Pagpapalitan ng Pampatibay-Loob Para sa Lahat
1. Anong pantanging mga pagkakataon ang naibibigay ng mga pagdalaw ng mga naglalakbay na tagapangasiwa?
1 Sumulat si apostol Pablo sa kongregasyon sa Roma: “Nananabik akong makita kayo, upang maibahagi ko sa inyo ang ilang espirituwal na kaloob nang sa gayon ay mapatatag kayo; o, kaya, upang magkaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob sa gitna ninyo, ng bawat isa sa pamamagitan ng pananampalataya ng iba, kapuwa ang sa inyo at sa akin.” (Roma 1:11, 12) Ang mga pagdalaw ng mga naglalakbay na tagapangasiwa sa ating makabagong panahon ay nagbibigay ng gayunding pagkakataon para sa pagpapalitan ng pampatibay-loob.
2. Bakit patiunang ipinatatalastas ang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito?
2 Ang Kongregasyon: Mga tatlong buwan bago dumalaw ang tagapangasiwa ng sirkito, karaniwang ipinatatalastas na ito sa kongregasyon. Nagbibigay ito sa atin ng panahon para isaayos ang ating iskedyul upang makinabang tayo nang lubos. (Efe. 5:15, 16) Kung ikaw ay nagtatrabaho, marahil ay makahihingi ka ng bakasyon upang suportahan ang paglilingkod sa larangan sa linggo ng dalaw. Ang ilan ay nagsasaayos ng panahon upang mag-auxiliary pioneer sa buwang iyon. Kung may plano kang pumunta sa ibang lugar sa panahon ng dalaw, maaari mo bang baguhin ang iyong mga plano upang naroroon ka sa linggong iyon?
3. Upang mapatibay sa panahon ng dalaw, pinasisigla tayong gawin ang ano?
3 Ang pangunahing layunin ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito ay ang magbigay ng personal na pampatibay-loob at pagsasanay sa ministeryo sa larangan. Maaari ka bang gumawang kasama niya o ng kaniyang maybahay kung siya ay may-asawa? Natutuwa ang tagapangasiwa ng sirkito na gumawang kasama ng iba’t ibang mamamahayag, pati na yaong walang gaanong karanasan o kakayahan sa ministeryo. Maaaring matuto ang lahat mula sa kaniyang presentasyon sa paglilingkod sa larangan at ikapit ang anumang mungkahing may-kabaitan niyang ibibigay. (1 Cor. 4:16, 17) Magkakaroon ka ng higit pang pagkakataon para sa nakapagpapatibay na pakikipagsamahan kung aanyayahan mo siyang kumaing kasama mo. (Heb. 13:2) Yamang ang kaniyang mga pahayag ay ibinabagay sa mga pangangailangan ng kongregasyon, makinig nang mabuti.
4. Paano natin mapatitibay ang ating tagapangasiwa ng sirkito?
4 Ang Tagapangasiwa ng Sirkito: Si apostol Pablo ay katulad din ng mga kapatid na pinaglingkuran niya. Nakaranas din siya ng mga problema at kabalisahan at kailangan din niya ng pampatibay-loob. (2 Cor. 11:26-28) Nang mabalitaan ng kongregasyon sa Roma na sa wakas ay pupunta roon si Pablo, na isang bilanggo noon, ang ilan ay naglakbay patungo sa Pamilihan ng Apio upang salubungin siya—mga 74 na kilometro ang layo! “Nang makita sila, si Pablo ay nagpasalamat sa Diyos at nagkaroon ng lakas ng loob.” (Gawa 28:15) Maaari mo ring mapatibay ang inyong tagapangasiwa ng sirkito. Bigyan siya ng “dobleng karangalan” sa pamamagitan ng masiglang pagsuporta sa kaniyang dalaw. (1 Tim. 5:17) Ipahayag at ipakita ang iyong taimtim na pagpapahalaga sa kaniyang mga pagsisikap alang-alang sa inyo. Siya at ang kaniyang asawa ay magagalak habang nakikita nila ang iyong pananampalataya, pag-ibig, at pagbabata.—2 Tes. 1:3, 4.
5. Bakit lahat tayo ay nangangailangan ng pampatibay-loob ngayon?
5 Sino ang hindi nangangailangan ng pampatibay-loob sa “panahong [ito na] mapanganib at mahirap pakitunguhan”? (2 Tim. 3:1) Magpasiya ngayon na lubusang makibahagi sa pantanging linggo ng gawain kasama ng tagapangasiwa ng sirkito. Lahat tayo—mga naglalakbay na tagapangasiwa at mamamahayag—ay maaaring makibahagi sa masayang pagpapalitan ng pampatibay-loob. Sa ganitong paraan, ‘patuloy rin nating aaliwin ang isa’t isa at patitibayin ang isa’t isa.’—1 Tes. 5:11.