Gumawa ng Pangmadlang Pagpapahayag Ukol sa Kaligtasan
“Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”—ROMA 10:13.
1. Sa paglipas ng kasaysayan, anong mga babala ang inihudyat?
ANG kasaysayan ay naglalarawan ng ilang ‘mga araw ni Jehova.’ Ang Baha noong panahon ni Noe, ang paglipol sa Sodoma at Gomorra, at ang pagkapuksa ng Jerusalem noong 607 B.C.E. at 70 C.E. ay dakila at kakila-kilabot na mga araw ni Jehova. Iyon ay mga araw ng paglalapat ng katarungan sa mga naghimagsik kay Jehova. (Malakias 4:5; Lucas 21:22) Noong mga araw na iyon, marami ang nalipol dahil sa kanilang kabalakyutan. Ngunit nakaligtas ang ilan. Pinangyari ni Jehova na ihudyat ang mga babala, anupat naipabatid sa mga balakyot ang napipintong kapahamakan at nagbigay sa mga may matuwid na puso ng pagkakataong makaligtas.
2, 3. (a) Anong makahulang babala ang inulit noong Pentecostes? (b) Mula noong Pentecostes 33 C.E., ano ang naging kahilingan sa pagtawag sa pangalan ni Jehova?
2 Ang pagkapuksa ng Jerusalem noong 70 C.E. ay isang kapansin-pansing halimbawa nito. Bilang paghula sa pangyayaring iyon halos 900 taon patiuna, sumulat si propeta Joel: “Magbibigay ako ng mga palatandaan sa langit at sa lupa, dugo at apoy at mga haliging usok. Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” Paano makaliligtas ang sinuman sa gayong nakapangingilabot na panahon? Sumulat si Joel sa ilalim ng pagkasi: “Mangyayari na ang sinumang tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas; sapagkat sa Bundok ng Sion at sa Jerusalem doroon yaong nangaligtas, gaya ng sinabi ni Jehova, at sa nangalabi, na tinatawag ni Jehova.”—Joel 2:30-32.
3 Noong Pentecostes 33 C.E., nagtalumpati si apostol Pedro sa isang pulutong ng mga Judio at proselitang nasa Jerusalem at inulit ang hula ni Joel, anupat ipinakita na maaaring maasahan ng kaniyang mga tagapakinig ang isang katuparan sa kanilang panahon: “Magbibigay ako ng mga palatandaan sa langit sa itaas at mga tanda sa lupa sa ibaba, dugo at apoy at singaw ng usok; ang araw ay magiging kadiliman at ang buwan ay dugo bago dumating ang dakila at maningning na araw ni Jehova. At ang bawat isa na tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Gawa 2:16-21) Ang mga pulutong na nakikinig kay Pedro ay pawang nasa ilalim ng Batas Mosaiko, at sa gayo’y alam nila ang pangalan ni Jehova. Ipinaliwanag ni Pedro na, simula noon, mangangahulugan ng higit pa ang pagtawag sa pangalan ni Jehova. Kapansin-pansin, kasali rito ang pagpapabautismo sa pangalan ni Jesus, ang isa na pinatay at pagkatapos ay binuhay-muli tungo sa imortal na buhay sa langit.—Gawa 2:37, 38.
4. Anong mensahe ang ipinahayag nang malawakan ng mga Kristiyano?
4 Mula noong Pentecostes, ipinalaganap ng mga Kristiyano ang salita tungkol sa binuhay-muling si Jesus. (1 Corinto 1:23) Ipinabatid nila na ang mga tao ay maaaring ampunin bilang espirituwal na mga anak ng Diyos na Jehova at maging bahagi ng isang bagong “Israel ng Diyos,” isang espirituwal na bansang ‘magpapahayag nang malawakan ng mga kamahalan ni Jehova.’ (Galacia 6:16; 1 Pedro 2:9) Yaong nanatiling tapat hanggang sa kamatayan ay magmamana ng imortal na buhay sa langit bilang mga kasamang tagapagmana ni Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Mateo 24:13; Roma 8:15, 16; 1 Corinto 15:50-54) Bukod dito, ipahahayag ng mga Kristiyanong ito ang pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova. Kailangan nilang babalaan ang salinlahi ng Judio na makararanas ito ng isang kapighatiang hihigit pa sa anumang humampas sa Jerusalem at sa nag-aangking bayan ng Diyos hanggang sa panahong iyon. Subalit may mga makaliligtas. Sino? Yaong mga tumatawag sa pangalan ni Jehova.
“Sa mga Huling Araw”
5. Anong mga katuparan ng hula ang natutupad sa ngayon?
5 Sa maraming paraan, ang mga kalagayan noon ay lumalarawan sa nakikita natin sa ngayon. Mula noong 1914, nabubuhay ang sangkatauhan sa isang pantanging panahon na tinutukoy sa Bibliya bilang ang “panahon ng kawakasan,” ang “katapusan ng sistema ng mga bagay,” at ang “mga huling araw.” (Daniel 12:1, 4; Mateo 24:3-8; 2 Timoteo 3:1-5, 13) Sa ating siglo, ang malulupit na digmaan, di-mapigil na karahasan, at ang pagkaguho ng lipunan at ng kapaligiran ay nagpatunay sa isang pambihirang katuparan ng hula sa Bibliya. Ang mga ito ay pawang bahagi ng tanda na inihula ni Jesus, anupat nagpapahiwatig na ang sangkatauhan ay malapit nang makaranas ng pangwakas at tiyak na kakila-kilabot na araw ni Jehova. Hahantong ito sa digmaan ng Armagedon, ang kasukdulan ng isang “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.”—Mateo 24:21; Apocalipsis 16:16.
6. (a) Paano kumikilos si Jehova upang iligtas ang maaamo? (b) Saan natin masusumpungan ang payo ni Pablo kung paano makaliligtas?
6 Habang papalapit nang papalapit ang araw ng pagkawasak, kumikilos si Jehova para sa kaligtasan ng maaamo. Sa ganitong “panahon ng kawakasan,” kaniyang tinipon ang mga nalabi ng espirituwal na Israel ng Diyos at ibinaling ang pansin ng kaniyang makalupang mga lingkod, mula noong mga taon ng 1930 patuloy, sa pagtitipon ng “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Bilang isang grupo, ang mga ito ay “lumabas [nang buháy] mula sa malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:9, 14) Subalit paano matitiyak ng bawat isa ang kaniyang kaligtasan? Sinagot ni apostol Pablo ang tanong na ito. Sa Roma kabanata 10, nagbigay siya ng mainam na payo upang makaligtas—payo na kapit sa kaniyang panahon at muling kumakapit sa ating panahon.
Isang Panalangin Ukol sa Kaligtasan
7. (a) Anong pag-asa ang iniharap sa Roma 10:1, 2? (b) Bakit mapangyayari ngayon ni Jehova na maipahayag nang lalong malawakan ang “mabuting balita”?
7 Nang isulat ni Pablo ang aklat ng Roma, itinakwil na ni Jehova ang Israel bilang isang bansa. Gayunman, tiniyak ng apostol: “Ang kabutihang-loob ng aking puso at ang aking pagsusumamo sa Diyos para sa kanila ay tunay ngang para sa kanilang kaligtasan.” Umaasa siya na bawat Judio ay makapagtamo ng tumpak na kaalaman tungkol sa kalooban ng Diyos, na umaakay sa kanilang pagkaligtas. (Roma 10:1, 2) Isa pa, nais ni Jehova na maligtas yaong mga kabilang sa buong sanlibutan ng sangkatauhan na sumasampalataya, gaya ng ipinahiwatig sa Juan 3:16: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Binuksan ng haing pantubos ni Jesus ang daan para sa dakilang kaligtasang ito. Gaya noong panahon ni Noe at sa iba pang mga araw ng paghatol na sumunod, pinapangyari ni Jehova na maipahayag ang “mabuting balita,” anupat itinuro ang daan tungo sa kaligtasan.—Marcos 13:10, 19, 20.
8. Bilang pagsunod sa halimbawa ni Pablo, kanino nagpapaabot ngayon ng kabutihang-loob ang mga Kristiyano, at paano?
8 Bilang pagpapakita ng kaniyang kabutihang-loob kapuwa sa mga Judio at mga Gentil, nangaral si Pablo sa lahat ng pagkakataon. Siya’y “nanghihikayat sa mga Judio at Griego.” Sinabi niya sa matatanda sa Efeso: “Hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng anuman sa mga bagay na kapaki-pakinabang ni sa pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay. Kundi lubusan akong nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at mga Griego tungkol sa pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” (Gawa 18:4; 20:20, 21) Sa katulad na paraan, ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang kanilang sarili sa pangangaral, hindi lamang sa mga nag-aangking Kristiyano kundi sa lahat ng tao, maging sa “pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8; 18:5.
Ipinahahayag “ang ‘Salita’ ng Pananampalataya”
9. (a) Anong uri ng pananampalataya ang pinasisigla ng Roma 10:8, 9? (b) Kailan at paano tayo dapat magpahayag ng ating pananampalataya?
9 Ang isang namamalaging pananampalataya ay kailangan para sa kaligtasan. Bilang pag-ulit sa Deuteronomio 30:14, ganito ang ipinahayag ni Pablo: “ ‘Ang salita ay malapit sa iyo, nasa iyong sariling bibig at nasa iyong sariling puso’; alalaong baga, ang ‘salita’ ng pananampalataya, na aming ipinangangaral.” (Roma 10:8) Habang ipinangangaral natin itong “ ‘salita’ ng pananampalataya,” lalo itong bumabaon sa ating puso. Gayon ang nangyari kay Pablo, at ang mga sinabi pa niya ay makapagpapatibay sa ating pasiya na maging kagaya niya sa pamamahagi ng pananampalatayang ito sa iba: “Kung hayagan mong ipinahahayag yaong ‘salita sa iyong sariling bibig,’ na si Jesus ay Panginoon, at nagsasagawa ng pananampalataya sa iyong puso na ibinangon siya ng Diyos mula sa mga patay, ikaw ay maliligtas.” (Roma 10:9) Hindi lamang ginagawa ang paghahayag na ito sa harap ng iba sa panahon ng bautismo kundi dapat na ito’y maging isang patuloy na paghahayag, isang masigasig na patotoo sa madla ng tungkol sa lahat ng dakilang pitak ng katotohanan. Nakatutok ang gayong katotohanan sa mahalagang pangalan ng Soberanong Panginoong Jehova; sa ating Mesiyanikong Hari at Manunubos, ang Panginoong Jesu-Kristo; at sa dakilang mga pangako ng Kaharian.
10. Kasuwato ng Roma 10:10, 11, paano natin dapat taglayin ang “ ‘salita[ng ito]’ ng pananampalataya”?
10 Walang kaligtasan para sa sinuman na hindi tumatanggap at nagkakapit ng “ ‘salita[ng ito] ng pananampalataya,” yamang sinabi pa ng apostol: “Sa pamamagitan ng puso ang isa ay nagsasagawa ng pananampalataya ukol sa katuwiran, ngunit sa pamamagitan ng bibig ang isa ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan: ‘Walang sinumang naglalagak ng kaniyang pananampalataya sa kaniya ang mabibigo.’ ” (Roma 10:10, 11) Dapat tayong magkamit ng tumpak na kaalaman tungkol sa “ ‘salita[ng ito] ng pananampalataya” at patuloy na linangin ito sa ating puso upang maudyukan tayo na sabihin ito sa iba. Ipinaalaala sa atin ni Jesus mismo: “Ang sinumang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito, ay ikahihiya rin siya ng Anak ng tao kapag siya ay dumating na nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ng mga banal na anghel.”—Marcos 8:38.
11. Gaano kalawak dapat maipahayag ang mabuting balita, at bakit?
11 Gaya ng inihula ni propeta Daniel, sa panahong ito ng kawakasan, “silang may pang-unawa” ay nakikitang sumisikat “na parang ningning ng langit,” habang lumalawak ang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian hanggang sa mga dulo ng lupa. Sila’y “nagdadala ng marami sa katuwiran,” at ang tunay na kaalaman ay tunay namang lumaganap, sapagkat lalong pinagniningning ni Jehova ang liwanag sa mga hula tungkol sa panahong ito ng kawakasan. (Daniel 12:3, 4) Narito ang isang mensahe ng kaligtasan na kailangan para makaligtas ang lahat ng umiibig sa katotohanan at katuwiran.
12. Paano nauugnay ang Roma 10:12 sa atas ng anghel na inilarawan sa Apocalipsis 14:6?
12 Nagpatuloy si apostol Pablo: “Walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, sapagkat may iisang Panginoon sa lahat, na mayaman sa lahat niyaong tumatawag sa kaniya.” (Roma 10:12) Ang “mabuting balita” ay dapat ipangaral ngayon nang lalong malawakan sa buong globo—sa lahat ng bayan, sa mga kadulu-duluhang bahagi ng lupa. Ang anghel sa Apocalipsis 14:6 ay patuloy na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, anupat ipinagkakatiwala sa atin ang “walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” Paano makikinabang dito yaong mga tumutugon?
Pagtawag sa Pangalan ni Jehova
13. (a) Ano ang ating taunang teksto sa 1998? (b) Bakit lubhang angkop sa ngayon ang taunang tekstong ito?
13 Bilang pag-ulit sa Joel 2:32, ganito ang pahayag ni Pablo: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Roma 10:13) Pagkaangkup-angkop nga na ang mga salitang ito ang siyang napili bilang ang taunang teksto ng mga Saksi ni Jehova para sa 1998! Hindi pa kailanman naging gayon na lamang kahalaga ang pagsulong taglay ang tiwala kay Jehova, anupat ipinahahayag ang kaniyang pangalan at ang dakilang mga layunin na kumakatawan dito! Gaya noong unang siglo, gayundin sa mga huling araw ng kasalukuyang masamang sistema ng mga bagay, iparirinig ang umaalingawngaw na panawagan: “Maligtas kayo mula sa likong lahing ito.” (Gawa 2:40) Ito ay isang tulad-trumpetang paanyaya sa lahat ng may-takot-sa-Diyos na mga tao sa buong daigdig na tumawag kay Jehova upang magkaloob ng kaligtasan sa kanila at gayundin sa mga nakikinig sa kanilang pangmadlang pagpapahayag ng mabuting balita.—1 Timoteo 4:16.
14. Sinong Bato ang dapat nating tawagin ukol sa kaligtasan?
14 Ano ang mangyayari kapag nagsimula na sa lupang ito ang dakilang araw ni Jehova? Karamihan ay hindi babaling kay Jehova ukol sa kaligtasan. Ang sangkatauhan sa pangkalahatan ay ‘patuloy na magsasabi sa mga bundok at sa malalaking bato: “Mahulog kayo sa amin at itago ninyo kami mula sa mukha ng Isa na nakaupo sa trono at mula sa poot ng Kordero.” ’ (Apocalipsis 6:15, 16) Ang kanilang pag-asa ay nasa tulad-bundok na mga organisasyon at institusyon ng sistemang ito ng mga bagay. Subalit ano ngang inam kung magtitiwala sila sa pinakadakilang Bato sa lahat, ang Diyos na Jehova! (Deuteronomio 32:3, 4) Tungkol sa kaniya, ganito ang sabi ni Haring David: “Si Jehova ang aking matibay na bato at aking moog at ang Tagapaglaan ng kaligtasan para sa akin.” Si Jehova ang “ating Bato ng kaligtasan.” (Awit 18:2; 95:1) Ang kaniyang pangalan ay “isang matibay na moog,” ang tanging “moog” na totoong matibay upang ipagsanggalang tayo sa panahon ng dumarating na krisis. (Kawikaan 18:10) Kaya naman, napakahalaga na maturuan ang pinakamarami hangga’t maaari sa halos anim na bilyong taong nabubuhay ngayon sa lupa upang tumawag sa pangalan ni Jehova nang buong-katapatan at kataimtiman.
15. Ano ang ipinakikita ng Roma 10:14 hinggil sa pananampalataya?
15 Angkop naman, nagpatuloy si apostol Pablo upang magtanong: “Gayunman, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila napaglagakan ng pananampalataya?” (Roma 10:14) Napakarami ang maaari pang matulungan na yakapin “ang ‘salita’ ng pananampalataya,” upang makatawag kay Jehova ukol sa kaligtasan. Napakahalaga ng pananampalataya. Ganito ang sabi ni Pablo sa isa pang liham: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang mainam, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Subalit paano makapaglalagak ng pananampalataya sa Diyos ang milyun-milyon pa? Sa liham sa mga taga-Roma, nagtanong si Pablo: “Paano naman sila maglalagak ng pananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan?” (Roma 10:14) Naglalaan ba si Jehova ng paraan upang sila’y makarinig? Tiyak na naglalaan siya! Pakinggan ang patuloy na sinabi ni Pablo: “Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral?”
16. Sa kaayusan ng Diyos, bakit kailangan ang mga mangangaral?
16 Mula sa pangangatuwiran ni Pablo ay totoong maliwanag na kailangan ang mga mangangaral. Ipinakita ni Jesus na magiging gayon nga, patuloy “hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:14; 28:18-20) Ang pangangaral ay isang mahalagang bahagi ng kaayusan ng Diyos para sa pagtulong sa mga tao na makatawag sa pangalan ni Jehova upang makaligtas. Kahit sa Sangkakristiyanuhan ay walang ginagawa ang karamihan upang parangalan ang mahalagang pangalan ng Diyos. Marami ang buong-pagkakamaling nag-aakala na si Jehova rin ang dalawa pang persona sa di-maipaliwanag na doktrina ng Trinidad. Gayundin, marami ang napapabilang sa uri na binanggit sa Awit 14:1 at 53:1: “Ang isa na walang-katinuan ay nagsasabi sa kaniyang puso: ‘Walang Jehova.’ ” Kailangan nilang malaman na si Jehova ang Diyos na buháy, at dapat nilang maunawaan ang lahat ng kinakatawanan ng kaniyang pangalan kung ibig nilang makaligtas sa napipintong malaking kapighatian.
Ang ‘Kahali-halinang mga Paa’ ng mga Mangangaral
17. (a) Bakit angkop para kay Pablo na sumipi ng isang hula tungkol sa pagsasauli? (b) Ano ang nasasangkot sa pagkakaroon ng ‘kahali-halinang mga paa’?
17 May isa pang mahalagang tanong si apostol Pablo: “Paano naman sila mangangaral malibang isinugo sila? Gaya ng nasusulat: ‘Kahali-halina ang mga paa niyaong mga nagpapahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!’ ” (Roma 10:15) Sinipi rito ni Pablo ang Isaias 52:7, na bahagi ng hula na kumakapit mula noong 1919. Ngayon, minsan pa, ay isinusugo ni Jehova “ang isa na nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita ng lalong mabuting bagay, na naghahayag ng kaligtasan.” Bilang pagsunod, patuloy na humihiyaw nang may kagalakan ang mga pinahiran ng Diyos na “mga bantay” at ang kanilang mga kasamahan. (Isaias 52:7, 8) Ang mga paa niyaong naghahayag ng kaligtasan sa ngayon ay maaaring mapagod, maalikabok pa nga, habang naglalakad sila sa pagbabahay-bahay, ngunit talaga namang namumula sa kagalakan ang kanilang mga mukha! Batid nila na inatasan sila ni Jehova na ipahayag ang mabuting balita ng kapayapaan at aliwin ang mga nagdadalamhati, anupat tinutulungan ang mga ito na tumawag sa pangalan ni Jehova taglay ang pag-asang makaligtas.
18. Ano ang sinasabi ng Roma 10:16-18 tungkol sa pangwakas na resulta ng pagpapahayag ng mabuting balita?
18 Kahiman ang mga tao’y ‘maglagak ng pananampalataya sa bagay na narinig’ o piliin nilang huwag sundin ito, totoo ang mga salita ni Pablo: “Hindi sila nabigong makarinig, hindi ba? Aba, sa katunayan, ‘sa buong lupa ang kanilang tunog ay lumabas, at hanggang sa mga dulo ng tinatahanang lupa ang kanilang mga pananalita.’ ” (Roma 10:16-18) Kung paanong “ang mga langit ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos,” gaya ng itinatanghal ng kaniyang mga nilalang, gayon dapat ipahayag ng kaniyang mga Saksi sa lupa “ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova at ng araw ng paghihiganti ng ating Diyos . . . upang aliwin yaong lahat ng nagsisitangis.”—Awit 19:1-4; Isaias 61:2.
19. Ano ang magiging resulta para sa mga “tumatawag sa pangalan ni Jehova” ngayon?
19 Papalapit nang papalapit ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova. “Sa aba ng araw na iyon; sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na, at darating na parang kagibaan mula sa Isang Makapangyarihan-sa-lahat!” (Joel 1:15; 2:31) Ipinapanalangin natin na marami pa ang tutugon nang may pagkaapurahan sa mabuting balita, anupat daragsa sa organisasyon ni Jehova. (Isaias 60:8; Habacuc 2:3) Tandaan na ang ibang mga araw ni Jehova ay nagdala ng kapahamakan sa mga balakyot—noong panahon ni Noe, noong panahon ni Lot, at noong mga araw ng apostatang Israel at Juda. Tayo ngayon ay nasa bingit ng pinakamalaking kapighatian sa lahat, kapag papalisin ng hanging bagyo ni Jehova ang kabalakyutan sa balat ng lupang ito, anupat hahawiin ang daan para sa isang paraiso ng walang-hanggang kapayapaan. Magiging isa ka kaya na buong-katapatang “tumatawag sa pangalan ni Jehova”? Kung gayon, magsaya ka! Taglay mo ang sariling pangako ng Diyos na ikaw ay maliligtas.—Roma 10:13.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Anong mga bagong bagay ang ipinahayag pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E.?
◻ Paano dapat magbigay-pansin ang mga Kristiyano sa “ ‘salita’ ng pananampalataya”?
◻ Ano ang kahulugan ng ‘pagtawag sa pangalan ni Jehova’?
◻ Sa anong diwa may ‘kahali-halinang mga paa’ ang mga mensahero ng Kaharian?
[Mga larawan sa pahina 18]
Ipinahahayag ng bayan ng Diyos ang kaniyang kamahalan sa Puerto Rico, Senegal, Peru, Papua New Guinea—oo, sa buong globo