Ezekiel
33 Dumating sa akin ang salita ni Jehova: 2 “Anak ng tao, sabihin mo sa mga anak ng iyong bayan,+
“‘Ipagpalagay nang nagpadala ako ng espada sa isang lupain,+ at ang mga tao sa lupaing iyon ay kumuha ng isang bantay. 3 Nang makita nitong dumarating ang espada, hinipan nito ang tambuli at nagbabala sa mga tao.+ 4 Kung narinig ng isa ang tunog ng tambuli pero hindi siya nagbigay-pansin sa babala+ kaya napatay siya ng espada, siya ang may kasalanan sa pagkamatay niya.+ 5 Narinig niya ang tunog ng tambuli, pero hindi siya nagbigay-pansin sa babala. Siya ang may kasalanan sa pagkamatay niya. Kung nagbigay-pansin sana siya sa babala, makaliligtas siya.
6 “‘Pero kung nakita ng bantay ang dumarating na espada at hindi niya hinipan ang tambuli+ kaya hindi nababalaan ang mga tao at may isang taong* napatay ng espada, ang taong iyon ay mamamatay dahil sa sarili nitong kasalanan, pero sisingilin ko sa bantay ang dugo nito.’*+
7 “Anak ng tao, inaatasan kitang maging bantay sa sambahayan ng Israel; at kapag may narinig kang salita mula sa aking bibig, babalaan mo sila.+ 8 Kapag sinabi ko sa masama, ‘Ikaw na masama, tiyak na mamamatay ka!’+ pero hindi mo siya binigyan ng babala para baguhin niya ang kaniyang landasin, mamamatay siya dahil sa sarili niyang kasalanan,+ pero sisingilin ko sa iyo ang dugo niya. 9 Kung binigyan mo ng babala ang masama para iwan niya ang kaniyang landasin pero ayaw niyang magbago, mamamatay siya dahil sa kasalanan niya,+ pero maililigtas mo ang buhay mo.+
10 “At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa sambahayan ng Israel, ‘Sinabi ninyo: “Nanghihina tayo dahil sa ating mga paghihimagsik at kasalanang nagpapabigat sa atin,+ kaya paano tayo patuloy na mabubuhay?”’+ 11 Sabihin mo sa kanila, ‘“Tinitiyak ko, kung paanong buháy ako,” ang sabi ng Kataas-taasang* Panginoong Jehova, “hindi ako natutuwa kapag namatay ang masama.+ Mas gusto kong magbago siya+ at patuloy na mabuhay.+ Manumbalik kayo, talikuran ninyo ang masamang landasin ninyo,+ dahil bakit kailangan ninyong mamatay, O sambahayan ng Israel?”’+
12 “At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa mga anak ng iyong bayan, ‘Kapag nagrebelde ang isang matuwid, hindi siya maililigtas ng pagiging matuwid niya noon;+ at kapag tinalikuran ng masama ang dati niyang landasin, hindi siya mapupuksa dahil sa kasamaan niya noon;+ at kahit matuwid noon ang isang tao, hindi siya maliligtas dahil dito sa araw na magkasala siya.+ 13 Kapag sinabi ko sa matuwid: “Tiyak na patuloy kang mabubuhay,” pero nagtiwala siya sa sarili niyang katuwiran* at ginawa ang mali,*+ hindi aalalahanin ang alinman sa mga ginawa niyang matuwid, kundi mamamatay siya dahil sa masamang ginawa niya.+
14 “‘At kapag sinabi ko sa masama: “Tiyak na mamamatay ka,” pero tinalikuran niya ang paggawa ng kasalanan at ginawa kung ano ang makatarungan at matuwid,+ 15 ibinalik ang panagot,+ binayaran ang ninakaw niya,+ at tumigil siya sa paggawa ng mali at sumunod sa kautusan na umaakay sa buhay, tiyak na patuloy siyang mabubuhay.+ Hindi siya mamamatay. 16 Hindi gagamitin laban sa kaniya* ang alinman sa nagawa niyang kasalanan.+ Patuloy siyang mabubuhay dahil ginawa niya kung ano ang makatarungan at matuwid.’+
17 “Pero sinabi ng bayan mo, ‘Hindi makatarungan ang daan ni Jehova,’ samantalang ang daan nila ang talagang hindi makatarungan.
18 “Kapag tinalikuran ng matuwid ang pagiging matuwid niya at ginawa ang mali, dapat siyang mamatay.+ 19 Pero kapag tinalikuran ng masama ang kaniyang kasamaan at ginawa kung ano ang makatarungan at matuwid, patuloy siyang mabubuhay.+
20 “Pero sinabi ninyo, ‘Hindi makatarungan ang daan ni Jehova.’+ Hahatulan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa kaniyang landasin, O sambahayan ng Israel.”
21 Nang maglaon, nang ika-12 taon, noong ikalimang araw ng ika-10 buwan ng aming pagkatapon, dumating ang isang takas mula sa Jerusalem at sinabi niya sa akin:+ “Bumagsak na ang lunsod!”+
22 Noong gabi bago dumating ang nakatakas, sumaakin ang kapangyarihan* ni Jehova, at ibinuka Niya ang bibig ko bago kami nagkita ng lalaki kinaumagahan. Kaya nabuksan ang bibig ko, at hindi na ako pipi.+
23 At dumating sa akin ang salita ni Jehova: 24 “Anak ng tao, sinasabi ng mga nakatira sa winasak na mga lunsod+ tungkol sa lupain ng Israel, ‘Kahit iisa lang si Abraham, naging pag-aari niya ang lupain.+ Pero tayo ay marami, kaya siguradong sa atin na ang lupain.’
25 “Kaya sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Kumakain kayo ng may dugo+ at sumasamba sa karima-rimarim na mga idolo* ninyo, at patuloy kayong pumapatay.+ Kaya bakit ko ibibigay sa inyo ang lupain? 26 Umaasa kayo sa espada ninyo,+ gumagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay, at dinurungisan ng bawat isa sa inyo ang asawa ng kapuwa niya.+ Kaya bakit ko ibibigay sa inyo ang lupain?”’+
27 “Ito ang dapat mong sabihin sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy ako, ang mga nakatira sa nawasak na mga lunsod ay mamamatay sa espada; ang mga nasa parang ay magiging pagkain ng mababangis na hayop; at ang mga nakatira sa mga tanggulan at kuweba ay mamamatay sa sakit.+ 28 Lubusan kong wawasakin at gagawing tiwangwang ang lupain,+ at babagsak ang ipinagmamalaki nito, at ang mga bundok ng Israel ay magiging tiwangwang+ at walang dadaan dito. 29 At malalaman nila na ako si Jehova kapag lubusan kong winasak at ginawang tiwangwang ang lupain+ dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ginawa nila.”’+
30 “Ikaw, anak ng tao, pinag-uusapan ka ng mga kababayan mo sa tabi ng mga pader at sa pasukan ng mga bahay.+ Sinasabi nila sa isa’t isa, sa kani-kaniyang kapatid, ‘Halika, at pakinggan natin ang salita ni Jehova.’ 31 Sama-sama silang pupunta sa iyo bilang bayan ko at uupo sa harap mo; at makikinig sila sa sasabihin mo, pero hindi nila ito gagawin.+ Dahil papuri sa iyo ang lumalabas sa bibig nila,* pero sakim at madaya ang puso nila. 32 Para sa kanila, isa kang romantikong awitin na kinakanta ng isang mang-aawit na may magandang boses at mahusay tumugtog ng instrumentong de-kuwerdas. Pakikinggan ka nila, pero hindi sila kikilos ayon sa sinabi mo. 33 Kapag nagkatotoo iyon—at tiyak na magkakatotoo iyon—malalaman nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila.”+