinampok ng mga kaayusan sa paghahandog ang pangangailangan para sa isang haing pantubos at inilaan nito ang isang makahulang parisan na sa pamamagitan nito ay makikilala ang tunay na Mesiyas. (Hebreo 10:1, 11, 12) Kaya bagaman ipinamalas ni Jehova ang kaniyang katuwiran sa pamamagitan ng Kautusan, ginawa niya ito taglay sa isipan ang kapakanan at walang-hanggang kaligtasan ng mga tao.
Yaong Ibinibilang ng Diyos na Matuwid
12. Ano ang maaari sanang matamo ng mga Israelita sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa Kautusan?
12 Yamang ang Kautusang ibinigay ni Jehova ay matuwid sa bawat aspekto, maaari sanang matamo ng mga Israelita ang isang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod dito. Ganito ang ipinaalaala ni Moises sa mga Israelita nang papasok na sila sa Lupang Pangako: “Mangangahulugan ito ng katuwiran para sa atin, na ingatan nating gawin ang lahat ng utos na ito sa harap ni Jehova na ating Diyos, gaya ng iniutos niya sa atin.” (Deuteronomio 6:25) Bukod dito, nangako si Jehova: “Tutuparin ninyo ang aking mga batas at ang aking mga hudisyal na pasiya, na kung gagawin ng isang tao ay mabubuhay rin siya sa pamamagitan ng mga iyon. Ako ay si Jehova.”—Levitico 18:5; Roma 10:5.
13. Si Jehova ba ay di-makatarungan sa paghiling sa kaniyang bayan na sundin ang matuwid na Kautusan? Ipaliwanag.
13 Nakalulungkot, nabigo ang mga Israelita na “gawin ang lahat ng utos na ito sa harap ni Jehova” bilang isang bansa kung kaya’t hindi nila nakamit ang mga ipinangakong pagpapala. Nabigo silang tuparin ang lahat ng utos ng Diyos dahil ang Kautusan ng Diyos ay sakdal samantalang sila naman ay di-sakdal. Nangangahulugan ba ito na ang Diyos ay di-makatarungan o di-matuwid? Tiyak na hindi. Sumulat si Pablo: “Ano ngayon ang sasabihin natin? May kawalang-katarungan ba sa Diyos? Huwag nawang magkagayon!” (Roma 9:14) Ang totoo, ang mga indibiduwal, na nabuhay bago at pagkatapos maibigay ang Kautusan, ay ibinilang ng Diyos na matuwid sa kabila ng kanilang pagiging di-sakdal at makasalanan. Kasama sa talaan ng mga gayong tao na may takot sa Diyos sina Noe, Abraham, Job, Rahab, at Daniel. (Genesis 7:1; 15:6; Job 1:1; Ezekiel 14:14; Santiago 2:25) Kung gayon, ang tanong ay: Ano ba ang saligan kung bakit ibinilang ng Diyos na matuwid ang mga indibiduwal na ito?
14. Ano ang ibig sabihin ng Bibliya kapag sinasabi nitong “matuwid” ang isang tao?
14 Kapag sinasabi ng Bibliya na “matuwid” ang isang tao, hindi nito ipinahihiwatig ang kawalang-kasalanan o kasakdalan. Sa halip, nangangahulugan ito na natutupad ng isa ang kaniyang mga obligasyon sa harap ng Diyos at ng mga tao. Halimbawa, tinawag si Noe na “isang lalaking matuwid” at “walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon” dahil “ginawa [niya] ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Genesis 6:9, 22; Malakias 3:18) Sina Zacarias at Elisabet, mga magulang ni Juan na Tagapagbautismo, ay “matuwid sa harap ng Diyos dahil sa paglakad nang walang kapintasan ayon sa lahat ng mga utos at mga kahilingan ng batas ni Jehova.” (Lucas 1:6) At ang isang di-Israelita, isang Italyanong opisyal ng hukbo na nagngangalang Cornelio, ay inilarawan bilang “isang lalaking matuwid at natatakot sa Diyos.”—Gawa 10:22.
15. Sa ano lubhang nauugnay ang katuwiran?
15 Karagdagan pa, ang katuwirang masusumpungan sa mga tao ay lubhang nauugnay sa kung ano ang nasa puso ng isa—pananampalataya, pagpapahalaga at pag-ibig ng isa kay Jehova at sa Kaniyang mga pangako—at hindi lamang sa paggawa ng hinihiling ng Diyos. Sinasabi ng Kasulatan na si Abraham ay “nanampalataya kay Jehova; at ibinilang niya itong katuwiran sa kaniya.” (Genesis 15:6) Nanampalataya si Abraham hindi lamang sa pag-iral ng Diyos kundi gayundin sa Kaniyang pangako may kinalaman sa “binhi.” (Genesis 3:15; 12:2; 15:5; 22:18) Salig sa gayong pananampalataya at mga gawang kasuwato ng pananampalataya, maaaring makipag-ugnayan at magbigay ng pagpapala si Jehova kay Abraham at sa iba pang tapat na mga tao bagaman hindi sila sakdal.—Awit 36:10; Roma 4:20-22.
16. Ano ang naging resulta ng pagkakaroon ng pananampalataya sa pantubos?
16 Sa katapus-tapusan, ang katuwiran na taglay ng mga tao ay nakasalalay sa pagkakaroon ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Sumulat si Pablo hinggil sa mga Kristiyano noong unang siglo: ‘Isa ngang kaloob na walang bayad na sila ay ipinahahayag na matuwid ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus.’ (Roma 3:24) Tinutukoy roon ni Pablo yaong mga pinili upang maging mga kasamang tagapagmana ni Kristo sa makalangit na Kaharian. Ngunit ang haing pantubos ni Jesus ay nagbukas din ng pagkakataon para sa milyun-milyong iba pa na matamo ang isang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos. Nakita ni apostol Juan sa isang pangitain ang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, . . . na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nadaramtan ng mahahabang damit na puti.” Sumasagisag ang mahahabang damit na puti sa kanilang pagiging malinis at matuwid sa harap ng Diyos sapagkat “nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.”—Apocalipsis 7:9, 14.
Malugod sa Katuwiran ni Jehova
17. Anong mga hakbang ang dapat na gawin upang maitaguyod ang katuwiran?
17 Bagaman maibiging inilaan ni Jehova ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, bilang ang paraan upang makamit ng mga tao ang isang matuwid na katayuan sa harap niya, tiyak na ang pagtatamo ng gayong katayuan ay hindi awtomatiko. Dapat na manampalataya ang isa sa pantubos, iayon ang buhay niya sa kalooban ng Diyos, mag-alay kay Jehova, at sagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Pagkatapos, dapat na magpatuloy ang isa na itaguyod ang katuwiran, gayundin ang iba pang mga espirituwal na katangian. Si Timoteo, isang bautisadong Kristiyano na may makalangit na pagtawag, ay hinimok ni Pablo: “Itaguyod mo ang katuwiran, makadiyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagbabata, kahinahunan ng kalooban.” (1 Timoteo 6:11; 2 Timoteo 2:22) Idiniin din ni Jesus na kailangan ang patuluyang pagsisikap nang kaniyang sabihin: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” Maaaring puspusan tayong nagpapagal upang hanapin ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos, ngunit gayundin ba ang ating pagpapagal upang itaguyod ang matuwid na mga daan ni Jehova?—Mateo 6:33.
18. (a) Bakit hindi madaling itaguyod ang katuwiran? (b) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Lot?
18 Siyempre pa, hindi madaling itaguyod ang katuwiran. Ito ay dahil sa tayong lahat ay di-sakdal at likas na nakahilig sa kalikuan. (Isaias 64:6) Karagdagan pa, napalilibutan tayo ng mga taong halos walang pakialam sa matuwid na mga daan ni Jehova. Ang ating kalagayan ay kagayang-kagaya niyaong kay Lot, na nanirahan sa lunsod ng Sodoma na bantog sa kabalakyutan. Ipinaliwanag ni apostol Pedro kung bakit itinuring ni Jehova na karapat-dapat na iligtas si Lot mula sa napipintong pagkapuksa noon. Sinabi ni Pedro: “Ang taong matuwid na iyon, sa kaniyang nakita at narinig habang naninirahan sa gitna nila sa araw-araw, ay napahihirapan ang kaniyang matuwid na kaluluwa dahilan sa kanilang mga gawang tampalasan.” (2 Pedro 2:7, 8) Kaya makabubuting itanong ng bawat isa sa atin: ‘Tahimik ba akong sumasang-ayon sa aking puso sa imoral na mga gawain na nakikita natin sa ating palibot? Itinuturing ko ba ang popular ngunit marahas na libangan o isport na basta lamang di-kanais-nais? O nadarama ko bang napahihirapan ako ng gayong mga gawang di-matuwid gaya ng nadama ni Lot?’
19. Anong mga pagpapala ang mapapasaatin kung tayo ay magkakaroon ng kaluguran sa katuwiran ng Diyos?
19 Sa mapanganib at walang katiyakan na panahong ito, ang pagkakaroon ng kaluguran sa katuwiran ni Jehova ay pinagmumulan ng katiwasayan at proteksiyon. Sa tanong na: “O Jehova, sino ang magiging panauhin sa iyong tolda? Sino ang tatahan sa iyong banal na bundok?” sumagot si Haring David: “Siyang lumalakad nang walang pagkukulang at nagsasagawa ng katuwiran.” (Awit 15:1, 2) Sa pamamagitan ng pagtataguyod sa katuwiran ng Diyos at pagkakaroon ng kaluguran dito, mapananatili natin ang isang mabuting kaugnayan sa kaniya at patuloy na matatamasa ang kaniyang lingap at pagpapala. Sa gayon, magkakaroon tayo ng isang buhay na may pagkakontento, paggalang sa sarili, at kapayapaan ng isip. “Siyang nagtataguyod ng katuwiran at maibiging-kabaitan ay makasusumpong ng buhay, katuwiran at kaluwalhatian,” ang sabi ng Salita ng Diyos. (Kawikaan 21:21) Karagdagan pa, ang pagsisikap na gawin ang ating pinakamagaling upang maitaguyod ang katarungan at katuwiran sa lahat ng ating gawain ay nangangahulugan ng maliligayang personal na ugnayan at isang mas magandang uri ng buhay—sa moral at espirituwal na paraan. Ipinahayag ng salmista: “Maligaya ang mga nag-iingat ng katarungan, na nagsasagawa ng katuwiran sa lahat ng panahon.”—Awit 106:3.
[Talababa]
a Para sa mga detalye hinggil sa kung ano ang saklaw ng Kautusang Mosaiko, tingnan ang artikulong “Some Features of the Law Covenant,” sa pahina 214-20 sa tomo 2 ng Insight on the Scriptures, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang katuwiran?
• Paano nauugnay ang kaligtasan sa katuwiran ng Diyos?
• Ano ang saligan kung bakit ibinibilang ng Diyos na matuwid ang mga tao?
• Paano tayo magkakaroon ng kaluguran sa katuwiran ni Jehova?
[Mga larawan sa pahina 15]
Ipinahayag ni Haring David ang kaniyang taos-pusong pagkagiliw sa mga kautusan ng Diyos
[Mga larawan sa pahina 16]
Sina Noe, Abraham, Zacarias at Elisabet, at Cornelio ay ibinilang ng Diyos na matuwid. Alam mo ba kung bakit?