KABANATA 11
“Inaatasan Kitang Maging Bantay”
POKUS: Nag-atas si Jehova ng isang bantay at sinabi niya ang pananagutan nito
1. Ano ang ginagawa ng mga propeta ni Jehova na inatasang maging bantay, at ano ang sumunod na mga nangyari?
ISANG bantay ang nakatayo sa ibabaw ng pader ng Jerusalem. Habang nakatingin sa malayo, hinaharangan niya ng kamay niya ang nakakasilaw na sikat ng papalubog na araw. Pero bigla niyang itinaas ang trumpeta niya, huminga siya nang malalim, at hinipan niya ang trumpeta para magbigay ng babala—parating na ang hukbo ng Babilonya! Pero huli na ang lahat para sa mga nakatira sa lunsod. Maraming dekada nang nagbababala ang mga inatasan ni Jehova bilang bantay, o propeta, pero ayaw makinig ng bayan. Ngayon, nakapalibot na sa lunsod ang hukbo ng Babilonya. Pagkalipas ng maraming buwan, nasira na ng mga sundalo ang pader at napasok ang lunsod, winasak ang templo, at pinatay o binihag ang di-tapat na mga taga-Jerusalem.
2, 3. (a) Anong sitwasyon ang malapit nang harapin ng mga tao, at ano ang kailangan nilang gawin ngayon? (b) Anong mga tanong ang sasagutin natin?
2 Sa ngayon, malapit nang makipagdigma ang makalangit na hukbo ni Jehova sa di-tapat na mga tao. (Apoc. 17:12-14) Iyan ang magiging wakas ng pinakamalaking kapighatian sa kasaysayan ng sangkatauhan. (Mat. 24:21) Pero para sa marami, hindi pa huli ang lahat para tumugon sa babalang ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng bantay niya.
3 Bakit nag-atas si Jehova ng mga bantay? Anong mensahe ang inihahayag ng isang bantay? Sino ang naging mga bantay, at paano natin masusuportahan ang bantay ngayon? Alamin natin ang sagot sa mga tanong na iyan.
“Babalaan Mo Sila”
4. Bakit nag-atas si Jehova ng mga bantay? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)
4 Basahin ang Ezekiel 33:7. Ang isang literal na bantay ay madalas na tumatayo sa ibabaw ng pader ng lunsod para matiyak na ligtas ang mga naninirahan doon. Patunay ito na nagmamalasakit ang pinuno ng lunsod sa mga sakop niya. Totoo, magugulat ang natutulog na mga mamamayan sa tunog ng trumpeta, pero maililigtas nito ang sinumang magbibigay-pansin. Sa katulad na paraan, nag-atas si Jehova ng mga bantay na magbababala, hindi para takutin ang mga Israelita kundi dahil nagmamalasakit siya sa bayan niya at gusto niya silang maligtas.
5, 6. Paano ipinakita ni Jehova na makatarungan siya?
5 Nang atasan ni Jehova si Ezekiel bilang bantay, nagpakita Siya ng mga katangian na makapagpapatibay sa atin. Tingnan natin ang dalawa sa mga ito.
6 Katarungan: Makatarungan si Jehova dahil nakikitungo siya sa atin bilang mga indibidwal. Halimbawa, kahit tinanggihan ng marami ang mensahe ni Ezekiel, hindi itinuring ni Jehova na rebelde ang lahat ng Israelita; tiningnan niya kung paano tutugon ang bawat isa. Nang kausapin ni Jehova ang mga tao, ginamit niya ang mga salitang “ikaw na masama” at “isang matuwid.” Ipinapakita nito na humahatol si Jehova depende sa pagtugon ng bawat indibidwal.—Ezek. 33:8, 12, 18-20.
7. Ano ang basehan ni Jehova sa paghatol sa mga tao?
7 Makikita rin ang katarungan ni Jehova sa ginagamit niyang basehan ng paghatol sa mga tao. Hinahatulan niya ang mga indibidwal batay sa pagtugon nila sa kasalukuyang babala, hindi dahil sa ginawa nila noon. Sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Kapag sinabi ko sa masama: ‘Tiyak na mamamatay ka,’ pero tinalikuran niya ang paggawa ng kasalanan at ginawa kung ano ang makatarungan at matuwid, . . . tiyak na patuloy siyang mabubuhay.” Sinabi pa ni Jehova: “Hindi gagamitin laban sa kaniya ang alinman sa nagawa niyang kasalanan.” (Ezek. 33:14-16) Sa kabilang banda, hindi dapat isipin ng isang nagrerebelde na naging matuwid naman siya noon kaya hindi siya mapaparusahan. Sinabi ni Jehova na kapag ang isang tao ay “nagtiwala . . . sa sarili niyang katuwiran at ginawa ang mali, hindi aalalahanin ang alinman sa mga ginawa niyang matuwid, kundi mamamatay siya dahil sa masamang ginawa niya.”—Ezek. 33:13.
8. Ano ang matututuhan natin tungkol sa katarungan ni Jehova mula sa pagbibigay ng babala ng mga propeta?
8 Makatarungan din si Jehova dahil pagkatapos niyang magbabala, nagbibigay siya ng sapat na panahon sa mga tao bago siya kumilos. Nagsimulang magbabala si Ezekiel mga anim na taon bago wasakin ng hukbo ng Babilonya ang Jerusalem. Pero hindi siya ang unang nagbabala sa bayan ng Diyos. Sa loob ng mahigit isang siglo bago wasakin ang Jerusalem, ipinadala na ni Jehova ang mga propetang sina Oseas, Isaias, Mikas, Oded, at Jeremias bilang mga bantay. Sinabi ni Jehova kay Jeremias na ipaalaala sa mga Israelita: “Nag-atas ako ng mga bantay para sabihin, ‘Magbigay-pansin kayo sa tunog ng tambuli!’” (Jer. 6:17) Hindi maisisisi kay Jehova o sa mga bantay niya ang mangyayari sa kanila kapag inilapat na ng mga Babilonyo ang hatol ni Jehova.
9. Paano nagpakita si Jehova ng tapat na pag-ibig?
9 Pag-ibig: Nagpakita si Jehova ng tapat na pag-ibig nang magpadala siya ng mga bantay para magbabala hindi lang sa mga matuwid, kundi pati sa masasama, kahit sinaktan siya ng mga ito at sinira ang reputasyon niya. Isipin mo—ang mga Israelita ay kilala bilang bayan ni Jehova, pero paulit-ulit nila siyang tinalikuran at sumamba sila sa huwad na mga diyos! Para ipakita kung gaano kasakit ang ginawa nila, itinulad sila ni Jehova sa isang mapangalunyang asawa. (Ezek. 16:32) Pero hindi sila agad sinukuan ni Jehova. Sinikap niyang makipagkasundo sa kanila imbes na gantihan sila. Naglapat lang siya ng hatol matapos niyang paulit-ulit na bigyan ng pagkakataon ang bayan na magbago. Bakit? Sinabi niya kay Ezekiel: “Hindi ako natutuwa kapag namatay ang masama. Mas gusto kong magbago siya at patuloy na mabuhay.” (Ezek. 33:11) Iyan ang naramdaman ni Jehova noon, at iyan pa rin ang nararamdaman niya ngayon.—Mal. 3:6.
10, 11. Anong mga aral ang matututuhan natin sa pakikitungo ni Jehova sa bayan niya?
10 Ano ang matututuhan natin sa pagpapakita ni Jehova ng katarungan at pag-ibig sa mga Israelita? Una, tandaan natin na magkakaiba ang kalagayan ng mga taong pinangangaralan natin. Maling isipin na hindi karapat-dapat ang isang tao sa mensahe natin dahil sa nagawa niya noon o dahil sa kaniyang kultura, lahi, wika, o kalagayan sa buhay. Totoo pa rin sa ngayon ang sinabi ni Jehova kay apostol Pedro: “Hindi nagtatangi ang Diyos, kundi tinatanggap niya ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng tama, saanmang bansa ito nagmula.”—Gawa 10:34, 35.
11 Ikalawa, dapat na lagi nating paalalahanan ang ating sarili; hindi natin maikakatuwiran na puwede na tayong gumawa ng mali dahil sa mga nagawa nating tama. Tandaan na may tendensiya rin tayong magkasala gaya ng mga pinangangaralan natin. Totoo rin sa atin ang payong ibinigay ni apostol Pablo sa kongregasyon sa Corinto: “Ang sinumang nag-iisip na nakatayo siya ay dapat mag-ingat para hindi siya mabuwal. Anumang tuksong dumating sa inyo ay nararanasan din ng ibang tao.” (1 Cor. 10:12, 13) Ayaw nating ‘magtiwala sa sarili nating katuwiran’ at isipin na hindi tayo paparusahan sa ginagawa nating masama dahil gumagawa rin tayo ng mabuti. (Ezek. 33:13) Gaano man tayo katagal na naglilingkod kay Jehova, kailangan pa rin nating maging mapagpakumbaba at masunurin.
12. Kung nakagawa tayo ng malubhang kasalanan noon, ano ang dapat nating tandaan?
12 Paano naman kung nakagawa tayo ng malubhang kasalanan noon at binabagabag pa rin tayo nito hanggang ngayon? Natutuhan natin sa mensahe ni Ezekiel na paparusahan ni Jehova ang di-nagsisising mga nagkasala. Pero natutuhan din natin na si Jehova ay pangunahin nang isang Diyos ng pag-ibig, hindi ng paghihiganti. (1 Juan 4:8) Kung patutunayan natin sa ating pagkilos na nagsisisi tayo, patatawarin tayo ng Diyos. (Sant. 5:14, 15) Handa si Jehova na patawarin ang di-tapat na mga Israelita noon, at handa rin siyang patawarin tayo.—Awit 86:5.
“Sabihin Mo sa mga Anak ng Iyong Bayan”
13, 14. (a) Anong mensahe ang inihahayag ng mga bantay? (b) Anong mensahe ang inihayag ni Isaias?
13 Basahin ang Ezekiel 33:2, 3. Anong mensahe ang inihahayag ng mga bantay ni Jehova? Pangunahin na rito ang mga babala. Pero may dala rin silang magandang balita. Tingnan ang ilang halimbawa.
14 Si Isaias, na naging propeta noong mga 778 hanggang 732 B.C.E., ay nagbabala na sasakupin ng mga Babilonyo ang Jerusalem at ipatatapon ang mga nakatira doon. (Isa. 39:5-7) Pero ginabayan din siya para isulat: “Pakinggan mo! Sumisigaw ang mga bantay mo. Sabay-sabay silang humihiyaw sa kagalakan, dahil kitang-kita nila na tinitipong muli ni Jehova ang Sion.” (Isa. 52:8) Naghayag si Isaias ng napakagandang balita—ibabalik ang dalisay na pagsamba!
15. Anong mensahe ang inihayag ni Jeremias?
15 Si Jeremias ay naging propeta mula 647 hanggang 580 B.C.E. Inaakala ng marami na puro kapahamakan lang ang mensahe niya. At talaga namang nakapagbabala siya sa masasamang Israelita tungkol sa kapahamakang pasasapitin ni Jehova sa kanila.a Pero nagdala rin siya ng magandang balita—inihula niya na babalik ang bayan ng Diyos sa lupain nila at ibabalik doon ang dalisay na pagsamba.—Jer. 29:10-14; 33:10, 11.
16. Paano nakinabang sa mensahe ni Ezekiel ang mga tapon sa Babilonya?
16 Si Ezekiel ay inatasan bilang bantay noong 613 B.C.E., at ginampanan niya iyan hanggang 591 B.C.E. o mas matagal pa rito. Gaya ng tinalakay sa Kabanata 5 at 6, masigasig na nagbabala si Ezekiel sa mga Israelita tungkol sa kapahamakang darating sa kanila, kaya wala siyang pagkakasala sa dugo. Bukod sa nakapagbabala siya sa mga tapon sa Babilonya na paparusahan ni Jehova ang mga apostata sa Jerusalem, natulungan din niya silang manatiling gisíng sa espirituwal para maging handa sila sa mga gawain sa hinaharap. Pagkatapos ng 70-taóng pagkatapon, ibabalik ni Jehova sa lupain ng Israel ang isang grupo ng natirang mga Judio. (Ezek. 36:7-11) Karamihan sa mga Judiong ito ay mga anak at apo ng mga nakinig kay Ezekiel. Gaya ng ipinakita sa Seksiyon 3, maraming magandang balita si Ezekiel na nagpatunay na ibabalik ang dalisay na pagsamba sa Jerusalem.
17. Kailan nag-aatas si Jehova ng mga bantay?
17 Ang mga propetang ito lang ba, na humula bago at pagkatapos ng pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., ang ginamit ni Jehova bilang bantay? Hindi. Sa bawat mahalagang pangyayari na may kaugnayan sa layunin ni Jehova, nag-aatas siya ng mga bantay para magbabala sa masasama at maghayag ng magandang balita.
Mga Bantay Noong Unang Siglo
18. Anong atas ang ginampanan ni Juan Bautista?
18 Noong unang siglo C.E., nagsilbing bantay si Juan Bautista. Nagbabala siya sa sambahayan ng Israel na malapit na itong itakwil. (Mat. 3:1, 2, 9-11) Pero hindi lang iyan. Sinabi ni Jesus na si Juan ang inihulang “mensahero” na naghanda ng daan para sa Mesiyas. (Mal. 3:1; Mat. 11:7-10) Kasama sa atas na iyan ang paghahayag ng magandang balita—dumating na ang “Kordero ng Diyos,” si Jesus, at aalisin niya ang “kasalanan ng sangkatauhan.”—Juan 1:29, 30.
19, 20. Paano naging bantay si Jesus at ang mga alagad niya?
19 Si Jesus ang pinakadakila sa lahat ng bantay. Gaya ni Ezekiel, si Jesus ay ipinadala ni Jehova sa “sambahayan ng Israel.” (Ezek. 3:17; Mat. 15:24) Nagbabala si Jesus na ang bansang Israel ay malapit nang itakwil at na mawawasak ang Jerusalem. (Mat. 23:37, 38; 24:1, 2; Luc. 21:20-24) Pero ang pangunahin niyang gawain ay ang maghayag ng mabuting balita.—Luc. 4:17-21.
20 Noong nasa lupa si Jesus, sinabi niya sa mga alagad niya: “Patuloy kayong magbantay.” (Mat. 24:42) Sinunod nila ang utos niya at nagsilbi silang mga bantay; nagbabala sila na itinakwil na ni Jehova ang sambahayan ng Israel at ang lunsod ng Jerusalem. (Roma 9:6-8; Gal. 4:25, 26) At gaya ng naunang mga bantay, may dala rin silang magandang balita. Kasama rito ang mensahe na puwede nang mapabilang ang mga Gentil sa pinahiran-ng-espiritung Israel ng Diyos at magkakapribilehiyo ang mga ito na tumulong kay Kristo sa pagbabalik ng dalisay na pagsamba sa lupa.—Gawa 15:14; Gal. 6:15, 16; Apoc. 5:9, 10.
21. Paano naging mahusay na bantay si Pablo?
21 Si apostol Pablo ay isang mahusay na bantay noong unang siglo. Sineryoso niya ang pananagutan niya. Gaya ni Ezekiel, alam niyang magkakasala siya sa dugo kung hindi niya magagawa ang kaniyang atas. (Gawa 20:26, 27) Gaya ng ibang bantay, hindi lang nagbabala si Pablo kundi naghayag din siya ng mabuting balita. (Gawa 15:35; Roma 1:1-4) Sa patnubay ng banal na espiritu, sinipi niya ang hula ni Isaias: “Napakagandang pagmasdan sa mga bundok ang mga paa ng nagdadala ng mabuting balita,” at iniugnay niya ito sa pangangaral ng mga tagasunod ni Kristo tungkol sa Kaharian ng Diyos.—Isa. 52:7, 8; Roma 10:13-15.
22. Ano ang nangyari pagkamatay ng mga apostol?
22 Pagkamatay ng mga apostol, ang inihulang apostasya ay nangibabaw sa kongregasyong Kristiyano. (Gawa 20:29, 30; 2 Tes. 2:3-8) Sa loob ng mahabang panahon, naging mas marami ang huwad na mga Kristiyano, o mga panirang-damo, kaysa sa tulad-trigong mga tagasunod ni Kristo, at ang malinaw na mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos ay napalabo ng maling mga turo. (Mat. 13:36-43) Pero nang dumating na ang panahon para mamagitan si Jehova, muli niyang ipinakita ang katarungan niya at pag-ibig sa pamamagitan ng pag-aatas ng mga bantay para magbigay ng malinaw na babala at maghayag ng mabuting balita. Sino ang mga bantay na ito?
Muling Nag-atas si Jehova ng mga Bantay Para Magbabala sa Masasama
23. Anong papel ang ginampanan ni C. T. Russell at ng mga kasamahan niya?
23 Noong mga taon bago 1914, si Charles Taze Russell at ang mga kasamahan niya ang naging “mensahero” na ‘naghanda ng daan’ bago itatag ang Mesiyanikong Kaharian.b (Mal. 3:1, tlb.) Naging bantay rin sila, at ginamit nila ang magasing Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence para magbabala tungkol sa paghatol ng Diyos at para ihayag ang mabuting balita tungkol sa Kaharian niya.
24. (a) Paano naging bantay ang tapat na alipin? (b) Ano ang natutuhan mo mula sa mga bantay noon? (Tingnan ang chart na “Ilang Mahuhusay na Bantay.”)
24 Nang maitatag na ang Kaharian, nag-atas si Jesus ng isang maliit na grupo ng mga lalaki bilang tapat na alipin. (Mat. 24:45-47) Mula noon, ang tapat na alipin, na kilala ngayon bilang ang Lupong Tagapamahala, ay naglilingkod na bilang bantay. Nangunguna ito sa pagbibigay ng babala tungkol sa “araw ng paghihiganti” at sa paghahayag ng “taon ng kabutihang-loob ni Jehova.”—Isa. 61:2; tingnan din ang 2 Corinto 6:1, 2.
25, 26. (a) Ano ang dapat gawin ng lahat ng tagasunod ni Kristo, at paano nila magagawa iyan? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
25 Pinangungunahan ng tapat na alipin ang gawain ng bantay, pero inutusan din ni Jesus ang “lahat” ng tagasunod niya na ‘patuloy na magbantay.’ (Mar. 13:33-37) Sinusunod natin iyan sa pamamagitan ng pananatiling gisíng sa espirituwal, na sinusuportahan ang makabagong-panahong bantay. Pinatutunayan nating gisíng tayo kapag ginagampanan natin ang ating atas na mangaral. (2 Tim. 4:2) Bakit natin ginagawa iyan? Ang isang dahilan ay gusto nating magligtas ng buhay. (1 Tim. 4:16) Di-magtatagal, marami ang mapupuksa dahil binale-wala nila ang babala ng makabagong-panahong bantay. (Ezek. 3:19) Pero ang pangunahing dahilan ay gusto nating ibahagi ang napakagandang balita—ibinalik na ang dalisay na pagsamba! Ngayong “taon ng kabutihang-loob ni Jehova,” may pagkakataon ang marami na sumama sa atin sa pagsamba sa ating makatarungan at maibiging Diyos, si Jehova. Lahat ng makaliligtas sa katapusan ng masamang sistemang ito ay makikinabang sa pamamahala ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus. Magagawa ba nating hindi tumulong sa paghahayag ng napakagandang balitang iyan?—Mat. 24:14.
26 Bago magwakas ang masamang sistemang ito, pinagkaisa na ni Jehova ang bayan niya sa kamangha-manghang paraan. Tatalakayin sa susunod na kabanata ang hula tungkol sa dalawang patpat na magpapakita kung paano nangyari ang pagkakaisang ito.
a Ang salitang “kapahamakan” ay lumilitaw nang mahigit 60 beses sa aklat ng Jeremias.
b Ang hulang ito at ang katuparan nito ay tinatalakay sa kabanata 2, “Isinilang sa Langit ang Kaharian,” ng aklat na Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!